Lesson 132
3 Nephi 24–26
Pambungad
Sinunod ni Jesucristo ang utos ng Ama sa Langit na ibahagi sa mga Nephita ang ilang propesiya mula sa propetang si Malakias (tingnan sa 3 Nephi 26:2). Itinuro ng mga propesiyang ito na kailangang magsisi ang mga miyembro ng sambahayan ni Israel at bumalik sa Panginoon bilang paghahanda sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ipinaliwanag din ni Jesucristo sa mga Nephita ang “lahat ng bagay, maging mula sa simula hanggang sa panahon na siya ay paparito sa kanyang kaluwalhatian” (3 Nephi 26:3). Itinuro ni Mormon na ipapaalam sa mga maniniwala sa Aklat ni Mormon ang mga bagay na higit na dakila (tingnan sa 3 Nephi 26:9).
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
3 Nephi 24:1–6
Binanggit ni Jesucristo ang propesiya ni Malakias hinggil sa Ikalawang Pagparito
Simulan ang klase na hawak ang isang posporo at isang sabon (o magdrowing sa pisara ng apoy at sabon). Itanong sa mga estudyante kung ano ang pagkakatulad ng apoy at sabon. (Ang sabon at apoy ay parehong naglilinis o nagdadalisay.)
Ipaliwanag na sinunod ni Jesucristo ang isang utos mula sa Ama (tingnan sa 3 Nephi 26:2) na ibigay sa mga Nephita ang mga propesiya ni Malakias, isang propeta sa Lumang Tipan na nabuhay sa Banal na Lupain mga 170 taon matapos lisanin ni Lehi at ng kanyang pamilya ang Jerusalem. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 24:1–3 at alamin kung sino ang inihalintulad ni Malakias sa “apoy ng isang maglalantay” at “sabon ng isang tagapagpaputi.”
-
Sino ang inihalintulad sa apoy ng isang maglalantay at sabon ng isang tagapagpaputi? (Si Jesucristo.)
-
Anong pangyayari ang inilarawan sa mga talatang ito? (Ang “araw ng kanyang pagparito.” Sa madaling salita, ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Upang matulungan ang mga estudyante na masagot ang tanong na ito, maaari mong mabilis na ipabasa ang chapter heading o mga footnote.)
-
Ano ang ipinapahiwatig ng pagkukumpara kay Jesucristo sa apoy at sabon sa mangyayari sa Kanyang Ikalawang Pagparito? (Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Sa Kanyang Ikalawang Pagparito, dadalisayin ni Jesucristo ang daigdig. Maaari mong ipasulat sa mga estudyante ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng 3 Nephi 24:2–3.)
Ipaliwanag na gumagamit ng apoy ang isang maglalantay para initin at tunawin ang isang metal gaya ng pilak o ginto hanggang sa maging likido ito. Sa pagdarang sa apoy at pagtunaw, lumulutang ang taing bakal [dross], o dumi sa likidong metal, at inaalis ito ng maglalantay, sa gayon nalilinis ang metal. Ang tagapagpaputi ay isang tao na naglilinis o nagpapaputi ng mga kasuotan gamit ang sabon. Maaaring kailangan mo ring ipaliwanag na ang “mga anak na lalaki ni Levi” ay mga maytaglay ng priesthood sa sinaunang Israel. Ngayon ang pariralang iyan ay tumutukoy sa mga maytaglay ng priesthood sa ating panahon (tingnan sa D at T 84:33–34).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 24:5–6. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung sino ang mauubos, o malilipol, sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas at kung sino ang hindi mauubos. (Maaari mong ipaliwanag na ang pariralang “mga anak na lalaki ni Jacob” ay tumutukoy sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon sa sambahayan ni Israel.)
-
Ayon sa 3 Nephi 24:5, ano ang gagawin ni Jesucristo sa Kanyang Ikalawang Pagparito? (Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Lilipulin ni Jesucristo ang masasama sa Kanyang Ikalawang Pagparito.)
3 Nephi 24:7–18
Binanggit ni Jesucristo ang mga itinuro ni Malakias tungkol sa paraan kung paano makababalik ang Israel sa Panginoon
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay may matalik silang kaibigan o kapamilya na nahihirapang madama ang pagmamahal at impluwensya ng Panginoon at mapanatili ang patotoo sa ebanghelyo.
-
Ano ang gagawin ninyo para matulungan ang taong ito?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 3 Nephi 24:7, at sabihin sa kanila na alamin ang ipinayo ng Panginoon sa mga taong nagsisimulang lumayo sa Kanya at hindi tumutupad sa kanilang mga tipan sa Kanya.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ang mga tao ay “lumihis” mula sa mga ordenansa ng Panginoon? (Hindi na nila tinutupad ang mga tipan at ordenansa ng ebanghelyo.)
-
Ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga taong hindi tumutupad sa kanilang mga tipan? (“Magbalik kayo sa akin at ako ay magbabalik sa inyo.”)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “magbalik” sa Panginoon? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “magbabalik” ang Panginoon sa mga bumalik sa Kanya?
Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung babalik tayo sa Panginoon, Siya ay babalik sa atin.
-
Ano ang itinuturo sa inyo ng alituntuning ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Sa pisara, isulat ang Bumalik sa Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 24:8–12 at alamin ang isang paraan na sinabi ng Panginoon para makabalik sa Kanya ang mga tao. Habang sumasagot ang mga estudyante, isulat ang magbayad ng mga ikapu at handog sa ilalim ng Bumalik sa Panginoon.
-
Paano naipapakita ng isang tao ang kanyang pagmamahal sa Panginoon sa kahandaan niyang magbayad ng ikapu?
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley:
“Makapagbabayad tayo ng ating ikapu. Ang ikapu ay hindi tungkol sa pera kundi tungkol sa pananampalataya” (“Let Us Move This Work Forward,” Ensign, Nob. 1985, 85).
-
Paano nagpapakita ng ating pananampalataya sa Panginoon ang ating kahandaang magbigay ng mga ikapu at handog?
Bigyan ng oras na mabasa nang tahimik ng mga estudyante ang 3 Nephi 24:10–12. Ipatukoy sa kanila ang mga pangako ng Panginoon sa mga taong nagbabayad ng buo at tapat na ikapu.
-
Paano kayo napagpala sa pagbabayad ninyo ng inyong ikapu? Paano naging mga halimbawa ito ng pagbubukas ng “mga durungawan ng langit” para sa inyo?
Ibuod ang 3 Nephi 24:13–18 na ipinapaliwanag na sa mga talatang ito binigyang-diin ng Panginoon na pinagdudahan ng ilan sa sinaunang Israel ang pangangailangang sundin ang mga ordenansa ng ebanghelyo. Sinabi nila na ang mga palalo at masasama ay tila umuunlad sa kabila ng kanilang kasamaan. Sa 3 Nephi 24:16, sinabi ng Panginoon na isang “aklat ng alaala” ang iingatan kung saan nakatala ang pangalan ng matatapat (tingnan sa D at T 85:7–9; 128:6–7; Moises 6:5–8). Pagkatapos ay sinabi ng Panginoon na kapag Siya ay pumaritong muli, pangangalagaan Niya ang matatapat at ilalaan sila para sa Kanyang sarili bilang mga hiyas, o “bubuuin ang [Kanyang] mga hiyas.”
-
Bakit isang pagpapala ang malaman na pangangalagaan ng Panginoon ang matatapat at ituturing na Kanyang mga hiyas?
-
Sa 3 Nephi 24:16, aling mga parirala ang naglalarawan sa mga taong pangangalagaan ng Panginoon bilang Kanyang mga hiyas? (“Sila na natatakot sa Panginoon” at “gumugunita sa kanyang pangalan.”)
Isulat ang natatakot sa Panginoon at ginugunita ang pangalan ng Panginoon sa ilalim ng Bumalik sa Panginoon. (Maaari mong ipaliwanag na sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng salitang takot ay pagpipitagan o paggalang.) Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang kanilang sagot sa sumusunod na tanong:
-
Pag-isipang mabuti kung gaano mo nasusunod ang pagbabayad ng mga ikapu at handog at kung gaano mo kadalas nagugunita si Cristo. Sa paanong paraan ka “makababalik” sa Kanya o paano mo mas mapagbubuti pa ang mga bagay na ito?
3 Nephi 25
Binanggit ni Jesucristo ang propesiya ni Malakias na babalik si Elias [Elijah] bago ang Ikalawang Pagparito
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 25:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung bakit isang pagpapala ang Ikalawang Pagparito sa matatapat kay Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na sa 3 Nephi 25:1, ang salitang ugat ay tumutukoy sa mga ninuno at ang salitang sanga ay tumutukoy sa inapo. Kaya, sa kabilang buhay, hindi matatamasa ng masasama ang mga pagpapala ng pagiging nakabuklod sa kanilang mga ninuno at mga inapo. Sa 3 Nephi 25:2, ang pariralang “mga guya sa kuwadra” ay tumutukoy sa mga guya na nasa ligtas na kalagayan, napapakain at naaalagaan nang mabuti. Ipinangako ng Panginoon na gayon ding proteksyon at pangangalaga ang ibibigay Niya sa mga “natatakot sa [Kanyang] pangalan.”
Ipaliwanag na ipinropesiya ni Malakias ang tungkol sa isang pangyayari na magaganap bago ang Ikalawang Pagparito at kasama dito ang propetang si Elias [Elijah] ng Lumang Tipan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 25:5–6, at sabihin sa klase na alamin ang gagawin ni Elijah para tumulong sa paghahanda ng daigdig para sa pagparito ng Panginoon.
Tanungin ang mga estudyante kung ano ang nalalaman nila tungkol sa pagbabalik ni Elijah sa lupa bilang bahagi ng Panunumbalik ng ebanghelyo. Maaari mong dagdagan ang kanilang sagot sa pagpapaliwanag na noong Abril 3, 1836, nagpakita si Elijah kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple na kalalaan pa lamang noon (tingnan sa D at T 110:13–16). Noong panahong iyon, ipinanumbalik ni Elijah ang mga susi ng priesthood na kinakailangan para mabuklod ang mga pamilya nang walang hanggan sa mga banal na templo ng Panginoon. Sa pamamagitan ng pagsasaliksik ng family history, matutukoy natin ang mga miyembro ng ating pamilya na magagawan natin ng mga ordenansa sa templo.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “kanyang ibabaling ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga ama”?
-
Paano naging pagpapala sa inyo na nalalaman ninyo na mabubuklod kayo sa inyong pamilya nang walang hanggan?
Magpatotoo na kapag ibinaling natin ang ating puso sa ating mga ninuno, tumutulong tayo na maihanda ang mundo sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
3 Nephi 26:1–12
Ipinaliwanag ni Jesucristo ang mga banal na kasulatan, at itinuro ni Mormon ang mga dapat gawin para matanggap ang mga dakilang bagay na ipinahayag ng Tagapagligtas
Ibuod ang 3 Nephi 26:1–5 na ipinapaliwanag na matapos ibigay ng Tagapagligtas ang mga propesiya ni Malakias, itinuro Niya sa mga tao ang “lahat ng bagay na mangyayari sa balat ng lupa” mula sa Paglikha hanggang sa Huling Paghuhukom (3 Nephi 26:3–4).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 26:6–8, at sabihin sa klase na alamin kung gaano karami sa mga itinuro ni Jesucristo ang nakatala sa Aklat ni Mormon. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 26:9–11 at alamin ang dahilan kung bakit hindi isinama ni Mormon sa ulat na kanyang pinaikli ang lahat ng itinuro ng Tagapagligtas sa mga Nephita. Bigyang-diin na ang salitang maniniwala sa mga talatang ito ay nagpapahiwatig na kailangan nating kumilos ayon sa mga doktrina at mga alituntunin na ipinahayag ng Diyos at hindi lamang basta umasa na totoo ang mga ito.
-
Ayon sa 3 Nephi 26:9, ano ang ipinangako ng Tagapagligtas sa mga maniniwala at kikilos ayon sa Kanyang ipinahayag? (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, bigyang-diin na kapag naniwala tayo at kumilos ayon sa ipinahayag ng Diyos, inihahanda natin ang ating sarili sa pagtanggap ng mas dakilang paghahayag.)
-
Sa inyong palagay, bakit kinakailangang maniwala muna tayo sa mga katotohanang natanggap na natin bago tayo makatanggap pa ng karagdagang katotohanan?
-
Paano natin maipapakita na naniniwala tayo sa ipinahayag ng Panginoon?
Ipangako sa mga estudyante na kapag tapat nilang pinag-aralan at ipinamuhay ang mga alituntunin sa Aklat ni Mormon, madaragdagan ang kanilang kaalaman at pagkaunawa sa ebanghelyo. Tulungan ang mga estudyante na mapag-isipang mabuti kung gaano nila lubos na tinatanggap ang mga katotohanan sa Aklat ni Mormon sa pagsasabi sa kanila na sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang notebook o scripture study journal (maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito):
-
Ano ang ginagawa mo sa iyong buhay na nagpapakita na naniniwala ka sa Aklat ni Mormon?
-
Kailan ka nakatanggap ng personal na paghahayag dahil binasa mo ang Aklat ni Mormon nang may tunay na layunin?
3 Nephi 26:13–21
Tinapos ng Tagapagligtas ang Kanyang ministeryo sa lupa sa mga Nephita, at tinularan ng Kanyang mga disipulo ang Kanyang halimbawa sa kanilang paglilingkod
Ipaliwanag na sa 3 Nephi 26, ibinuod ni Mormon ang natitirang bahagi ng ministeryo ng Tagapagligtas sa mga Nephita. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 3 Nephi 26:13–16. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang ilan sa mga bagay na ginawa ng Tagapagligtas na piniling bigyang-diin ni Mormon.
Kung may oras pa, sabihin sa mga estudyante na rebyuhin at pag-isipan ang kanilang mga isinulat at minarkahan sa kanilang banal na kasulatan mula sa pag-aaral nila ng 3 Nephi 11–25. Hikayatin silang hanapin ang mga turo at pangyayari mula sa ministeryo ng Tagapagligtas sa mga Nephita na mahalaga o hindi nila malilimutan. Tawagin ang ilang estudyante para magbahagi ng naisip at nadama nila tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas sa mga Nephita.