Library
Lesson 127:3 Nephi 18


Lesson 127

3 Nephi 18

Pambungad

Nang tapusin ni Jesucristo ang unang araw ng Kanyang ministeryo sa mga Nephita, pinangasiwaan Niya ang sakramento. Iniutos Niya sa kanila na tumanggap ng sakramento, manalangin sa Ama sa tuwina, at maging mabait sa lahat ng tao. Nangako ang Tagapagligtas ng malalaking pagpapala sa mga susunod. Pagkatapos ay tinagubilinan Niya ang Kanyang mga Nephitang disipulo hinggil sa kanilang paglilingkod sa Simbahan. Bago umakyat sa langit, ipinagkaloob Niya sa kanila ang kapangyarihang magbigay ng kaloob na Espiritu Santo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

3 Nephi 18:1–14

Pinangasiwaan ni Jesucristo ang sakramento sa mga Nephita

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Gerald N. Lund ng Pitumpu. (Sabihin sa mga estudyante na ang pangalang Czenkusch ay binibigkas ng “ZEN-kush.”) Hikayatin ang klase na isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng maging mountain climber na binanggit ni Elder Lund.

“Ilang taon na ang nakararaan may isang kawili-wiling artikulo tungkol sa mountain climbing sa isang medical magazine. …

“Ang artikulo ay tungkol sa isang lalaking nagngangalang Czenkusch na may-ari ng isang climbing school. … Ipinaliwanag ni Czenkusch sa mga nag-iinterbyu ang belay system sa pag-akyat ng bundok. Ito ang paraan para magprotektahan ng mga umaakyat [climber] ang kanilang sarili para hindi sila mahulog. Ang isang climber ay dapat nasa ligtas na posisyon at itinatali ang lubid para sa isa pang climber, karaniwan sa kanyang sariling katawan. Ibig sabihin ng ‘Naka-belay ka na,’ ay ‘Nahigpitan ko na ang tali mo. Kung may anumang mangyari, pipigilin ko ang pagbagsak mo.’ Mahalagang bahagi ito sa pag-akyat ng bundok. Ngayon pansinin ang sumunod sa artikulo: ‘Belay system ang nagdulot ng pinakamaganda at pinakamasamang pangyayari kay Czenkusch. Si Czenkusch ay nahulog mula sa isang mataas na libis, nahatak ang tatlong mechanical support at nahila ang kanyang belayer [isang taong tumitiyak na ligtas ang climber] mula sa kinatatayuan nito. Napigilan ang pagbagsak niya, nang pabaligtad, 10 talampakan mula sa lupa nang haltakin ng kanyang nakalambitin na belayer [si Don] ang lubid gamit ang lakas ng kanyang mga nakaunat na bisig. “Iniligtas ni Don ang buhay ko,” sabi ni Czenkusch. “Paano mo pasasalamatan ang isang taong tulad niya? Regaluhan siya ng isang lumang climbing rope para sa Pasko? Hindi, alalahanin mo siya. Lagi mo siyang aalalahanin”’ [Eric G. Anderson, “The Vertical Wilderness,” Private Practice, Nobyembre 1979, 21; idinagdag ang pagbibigay-diin]” (“The Grace and Mercy of Jesus Christ,” sa Jesus Christ: Son of God, Savior, ed. Paul H. Peterson, Gary L. Hatch, and Laura D. Card [2002], 48).

  • Sa inyong palagay, bakit nadama ng mountain climber na ang pagbibigay ng materyal na regalo ay hindi sapat para maipakita ang kanyang pasasalamat?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 18:1–7 at alamin ang ipinagagawa ng Tagapagligtas sa mga Nephita para maalaala Siya. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salitang pag-alaala at naaalaala o aalalahanin sa 3 Nephi 18:7.) Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, itanong ang mga sumusunod:

  • Paano nakatutulong sa atin ang pagtanggap ng sakramento para maalaala natin ang sakripisyo ng Tagapagligtas para sa atin?

  • Ayon sa 3 Nephi 18:7, ano ang aalalahanin ng mga Nephita kapag kumain sila ng tinapay sa sakramento?

Bigyan ng oras ang mga estudyante na mabasa muli ang 3 Nephi 11:14–15. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Bakit ang pag-alaala sa katawan ng Tagapagligtas ay makabuluhan lalo na para sa mga Nephita?

  • Bagama’t hindi ninyo nakita ang mga sugat sa katawan ng Tagapagligtas tulad ng mga Nephita, bakit mahalaga pa rin na kumain ng tinapay sa sakramento “bilang pag-alaala sa katawan” ng Tagapagligtas? (D at T 20:77).

  • Ano ang maaari ninyong gawin para laging maalaala ang Tagapagligtas?

Isulat sa pisara ang sumusunod na parirala: Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, pinatutunayan natin sa Ama na …

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 18:8–11 at hanapin ang mga salita o parirala na kukumpleto sa pahayag na nasa pisara. Ipabahagi sa ilang estudyante ang nahanap nila. (Maaaring makumpleto ng mga estudyante ang pahayag nang ganito: Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, pinatutunayan natin sa Ama na palagi nating aalalahanin si Jesucristo. Isa pang posibleng sagot ang sumusunod: Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, pinatutunayan natin sa Ama na handa tayong gawin ang lahat ng iniuutos ng Tagapagligtas.)

Gamitin ang ilan o lahat ng mga sumusunod na tanong para matulungan ang mga estudyante na mas mapalalim ang kanilang pag-unawa at pagpapahalaga sa ginagampanan ng sakramento sa pagtulong sa atin na maalaala ang Tagapagligtas:

  • Ano ang ilang aspeto sa buhay at ministeryo ng Tagapagligtas na maaaring maalaala natin sa ordenansa ng sakramento? (Maaaring kabilang sa sagot ang Kanyang kamatayan at nagbabayad-salang sakripisyo, ang Kanyang abang pagsilang, ang Kanyang mga himala at mga turo, ang Kanyang pagmamahal at pagmamalasakit sa mga tao, at ang Kanyang pagkamasunurin sa Ama sa Langit.)

  • Bagama’t ang pagtanggap ng sakramento ay sandali lamang nangyayari, ang mga epekto ng paghahanda at pakikibahagi sa ordenansang ito ay walang hanggan. Ano ang maaari nating gawin upang laging maalaala ang Tagapagligtas pagkatapos nating tumanggap ng sakramento sa buong linggo?

  • Paano nakatutulong sa atin ang pagtanggap ng sakramento nang buong puso at pag-iisip para maalaala natin ang Tagapagligtas sa buong linggo?

  • Ano lang ang kahulugan ng sakramento kung hindi natin Siya maaalaala?

  • Ayon sa 3 Nephi 18:7, 11, ano ang ipinangako ng Tagapagligtas sa mga tumatanggap ng sakramento at nakaaalaala sa Kanya? (Kapag tumatanggap tayo ng sakramento at palaging naaalaala ang Tagapagligtas, mapapasaatin ang Kanyang Espiritu.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 18:12–14, at pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang pang estudyante ang Helaman 5:12. Sabihin sa iba pang mga estudyante na tahimik na sumunod sa pagbasa at isipin ang kaugnayan ng dalawang scripture passage.

  • Paano makatutulong sa inyo ang regular na pagtanggap ng sakramento upang maisalig ninyo ang inyong buhay kay Jesucristo?

Para matulungan ang mga estudyante na lalo pang maalaala si Jesucristo, sabihin sa kanila na isulat sa kanilang notebook, scripture study journal, o personal journal ang gagawin nila para maalaala ang Tagapagligtas bawat araw sa susunod na linggo. Hikayatin sila na isulat ang mga bagay na naisip nila sa oras ng sacrament meeting o kung paano nakaimpluwensya sa kanilang isip, salita, at gawa ng pag-alaala sa Tagapagligtas.

I-follow-up ito sa mga estudyante sa susunod na ilang klase sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na patuloy na magsulat bawat araw. Sa linggong ito, maaari mo silang bigyan ng ilang minuto sa simula ng klase para maisulat ang ginagawa nila para maalaala ang Tagapagligtas.

3 Nephi 18:15–25

Itinuro ni Jesus sa mga Nephita na laging manalangin sa Ama at magkakasamang magtipon nang madalas

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na magkasamang basahin ang 3 Nephi 18:15–21 at alamin ang itinuro ng Tagapagligtas na gagawin natin para mapaglabanan ang tukso. Kapag tapos na silang magbasa, sabihin sa magkakapartner na sumulat ng isang pangungusap na sa palagay nila ay buod ng mga turong ito tungkol sa paglaban sa tukso. Ipabahagi sa ilang magkapartner ang kanilang isinulat. (Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante sa kanilang pagbubuod, dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Kung tayo ay mag-iingat at laging mananalangin, mapaglalabanan natin ang mga tukso ni Satanas.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng salitang mag-ingat sa 3 Nephi 18:18? (Maging espirituwal na alisto, mapagmasid, o mapagbantay.)

  • Sa inyong palagay, bakit kailangan ang pag-iingat at pagdarasal para mapaglabanan ang tukso?

Ituro na ang 3 Nephi 18:15, 20–21 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang scripture passage na ito sa kakaibang paraan para mabilis nila itong mahanap.

  • Paano nakatutulong sa atin ang panalangin na manatiling maingat at alisto hinggil sa mga pagtatangka ni Satanas na matukso tayo?

Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang isa sa mga sumusunod na tanong at isulat ito sa notebook o scripture study journal. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong o basahin ito nang marahan para maisulat ng mga estudyante.)

  • Paano nakatulong sa iyo ang pagdarasal para mapaglabanan ang mga tukso ni Satanas?

  • Ano ang maaari mong gawin para maging mas taimtim ang iyong mga personal na panalangin?

  • Anong mga pagpapala ang nakita mo sa pagdarasal ninyo ng pamilya mo?

  • Ano ang magagawa mo para matulungan ang iyong pamilya na palagi at mas taimtim na manalangin?

Kung may oras pa, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang isinulat nila.

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang tao na gusto nilang tulungan na mas mapalapit sa Tagapagligtas. Isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara at hikayatin ang mga estudyante na kopyahin ito: Kapag naglingkod tayo sa ating kapwa, matutulungan natin sila na lumapit kay Cristo. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 3 Nephi 18:22–24.

  • Ano ang ipinagagawa sa atin ng Tagapagligtas para matulungan natin ang ibang tao na lumapit sa Kanya? (Hindi natin dapat paalisin ang iba sa mga pulong natin sa Simbahan, at dapat tayong manalangin para sa kanila.)

  • Sinabi ng Tagapagligtas na Siya ang ilaw na itataas natin sa sanlibutan. Paano mamumuhay ang bawat isa sa atin na itinataas ang ilaw ng Tagapagligtas?

Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang sinabi ni Elder Hales na mangyayari kapag namuhay tayo nang matwid.

Elder Robert D. Hales

“Hindi ba’t magiging kasiya-siya kay Jesus kung paliliwanagin natin ang ating ilawan upang ang mga sumusunod sa atin ay susunod sa Tagapagligtas? May mga maghahanap ng liwanag [na] masayang papasok sa pasukan ng binyag papunta sa makipot at makitid na landas na humahantong sa buhay na walang hanggan (tingnan sa 2 Nephi 31). Kayo ba ang liwanag na iyon na magdadala sa kanila sa ligtas na daungan?” (“That Ye May Be the Children of Light” [Brigham Young University fireside address, Nob. 3, 1996], 8, speeches.byu.edu).

  • Ano ang maiisip ninyo sa tanong na ito, “Hindi ba’t magiging kasiya-siya kay Jesus kung paliliwanagin natin ang ating ilawan upang ang mga sumusunod sa atin ay susunod sa Tagapagligtas?”

Ipaliwanag na ang pagdarasal para sa iba, pag-anyaya sa kanila na dumalo sa mga pulong ng Simbahan, at pagpapakita ng halimbawa na katulad ng kay Cristo ay mga paraan upang mapaglingkuran natin ang iba. Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng isang karanasan kung saan itinaas nila ang ilaw ng Tagapagligtas para matulungan ang iba na lumapit sa Kanya.

3 Nephi 18:26–39

Itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na maging mabait sa lahat ng tao

Ibuod ang 3 Nephi 18:26–39 na ipinapaliwanag na pagkatapos magsalita ang Tagapagligtas sa mga tao, Siya ay bumaling sa labindalawang disipulo na pinili Niya at itinuro sa kanila kung paano pamumunuan at pamamahalaan ang mga gawain ng Simbahan. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 3 Nephi 18:32 at alamin kung ano ang gagawin natin sa mga taong nanghina sa pananampalataya o naligaw ng landas.

  • Bakit mahalaga na patuloy nating paglingkuran ang mga taong nanghina sa pananampalataya o naligaw ng landas?

Maaari kang magbahagi ng isang karanasan kung saan tumulong ka sa paglilingkod sa isa sa mga anak ng Diyos at tinulungan ang taong iyon na lumapit kay Cristo.

scripture mastery iconScripture Mastery—3 Nephi 18:15, 20–21

Paalala: Dahil sa haba ng lesson na ito, maaari mong simulan ang susunod na lesson gamit ang sumusunod na scripture mastery activity. O maaari mong gamitin ang aktibidad na ito sa isa sa mga susunod na lesson kapag mas marami kang oras para marebyu ang ang mga scripture mastery passage.

Mag-ukol ng ilang minuto sa pagtulong sa mga estudyante na maisaulo ang 3 Nephi 18:15, 20–21. Isulat sa pisara ang lahat ng tatlong talata, at sabihin sa mga estudyante na sabay-sabay nilang basahin nang malakas ang mga ito. Matapos basahin ng mga estudyante ang lahat ng talata nang ilang beses, simulang burahin ang iba’t ibang bahagi ng mga talata habang patuloy na binibigkas ng mga estudyante ang buong scripture passage. Ulitin ang paraang ito hanggang nabura na ang lahat ng salita sa pisara.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

3 Nephi 18:15. Laging manalangin

Nagsalita si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa ibig sabihin ng “laging manalangin”:

“Ang ating panalangin sa gabi ay nakasalig at nakaugnay sa ating panalangin sa umaga. At ang panalangin natin sa gabi ay isa ring paghahanda para sa makahulugang panalangin sa umaga.

“Ang mga panalangin sa umaga at gabi—at lahat ng panalangin sa pagitan nito—ay magkakaugnay at hindi magkakahiwaly na pangyayari; bagkus, magkakarugtong ang mga ito sa bawat araw at sa mga araw, linggo, buwan, at maging sa mga taon. Bahagi ito ng pagtupad natin sa payo ng mga banal na kasulatan na “laging manalangin” (Lucas 21:36; 3 Nephi 18:15, 18; D at T 31:12). Ang gayong makahulugang mga panalangin ay kasangkapan sa pagtatamo ng pinakadakilang mga pagpapalang laan ng Diyos para sa Kanyang matatapat na anak” (“Laging Manalangin,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 42).

3 Nephi 18:21. Manalangin sa inyong pamilya

Nagsalita si Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan tungkol sa kapangyarihan ng panalangin ng pamilya:

“Ang panalangin ng mag-anak ay mabisa at malakas na impluwensiya. Noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, isang 500-libra na bomba ang nahulog sa labas ng dampa ni Brother Patey, isang bata pang ama sa Liverpool, England, ngunit ang bomba ay hindi sumabog. Patay na ang kanyang asawa, kaya mag-isa niyang pinapalaki ang kanyang limang anak. Tinipon niya sila sa nakababagabag na panahong ito para manalangin sila nang sama-sama bilang mag-anak. Silang ‘lahat ay nanalangin…nang taimtim at matapos manalangin, sinabi ng mga bata: “Tay, ligtas po tayong lahat dito. Alam po naming ligtas tayong lahat dito sa bahay natin ngayong gabi.”

“‘At sila’y nagsitulog, isipin na lang ninyo, nasa labas lamang ng pinto ng kanilang bahay ang bomba at kalahati nito’y nakabaon sa lupa. Kung sumabog ito marahil ay nawasak ang may apatnapu o limampung kabahayan at namatay ang may dalawang daan o tatlong daang katao. …

“‘Kinabukasan ang…buong magkakalapit-bahay ay inilipat sa loob ng apatnapu’t walong oras hanggang sa tuluyang maialis ang bomba. …

“‘Nang siya ay pabalik na, tinanong ni Brother Patey ang foreman ng A.R.P. Squad: “O, anong nangyari?”

“‘“Ginoong Patey, nakuha na namin sa labas ng pinto ‘nyo ang isang bombang handa nang sumabog anumang oras. Wala naman itong diperensya. Nagtataka kami kung bakit hindi ito sumabog.”’ [Andre K. Anastasiou, sa Conference Report, Okt. 1946, 26.] Maraming himalang nagaganap kapag sama-samang nagdarasal ang mag-anak” (“Ang Linya ng Komunikasyon ng Panalangin,” Liahona, Hulyo 2002, 61).