Lesson 126
3 Nephi 17
Pambungad
Nang patapos na ang unang araw ni Jesucristo sa mga Nephita, nahiwatigan Niya na hindi lubos na naunawan ng maraming tao ang Kanyang mga salita. Itinuro niya sa kanila kung paano tumanggap ng karagdagang pag-unawa, at binigyang-diin Niya ang kahalagahan ng panalangin at pagbubulay-bulay. Nanangis ang mga tao nang sabihin Niya na aalis na Siya. Puspos ng pagkahabag, nanatili pa nang kaunti ang Tagapagligtas upang pagalingin ang mga maysakit, manalangin para sa mga tao, at basbasan ang kanilang mga anak. Napuspos ng kagalakan ang mga Nephita.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
3 Nephi 17:1–3
Iniutos ni Jesus sa mga Nephita na pagbulay-bulayin ang Kanyang mga salita at manalangin na makaunawa
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay nangyari sa kanila ang sumusunod na sitwasyon: Kayo ng kaibigan mo ay nakaupo sa unahan sa isang pangkalahatang kumperensya o regional conference kung saan nagsasalita ang propeta. Habang naroon kayo, nakausap ninyo siya. Nang matapos na ang kumperensya, umuwi na kayo ng kaibigan mo.
-
Ano sa palagay mo ang pag-uusapan ninyong magkaibigan pagkatapos ng kumperensya?
Ipaalala sa mga estudyante na nagturo si Jesucristo nang halos buong araw sa mga Nephita. Nang paalis na Siya, nahiwatigan Niya na hindi lubos na naunawan ng mga tao ang itinuro Niya sa kanila. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 17:1–3 at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas sa mga Nephita na dapat nilang gawin upang mas makaunawa. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila.) Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, itanong:
-
Ano ang ibig sabihin ng magbulay-bulay?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan. Sabihin sa klase na pakinggan ang itinuro niya tungkol sa ibig sabihin ng magbulay-bulay.
“Ang pagbabasa, pag-aaral, at pagbubulay ay hindi magkakapareho. Nababasa natin ang mga salita at maaari tayong makakuha ng mga ideya. Nag-aaral tayo at maaari nating matuklasan ang mga huwaran at pagkakaugnay-ugnay ng mga ideya sa banal na kasulatan. Ngunit kapag nagbulay-bulay tayo, nag-aanyaya tayo ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu. Ang pagbubulay, para sa akin, ay ang pag-iisip at pagdarasal na ginagawa ko matapos basahin at pag-aralang mabuti ang mga banal na kasulatan” (“Maglingkod nang May Espiritu,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 60).
-
Sa inyong palagay, paano nakatutulong sa atin ang pagbubulay-bulay at pagdarasal upang maunawaan ang natutuhan natin sa simbahan o seminary?
Ituro ang tagubilin ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 17:3 na dapat “ihanda [ng mga Nephita ang kanilang] mga isip para sa kinabukasan,” dahil babalik Siya upang turuan silang muli.
-
Ano ang maaaring gawin ng isang tao para maihanda ang kanyang isip bago magsimba o mag-seminary?
-
Ano ang kaibahang nagagawa nito kapag inihanda natin ang ating isip para sa mga pagkakataong iyon na matuto?
Para matulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning itinuro sa 3 Nephi 17:1–3, isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag at ipakumpleto ito sa mga estudyante batay sa natutuhan nila.
Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Sa pagbubulay at pagdarasal sa Ama, tayo ay mas makauunawa.
Isulat sa pisara ang sumusunod:
Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa tatlong gawain na nakasulat sa pisara. Bigyan sila ng oras na pag-isipan kung (1) paano nila nagawa ito at (2) paano ito nakatulong sa kanila na mas matuto pa mula sa mga natutuhan nila sa simbahan o sa seminary. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga iniisip. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung paano nila mas mapagbubuti pa ang isa sa tatlong aspetong ito at gumawa ng mga plano kung paano nila gagawin ito. Maaari mong imungkahi na isulat nila ang kanilang mga plano sa kanilang notebook o scripture study journal. Sabihin sa mga estudyante na ang susunod na bahagi ng lesson ay magbibigay sa kanila ng pagkakataon na magbulay-bulay.
3 Nephi 17:4–25
Pinagaling ng Tagapagligtas ang mga maysakit sa mga Nephita, nanalangin sa Ama para sa mga tao, at binasbasan ang kanilang mga anak
Ipakita ang larawang Nagtuturo si Jesus sa Kanlurang Bahagi ng Mundo (62380; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 82). Ipabasa sa isang estudyante ang 3 Nephi 17:4. Ituro ang pariralang “ngayon, ako ay paroroon sa Ama.” Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay katatapos pa lamang ng isang araw na kasama nila ang Tagapagligtas at sinabi Niya na oras na para umalis Siya. Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng madarama nila sa sitwasyong ito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 17:5 at sabihin sa klase na alamin kung ano ang reaksyon ng mga Nephita nang sabihin ng Tagapagligtas na aalis na Siya.
Ipaliwanag na kung hindi dahil sa mabubuting hangarin ng mga Nephita, ang mga pangyayari na nakatala sa 3 Nephi 17 at 18 ay maaaring hindi nangyari. Ang sumusunod na aktibidad ay nilayong tumulong sa mga estudyante na mas lubos na maunawaan ang pagmamahal ni Jesucristo sa Kanyang mga tao at tulungan sila na mahanap nang mag-isa ang mga katotohanan sa mga banal na kasulatan tungkol sa pagkatao ni Jesucristo. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference at sabihin sa mga estudyante na kopyahin ang mga ito sa notebook o scripture study journal:
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson:
“Pinakadakila at pinakamapalad at pinakamasaya ang taong ang buhay ay halos natutulad kay Cristo. Walang kinalaman dito ang kayamanan, kapangyarihan, o katanyagang natamo sa mundo. Ang tanging tunay na sukatan ng kadakilaan, kabanalan, at kagalakan ay kung gaano kalapit nating matutularan ang pamumuhay ng Panginoong Jesucristo. Siya ang tamang daan, lubos na katotohanan, at saganang buhay” (“Jesus Christ—Gifts and Expectations,” Ensign, Dis. 1988, 2).
Bigyan ang mga estudyante ng 5 hanggang 10 minuto para mapag-aralan nang tahimik ang mga scripture passage na isinulat mo sa pisara. Sabihin sa kanila na tukuyin ang mga katotohanan tungkol sa pagkatao ng Tagapagligtas. Sa kanilang pag-aaral, dapat may malaman silang kahit isang katotohanan sa bawat scripture passage. Ipasulat sa kanila ang mga katotohanang nalaman nila.
Kapag natapos nang mag-aral ang mga estudyante, sabihin sa ilan sa kanila na isulat sa angkop na scripture reference sa pisara ang isang katotohahan na nalaman nila tungkol sa Tagapagligtas. Kapag nakumpleto na ng mga estudyante ang aktibidad na ito, itanong ang mga sumusunod:
-
Bakit mahalagang malaman natin ang mga katotohanang ito tungkol sa Tagapagligtas?
-
Anong katibayan ang nahanap ninyo na alam ng Tagapagligtas ang ating mga pangangailangan at hangarin?
-
Anong mga bahagi sa talang ito ang nakaantig sa inyo nang husto? Bakit?
-
Sa inyong palagay, bakit napuspos ng kagalakan ang mga tao? (Tingnan sa 3 Nephi 17:18.)
-
Sa inyong palagay, bakit puspos ng kagalakan ang Tagapagligtas noong araw na iyon? (Tingnan sa 3 Nephi 17:20.)
Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang natutuhan nila sa 3 Nephi 17:6–25. Maaaring makapagbigay ng iba-ibang sagot ang mga estudyante. Ang isang katotohanan na maaaring matukoy nila ay: ang Tagapagligtas ay labis na nahahabag sa atin. Isulat sa pisara ang katotohanang ito. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang katotohanang ito, o ang iba pang katotohanan na natukoy nila, sa margin ng kanilang banal na kasulatan malapit sa 3 Nephi 17:6.
Upang matulungan ang mga estudyante na mapahalagahan kung paano nakatutulong ang kaalaman tungkol sa pagkatao ni Jesucristo para mapalakas ang ating pananampalataya, basahin ang sumusunod na pahayag:
“Mananampalataya kayo kay Cristo kapag kayo ay nakatitiyak na Siya ay buhay, may wastong ideya tungkol sa Kanyang katauhan, at may kaalaman na sinisikap ninyong mamuhay ayon sa Kanyang kalooban” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 174).
-
Dahil nalaman ninyo na mahabagin ang Tagapagligtas, paano ito nakatulong sa pagsampalataya ninyo sa Kanya?
Ituro ang pariralang “nahihirapan sa anumang dahilan” sa 3 Nephi 17:9.
-
Anong mga uri ng karamdaman ang maaaring kabilang sa mga paghihirap na nararanasan sa “anumang paraan”? (Lahat ng uri ng karamdaman sa pisikal, emosyonal, mental, at espirituwal.)
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung saan sila “nahihirapan” at ano ang hihilingin nila sa Tagapagligtas na mapagaling sa kanila kung sila ay babasbasan Niya nang personal. Ipaalala sa kanila na bagama’t wala sa mundo ang Tagapagligtas para personal na magministeryo sa atin, ang Kanyang kapangyarihang magbasbas at magpagaling ay matatamo natin sa pamamagitan ng priesthood.
-
Kanino kayo pupunta para sa mga basbas ng priesthood?
-
Kailan ang huling pagkakataon na naramdaman ninyo ang pagpapagaling ng Tagapagligtas sa inyong buhay?
Ipaalala sa mga estudyante ang tungkol sa pagbubulay-bulay na tinalakay nila sa simula ng klase. Ipaliwanag na ang isang paraan para makapagbulay-bulay sila ay ilarawan sa isipan ang kanilang mga sarili sa mga sitwasyong nabasa nila sa mga banal na kasulatan. Sabihin sa mga estudyante na ilarawan sa kanilang isipan na sila ay kasama ng mga Nephita sa mga pangyayaring nakatala sa 3 Nephi 17. Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante na maisulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang tungkol sa maaaring narinig, nakita, nadama, at natutuhan nila kung nakasama nila ang mga Nephita at nakausap ang Tagapagligtas sa pangyayaring iyon. Maaari mong imungkahi na isulat nila ang tungkol sa karamdaman na hihilingin nila na pagalingin ng Tagapagligtas. Kapag tapos na silang magsulat, maaari mong tawagin ang ilang estudyante na basahin sa klase ang isinulat nila. Tiyaking naunawaan nila na hindi sila obligadong magbahagi ng anumang bagay na napakapersonal o napakapribado.
Matapos ibahagi ng ilang estudyante ang isinulat nila, maaari mong anyayahan ang isa o dalawa sa kanila na ibahagi kung paano nila nalaman na mahal sila ni Jesucristo at nahahabag sa kanila. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipang mabuti ang lesson na ito at magtiwala na kahahabagan sila ng Tagapagligtas kapag umasa sila na tutulungan Niya sila sa kanilang mga naisin, kahinaan, pighati, at pagsubok.