Home-Study Lesson
3 Nephi 17–22 (Unit 26)
Pambungad
Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang pagmamahal at awang nadarama ng Tagapagligtas para sa Kanyang mga tao. Bukod pa riyan, kapag muling pinag-aralan ng mga estudyante ang payo ng Panginoon na manalangin, mag-iisip sila ng mga paraan kung paano mas gagawing taimtim ang kanilang personal na panalangin at ang panalangin ng kanilang pamilya.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
3 Nephi 17
Pinagaling ng Tagapagligtas ang mga maysakit, nanalangin sa Ama para sa mga tao, at binasbasan ang kanilang mga anak
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang taong kilala nila na pinakamapagmahal. At itanong: Sino ang naisip ninyo? Paano ipinakita ng taong ito ang kanyang pagmamahal sa iba at sa inyo?
Ipakita ang mga larawang Pinagagaling ni Jesus ang mga Nephita (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 83) at Binabasbasan ni Jesus ang mga Batang Nephita (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 84). Pagkatapos ay itanong: Ano ang nalaman ninyo tungkol sa pagmamahal ng Tagapagligtas nang pag-aralan ninyo ang Aklat ni Mormon nitong nakalipas na linggo?
Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang Tagapagligtas ay labis na nahahabag sa atin. Sa ilalim ng pahayag na ito, isulat ang sumusunod na scripture reference: 3 Nephi 17:7, 9, 11, 15–17, 21, 24. Sabihin sa mga mga estudyante na rebyuhin ang mga talatang ito at pumili ng isa na lalong naglalarawan sa katotohanang nakasulat sa pisara. Pagkatapos ng sapat na oras, maaari mong itanong ang mga sumusunod:
-
Paano ipinapakita ng talatang napili ninyo na ang Tagapagligtas ay labis na nahahabag sa atin?
-
Ano ang matututuhan ninyo tungkol sa Tagapagligtas mula sa katotohanang naglingkod Siya sa mga tao nang “isa-isa”? (3 Nephi 17:21).
-
Dahil nalalaman ninyo ang pagiging mahabagin ng Tagapagligtas, paano kayo matutulungan nito na lalo pang manampalataya sa Kanya at lalo Siyang mahalin?
3 Nephi 18–19
Itinuro ni Jesus sa mga tao na laging manalangin sa Ama at magkakasamang magtipon nang madalas
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at sabihin sa kanila na maglista ng lima sa pinakamahirap na tukso na pinaniniwalaan nilang nararanasan ng mga kabataan ngayon. Kapag natapos na sila, sabihin sa bawat magkapartner na basahin ang 3 Nephi 18:15–20 at hanapin ang ipinayo ng Tagapagligtas para madaig ang mga tukso. Ipabahagi sa ilang estudyante ang isang alituntunin na nalaman nila sa mga talatang ito. Ang isang alituntunin na maaaring nalaman nila ay: kung magiging maingat tayo at laging mananalangin sa tuwina sa Ama, mapaglalabanan natin ang mga tukso ni Satanas.
Itanong sa mga estudyante ang sumusunod:
-
Ano sa palagay ninyo ang dapat pag-ingatan ng isang kabataan para mapaglabanan ang isa sa mga tukso sa inyong listahan?
-
Ano ang dapat na ipagdarasal ng isang kabataan na makatutulong sa kanya na mapaglabanan ang isa sa mga tukso sa inyong listahan? Paano nakatutulong ang pagdarasal sa Ama sa Langit para manatili kayong matatag?
Upang matulungan ang mga estudyante na mapalakas ang kanilang patotoo tungkol sa panalangin ng pamilya, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 18:21. At itanong: Anong mga pagpapala ang natanggap ninyo sa pananalangin na kasama ang inyong pamilya?
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan, na nagsalita tungkol sa kapangyarihan ng panalangin ng pamilya:
“Ang panalangin ng mag-anak ay mabisa at malakas na impluwensiya. Noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, isang 500-libra na bomba ang nahulog sa labas ng dampa ni Brother Patey, isang bata pang ama sa Liverpool, England, ngunit ang bomba ay hindi sumabog. Patay na ang kanyang asawa, kaya mag-isa niyang pinapalaki ang kanyang limang anak. Tinipon niya sila sa nakababagabag na panahong ito para manalangin sila nang sama-sama bilang mag-anak. Silang ‘lahat ay nanalangin…nang taimtim at matapos manalangin, sinabi ng mga bata: “Tay, ligtas po tayong lahat dito. Alam po naming ligtas tayong lahat dito sa bahay natin ngayong gabi.”
“‘At sila’y nagsitulog, isipin na lang ninyo, nasa labas lamang ng pinto ng kanilang bahay ang bomba at kalahati nito’y nakabaon sa lupa.’ …
“‘Kinabukasan ang…buong magkakalapit-bahay ay inilipat sa loob ng apatnapu’t walong oras hanggang sa tuluyang maialis ang bomba. …
“‘Nang siya ay pabalik na tinanong ni Brother Patey ang foreman ng A.R.P. Squad: “O, anong nangyari?”
“‘“Ginoong Patey, nakuha na namin sa labas ng pinto ‘nyo ang isang bombang handa nang sumabog anumang oras. Wala naman itong diperensya. Nagtataka kami kung bakit hindi ito sumabog.”’ Maraming himalang nagaganap kapag sama-samang nagdarasal ang mag-anak” (“Ang Linya ng Komunikasyon ng Panalangin,” Liahona, Hulyo 2002, 61).
Itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod, na sensitibo sa mga estudyante na hindi sama-samang nananalangin ang kani-kanyang pamilya:
-
Ano ang magagawa ninyo para matulungan ang inyong pamilya na mas palagi at mas taimtim na manalangin bilang pamilya?
-
Ano ang plano ninyo para maging priyoridad ninyo ang pananalangin ng pamilya sa magiging pamilya ninyo sa hinaharap?
Ipaliwanag na sa pagbalik ng Tagapagligtas sa pangalawang araw para magturo sa mga Nephita, tulad ng nakatala sa 3 Nephi 19, muli Niyang pinayuhan ang mga Nephitang disipulo na manalangin. Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang 3 Nephi 19:9, 13, at sabihin sa mga estudyante na alamin ang ipinagdasal ng mga disipulo. Itanong: Anong alituntunin ang matututuhan natin sa mga karanasan ng mga Nephitang disipulo? (Ang sumusunod ay isang paraan sa pagpapahayag ng alituntuning ito: Ang ating mabubuting hangarin at panalangin ay magpapamarapat sa atin upang mapuspos tayo ng Espiritu Santo.)
Pagkatapos ay itanong sa mga estudyante: Kailan kayo taimtim na naghangad at nanalangin para sa patnubay ng Espiritu Santo? Paano kayo napagpala sa paggawa nito?
3 Nephi 20–22
Sa mga huling araw, sisimulang tipunin ng Diyos ang sambahayan ni Israel
Ipaliwanag na matapos ituro sa mga Nephita ang tungkol sa panalangin, nagsimulang ituro sa kanila ng Tagapagligtas ang tungkol sa pagtitipon ng sambahayan ni Israel sa mga huling araw. Ipabasa sa isang estudyante ang 3 Nephi 21:9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga salitang naglalarawan sa gawain ng Panginoon. Pagkatapos ay itanong:
-
Ano sa palagay ninyo ang tinutukoy ng “dakila at kagila-gilalas na gawa”? (Ang Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, na kinapapalooban ng paglabas ng Aklat ni Mormon.)
-
Sa inyong opinyon, ano ang dakila at kagila-gilalas sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralang muli ang 3 Nephi 21:10–11 at isipin kung sino ang inilalarawan ng Panginoon bilang “aking tagapaglingkod.” Itanong: Anong mga salita o parirala ang nakatulong para malaman ninyo na ang nilalarawan ng Panginoon ay si Propetang Joseph Smith? Pagkatapos ay ipakita ang larawang Si Joseph Smith sa Liberty Jail (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 97).
Itanong: Paano ipinakita ng Diyos sa pamamagitan ni Joseph Smith na ang Kanyang “karunungan ay higit na dakila kaysa sa katusuhan ng diyablo”?
Sa pagtatapos ng lesson, anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng kanilang patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith at sa Panunumbalik ng ebanghelyo. Patotohanan ang mga bagay na ito sa inyong mga estudyante.
Susunod na Unit (3 Nephi 23–30)
Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na sinabi ng Tagapagligtas sa kanila na Kanyang ipagkakaloob ang anumang hilingin nila. Ipaliwanag na sa pag-aaral nila ng 3 Nephi 23–30 sa susunod na linggo, malalaman nila ang tungkol sa labindalawang kalalakihan na nakaranas nito at kung ano ang hiniling nila.