Lesson 131
3 Nephi 23
Pambungad
Pagkatapos banggitin ang mga salita ni Isaias (tingnan sa 3 Nephi 22), iniutos ni Jesucristo sa mga Nephita na saliksikin ang mga salita ng propetang ito. Sinabi Niya na ang mga salita ni Isaias ay isang pagpapala dahil si Isaias ay “nangusap na tumatalakay sa lahat ng bagay hinggil sa aking mga tao na sambahayan ni Israel” (3 Nephi 23:2). Sinabi Niya na ang lahat ng salita ni Isaias ay natupad na o matutupad. Pagkatapos ay iniutos Niya sa mga Nephita na saliksikin ang mga salita ng lahat ng propeta at tinagubilinan sila na magdagdag ng tala sa kanilang mga talaan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
3 Nephi 23:1–5
Iniutos ni Jesucristo sa mga tao na saliksikin ang mga salita ng mga propeta
Isulat sa pisara ang sumusunod na parirala: Mga pagpapala mula sa pag-aaral ko ng mga banal na kasulatan. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga karanasan nila sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon sa bahay at sa seminary sa taong ito. Sabihin sa kanila na lumapit sa pisara at magsulat ng isang salita o maikling parirala na naglalarawan ng mga pagpapalang dumating sa kanilang buhay dahil sa pag-aaral nila ng mga banal na kasulatan. Maaari mong sabihin sa ilang estudyante na ipaliwanag nang mas detalyado ang isinulat nila. Pagkatapos ay ituro ang mga pagpapalang nakasulat sa pisara.
-
Sa inyong palagay, bakit napagpapala tayo sa ganitong mga paraan kapag nagbabasa tayo ng mga banal na kasulatan?
Sabihin sa mga estudyante na alalahanin sa nakaraang lesson kung kaninong mga salita ang binanggit ni Jesucristo habang nagtuturo Siya sa mga Nephita. (Mga salita ni Isaias.) Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 23:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas na dapat nating gawin sa mga salita ni Isaias. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita at pariralang napansin nila sa mga talatang ito. Ipabahagi sa kanila ang nalaman nila.
-
Bakit nais ng Tagapagligtas na saliksikin ng mga tao ang mga salita ni Isaias? (Tingnan sa 3 Nephi 23:2–3.)
-
Bakit isang pagpapala na alam natin na matutupad ang lahat ng mga salita ni Isaias?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 23:4–5. Ituro na matapos sabihin ni Jesucristo na saliksikin ang mga salita ni Isaias, sinabi Niya na “saliksikin ang mga propeta.” Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Iniutos ng Tagapagligtas sa atin na masigasig na saliksikin ang mga salita ni Isaias at ng iba pang mga propeta.
-
Ayon sa 3 Nephi 23:5, ano ang dapat nating gawin para maligtas? Paano tayo tinutulungan ng mga salita ng mga propeta na masunod ang mga kautusang ito?
-
Ano ang pagkakaiba ng masigasig na pagsasaliksik ng mga salita ng mga propeta at ng pagbabasa lamang ng mga salita ng mga propeta? Sa inyong palagay, bakit mahalagang masigasig na saliksikin ang mga salita ni Isaias at ng iba pang mga propeta?
-
Anong mga paraan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ang makatutulong sa inyo upang maging makabuluhang bahagi ng inyong buhay ang pagsasaliksik sa mga salita ni Isaias at ng iba pang mga propeta?
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Merrill J. Bateman ng Pitumpu:
“May mga tiyak na pagpapalang matatamo kapag sinaliksik ng isang tao ang mga banal na kasulatan. Kapag pinag-aaralan ng isang tao ang mga salita ng Panginoon at sinusunod ang mga ito, siya ay mas mapapalapit sa Tagapagligtas at magkakaroon ng mas matinding hangarin na mamuhay nang matwid. Nadaragdagan ang lakas na mapaglabanan ang mga tukso, at nadaraig ang mga espirituwal na kahinaan. Napapagaling ang mga espirituwal na sugat” (“Coming unto Christ by Searching the Scriptures,” Ensign, Nob. 1992, 28).
-
Bukod pa sa mga banal na kasulatan, saan natin matatagpuan ang mga salita ng mga propeta?
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa notebook o scripture study journal ang sagot nila sa sumusunod na tanong:
-
Anong mga pagbabago ang maaari ninyong gawin para mapag-aralan nang mas masigasig ang mga salita ng propeta?
Anyayahan ang ilang estudyante na magpatotoo sa mga pagpapalang dumarating mula sa pagsasaliksik sa mga salita ng mga propeta.
3 Nephi 23:6–14
Iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na idagdag ang isang mahalagang pangyayari sa kanilang talaan ng mga banal na kasulatan
Tawagin ang ilang estudyante at itanong ang paborito nilang salaysay sa Aklat ni Mormon. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Pagkatapos ay burahin ang isa sa mga sagot nila. Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na hindi ito isinulat ni Mormon o Nephi o ng iba pang tagapag-ingat ng talaan.
-
Anong mahahalagang aral ang nawala sana mula sa Aklat ni Mormon kung hindi naisulat ang talang ito?
Ipaliwanag na noong nagtuturo ang Tagapagligtas sa mga Nephita, binigyang-diin Niya na hindi isinulat ng kanilang mga tagapag-ingat ng talaan ang isang mahalagang pangyayari na naganap bilang katuparan ng propesiya. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 3 Nephi 23:6–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang hindi naisulat ng mga Nephita.
-
Naitala na ng mga Nephita ang propesiya ni Samuel (tingnan sa Helaman 14:25). Sa inyong palagay, bakit mahalaga para sa kanila na maitala ang katuparan nito?
Ipaliwanag na bagama’t hindi iniutos sa atin na magsulat ng mga banal na kasulatan para sa Simbahan, tayo ay pinayuhan na magkaroon ng sariling journal.
-
Paano naaangkop ang ipinayo ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 23:6–13 sa ating pagsisikap na magkaroon ng sariling journal?
Upang matulungan ang mga estudyante na malaman ang isang paraan sa pagsulat ng journal, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na karanasan na ibinahagi ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
“Gabi na akong nakauwi mula sa isang tungkulin sa Simbahan. Madilim na noon. Ginulat ako ng biyenan kong lalaki, na nakatira malapit sa amin, habang papalapit ako sa pintuan sa harap ng bahay ko. May pasan siyang mga tubo sa kanyang balikat, mabilis ang lakad at nakadamit ng pantrabaho. Alam kong naglalagay siya ng mga tubong hihigop ng tubig mula sa ilog sa bandang ibaba paakyat sa bahay namin.
“Ngumiti siya, marahang nagsalita, at nilagpasan ako at nagtungo sa dilim para ituloy ang ginagawa niya. Humakbang ako papasok sa bahay, na iniisip ang ginagawa niya para sa amin, at paglapit ko sa pintuan, narinig ko sa aking isipan—hindi sa sarili kong tinig—ang mga salitang ito: ‘Hindi para sa iyo ang mga ipinararanas ko sa iyo. Isulat mo ang mga ito.’
“Pumasok ako. Hindi ako natulog. Bagamat pagod na ako, naglabas ako ng ilang papel at nagsimulang magsulat. At nang gawin ko ito, naunawaan ko ang mensaheng narinig ko sa aking isipan. Dapat akong magsulat para mabasa ng aking mga anak, balang-araw, kung paano ko nakita ang kamay ng Diyos na nagpapala sa aming pamilya. Hindi kailangang gawin ni Lolo ang ginagawa niya para sa amin. Ipinagawa na lang sana niya ito sa iba o hindi na sana niya ito ginawa pa. Ngunit pinagsisilbihan niya kami, na kanyang pamilya, sa paraang laging ginagawa ng pinagtipanang mga disipulo ni Jesucristo. Alam kong iyan ay totoo. Kaya nga isinulat ko ito, para maalala ito ng aking mga anak balang-araw kapag kailangan nila ito.
“Ilang taon akong sumulat ng ilang linya araw-araw. Hindi ako pumalya kahit isang araw kahit pagod na pagod ako o maaga pa akong gigising kinabukasan. Bago ako sumulat, pinag-iisipan ko ang tanong na ito: ‘Nakita ko ba ang kamay ng Diyos na nakaunat para tulungan kami o ang aming mga anak o pamilya sa araw na ito?’” (“O Tandaan, Tandaan,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 66–67).
-
Sa inyong palagay, bakit mahalaga para sa atin na isulat ang mga karanasan na espirituwal na nagpapalakas sa atin?
-
Paano tayo makikinabang kung tutularan natin ang ginawa ni Pangulong Eyring? Paano makatutulong sa iba ang ating mga isinulat sa journal?
Ipaliwanag na binanggit ni Pangulong Eyring ang mga pagpapalang natanggap niya dahil araw-araw niyang isinulat ang mga pagpapala ng Diyos sa kanyang pamilya. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag. (Maaaring naibahagi mo na ang isang bahagi ng pahayag na ito sa lesson 117. Makatutulong sa mga estudyante na marinig itong muli.)
“Habang patuloy ko itong ginagawa, may nagsimulang mangyari. Habang ginugunita ko ang mga nangyari sa maghapon, nakikita ko ang katibayan ng nagawa ng Diyos para sa isa sa amin na hindi ko nakita dahil sa kaabalahan ng maghapon. Nang mangyari iyon, at madalas iyong mangyari, natanto ko na sa paggunita ay naipakita sa akin ng Diyos ang Kanyang nagawa.
“Higit pa sa pasasalamat ang aking nadama. Lumakas ang patotoo ko. Lalo kong natiyak na nakikinig at sumasagot ang ating Ama sa Langit sa mga dalangin. Lalo akong nagpasalamat sa paglambot at pagdalisay ng puso ng tao dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na si Jesucristo. At lalo akong nagtiwala na ipaaalala sa atin ng Espiritu Santo ang lahat ng bagay—maging ang mga bagay na hindi natin napansin o pinansin nang mangyari ang mga ito” (“O Tandaan, Tandaan,” 67).
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa nakatala sa 3 Nephi 23 at mula kay Pangulong Eyring? (Maaaring iba-iba ang isagot ng mga estudyante sa tanong na ito. Dapat makita sa kanilang mga sagot ang sumusunod na katotohanan: Kapag isinulat natin ang mga espirituwal na karanasan, pagpapalain ang bawat isa sa atin at ang ating pamilya.)
Maaaring madama ng ilang estudyante na wala namang mahalagang nangyayari sa kanila na dapat isulat. Para matulungan sila, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder John H. Groberg ng Pitumpu:
“May magsasabi ng, ‘Wala naman akong dapat isulat. Walang espirituwal na nangyari sa akin.’ Sinasabi ko, ‘Magsimula sa pagsulat, at mangyayari ang mga espirituwal na bagay. Ang mga ito ay nariyan lang, ngunit mas mapapansin natin ang mga ito kapag nagsulat tayo’” (“Writing Your Personal and Family History,” Ensign, Mayo 1980, 48).
Sabihin sa mga estudyante na tanungin ang kanilang sarili kung hindi nila isinulat ang mga karanasan at pangyayari na espirituwal na nagpalakas sa kanila. Hikayatin sila na isulat ang mga karanasan at pangyayaring ito at patuloy na magsulat ng iba pang mga karanasan sa buong buhay nila. Maaari mong imungkahi na tularan ang ginawa ni Pangulong Eyring, na nagsusulat ng ilang bagay sa araw-araw.