Library
Lesson 100: Alma 43–44


Lesson 100

Alma 43–44

Pambungad

Habang patuloy si Alma at ang kanyang mga anak sa pangangaral ng ebanghelyo, umanib ang mga Zoramita sa hukbo ng mga Lamanita para salakayin ang mga Nephita. Si Kapitan Moroni ay nagpakita ng pananampalataya at karunungan sa pamumuno sa mga Nephita para ipagtanggol ang kanilang mga sarili laban sa hukbo ng mga Lamanita. Bagama’t kaunti ang bilang nila, ang paghahanda at pananampalataya kay Jesucristo ng mga kawal na Nephita ang nagbigay sa kanila ng kalamangan sa digmaan. Nang makita ng mga Lamanita na madadaig na sila, sila ay nakipagtipan para sa kapayapaan at nilisan ang lupain sa loob ng ilang taon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Alma 43

Ang mga paghahanda at mga istratehiya ni Kapitan Moroni ay nakatulong para hindi maisakatuparan ng hukbo ng mga Lamanita ang kanilang mga hangarin

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa notebook o scripture study journal ang kanilang mga plano, mithiin, at hangarin para sa hinaharap. Habang nagsusulat sila, ipaalala sa kanila na pag-isipan ang tungkol sa mga espirituwal na mithiin at hangarin, tulad ng pagmimisyon, pagpapakasal sa templo, at pagpapamilya. Bago magklase, maaari kang maglista ng sarili mong mga mithiin at hangarin para sa hinaharap. Maaari mong ibahagi ang ilan sa iyong mga plano at hangarin bilang halimbawa para matulungan ang mga estudyante na makapagsimulang magsulat.

Pagkatapos magsulat ng mga estudyante, sabihin sa kanila na tukuyin ang mga hangarin at mithiin na sa palagay nila ay ayaw ni Satanas na maisakatuparan nila. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga mithiin na natukoy nila. Sabihin sa kanila na ipaliwanag nila kung bakit hindi gugustuhin ni Satanas na maisakatuparan nila ang mga mithiing iyon. Maaari mo ring itanong sa kanila kung bakit napakatindi ng pagnanais nila na maisakatuparan ang mga mithiing iyon. Sabihin na ang pag-aaral ng Alma 43–44 ay makatutulong sa atin na makita kung paano natin maisasakatuparan ang ating mabubuting mithiin sa kabila ng pagtatangka ng kaaway na wasakin tayo.

Ibuod ang Alma 43:1–4 na ipinapaliwanag na sa kabila ng pagsisikap ni Alma na maibalik ang mga Zoramita sa Simbahan, marami sa kanila ang umanib sa mga Lamanita at naghanda para salakayin ang mga Nephita. Umanib din sa kanila ang mga Amalekita, na, tulad ng mga Zoramita, ay dating mga Nephita ngunit lumihis mula sa katotohanan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 43:5–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga plano, o “mga hangarin,” ng pinuno ng mga Lamanita na si Zerahemnas.

Ipaliwanag na sa pag-aaral natin ng mga tala tungkol sa mga pisikal na digmaan sa Aklat ni Mormon, maihahalintulad natin ang mga ito sa mga espirituwal na digmaan na kinakaharap natin.

  • Paano nahahalintulad ang mga hangarin ni Zerahemnas laban sa mga Nephita sa mga hangarin ni Satanas laban sa atin?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 43:9–12. Sabihin sa klase na tukuyin ang mga hangarin ng mga Nephita.

  • Ano ang mga hangarin ng mga Nephita?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 43:16–19. Sabihin sa kanila na alamin kung ano ang ginawa ni Moroni, ang punong kapitan ng mga Nephita, para maihanda ang mga tao sa pagtatanggol sa kanilang lupain at mga pamilya.

  • Anong mga partikular na bagay ang ginawa ng mga Nephita para mapaghandaan ang pagsalakay ng mga Lamanita?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 43:20–22, at sabihin sa klase na alamin ang reaksyon at ginawa ng mga Lamanita sa mga paghahanda ng mga Nephita.

  • Bakit umatras ang mga Lamanita kahit alam nila na mas marami sila sa mga Nephita?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa pangyayaring ito tungkol sa pagtatanggol sa ating mga sarili laban sa mga hangarin ni Satanas?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 43:23–24 para malaman nila kung ano ang ginawa ni Moroni nang hindi siya makatiyak kung ano ang plano ng kanyang kaaway sa susunod na pagsalakay nito.

  • Bakit nagsugo ng mga tauhan si Moroni para kausapin si Alma?

  • Ano ang itinuturo sa atin ng halimbawa ni Moroni tungkol sa paraan kung paano tayo espirituwal na maghahanda laban sa kaaway? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung hahanapin at susundin natin ang mga payo ng propeta, mas lalo nating maipagtatanggol ang ating sarili laban sa kaaway.)

Ibuod nang maikli ang Alma 43:25–43 sa pagsasabing sinunod ni Moroni ang kaalamang natanggap niya sa propeta. Hinati niya sa dalawa ang kanyang hukbo. Ilan sa mga kawal ay nanatili sa lunsod ng Jerson para protektahan ang mga tao ni Ammon. Ang natira sa hukbo ay nagtungo sa lupain ng Manti. Si Moroni ay nagsugo ng mga tiktik para malaman kung saan naroon ang mga Lamanita, at pinagkubli niya ang iba pang mga kawal sa daraanan ng mga Lamanita. Nang dumating ang mga Lamanita, pinalibutan sila ng mga kawal na Nephita. Nang makita ng mga Lamanita na napaliligiran na sila, buong bangis silang nakipaglaban. Maraming Nephita ang napatay, ngunit mas maraming napatay sa mga Lamanita.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 43:43–54. Sabihin sa klase na alamin ang pagkakaiba ng hangarin at pinagmumulan ng lakas ng mga Lamanita at ng hangarin at pinagmumulan ng lakas ng mga Nephita.

  • Ano ang napansin ninyo sa mga dahilan ng mga Lamanita sa pakikidigma? Ano ang napansin ninyo sa mga dahilan ng mga Nephita sa pakikidigma? Paano nagkaiba ang pinagmumulan ng lakas ng mga Nephita sa pinagmumulan ng lakas ng mga Lamanita? (Kung kinakailangan, ipaliwanag na kung ang mga Lamanita ay nakikipaglaban sa pagkapoot at galit, ang mga Nephita ay nabigyang-sigla ng higit na mainam na dahilan [tingnan sa Alma 43:45–47]. Nagsumamo sila sa Panginoon na sila ay tulungan, at pinalakas Niya sila [tingnan sa Alma 43:49–50].)

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga halimbawa ni Moroni at ng kanyang hukbo na makatutulong sa paglaban natin sa kaaway?

Sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa tanong na ito. Pagkatapos ay ipabahagi ang isinulat nila. Maaaring mabanggit nila ang ilan sa mga sumusunod na alituntunin:

Kapag nagdasal tayo na tulungan tayo na maisakatuparan ang ating mabubuting plano at hangarin, tutulungan tayo ng Diyos na maisakatuparan ang mga ito.

Tayo ay nabibigyang-sigla ng mas mainam na layunin kaysa sa mga kumakalaban sa katotohanan.

Tutulungan tayo ng Panginoon na magawa ang ating tungkulin na ipagtanggol ang ating pamilya, kalayaan, at ating relihiyon.

Sabihin sa mga estudyante na magkuwento tungkol sa isang pangyayari na naranasan nila ang tulong ng Panginoon sa pagsasakatuparan ng kanilang mabubuting mithiin. Maaari mong ibahagi ang sarili mong karanasan. Patotohanan ang kapangyarihan ng Panginoon na matulungan tayo sa pagsasakatuparan ng ating mabubuting hangarin. Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na isama sa kanilang mga panalangin ang kanilang mabubuting mithiin.

Alma 44

Iniutos ni Kapitan Moroni sa mga Lamanita na makipagtipan para sa kapayapaan

Papuntahin sa harap ng klase ang isang binatilyo na gustong magbasa nang malakas at ipadala sa kanya ang kanyang banal na kasulatan. Ipaalala sa klase na nang makita ni Kapitan Moroni na natakot ang mga Lamanita, inutos niya sa kanyang hukbo na itigil ang pakikipaglaban (tingnan sa Alma 43:54). Ipabasa sa binatilyo ang sinabi ni Moroni sa Alma 44:1–6. Sabihin sa klase na pakinggan ang sinabi ni Moroni kung bakit nagtagumpay ang mga Nephita.

  • Ano ang gustong ipaunawa ni Moroni kay Zerahemnas tungkol sa pinagmumulan ng lakas ng mga Nephita sa digmaan? Ano ang alok niya sa mga Lamanita? (Sinabi niya na hindi sila papatayin ng mga Nephita kung isusuko nila ang kanilang mga sandata at makikipagtipan para sa kapayapaan.)

  • Anong mga katotohanan ang matututuhan natin sa Alma 44:4–6 na makatutulong sa atin sa ating mga espirituwal na digmaan? (Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng ilang alituntunin, na ilan dito ay natalakay na sa lesson na ito. Tiyaking mabanggit nila ang sumusunod na katotohanan: Palalakasin at poprotektahan tayo ng Panginoon ayon sa ating pananampalataya sa Kanya. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita sa mga talatang ito na nagtuturo ng katotohanang ito.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na payo sa mga kabataan ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol. Maaari mong bigyan ng kopya nito ang bawat estudyante.

Pangulong Boyd K. Packer

“Ang mga kabataan ngayon ay lumalaki sa teritoryo ng kaaway na may pababang pamantayan sa moralidad. Ngunit bilang lingkod ng Panginoon, ipinapangako ko na kayo ay poprotektahan at ipagsasanggalang sa pagsalakay ng kaaway kung pakikinggan ninyo ang mga panghihikayat ng Banal na Espiritu.

“Manamit nang disente; mapitagang mangusap; makinig sa nagbibigay-inspirasyong musika. Iwasan ang lahat ng imoralidad at gawaing nakasisira ng dignidad. Disiplinahin ang inyong buhay at utusan ang sarili na maging matapat. Dahil labis kaming umaasa sa inyo, kayo ay lubos na pagpapalain. Lagi kayong binabantayan ng inyong mapagmahal na Ama sa Langit” (“Payo sa Kabataan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 18).

  • Sa mga sinabi ni Pangulong Packer, ano ang mas tumimo sa inyo? Bakit?

Ibuod ang Alma 44:7–10 na ipinapaliwanag na sinabi ni Zerahemnas na siya at ang kanyang mga tao ay hindi naniniwala na pinalakas ng Diyos ang mga Nephita. Sinabi niya na isusuko ng mga Lamanita ang kanilang mga sandata, pero tumanggi siya na makipagtipan para sa kapayapaan. Ipabasa nang malakas sa estudyanteng nagbasa ng Alma 44:1–6 ang sagot ni Moroni kay Zerahemnas, na matatagpuan sa Alma 44:11. Itanong sa klase:

  • Sa inyong palagay, bakit napakahalaga para kay Moroni na makipagtipan para sa kapayapaan ang mga Lamanita?

Ibuod ang Alma 44:12–20 na ipinapaliwanag na bagama’t marami sa mga Lamanita ang nakipagtipan para sa kapayapaan, inudyukan ni Zerahemnas ang natitira sa kanyang mga tauhan na makipaglaban sa hukbo ni Moroni. Nang simulan silang paslangin ng mga Nephita, nakita ni Zerahemnas na tiyak na mapapatay silang lahat at nangakong makikipagtipan para sa kapayapaan.

Magpatotoo na pinoprotektahan ng Panginoon ang buhay ng mga taong matatapat sa Kanya. Hikayatin ang mga estudyante na masigasig na ipaglaban ang kanilang mabubuting mithiin at hangarin at magtiwala sa pangako ng Diyos na “itinataguyod, at inaaruga at pinangangalagaan kami, hangga’t kami ay tapat sa kanya” (Alma 44:4).

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Alma 43:3. Ang digmaang nilalabanan natin ay nagsimula sa buhay bago tayo isinilang

Nagsalita si Pangulong Gordon B. Hinckley tungkol sa katotohanan ng digmaan na nilabanan natin bago nilikha ang mundong ito:

“May isa pang digmaan na patuloy na umiiral mula pa nang likhain ang mundo at malamang na magpatuloy pa sa mahabang panahon. …

“Ang digmaang [iyon ay] sa pagitan ng katotohanan at kamalian, kalayaan at pamimilit, sa pagitan ng mga tagasunod ni Cristo at ng mga nagtatwa sa Kanya. Ginamit ng Kanyang mga kaaway ang lahat ng estratehiya sa labanang iyon. …

“… Katulad pa rin ito noong una. … Ang mga nabibiktima ay kasinghalaga ng mga nabiktima na noon. Patuloy ang digmaang ito. …

“Patuloy ang digmaan. … Patuloy ito sa ating sariling buhay, araw at gabi, sa ating mga tahanan, sa ating trabaho, sa ating pakikihalubilo sa paaralan; patuloy ito sa mga pagtatalo tungkol sa pag-ibig at paggalang, katapatan, pagsunod at integridad. Tayong lahat ay [kasali] dito. … Nananalo tayo, at ang hinaharap ay hindi kailanman naging gayon kaliwanag” (“Walang Katapusang Labanan, Tiyak ang Tagumpay,” Liahona, Hun. 2007, 2, 4–5, 7).

Alma 43:9, 45. Proteksyunan at palakasin ang pamilya

Tinukoy ni Sister Virginia U. Jensen ng Relief Society general presidency ang babala sa pagpapahayag tungkol sa pamilya “na ang pagkakawatak-watak ng mag-anak ay magdudulot sa mga tao, mga komunidad, at mga bansa ng mga kapahamakang sinabi na noon pa ng mga sinauna at makabagong propeta” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129). Sinabi ni Sister Jensen: “Mga kapatid, nasa gitna tayo ng realidad na iyan sa mismong sandaling ito. Tungkulin nating lahat na proteksyunan at palakasin ang pamilya” (“Come, Listen to a Prophet’s Voice,” Ensign, Nob. 1998, 13–14).