Library
Lesson 102: Alma 49–51


Lesson 102

Alma 49–51

Pambungad

Ang paghahanda ni Moroni para sa pagtatanggol ay napakahalaga sa pagprotekta sa mga Nephita laban sa kanilang mga kaaway. Naging matagumpay ang mga Nephita sa pagtatanggol sa kanilang sarili laban sa mga Lamanita hanggang sa magsimulang pahinain sila ng paghihimagsik at kasamaan ng sarili nilang mga tao. Si Morianton at ang mga king-men ay lumikha ng pagkakahati-hati at alitan sa mga tao. Sinikap ni Moroni na alisin ang pagkakahati-hati at alitan at nagtatag ng kapayapaan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Alma 49; 50:1–24

Ang mga Nephita ay nagtayo ng mga kutaan, umunlad, at napanatili ang kanilang mga kalayaan

Basahin ang sumusunod na sitwasyon sa iyong klase at itanong ang mga kaugnay na tanong (o gumawa ka ng sarili mong sitwasyon at mga tanong):

Isang binatilyo ang pagod na pero ayaw pa niyang matulog, kaya nagsimula siyang mag-Internet. Natukso siyang tingnan ang mga site na may mga malalaswang larawan o palabas.

  • Anong mga paghahanda ang maaaring ginawa ng binatilyong ito para maiwasan ang tuksong ito?

  • Ano ang magagawa niya para maiwasan ang tukso sa hinaharap?

Ipaliwanag sa mga estudyante na sa pag-aaral nila ng Alma 49–51, aalamin nila kung paano nila maikukumpara ang mga paghahandang ginawa ni Kapitan Moroni laban sa mga Lamanita sa paghahandang dapat nating gawin ngayon laban sa mga tukso ni Satanas.

Ipaliwanag na habang inuudyukan ni Amalikeo ang hukbo ng mga Lamanita na makidigma, pinatitibay ni Kapitan Moroni ang mga lunsod ng mga Nephita. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 49:1, 6–7. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano maihahalintulad ang paghahanda ni Kapitan Moroni para malabanan ang mga Lamanita sa pangangailangan nating maghanda para sa pag-atake ni Satanas sa atin. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 49:2–4; 50:1–6 at alamin kung paano naghanda ang mga Nephita para sa mga pagsalakay ng mga Lamanita sa mga darating na araw.

  • Kung ikaw ay isang kawal na Lamanita, ano kaya ang mararamdaman mo kapag nakita mo sa kauna-unahang pagkakataon ang mga kutaan o mga muog na ito?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 49:8–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang reaksyon at ginawa ng mga Lamanita sa kahandaan ng mga Nephita.

  • Ano ang ginawa ng mga Lamanita nang makita nila na pinatibay ang lunsod ng Ammonihas? (Sila ay umatras.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan:

“Si Satanas ang pinakamatindi nating kaaway na gumagawa araw at gabi upang ipahamak tayo. Subalit hindi tayo dapat maparalisa sa takot dahil sa kapangyarihan ni Satanas. Wala siyang kapangyarihan sa atin maliban na lamang kung pahihintulutan natin siya. Sa katunayan, duwag siya, at kung matatag tayong maninindigan, aatras siya” (“Huwag Matakot,” Liahona, Okt. 2002, 4).

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 49:18–20, 23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at pag-isipan kung paano natin magagamit ang mga paghahanda ng mga Nephita para sa digmaan na makatutulong sa atin na maghanda para sa ating mga espirituwal na digmaan laban kay Satanas.

  • Nagsumigasig si Kapitan Moroni na maprotektahan ang mga Nephita mula sa mga Lamanita. Paano tayo pinoprotektahan at ipinagtatanggol ng ating mga lider laban sa kaaway?

  • Ano ang magagawa natin para makapagtayo ng mataas na espirituwal na pader laban sa mga tukso ni Satanas? (Kabilang sa mga sagot ang makabuluhang araw-araw na panalangin, araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan, regular na pagsisimba, paglilingkod sa kapwa, at pag-aayuno.)

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito bago magklase.)

  • Paano ninyo ilalarawan ang inyong araw-araw na pagsisikap na palakasin ang mga espirituwal na pader na pumoprotekta sa inyo?

  • Pumili ng isang bagay na ginagawa ninyo para mapalakas ang inyong espirituwalidad o isang bagay na hindi ninyo ginagawa. Ano ang magagawa ninyo para maragdagan ang bisa ng gawaing iyan para mapalakas ang inyong sarili laban sa kasamaan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 49:28–30. Ipatukoy sa klase kung sino pa, maliban kay Moroni, ang nagsumigasig na maprotektahan ang mga Nephita laban sa mga Lamanita. Bigyang-diin na sa pagtulong sa mga Nephita na manatiling matwid, si Helaman at ang kanyang mga kapatid ay tumulong sa kanila na matanggap ang mga pagpapala at proteksyon ng Panginoon.

Bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-aralan ang Alma 50:10–12. Pagkatapos ay ipatalakay sa kanila ang mga sumusunod na sitwasyon. (Kung maaari, maghanda ng handout ng mga sitwasyon bago magklase. Kung hindi ito magagawa, paisa-isang basahin ang mga sitwasyon para magkaroon ng sapat na oras na matalakay ang bawat isa.)

  1. “Pinutol [ni Moroni] ang lahat ng muog ng mga Lamanita.” Paano maaaring “putulin” ng isang dalagita ang pagtitsismis kapag kasama niya ang kanyang mga kaibigan sa oras ng pananghalian?

  2. Pinatibay ni Moroni ang hangganan sa pagitan ng mga Nephita at ng mga Lamanita. Paano maaaring patibayin ng isang binatilyo at isang dalagita ang hangganan sa pagitan ng batas ng kalinisang-puri at paggawa ng imoralidad?

  3. Ang mga hukbo ni Moroni ay nagtayo ng mga kutaan upang mapangalagaan ang kanilang mga tao laban sa kanilang mga kaaway. Natanto ng isang binatilyo na napakaraming oras ang naiuukol niya sa paggamit ng social media (online o sa pagti-text). Ang ugaling ito ay tila naging sanhi para hindi na niya gaanong pagmalasakitan ang kanyang pamilya, at pinababayaan niya ang kanyang mga responsibilidad sa tahanan. Ano ang magagawa niya para mapatibay niya ang ugnayan niya sa kanyang pamilya?

Sabihin sa ilang estudyante na ibuod ang natutuhan nila sa ginawa ni Kapitan Moroni kung paano natin maipagtatanggol ang ating sarili sa pag-atake ng kaaway. Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na kung ihahanda natin ang ating sarili, makakaya nating labanan ang pag-atake (ng mga tukso) ng kaaway. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 50:1. Itanong sa klase:

  • Bukod pa sa tagumpay na dulot ng mga paghahanda ni Kapitan Moroni, ano pang karagdagang kaalaman ang matututuhan natin sa talatang ito? (Si Moroni ay “hindi tumigil” sa paghahanda; patuloy niyang pinatibay ang kanyang mga tanggulan, kahit tila walang nakikitang parating na panganib.)

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan na mahalagang patuloy na patatagin ang espirituwalidad, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:

Pangulong Henry B. Eyring

“Kapag ang pwersa [ng kasamaan] sa paligid natin ay tumitindi, anumang espirituwal na lakas na taglay ninyo noon ay hindi sasapat. At kung naisip natin noon na posible ang paglakas ng ating espirituwalidad, ang higit na paglakas ng ating espirituwalidad ay makakamtam din natin ngayon. At ang pangangailangan para sa espirituwal na lakas at ang pagkakataon na matamo ito ay mag-iibayo sa antas na hindi natin aakalain” (“Always,” Ensign, Okt. 1999, 9).

Isulat sa pisara ang mga sumusunod:

Maghahanda ako na mapaglabanan ang mga tukso sa pamamagitan ng …

Magiging matatag ako kapag …

Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang mga pahayag na ito sa kanilang notebook o scripture study journal. Pagkatapos magsulat ng mga estudyante, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang pahayag na ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Alma 50:10–12.)

“Mas mabuti pang maghanda at umiwas kaysa magremedyo at magsisi” (The Teachings of Ezra Taft Benson [1988], 285).

  • Sa palagay ninyo bakit totoo ang pahayag na ito? Kailan kayo nakakita ng halimbawa ng alituntunin na itinuturo sa pahayag na ito?

Ipaliwanag na ang paghahanda ng mga Nephita ay humantong sa ilang taon ng malaking pag-unlad at kapayapaan. Ipaliwanag na habang isinusumpa ni Amalikeo ang Diyos dahil nadaig siya, ang mga Nephita ay “pinasalamatan … ang Panginoon nilang Diyos” (Alma 49:28).

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay may kaibigan sila na naninirahan sa isang lugar na matindi ang digmaan. Nadama niya na imposibleng magkaroon ng kapayapaan at kaligayahan dahil sa kaguluhan sa paligid niya. Isulat sa pisara ang sumusunod na scripture reference: Alma 50:18–23. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang scripture passage na ito at mag-isip ng sasabihin nila sa kanilang kaibigan. Ipabahagi sa ilang estudyante ang sasabihin nila. Isang katotohanan na maaaring isama nila sa kanilang sasabihin ay ang katapatan sa Diyos ay nagdadala ng mga pagpapala, maging sa gitna ng kaguluhan. (Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.) Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang katotohanang ito ay hindi lamang para sa digmaan kundi sa mga personal na pagsubok din tulad ng kagipitang pinansiyal, kawalan ng trabaho, pagkamatay ng isang mahal sa buhay, hindi pagkakaunawaan sa pamilya, at mga kalamidad.

  • Ayon sa Alma 50:18–23, bakit nakaranas ng masayang panahon ang mga Nephita?

  • Kailan ninyo nadama ang kapangyarihan at mga pagpapala ng Panginoon sa inyo dahil sa pagiging masunurin ninyo at pagpapalakas ng inyong sarili laban sa mga tukso?

  • Kailan kayo nabiyayaan ng Panginoon o ang isang taong kakilala ninyo ng pag-unlad, kapayapaan, at kaligayahan kahit mahirap ang panahon? (Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari ka ring magbigay ng halimbawa mula sa iyong buhay.)

Alma 50:25–40; 51

Humina ang depensa ng mga Nephita at hinarap ni Moroni ang mga naghimagsik sa kanyang mga tao

(Paalala: Dahil mahaba na ang lesson, maaaring kailangan mong maikling ibuod ang iba pang materyal. Kung gagawin mo ito, ipaliwanag na ang Alma 50:25–40 ay naglalaman ng salaysay tungkol sa paghihimagsik at kamatayan ni Morianton at ang pagkahirang kay Pahoran bilang punong hukom. Nakatala sa Alma 51 ang isang pangkat na tinatawag na king-men na nagtangkang baguhin ang batas para isang hari ang mamahala sa mga Nephita. Nabigo sila sa kanilang pagtatangka. Sa galit nila dahil sa kanilang pagkabigo, tumangging humawak ng sandata ang mga king-men nang sumalakay si Amalikeo at ang mga Lamanita para makidigma sa mga Nephita. Ayon sa batas, mauutusan sila ni Moroni na humawak ng sandata o sila ay parurusahan. Nasakop ng hukbo ni Amalikeo ang maraming lunsod ng mga Nephita at pinatay ang maraming Nephita. Nang hangarin ni Amalikeo na makuha ang lupaing Masagana, nakaharap niya si Tiankum at ang hukbo nito. Napatay ni Tiankum si Amalikeo at napigilan ang paglusob ng hukbo ng mga Lamanita.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag: Sa pagkakaisa tayo ay magtatagumpay; sa pagkakawatak-watak tayo ay mabibigo.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 50:25–26 at ipahanap ang salita sa bawat talata na naglalarawan ng dahilan ng pagkakahati-hati ng mga Nephita.

  • Ano ang dahilan ng pagkakahati-hati ng mga tao?

Ibuod ang natitirang bahagi ng Alma 50 na ipinapaliwanag na tinangka ni Morianton at ng kanyang mga tao na tumakas sa mga Nephita at pumunta sa lupaing pahilaga. Nag-alala si Moroni na ang pagkakahating ito ay hahantong sa pagkawala ng kalayaan ng mga Nephita. Nagsugo siya ng isang hukbo, na pinamumunuan ng isang lalaking nagngangalang Tiankum, para hadlangan ang pag-alis ng mga tao ni Morianton. Nahadlangan ng hukbo ni Tiankum ang mga tao ni Morianton bago sila nakarating sa kanilang destinasyon at napatay si Morianton. Ang nalalabi sa kanyang mga tao ay “[na]kipagtipan na pananatilihin ang kapayapaan” (Alma 50:36). Pagkatapos ng paghihimagsik ni Morianton, isang mapanganib na pagkakahati sa pulitika ang nangyari sa mga tao ni Nephi. May mga Nephita na gustong alisin si Pahoran sa hukumang-luklukan at palitan siya ng isang hari. Ang iba pa sa mga tao ay gustong panatilihin ang sistema ng gobyerno na pinamamahalaan ng mga hukom.

Sabihin sa mga estudyante na hanapin sa Alma 51:5–6 ang mga pangalan ng dalawang magkalabang pangkat na ito (king-men at freemen). Bigyan ng ilang sandali ang mga estudyante na matukoy sa Alma 51:8 ang mga hangarin ng mga king-men.

Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Winawasak ng pagkakahati-hati at alitan ang ating kapayapaan.

  • Paano makikita ang alituntuning ito sa mga salaysay tungkol sa pagkakahati-hati at alitan na nakatala sa Alma 50 at 51?

  • Ano ang magagawa ninyo sa inyong pamilya, mga kaibigan, o sa inyong komunidad para malutas ang alitan o pagtatalo?

  • Kailan ninyo nakita ang mga pagpapala na nagmumula sa pagkakaisa na nagpalakas sa isang pamilya o isang korum o klase?

Patotohanan ang mga katotohanang iyon na nadama mong bigyang-diin. Ipaalala sa mga estudyante na bibigyan sila ng mga susunod na ilang lesson ng maraming pagkakataon na matukoy ang mga alituntunin at matuto ng mga aral mula sa digmaan ng mga Nephita at mga Lamanita.