Library
Lesson 103: Alma 52–55


Lesson 103

Alma 52–55

Pambungad

Sa panahong ito ng pakikidigma sa mga Lamanita, nawala sa mga Nephita ang maraming lunsod dahil sa alitan na nangyayari mismo sa kanilang mga tao. Nabawi nina Moroni, Tiankum, at Lehi ang lunsod ng Mulek at natalo ang isa sa mga pinakamalaking hukbo ng mga Lamanita. Hindi tinanggap ni Moroni ang kahilingan ni Amoron, ang pinuno ng mga Lamanita, na makipagpalitan ng mga bihag at gumawa siya ng plano para mapalaya ang mga bihag na Nephita nang walang pagdanak ng dugo. Nanatiling matatag si Moroni at hindi nagpadaig sa kasamaan ni Amoron at ng mga tagasunod nito.

Paalala: Ang lesson na ito ay nakatuon sa mga pangyayari sa buhay nina Moroni, Tiankum, at Lehi. Sa susunod na lesson, maraming malalaman ang mga estudyante tungkol sa 2000 kabataang mandirigma ni Helaman na binanggit sa Alma 53:16–23.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Alma 52–53

Nagtulungan sina Moroni, Tiankum, at Lehi para matalo ang mga Lamanita

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag:

“Ang mga kabataan ngayon ay lumalaki sa teritoryo ng kaaway” (Pangulong Boyd K. Packer).

Sa simula ng klase, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag na ito. Pagkatapos ay itanong:

  • Sino ang kaaway? (Si Satanas.)

  • Anong mga impluwensya ni Satanas ang nakikita ninyo sa mundo na nakapalibot sa inyo? (Maaaring mabanggit ng mga estudyante ang hindi angkop na pananalita at pananamit, pagsisinungaling at imoral na pag-uugali, at mga tukso na madalas na makikita sa pamamagitan ng media at teknolohiya.)

Hikayatin ang mga estudyante na mag-isip ng mga paraan na maikukumpara nila ang mga hamong kinakaharap nila sa mga pangyayari at sitwasyon na inilarawan sa Alma 52–55. Pagkatapos ay basahin ang karugtong ng pahayag ni Pangulong Packer:

“Ang mga kabataan ngayon ay lumalaki sa teritoryo ng kaaway na may pababang pamantayan sa moralidad. Ngunit bilang lingkod ng Panginoon, ipinapangako ko na kayo ay poprotektahan at ipagsasanggalang sa pagsalakay ng kaaway kung pakikinggan ninyo ang mga panghihikayat ng Banal na Espiritu” (“Payo sa Kabataan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 18).

Hikayatin ang mga estudyante na hingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang mapaglabanan nila ang kasamaan.

Ipaalala sa mga estudyante na habang sinusugpo ni Moroni ang paghihimagsik ng mga king-men, maraming matitibay na lunsod ng mga Nephita ang nasakop ng mga Lamanita (tingnan sa Alma 51:26). Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 52:14 at alamin ang paglalarawan ni Mormon sa sitwasyon ng mga Nephita sa panahong ito. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 53:9. Sabihin sa klase na tukuyin kung bakit nalagay sa mapanganib na katayuan ang mga Nephita.

  • Paano inilalagay ng mga tao ang kanilang sarili sa mga katayuang mapanganib sa espirituwal?

Isulat sa pisara ang sumusunod na scripture reference: Alma 52:5–10, 16–19. Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto at takbo ng kuwento na nakapalibot sa mga talatang ito, ipabasa nang malakas sa dalawang estudyante ang mga chapter summary ng Alma 52 at 53. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga talata na isinulat mo sa pisara at alamin ang mga alituntunin na makatutulong sa kanila na maiwasan o mapaglabanan ang kasamaan. Pagkatapos ng sapat na oras, itanong:

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito? (Bukod sa iba pang mga alituntunin, maaaring matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Kung iiwasan natin ang mga muog ng kaaway, mas lalo nating maiiwasan at mapaglalabanan ang mga tukso.)

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang lugar, kalagayang panlipunan, o sitwasyong nauugnay sa paggamit ng teknolohiya (tulad ng Internet) na sa palagay nila ay maaaring maglagay sa kanilang buhay sa panganib.

Ipaliwanag na inilarawan ni Mormon ang pakikipaglaban ni Tiankum sa mga Lamanita gamit ang mga salitang ipagtanggol, patibayin, bagabagin, at palakasin. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang kailangang “bagabagin,” o iwaksi sa kanilang sariling buhay na makatutulong sa kanila na maging mas matatag sa espirituwal.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 52:19. Itanong sa klase:

  • Ano ang ginawa ng mga pinuno ng mga Nephita bago makidigma? (Sila ay nagdaos ng pulong ng digmaan.)

  • Sa anong mga paraan maaaring matulad ang pulong ng pamilya [family council] sa “pulong ng digmaan”? Paano tayo napapalakas ng ganitong mga pulong sa pakikipaglaban natin sa kaaway?

Ibuod ang Alma 52:20–40 at Alma 53 na ipinapaliwanag na pagkatapos ng pulong ng digmaan, nabawi ni Kapitan Moroni at ng kanyang mga hukbo ang lunsod ng Mulek sa pamamagitan ng pagpapalabas sa mga Lamanita sa kanilang mga muog. Ang mga Nephita ay maraming nabihag na Lamanita at ipinadala sila sa lunsod na Masagana para patibayin ito. Gayunman, patuloy na nagtagumpay ang mga Lamanita sa iba pang bahagi ng rehiyon dahil sa mga pagtiwalag sa mga Nephita.

Alma 54–55

Hindi tinanggap ni Moroni ang mga kundisyon ni Amoron sa pakikipagpalitan ng mga bihag at gumamit ng pakana para mapalaya ang mga bihag na Nephita

Ipaliwanag na ang Alma 54 ay talaan ng mga liham na ipinadala sa pagitan ni Amoron (hari ng mga Lamanita) at ni Kapitan Moroni. Bago ito, ang mga Lamanita at mga Nephita ay maraming bihag sa digmaan. Nakatala sa kabanatang ito ang sagot ni Moroni sa kahilingan ni Amoron na magpalitan ng mga bihag ang mga Lamanita at mga Nephita.

Ipaliwanag na ang Alma 54:9–12 ay naglalaman ng mga salita ni Kapitan Moroni kay Amoron. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga talatang ito. Pagkatapos ay ipabasa sa isa pang estudyante ang sagot ni Amoron kay Kapitan Moroni sa Alma 54:18–20.

  • Paano naiiba ang mga hangarin ni Kapitan Moroni sa pakikipagpalitan ng mga bihag sa mga hangarin ni Amoron? (Maaari mong ipaliwanag na inaalala ni Moroni ang mga pamilya, samantalang ang inaalala lang ni Amoron ay ang mga tauhan niya dahil gusto niyang wasakin ang mga Nephita.)

  • Paano makikita sa mga sinabi ni Amoron sa Alma 54:18–20 ang mga hangarin ni Satanas sa kanyang pakikidigma laban sa atin?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 55:1–2. Sabihin sa klase na alamin ang sagot ni Moroni sa mga hinihingi ni Amoron.

  • Bakit hindi gagawin ni Moroni ang sinabi ni Amoron? (Alam niya na nagsisinungaling si Amoron, at hindi niya gustong bigyan ng dagdag na lakas si Amoron nang higit sa tinataglay na nito.)

  • Ano ang matututuhan natin sa sagot ni Moroni kay Amoron? (Bagama’t maaaring makapagbigay ng maraming katotohanan ang mga estudyante, tiyakin na nauunawaan nila na kapag nanindigan tayo sa anumang tama, mapipigilan natin ang masasamang impluwensya na magkaroon ng kapangyarihan sa atin.)

Ang mga sumusunod na pahayag ni Joseph Smith ay makatutulong sa pagtalakay mo sa mga talatang ito:

“Hindi tayo maaakit ng mga panunukso ni Satanas maliban kung payagan o pahintulutan natin ito sa ating kalooban” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 248).

“Ang diyablo ay walang kapangyarihan sa atin maliban kung pahintulutan natin siya” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith, 248).

Isulat sa pisara ang sumusunod na scripture reference: Alma 55:15–24, 28–31.

Ipaliwanag na sa Alma 55 nalaman natin na napalaya ni Kapitan Moroni ang mga bihag na Nephita sa lunsod ng Gid sa pamamagitan ng pakana (isang paraan na ginagamit sa digmaan para linlangin o isahan ang kaaway). Sa Alma 55:3–14, nalaman natin na ginamit ni Moroni ang isang kawal na Nephita na nagngangalang Laman para lasingin ang mga kawal na Lamanita na nagbabantay sa mga bihag na Nephita. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang mga talata na isinulat mo sa pisara, at alamin ang ginawa ni Kapitan Moroni nang mapaligiran niya ang mga Lamanita sa lunsod ng Gid. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mga alituntunin sa pag-aaral nila nito. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa kanila na ibahagi ang natukoy nila. Maaari mo ring itanong:

  • Ano ang itinuturo sa inyo ng mga talatang ito tungkol kay Moroni?

Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag at sabihin sa mga estudyante na punan ang mga patlang:

Hindi kami nagagalak sa … ; sa halip, kami ay nagagalak sa …

  • Paano natin matutularan ang halimbawa ni Moroni na hindi nagagalak sa pagpapadanak ng dugo? Halimbawa, paano natin maiaangkop ang halimbawa ni Moroni sa mga bagay na nababasa at pinanonood natin o sa mga larong nilalaro natin?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong:

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig ni Mormon na matutuhan ninyo sa lesson ngayon na tutulong sa inyo na maging matapat sa inyong paglaban sa kaaway?

Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang gagawin nila para mapaglabanan ang pagpasok sa teritoryo ni Satanas at maging matatag sa mga pag-atake nito.

Tapusin ang lesson na nagpapatotoo tungkol sa mga katotohanang tinalakay mo sa klase ngayon.