Library
Lesson 125: 3 Nephi 15–16


Lesson 125

3 Nephi 15–16

Pambungad

Sa patuloy na pagtuturo ng Tagapagligtas sa mga tao sa templo na nasa lupaing Masagana, ipinahayag Niya na ang batas ni Moises ay natupad na at Siya ang ilaw at ang batas na dapat tingnan ng mga tao. Pagkatapos ay ipinaliwanag Niya sa labindalawang disipulo na ang mga tao sa mga lupain ng Amerika ang “ibang mga tupa” na binanggit Niya sa Jerusalem (tingnan sa Juan 10:14–16). Ipinangako rin Niya na ang mga magsisisi at babalik sa Kanya ay ibibilang sa Kanyang mga pinagtipanang tao.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

3 Nephi 15:1–10

Ipinahayag ng Tagapagligtas na Kanyang tinupad ang batas ni Moises

Bago magsimula ang klase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong:

Bakit kailangang magbayad ng ikapu? Bakit kailangang panatilihing banal ang araw ng Sabbath? Bakit kailangang igalang ang inyong mga magulang?

Para masimulan ang lesson, ituro ang mga tanong sa pisara at itanong:

  • May mga taong nag-iisip kung bakit nagbibigay ng mga kautusan ang Panginoon. Paano ninyo ipapaliwanag ang layunin ng mga kautusan?

Sabihin sa mga estudyante na sa pagtuturo ni Jesucristo sa mga Nephita, itinuro Niya sa kanila na ang isang layunin ng Kanyang mga kautusan ay ituro ang mga tao sa Kanya. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang layuning ito sa pag-aaral nila ng 3 Nephi 15.

Ipaliwanag na nang magsalita ang Tagapagligtas sa mga tao, nahiwatigan Niya na ilan sa kanila ay may katanungan. Ipabasa nang mabilis sa mga estudyante ang 3 Nephi 15:1–2 at alamin ang gustong malaman ng mga taong ito. (Inisip nila kung ano ang nais ipagawa sa kanila ng Tagapagligtas “hinggil sa mga batas ni Moises.” Ang pagsamba, mga seremonya, at organisasyon ng Simbahan ng mga Nephita ay itinatag sa mga batas ni Moises upang ihanda ang mga tao para sa pagparito ni Jesucristo at tulungan silang umasa sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Malinaw na nalito ang ilan hinggil sa dapat nilang gawin sa halip na sundin ang batas ni Moises.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 15:3–5, 9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga parirala sa paliwanag ng Tagapagligtas na maaaring nagbigay ng katiyakan sa mga Nephita na ang kanilang pananampalataya ay hindi kailangang magbago. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga pariralang nahanap nila. Sabihin sa kanila na ipaliwanag kung bakit sa palagay nila ay makatutulong ang mga pariralang ito sa mga Nephita.

  • Ano sa palagay ninyo ang itinuturo ni Jesus nang ipahayag Niya na Siya “ang batas”? (3 Nephi 15:9).

Maaaring makapagbigay ng iba-ibang sagot ang mga estudyante. Sa pagsagot nila, tulungan silang matukoy ang mga sumusunod na katotohanan (isulat ang mga katotohanang ito sa pisara): Si Jesucristo ang pinagmumulan ng batas. Lahat ng batas ng ebanghelyo ay nagtuturo sa atin kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Kung susundin natin ang Kanyang mga kautusan, tatanggap tayo ng buhay na walang hanggan.

  • Bakit magiging mahalaga para sa mga Nephita na maunawaan ang mga katotohanang ito sa panahong iyon? (Maaari mong ipaliwanag na tulad ng batas ni Moises, ang bagong batas ay nakaturo sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Bagama’t mababago ang ilan sa mga paraan ng pagsamba ng mga tao, patuloy silang sasampalataya kay Jesucristo at sasamba sa Ama sa Kanyang pangalan.)

Ibuod ang 3 Nephi 15:6–8 na ipinapaliwanag na tiniyak ng Tagapagligtas sa mga tao na tulad ng mga salita ng mga propeta hinggil sa isang Manunubos na natupad sa Kanya, ang kanilang mga propesiya hinggil sa mga mangyayari sa hinaharap ay matutupad rin. Ipinaliwanag din Niya na ang mga tipan na ginawa Niya sa Kanyang mga tao ay may bisa pa rin at matutupad.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 15:9–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang nais ng Tagapagligtas na gawin ng Kanyang mga tao sa nalaman nilang mga katotohanan na nakasulat sa pisara.

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng “tumingin kayo kay” Cristo?

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang 3 Nephi 15:9–10 at ibuod kung paano nais ng Panginoon na ipamuhay natin ang ebanghelyo at ang pagpapalang dumarating bunga nito. Maaaring iba-iba ang magawang buod ng mga estudyante sa scripture passage na ito, ngunit dapat makita sa kanilang mga sagot ang sumusunod na alituntunin: Kung titingin tayo kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan at pagtitiis hanggang wakas, pagkakalooban Niya tayo ng buhay na walang hanggan.)

  • Posible ba na sumunod kay Jesucristo nang hindi sinusunod ang Kanyang mga kautusan? Bakit hindi?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang tanong na isinulat mo sa pisara bago magklase.

  • Posible bang sumunod ang isang tao sa mga kautusan nang hindi tumitingin kay Jesucristo?

  • Ano ang ilang dahilan na maaaring sumunod ang isang tao sa mga kautusan nang hindi tumitingin kay Jesucristo? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang tungkulin, takot na maparusahan, pagnanais na mapabilang o magmukhang mabuti sa paningin ng tao, o pagmamahal sa mga patakaran.)

  • Ano ang dapat nating maging mga dahilan sa pagsunod sa mga kautusan? (Dapat nating sundin ang mga kautusan dahil mahal natin ang Panginoon, nais nating malugod Siya, at gusto natin Siyang paglingkuran.)

  • Paano kayo napagpala nang sundin ninyo ang mga kautusan nang may tunay na layunin?

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang kautusan o pamantayan ng ebanghelyo na nahirapan silang maunawaan at masunod. Sabihin sa kanila na isipin kung paano maaaring magbago ang kanilang nadarama tungkol sa kautusan o pamantayang ito kung ang dahilan ng kanilang pagsunod ay ang pagmamahal nila sa Panginoon. Hikayatin ang mga estudyante na sundin ang mga kautusan dahil mahal nila ang Panginoon. Ibahagi kung paano nakatulong sa iyo ang mga kautusan para lalo ka pang mapalapit sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas.

3 Nephi 15:11–16:5

Nagsalita si Jesucristo sa Kanyang mga disipulo tungkol sa iba pa Niyang mga tupa

Sabihin sa mga estudyante na itaas ang kanilang kamay kung nadama nila na hindi sila gaanong pinahahalagahan kaysa sa iba. Sabihin sa kanila na isipin kung naramdaman nilang nalimutan sila o nag-iisa sila o kung naisip nila kung kilala ba sila ng Ama sa Langit.

Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag: May malasakit ang Diyos sa Kanyang mga anak at ipinapahayag ang Kanyang sarili sa kanila. Tiyakin sa mga estudyande na totoo ang pahayag na ito, at sabihin sa kanila na alamin ang katibayan ng katotohanang ito sa pag-aaral nila ng natitirang bahagi ng 3 Nephi 15 at ng simula ng 3 Nephi 16.

Ipabasa sa isang estudyante ang 3 Nephi 15:11–17 at sabihin sa mga estudyante na alamin ang sinabi ng Panginoon sa mga tao sa Jerusalem tungkol sa Kanyang mga tao sa mga lupain ng Amerika. Maaari mo ring ipabasa sa mga estudyante ang Juan 10:14–16. (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang “ibang mga tupa” ay tumutukoy sa iba pang mga tagasunod ng Pastol na si Jesucristo. Ang salitang kawan ay maaaring tumukoy sa kulungan ng mga tupa, ngunit tumutukoy rin ito sa isang grupo ng mga tao na may iisang paniniwala.)

  • Ayon sa 3 Nephi 15:17, paano ipaaalam ng Panginoon ang Kanyang sarili sa Kanyang iba pang mga tupa o mga tagasunod? (Maririnig nila ang Kanyang tinig.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 15:18–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dahilan kung bakit iniutos ng Ama sa Langit kay Jesucristo na huwag bigyan ng anumang impormasyon ang mga tao sa Jerusalem tungkol sa Kanyang iba pang mga tupa . Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, itanong:

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula rito? (Dapat makita sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Bibigyan tayo ng Diyos ng kaalaman at katotohanan ayon sa ating pananampalataya at pagsunod.)

Ibuod ang 3 Nephi 15:21–23 na ipinapaliwanag na sinabi ng Tagapagligtas sa mga Nephita na sila ang iba pang mga tupa na binanggit Niya; gayunman, inakala ng mga Judio sa Jerusalem na ang tinutukoy Niya ay mga Gentil, o mga hindi Israelita. Hindi nila naunawaan na hindi personal na maririnig ng mga Gentil ang Kanyang tinig.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 15:24 at sabihin sa klase na pakinggan kung paano tiniyak ng Panginoon na nagmamalasakit Siya sa mga Nephita. Maaari mong itanong sa mga estudyante kung ano ang madarama nila kung narinig nilang sinabi ng Panginoon ang mga salitang ito sa kanila.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 16:1–3 at alamin kung sino pa ang makaririnig sa tinig ng Tagapagligtas. Ipaliwanag na wala tayong tala tungkol sa iba pang mga lugar at mga tao na binisita ng Tagapagligtas, ngunit malinaw na binisita Niya ang iba pang mga grupo o “mga kawan.”

Para maipabatid ang ideya na ipaaalam din ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili sa mga hindi makaririnig sa Kanyang tinig, itanong ang mga sumusunod bago sabihin sa mga estudyante na saliksikin ang mga banal na kasulatan para sa mga sagot:

  • Paano naman ang mga taong hindi nakarinig sa tinig ng Tagapagligtas? Paano Niya ipapakita sa kanila na nagmamalasakit Siya sa kanila?

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang 3 Nephi 15:22–23 at 3 Nephi 16:4 at alamin ang sinabi ng Panginoon kung paano Niya ipaaalam ang Kanyang sarili sa mga Gentil (sa pamamagitan ng pangangaral sa iba, sa pamamagitan ng pagpapatotoo ng Espiritu Santo, at sa pamamagitan ng mga isinulat ng mga propeta).

  • Paano naipapakita sa mga paraang ito na nagmamalasakit ang Diyos sa lahat ng Kanyang mga anak?

  • Sa paanong paraan ipinaalam ng Panginoon ang Kanyang sarili sa inyo at sa inyong pamilya?

  • Paano kayo makatutulong sa ginagawa ng Panginoon na ipaalam ang Kanyang sarili sa lahat ng Kanyang mga tao?

3 Nephi 16:6–20

Si Jesucristo ay naghayag ng mga pagpapala at mga babala sa mga Gentil na tatanggap ng ebanghelyo sa mga huling araw

Itanong sa mga estudyante kung ginusto nila noon na maging miyembro ng isang grupo, club, o team. Itanong kung ano ang mga kwalipikasyong kailangan para maging miyembro ng grupo na gusto nilang salihan. Sabihin na ang pinakamagandang grupo na masasalihan natin ay ang mga pinagtipanang tao ng Panginoon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 16:6–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon na mangyayari sa mga huling araw dahil ang mga Gentil ay maniniwala sa Kanya at ang sambahayan ni Israel ay hindi maniniwala sa Kanya. (Maaari mong ipaliwanag na ginamit ng mga propeta sa Aklat ni Mormon ang salitang mga Gentil upang tukuyin ang mga taong hindi nagmula sa Banal na Lupain. Kaya nga, ang salita ay maaaring tumukoy sa mga miyembro ng Simbahan gayon din sa mga hindi naniniwala at miyembro ng ibang mga relihiyon.) Matapos sumagot ang mga estudyante, ibuod ang 3 Nephi 16:8–9 na ipinapaliwanag na ipinropesiya ni Jesucristo na may mga Gentil rin na hindi maniniwala sa mga huling araw at kanilang ikakalat at pahihirapan ang mga miyembro ng sambahayan ni Israel. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 16:10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mangyayari sa mga Gentil na ito na hindi maniniwala.

  • Ano ang ipinahayag ng Panginoon na mawawala sa mga Gentil na hindi maniniwala?

  • Paano maaaring iangkop ito sa mga taong nalaman ang katotohanan pero iniangat ang kanilang puso sa kapalaluan?

Ipaliwanag na ipinangako ng Panginoon na tutuparin Niya ang Kanyang tipan sa sambahayan ni Israel sa pamamagitan ng pagdadala ng ebanghelyo sa kanila (tingnan sa 3 Nephi 16:11–12). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 16:13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang hinihingi sa isang tao para mapabilang sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon. Isulat sa pisara ang sumusunod: “Kung tayo ay … , tayo ay …” Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang 3 Nephi 16:13 para makumpleto ang pahayag na ito. Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Kung tayo ay magsisisi at babalik kay Jesucristo, tayo ay mapapabilang sa Kanyang mga tao.

  • Bakit isang pagpapala ang mapabilang sa mga tao ng Panginoon?

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo mo sa mga katotohanang itinuro sa lesson ngayon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

3 Nephi 15:1–2. “Ang mga lumang bagay ay lumipas na, at lahat ng bagay ay naging bago”

Sa panahon ng mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, ang mga batas ni Moises ang batayan ng mga Israelita sa aspetong panrelihiyon at panlipunan nang mahigit sa isang libong taon. Hawak ng mga Nephita ang mga nakasulat na talaan ng batas na nasa mga laminang tanso, at itinuro at sinunod ng mga propetang Nephita ang batas na ito. Nang dumalaw ang Tagapagligtas sa mga Nephita, itinuro Niya sa kanila na ang batas ay natupad lahat sa Kanya. Gayunman, hindi nila dapat isipin na ang batas ni Moises ay nawasak o “[nawala]” (3 Nephi 12:17–18). Paano “natupad” at hindi “winasak” ng Tagapagligtas ang batas ni Moises? Kabilang sa batas ni Moises ang aspetong moral at ritwal o seremonya.

Kabilang sa aspetong moral ang mga kautusang gaya ng “Huwag kayong papatay” at “Huwag kayong makikiapid.” Itinuro ni Jesucristo sa mga Nephita na hindi lamang nila iiwasan ang pagpatay at pakikiapid, ngunit pati rin ang galit at pagnanasa—mga kalagayan ng puso na humahantong sa pagpatay at pakikiapid (tingnan sa 3 Nephi 12:21–30). Sa gayon natupad ng ebanghelyo ni Jesucristo ang batas na ibig sabihin ay pinalawak nito ang moral na aspeto ng batas ni Moises sa pagiging mas mataas na batas; kasama rito ang moral na aspeto ng batas ni Moises at inilagay ang mga ito sa konteksto ng mas malawak na mga alituntunin ng ebanghelyo na humihingi ng pagbabago ng puso.

Kabilang sa mga aspetong ritwal o seremonya ng batas ni Moises ang mga kautusan tungkol sa pag-aalay ng mga hayop at mga handog na susunugin—na tinawag ni Abinadi na “mga gawain” at “mga ordenansa” (Mosias 13:30). Naunawaan ng mga propetang Nephita na ang mga bahaging ito ng batas ni Moises ay nilayon para tulungan ang mga tao na umasam sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo (tingnan sa 2 Nephi 25:24; Jacob 4:5; Mosias 16:14–15). Kaya, nang matapos ang misyon ng Tagapagligtas sa lupa, ang mga ordenansang ito ay hindi na gagawin para sa inaasam na kaganapan sa hinaharap—ang kaganapang ito ay nangyari na. Kaya nga itinuro ng Tagapagligtas sa mga Nephita na ang pag-aalay ng mga hayop at mga handog na susunugin ay dapat “tanggalin na” at ang dapat na ialay ng Kanyang mga tagasunod bilang “pinaka-hain” ay “isang bagbag na puso at nagsisising espiritu” (3 Nephi 9:19–20). Bilang kapalit ng mga ordenansa para sa inasam na Pagbabayad-sala, pinasimulan ng Tagapagligtas ang sakramento, isang ordenansa ng pag-alaala, bilang paggunita sa nagbayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas (tingnan sa 3 Nephi 18:1–11).

Sinabi ni Elder Bruce R. McConkie: “Pumarito si Jesus upang ipanumbalik ang kabuuan ng ebanghelyo na natamasa ng mga tao bago ang panahon ni Moises, bago ang panahon ng mas nakabababang orden. Malinaw na hindi siya pumarito upang wasakin ang inihayag niya mismo kay Moises tulad ng isang propesor sa kolehiyo na ginamit pa rin ang aritmetika sa pagtuturo ng mga tuntunin ng integral calculus sa kanyang mga estudyante. Pumarito si Jesus para magtatag sa pundasyong inilatag ni Moises. Sa pamamagitan ng pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo sinunod niya ang mga tuntunin at kundisyon ng panimulang ebanghelyo. Hindi na kailangan pang lumakad ang sinuman sa liwanag ng buwan, dahil ang araw ay sumikat na sa buong kaningningan nito” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:219–20; tingnan din sa Stephen E. Robinson, “The Law after Christ,” Ensign, Set. 1983, 69–73).

3 Nephi 15:1–10. Ibinigay ni Jesucristo ang batas ni Moises at tinupad ito

Itinuro ng mga naunang propeta sa Aklat ni Mormon na matutupad kalaunan ang batas ni Moises. Inihanda nina Nephi, Jacob, at Abinadi ang kanilang mga tao na tanggapin ang katapusan ng batas ni Moises. Tinukoy ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga dahilan kung bakit hindi na sinunod pa ng mga Nephita ang lumang batas at tinanggap ang bagong batas:

“Malinaw na mas mabilis itong naunawaan ng mga Nephita kaysa ng mga Judio at ang isang dahilan nito ay naiturong mabuti ng mga propetang Nephita na sadyang mapapalitan ang batas. Sinabi ni Abinadi, ‘Kinakailangang sundin ninyo ang mga batas ni Moises sa ngayon; subalit sinasabi ko sa inyo, na darating ang panahon na hindi na kakailanganing sundin pa ang mga batas ni Moises.’ [Mosias 13:27; idinagdag ang italics.] Binigyang-diin din ni Nephi ang bagay na ito, ‘Nangungusap kami hinggil sa mga batas upang malaman ng aming mga anak ang pagkawalang-kabuluhan ng mga batas; at sila, sa pamamagitan ng pagkaalam ng pagkawalang-kabuluhan ng mga batas, ay makaaasa sa buhay na yaong na kay Cristo, at malalaman ang layunin kung bakit ibinigay ang mga batas. At matapos matupad ang mga batas kay Cristo, na hindi nila kinakailangang patigasin pa ang kanilang mga puso laban sa kanya kapag kinakailangan nang palitan ang mga batas.’ [2 Nephi 25:27; idinagdag ang italics.]

“Ang ganyang uri ng pagtuturo—isang babala sa pusong patitigasin laban kay Cristo dahil sa walang-kabuluhang paninindigan sa batas ni Moises—ay nakapaglingkod (at nakapagligtas) sana ng maraming buhay noon sa Old World at sa nabubuhay ngayon sa buong mundo” (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 156–57).

3 Nephi 15:5–8. Ang tipan ay hindi pa natutupad lahat

Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin Niyang, “Ang tipan ko na ipinakipagtipan sa aking mga tao ay hindi pa natutupad na lahat”? (3 Nephi 15:8). Si Jehova ay nakipagtipan noon kay Abraham. Si Abraham ay pinangakuan ng (1) walang hanggang inapo, (2) isang lupang pamana, at (3) priesthood ng Diyos. Ipinangako rin ang mga ito sa mga inapo ni Abraham (tingnan sa D at T 132:30–31) at matutupad sa hinaharap.