Lesson 105
Alma 59–63
Pambungad
Nagalak si Kapitan Moroni sa tagumpay ni Helaman sa pagbawi ng ilan sa mga lunsod ng mga Nephita na nasakop ng mga Lamanita. Gayunman, nang malaman niya na nasakop ang lunsod ng Nefihas ng mga Lamanita, nagalit siya sa pamahalaan dahil sa hindi nito pagpapadala ng dagdag na mga tauhan at suplay. Sa isang liham kay Pahoran, ang punong hukom, ibinulalas niya ang pagdurusa ng mabubuti at pinagsabihan si Pahoran sa hindi pagsuporta sa layunin ng kalayaan. Lingid kay Moroni, tumakas si Pahoran papunta sa lupain ng Gedeon dahil sa paghihimagsik ng mga king-men na Nephita. Hindi naghinanakit si Pahoran sa pananalita ni Moroni; sa halip, nagalak siya sa pagmamahal ni Moroni sa kalayaan. Pinalakas ng Panginoon ang mga Nephita, at magkasamang ginapi nina Moroni, Pahoran, at ng kanilang mga tao ang mga king-men at mga Lamanita. Pagkatapos ng ilang taong digmaan, nagkaroon muli ng kapayaan ang mga Nephita, at muling itinatag ni Helaman ang Simbahan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 59
Nakuha sa mga Nephita ang isang lunsod, at labis na nalungkot si Kapitan Moroni dahil sa kasamaan ng mga tao
Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson (mula sa The Teachings of Ezra Taft Benson [1988], 285):
Maaaring nabanggit mo na ang pahayag na ito bilang bahagi ng lesson sa Alma 49–51. Kung nabanggit mo na, maaari kang mag-iwan ng patlang para sa ilang salita kapag isinulat mo ito sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na punan ang mga patlang.
Hikayatin ang mga estudyante na magkuwento ng mga pangyayari sa kanilang buhay o sa buhay ng isang taong kilala nila kung saan nakatulong ang paghahanda para maiwasan ang kabiguan o kalungkutan.
Ipaalala sa mga estudyante na sa mga nakaraang lesson napag-aralan na nila ang tungkol sa mga digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 59:5–11 at isipin kung paano nauugnay ang pahayag sa pisara sa kalagayang inilarawan sa mga talatang ito.
-
Ano ang maaaring dahilan kung bakit nasakop ng mga Lamanita ang lunsod ng Nefihas? (Ang kasamaan ng mga tao ng Nefihas.)
-
Ano ang nalaman ninyo sa mga talatang ito na nauukol sa pahayag na nakasulat sa pisara?
Kung hindi nabanggit ng mga estudyante ang sumusunod na pahayag sa Alma 59:9, ituro ito sa kanila: “Higit na madaling ipagtanggol ang lunsod mula sa pagbagsak sa mga kamay ng mga Lamanita kaysa sa bawiin ito mula sa kanila.” Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang pahayag na ito sa kanilang banal na kasulatan. Para matulungan ang mga estudyante na maisip kung paano naaangkop ang katotohanang ito sa kanilang buhay, sabihin sa kanila na ihambing ang mga lunsod sa ulat na ito sa kanilang sarili at sa mga espirituwal na digmaan na kinakaharap nila. Pagkatapos ay itanong ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong:
-
Paano nauugnay ang katotohanang ito sa atin? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na: mas madali at mas mabuting manatiling tapat kaysa bumalik sa pananampalataya pagkatapos maligaw ng landas.)
-
Bakit mas madaling manatiling tapat sa Simbahan kaysa bumalik sa Simbahan matapos ang mahabang panahon ng pagiging hindi gaanong aktibo?
-
Bakit mas madaling panatilihin ang patotoo kaysa magkaroon nitong muli matapos ang paglayo sa Simbahan?
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga paraan ng pag-atake sa kanila ng kaaway at ng mga tagasunod nito. Hikayatin sila na isulat sa notebook o scripture study journal ang gagawin nila upang makapaghanda sa mga espirituwal na digmaan.
Alma 60–62
Naparatangan nang mali ni Moroni si Pahoran, ngunit tumugon si Pahoran nang may pagmamahal at paggalang
Basahin nang malakas ang Alma 59:13. Tiyaking naunawaan ng mga estudyante na nagalit si Moroni dahil inakala niya na nagpabaya, o walang pagmamalasakit ang pamahalaan, tungkol sa kalayaan ng mga tao. Sa kanyang galit, sumulat siya kay Pahoran, ang punong hukom sa Zarahemla. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 60:6–11.
-
Ano ang ipinaratang ni Kapitan Moroni kay Pahoran?
-
Anong damdamin ang mahihiwatigan ninyo sa mga paratang ni Moroni?
Isulat sa pisara ang sumusunod na scripture reference: Alma 60:17–20, 23–24. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang mga talatang ito. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang mararamdaman nila kung sila si Pahoran.
-
Sa paanong paraan maaaring makasakit ang mga paratang ni Kapitan Moroni kay Pahoran?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 60:33–36. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang nakahandang gawin ni Kapitan Moroni kung hindi ibibigay ni Pahoran ang kanyang mga hinihingi. Pagkatapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, sabihin sa kanila na tukuyin ang mga salita o parirala sa mga talatang ito na nagpapakita ng mga dahilan o mga hangarin ni Moroni para sa kanyang mga hinihingi.
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 61:1–5 para malaman kung bakit hindi nakakatanggap ng dagdag na mga tauhan at suplay si Moroni.
-
Anong impormasyon ang sinabi ni Pahoran kay Moroni?
-
Ano ang ilang itinutugon at reaksyon ng mga tao kapag sila ay naparatangan nang mali tungkol sa isang bagay?
-
Kayo ba ay naparatangan na nang mali tungkol sa isang bagay? Ano ang pakiramdam ninyo tungkol mga paratang sa inyo at sa taong nagparatang sa inyo?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 61:9–10, 15–18 at alamin ang anumang nagpapakita ng kadakilaan ng pagkatao ni Pahoran. Pagkatapos ng sapat na oras, tawagin ang ilang estudyante para magbahagi ng mga nalaman nila.
-
Anong mga aral ang matututuhan natin sa paraan ng pagtugon ni Pahoran sa mga paratang ni Moroni? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Mapipili nating huwag magdamdam sa mga sinabi at ginawa ng ibang tao. Kabilang sa iba pang mga katotohanan na maaaring matukoy ng mga estudyante ay dapat nating iwasan ang panghuhusga sa iba at kapag nagkakaisa tayo sa kabutihan kasama ang iba pa, mas lalakas tayo sa pakikipaglaban natin sa masasama. Maaari mong isulat sa pisara ang mga katotohanang ito.)
-
Paano natin mapipiling huwag magdamdam?
Maaari mong itanong sa mga estudyante kung gusto nilang magbahagi ng anumang karanasan nila sa pagpiling huwag magdamdam nang may magsabi nang hindi maganda o hindi totoo tungkol sa kanila. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan. Patotohanan ang kahalagahan na patawarin ang iba sa kanilang mga sinabi o ginawa laban sa atin. Hikayatin ang mga estudyante na tularan ang halimbawa ni Pahoran.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 62:1. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang nadama ni Moroni nang matanggap niya ang sagot ni Pahoran.
Ipaliwanag na bagama’t mali ang mga paratang ni Kapitan Moroni kay Pahoran, itinuro niya ang mga tunay na alituntunin na maipamumuhay natin. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 60:23. Ipaliwanag na ang mga salita ni Moroni tungkol sa paglilinis ng “panloob na sisidlan” ay maiaangkop kaninuman na kinakailangang magsisi. Ipaliwanag na ang sisidlan ay isang lalagyan, tulad ng tasa o mangkok. Maglagay ng dumi o putik sa loob at labas ng isang tasa (kung mayroon, mas mainam na gumamit ng malinaw na tasa). Itanong sa mga estudyante kung gusto nilang uminom sa tasa. Linisin ang labas ng tasa at tanungin ang mga estudyante kung komportable na silang uminom sa tasa.
-
Kung iisipin natin ang ating sarili na tulad ng mga sisidlan, ano ang maaaring ibig sabihin ng linisin ang panloob na sisidlan o loob ng sisidlan?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson:
“Dapat nating linisin ang panloob na sisidlan (tingnan sa Alma 60:23), simula muna sa ating sarili, pagkatapos sa ating pamilya, at sa huli sa Simbahan” (“Cleansing the Inner Vessel,” Ensign, Mayo 1986, 4).
-
Bakit mahalagang malinis ang ating kalooban (ang hindi nakikita ng mga tao) gayon din ang ating panlabas na anyo (ang nakikita ng tao)?
-
Bakit mahalagang linisin ang panloob na sisidlan ng ating buhay bago tayo lubos na makapaglingkod sa kaharian ng Panginoon?
Ibuod ang Alma 62:1–38 na ipinapaliwanag na isinama ni Kapitan Moroni ang isang bahagi ng kanyang hukbo upang tulungan si Pahoran na pabagsakin ang mga king-men sa Zarahemla. Pagkatapos, sa kanilang nagkakaisang hukbo at sa tulong ng iba pang mga puwersa ng mga Nephita, muling nabawi nina Moroni at Pahoran ang mga natitirang lunsod na nasakop ng mga Lamanita. Itinaboy nila ang mga Lamanita mula sa lupain at naitatag ang kapayapaan sa mga tao.
-
Ano ang ilan sa mga hamon o problema na maaaring maranasan ng mga tao at pamilya pagkatapos ng panahon ng digmaan?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 62:39–41 para malaman kung paano naapektuhan ang mga Nephita ng mga paghihirap at problema na dulot ng digmaan.
-
Anong mga alituntunin ang matutukoy ninyo sa Alma 62:40–41?
Kapag sinagot at tinalakay ng mga estudyante ang tanong na ito, maaaring ganito ang mga isagot nila:
Ang ating matwid na panalangin ay maaaring magkaroon ng mabuting epekto sa ating mga komunidad.
Sa panahon ng paghihirap, may mga taong nagpapakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Diyos habang ang iba naman ay nagiging matigas ang puso.
-
Sa inyong palagay, bakit may mga taong mas napapalapit sa Panginoon kapag nakararanas sila ng mga paghihirap? Bakit may mga taong tumatalikod o lumalayo sa Panginoon kapag nakararanas sila ng mga paghihirap? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na sa panahon ng paghihirap, ang mga pinipili natin ang magpapasiya kung mas mapapalapit tayo sa Panginoon.)
-
Sa pagbabasa ninyo ng mga kabanata sa Aklat ni Mormon tungkol sa digmaan, ano ang itinuro nito sa inyo tungkol sa pagiging disipulo ni Jesucristo sa panahon ng digmaan o kaguluhan?
Alma 63
Maraming Nephita ang naglakbay patungo sa lupaing pahilaga
Ibuod ang mga salita ni Mormon sa kabanatang ito na ipinapaliwanag na maraming Nephita ang nagsimulang dumayo sa lupaing pahilaga, naglakbay sa lupa at sa dagat. Ibinigay ni Siblon ang mga sagradong talaan kay Helaman. Si Kapitan Moroni ay namatay na, at ang kanyang anak na si Moronihas ang namuno sa isang hukbo na nagtaboy sa mga sumalakay na Lamanita.
Maaari mong tapusin ang lesson na ito sa pagkukuwento tungkol sa isang taong nakaranas ng paghihirap at pagdurusa at piniling palambutin ang kanyang puso at lalo pang magtiwala sa Diyos. Maaari kang magbahagi ng sarili mong karanasan.
Pagrebyu ng Aklat ni Alma
Maglaan ng oras na tulungan ang mga estudyante na mapag-aralang muli ang aklat ni Alma. Sabihin sa kanila na pag-isipang mabuti ang natutuhan nila mula sa aklat na ito, kapwa sa seminary at sa kanilang personal na pag-aaral ng banal na kasulatan. Kung kinakailangan, sabihin sa kanila na rebyuhin ang ilan sa mga chapter summary sa Alma na makatutulong sa kanila na makaalala. Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang naisip at nadama nila tungkol sa isang bagay sa aklat na tumimo sa kanila.