Home-Study Lesson
3 Nephi 11:18–16:20 (Unit 25)
Pambungad
Sa lesson na ito, pag-iisipan ng mga estudyante kung paano nakakaapekto ang pagtatalu-talo sa kanilang kakayahang madama ang Espiritu. Pag-iisipan din nila ang tungkol sa mga taong naging mabuting halimbawa sa kanila at kung paano sila mas makapaglilingkod bilang mabubuting halimbawa sa iba.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
3 Nephi 11:18–41
Itinatag ni Jesucristo ang paraan ng pagbibinyag, kinundena ang pagtatalu-talo, at ipinahayag ang Kanyang doktrina
Isulat ang salitang pagtatalu-talo sa pisara.
Sabihin sa mga estudyante na mabilis na ilista sa pisara ang ilang sitwasyon o aktibidad kung saan sila maaaring makaranas ng pagtatalu-talo. (Maaari mong ipasulat sa isang estudyante ang mga sagot na ibinibigay ng klase.) Habang ginagawa ang aktibidad na ito, iwasan ang sinasabi ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol na “paraan ng kaaway” na maaaring maging dahilan ng “pagtatalu-talo at kontrobersiya” (The Lord’s Way [1991], 139).
Ipaalala sa mga estudyante na sa 3 Nephi 11 nabasa natin na nagpakita si Jesucristo sa mga Nephita na nagtipon sa templo. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang malakas ang 3 Nephi 11:28 at sabihin sa klase na tukuyin ang paksa na pinagtatalunan ng ilan sa mga Nephita. (Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang talatang ito, maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang salitang mga pagtatalu-talo ay mga argumento o hindi pagkakasundo.)
Itanong: Sa inyong palagay, bakit mahalagang iwasan ang pakikipagtalo kapag tinatalakay ang ebanghelyo sa iba?
Isulat sa pisara ang sumusunod: Ang diwa ng pagtatalo ay hindi sa Diyos, kundi … Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 11:29–30, at sabihin sa mga estudyante na tukuyin kung saan nagmumula ang diwa ng pagtatalo. Ganito ang katotohanang maaaring malaman nila: Ang diwa ng pagtatalo ay hindi sa Diyos, kundi sa diyablo. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan.
Itanong: Paano makatutulong sa inyo ang pag-alaala sa mga turo ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 11:29–30 kapag nalagay kayo sa isang sitwasyon na maaaring magkaroon ng pagtatalo? (Maaari mong ituro ang isang partikular na sitwasyon na nakasulat sa pisara o sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang sitwasyon kung saan may isang tao na gustong makipagtalo tungkol sa ilang bagay sa ebanghelyo.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang isang ibubunga ng pagtatalu-talo, basahin o isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan, “Kapag may pagtatalo, ang Espiritu ng Panginoon ay lumilisan, kahit sino pa ang may kasalanan” (“What I Want My Son to Know before He Leaves on His Mission,” Ensign, Mayo 1996, 41).
Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang pahayag na ito sa kanilang banal na kasulatan o sa kanilang scripture study journal.
Itanong: Kailan ninyo nadama na lumisan ang Espiritu ng Panginoon dahil sa pagtatalo? Ano ang nadama ninyo?
Ituro ang pahayag ng Tagapagligtas hinggil sa pagtatalo sa 3 Nephi 11:30: “Ito ang aking doktrina, na ang mga gayong bagay ay maiwaksi.” Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Paano natin maiwawaksi ang pagtatalo at alitan?
-
Paano tayo makikipagtalakayan sa iba at kasabay nito ay umiiwas sa pagtatalo?
-
Sa paanong paraan ninyo nadama na napagpala kayo dahil sa inyong pagsisikap na umiwas sa pagtatalo?
Maaari kang magbahagi ng isang pangyayari kung saan nadama mong pinagpala ka dahil sa iyong pagsisikap na iwasan o iwaksi ang pagtatalo. Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang inilista sa pisara at pumili ng isang sitwasyon kung saan maaaring madalas nilang maranasan ang pagtatalu-talo. Bigyan sila ng oras na magsulat ng isang mithiin kung paano nila iiwasan o iwawaksi ang pagtatalo sa sitwasyong iyon.
3 Nephi 12–16
Itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga anak ang mga alituntuning makatutulong sa kanila na sumulong sa pagiging ganap o perpekto
Sabihin sa mga estudyante na tumayo at bigkasin ang 3 Nephi 12:48. Maaaring kailangang dalawang beses mo itong ipagawa sa kanila para mabigkas nila nang buo ang scripture mastery passage na ito. Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang kanilang banal na kasulatan para maituro ang ilan sa mga katangian ng pagiging ganap o perpekto na binanggit sa 3 Nephi 12:1–12 na inaasam nilang mas mapagbuti pa.
Maglagay ng kaunting asin sa isang kutsara, at ipahula sa mga estudyante kung ano ito. Pagkatapos ay palapitin ang isang estudyante at sabihin na tikman ito para malaman niya kung ano ito. Matapos malaman ng estudyante na asin ito, sabihin sa klase na ilista ang mga gamit ng asin. Sa pagsagot ng mga estudyante, tiyakin na malinaw na naunawaan nila na bukod pa sa pampalasa ito sa pagkain, ang asin ay pang-preserba ng pagkain para hindi ito mabulok.
Ipabasa sa mga estudyante ang 3 Nephi 12:13 para malaman kung kanino itinulad ng Tagapagligtas ang asin. Sa pagsagot ng mga estudyante, ipaliwanag na hindi lamang ang mga tao sa templo ang tinutukoy Niya noong araw na iyon kundi ang lahat ng nabinyagan at nakipagtipan sa Kanya.
Itanong: Sa paanong paraan tayo natutulad sa asin, bilang mga disipulo ni Jesucristo? (Dapat tayong tumulong sa pangangalaga o pagliligtas ng mga tao at sa pagpapabuti ng daigdig sa pamamagitan ng pag-impluwensya sa iba sa kabutihan.)
Ipaliwanag na sa 3 Nephi 12:13, ang salitang lasa ay hindi lamang tumutukoy sa lasa ng asin, kundi sa gamit nito bilang pang-preserba.
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Carlos E. Asay ng Pitumpu hinggil sa pagkawala ng lasa ng asin:
“Hindi nawawalan ng lasa ang asin lumipas man ang maraming taon. Ang lasa nito ay nawawala kapag nahalo sa ibang sangkap at nakontamina. Gayon din … nawawala ang husay at kabutihan ng isang tao kapag nag-iisip siya ng masasamang bagay, nagsasalita ng kasinungalingan, at ginagamit ang kanyang lakas sa paggawa ng masama” (“Salt of the Earth: Savor of Men and Saviors of Men,” Ensign, Mayo 1980, 42).
Itanong: Bakit kailangang magsikap tayo na maging dalisay para maimpluwensyahan ang iba sa kabutihan?
Ipakita sa mga estudyante ang isang flashlight. Buksan ito, at sabihin sa mga estudyante na basahin ang 3 Nephi 12:14–16 at alamin kung paano ginamit ng Tagapagligtas ang ilaw upang ituro ang responsibilidad ng Kanyang mga pinagtipanang tao sa mundo. Bago sila magbasa, makatutulong na ipaliwanag na ang bushel o takalan ay isang basket.
Itanong: Paano maaaring maging isang ilaw sa ibang tao ang mga miyembro ng Simbahan na tumutupad ng kanilang mga tipan?
Takpan ng basket o tuwalya ang ilaw ng flashlight, at itanong ang mga sumusunod:
-
Sa paanong mga paraan tayo maaaring matukso na takpan ang ating ilaw?
-
Ayon sa 3 Nephi 12:16, bakit nais ng Tagapagligtas na magpakita tayo ng mabuting halimbawa sa mga tao? (Kapag nagpakita tayo ng mabuting halimbawa, matutulungan natin ang iba na luwalhatiin ang Ama sa Langit. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa margin ng kanilang banal na kasulatan.)
-
Kaninong mabuting halimbawa ang nakatulong sa inyo para mas mapalapit kayo sa Ama sa Langit o nagpalakas ng inyong hangarin na ipamuhay nang lubos ang ebanghelyo?
Hikayatin ang mga estudyante na maging tulad ng asin at tulad ng isang ilaw sa sanlibutan sa pamamagitan ng pagpiling maging mabuting halimbawa.
Ipaliwanag na patuloy na itinuro ng Tagapagligtas na makakamtan ang tunay na gantimpala para sa pagsunod sa mga kautusan kapag sumamba sila nang walang pagkukunwari at hindi paglalagay ng kanilang puso sa mga kayamanan o gantimpala ng mundo. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference: 3 Nephi 13:22; 13:31–33; 14:7–8; 15:9; 16:13. Sabihin sa mga estudyante na saliksikin ang mga scripture passage na ito at alamin ang ilan sa mga gantimpala na ipinangako ng Ama sa Langit sa atin kung ang ating puso ay nakatuon sa matwid na pamumuhay. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.
Magpatotoo sa iyong mga estudyante na tutulungan at pagpapalain sila ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa kanilang mga pagsisikap na huwag makipagtalo at maging mabuting halimbawa sa sanlibutan.
Susunod na Unit (3 Nephi 17–22)
Sabihin sa mga estudyante na sa pag-aaral nila ng 3 Nephi 17–22, mababasa nila na si Jesucristo ay nanangis noong kasama Niya ang mga anak ng mga Nephita. Hikayatin ang mga estudyante na hanapin ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong: Ano ang ginawa Niya para sa kanila? Anong iba pang mga himala ang ginawa ni Jesus habang nagmiministeryo sa mga Nephita?