Lesson 69
Alma 1–2
Pambungad
Noong kasisimula pa lang ni Alma bilang punong hukom, isang lalaking nagngangalang Nehor ang itinalaga ang sarili bilang mangangaral sa mga tao. Nagsalita siya laban sa Simbahan at sa mga doktrina nito, at kinumbinsi ang marami na maniwala sa kanya at bigyan siya ng salapi. Nang mapatay ni Nehor si Gedeon, na isang matapat na miyembro ng Simbahan, siya ay dinala sa harapan ni Alma. Nang mapatunayang nagkasala ng huwad na pagkasaserdote si Nehor at nagpilit pang ipatupad ito sa pamamagitan ng espada, hinatulan ni Alma si Nehor ng kamatayan. Umunlad ang Simbahan, na pinamunuan ng masigasig at mapagkumbabang mga saserdote, ngunit nagpatuloy pa rin ang huwad na pagkasaserdote. Si Amlici, na isang napakatusong tao alinsunod sa orden ni Nehor, ay nangalap ng suporta sa maraming tao ngunit nabigong maging hari ng mga Nephita. Siya at ang kanyang mga tagasunod ay naghimagsik at nakipagdigma sa mga Nephita, at kalaunan ay nakipagsanib-pwersa sa hukbo ng mga Lamanita. Maraming namatay sa mga Nephita, ngunit dahil pinalakas ng Panginoon, natalo pa rin nila ang mga lumusob na hukbong ito.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 1
Sa kabila ng paglaganap ng huwad na pagkasaserdote at pang-uusig, marami ang nanatiling matatag ang pananampalataya
Isulat ang tanyag sa pisara.
-
Ano ang ilang panganib na dulot ng paghahangad ng katanyagan? Ano ang ilang panganib ng pagsunod sa mga tao dahil lamang tanyag o popular sila?
Ipaliwanag na may isang lalaki na naging tanyag sa ilang tao sa Zarahemla. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 1:2–6 at alamin ang itinuro ni Nehor at kung paano tumugon ang mga tao rito. Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, maaari mong itanong ang mga sumusunod:
-
Bakit mapanganib ang itinuro ni Nehor sa Alma 1:4? (Kung nahihirapan ang mga estudyante sa pagsagot sa tanong na ito, ipaliwanag na itinuro ni Nehor na “ang lahat ng tao ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan,” anuman ang gawin nila. Binabalewala ng turong ito ang kahalagahan ng pagsisisi, mga ordenansa, at pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Tingnan din sa Alma 15:15.)
-
Ano ang mga kahihinatnan ng taong naniniwala sa doktrinang ito?
-
Paano naapektuhan si Nehor ng kanyang tagumpay? (Tingnan sa Alma 1:6.)
Ibuod ang Alma 1:7–15 na ipinapaliwanag na isang araw ay papunta na si Nehor para mangaral sa isang pangkat ng kanyang mga tagasunod nang makasalubong niya si Gedeon, na tumulong na iligtas ang mga tao ni Limhi mula sa pagkaalipin at kasalukuyang naglilingkod bilang guro sa Simbahan. Si Nehor ay “nagsimulang makipagtalo [kay Gedeon] nang matalim, upang kanyang maakay palayo ang mga tao ng simbahan; subalit siya ay napangatwiranan [ni Gedeon], pinaaalalahanan siya sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos” (Alma 1:7). Sa bugso ng galit, hinugot ni Nehor ang kanyang espada at pinatay si Gedeon. Dinala ng mga tao ng Simbahan si Nehor kay Alma, na siyang punong hukom, upang mahatulan sa kanyang mabibigat na kasalanan. Hinatulan ni Alma si Nehor ng kamatayan, at si Nehor ay “nagdanas ng isang kadusta-dustang kamatayan” (Alma 1:15). Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng kadusta-dusta ay kahiya-hiya o walang dangal.
Sabihin sa mga estudyante na saliksikin ang unang ilang linya ng Alma 1:12 para sa salitang ginamit ni Alma upang ilarawan ang pinasimulan ni Nehor sa mga taong ito. Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang footnote 12a. Patingnan sa kanila ang scripture reference na nakalista: 2 Nephi 26:29. Ipabasa sa kanila nang tahimik ang talatang ito.
-
Sa inyong sariling mga salita, ano ang huwad na pagkasaserdote? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “itayo [ng mga tao] ang kanilang sarili bilang tanglaw ng sanlibutan”? Bakit mapanganib ito?
-
Paano naging halimbawa ng huwad na pagkasaserdote ang pangangaral ni Nehor?
-
Ayon kay Alma, ano ang mangyayari sa mga tao kung ipinatupad ang huwad na pagkaserdote sa kanila?
-
Sa palagay ninyo, bakit natutukso ang mga tao na magturo para purihin sila ng iba?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 1:16. Sabihin sa klase na tukuyin kung paano at bakit patuloy na lumaganap ang huwad na pagkasaserdote, kahit namatay na si Nehor. Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, itanong:
-
Ayon sa Alma 1:16, ano ang mga mithiin ng mga taong gumagamit ng huwad na pagkasaserdote? (Ginagawa nila ito “dahil sa mga kayamanan at karangalan”—sa madaling salita, upang magkapera at maging tanyag.)
Ipaliwanag na inimpluwensyahan ng huwad na pagkasaserdote at ng mga epekto nito ang mga Nephita sa loob ng maraming taon (tingnan sa Alma 2; 15:15; 24:28). Ipaliwanag na sa ating panahon, kailangan nating mag-ingat sa mga huwad na pagkasaserdote, sa loob at labas ng Simbahan. Hindi natin dapat hayaang linlangin tayo ng mga taong gumagamit ng huwad na pagkasaserdote. Dapat din nating huwag tularan ang pag-uugali at kilos ng huwad na pagkasaserdote sa pagtuturo natin ng ebanghelyo.
-
Ano ang mga pagkakataon na mayroon kayo para maituro ang ebanghelyo? (Tulungan ang mga estudyante na makita na marami silang pagkakataon na ituro ang ebanghelyo. Tinuturuan nila ang isa’t isa habang nakikibahagi sila sa seminary at sa kanilang mga korum at klase. Maaari rin nilang turuan ang kanilang pamilya sa family home evening. Ang mga kabataang lalaki ay naglilingkod bilang mga home teacher. Ang mga kabataang lalaki at babae ay maaaring hilingang magsalita sa sacrament meeting. Maaari nilang ibahagi ang ebanghelyo sa iba ngayon, at maghanda na maglingkod bilang mga full-time missionary.)
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Anuman ang gawin ko o ninyo bilang mga guro na alam at sinasadyang ipangalandakan ang sarili—sa mga mensahe na ibinibigay natin, sa mga paraang ginagamit natin, o sa ating pansariling pagkilos—ay isang uri ng kawalang-galang na nagwawaksi sa epektibong pagtuturo ng Espiritu Santo” (“Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” Liahona, Set. 2007, 23).
Bigyang-diin na kung sinasadya nating ipangalandakan o ibida ang sarili sa pagtuturo ng ebanghelyo, pinipigilan natin ang epektibong pagtuturo ng Espiritu Santo.
Basahin ang sumusunod na listahan ng maaaring motibasyon ng mga tao kapag nagtuturo sila. Sabihin sa mga estudyante na talakayin kung anong motibasyon ang maaaring halimbawa ng huwad na pagkasaserdote at bakit.
Akayin ang iba sa Tagapagligtas.
Ipakita kung gaano sila nakakatuwa.
Tulungan ang iba na madama ang Espiritu.
Ipakita ang kanilang katalinuhan.
Tulungan ang iba na ipamuhay ang katotohanan ng ebanghelyo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 1:26–27. Sabihin sa klase na tukuyin ang mga pagkakaiba ng kilos ng mga saserdote ng Diyos at ni Nehor.
-
Paano makatutulong sa atin ang halimbawa ng mga saserdoteng Nephita na maiwasan ang huwad na pagkasaserdote?
-
Paano ipinakita ng mga saserdoteng ito ang kanilang katapatan sa Diyos?
Ipaliwanag na ang huwad na pagkasaserdote ay humahantong sa pagtatalo at pag-uusig ng mga Nephita sa isa’t isa. Para matulungan ang mga estudyante na maghandang pag-aralan ang Alma 1:19–33, itanong ang mga sumusunod:
-
Kailan kayo nakakita ng mga tao na tinutukso, kinukutya, o inuusig ang mga sumusunod sa mga kautusan ng Diyos?
-
Naranasan na ba ninyong tuksuhin, kutyain, o usigin dahil sa pagsunod sa mga kautusan? Kung nakaramdam kayo ng ganoon, paano ninyo ito tinugon?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 1:19–20 at alamin ang mga halimbawa ng mga miyembro ng Simbahan na inuusig. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong at sabihin sa mga estudyante na kopyahin ang mga ito sa kanilang notebook o scripture study journal. Bigyan sila ng oras na basahin nang tahimik ang mga scripture passage at sagutin nang mag-isa ang mga tanong.
Kapag napag-aralan na nang sapat ng mga estudyante ang mga scripture passage na ito, itanong kung ano ang matututuhan natin sa mga ito. Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilan o lahat ng mga sumusunod na alituntunin:
Kahit hindi masunurin ang mga taong nakapaligid sa atin, maaari tayong maging matatag at di-natitinag sa pagsunod sa mga kautusan.
Kapag ipinamumuhay natin ang ebanghelyo, magkakaroon tayo ng kapayapaan sa buhay, kahit inuusig tayo.
-
Kailan ninyo nakitang totoo ang mga alituntuning ito?
Alma 2
Si Amlici at ang iba pa ay naghimagsik at kalaunan ay umanib sa mga Lamanita upang makidigma sa mga Nephita
Ipaliwanag na mga apat na taon pagkamatay ni Nehor, ang mga Nephita ay may nakaharap na namang isang masamang tao na naging tanyag sa maraming tao. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sa bawat magkapartner, ipabasa sa isang estudyante ang Alma 2:1–7 habang binabasa ng isa ang Alma 2:8–18. Sabihin sa mga estudyante na maghanda ng mga headline para sa mga artikulo sa balita batay sa mga naka-assign na talata sa kanila, na inilalarawan ang ginawa ng mabubuting tao para labanan ang kasamaan. Pagkatapos ng apat o limang minuto, sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa kapartner nila ang kanilang mga headline. Maaari mong hilingin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang mga headline nila.
Itanong ang mga sumusunod para makatiyak na nauunawaan ng mga estudyante ang mga talatang pinag-aralan nila:
-
Ano ang gustong gawin ni Amlici?
-
Ayon sa Alma 2:18, bakit napigil ng mga Nephita ang pagtatangka ni Amlici na maging hari? (“Pinalakas ng Panginoon ang kamay ng mga Nephita.” Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang pahayag na ito sa kanilang banal na kasulatan.)
Sabihin sa klase na maglista ng mga halimbawa ng mga kasamaang kinakaharap ng mga kabataan ngayon. Maaari nilang banggitin ang mga tukso, at maaari rin nilang banggitin ang mga pagsubok na nararanasan nila dahil sa kasamaan ng iba. Sa patuloy na pag-aaral nila ng Alma 2, sabihin sa kanila na pag-isipan ang mga paraan na makatatanggap sila ng tulong ng Panginoon upang madaig ang mga tukso at pagsubok na kinakaharap nila.
Ipaliwanag na natalo ng mga mandirigmang Nephita ang maraming Amlicita, ngunit nagulat sila nang makitang umanib ang nalalabing mga Amlicita sa hukbo ng mga Lamanita (tingnan sa Alma 2:19–25). Bago makabalik ang mga hukbo ng mga Nephita sa lunsod ng Zarahemla, sinalakay sila ng nagsanib na mga hukbo. Sabihin sa mga estudyante na hanapin sa Alma 2:27 ang parirala na nagsasaad ng laki ng bilang ng pinagsamang hukbo ng mga Lamanita at mga Amlicita.
Sabihin sa mga estudyante na huminto sandali at isipin kung ano sa palagay nila ang madarama nila kung sila ay bahagi ng hukbo ng mga Nephita. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 2:28–31, 36 at sabihin sa klase na alamin kung paano natapos ang labanan. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, maaari mong imungkahi na markahan nila ang salitang pinalakas sa mga talatang ito.
-
Ayon sa Alma 2:28, bakit pinalakas ng Panginoon ang mga Nephita? (Maaaring magbigay ng iba’t ibang sagot ang mga estudyante sa tanong na ito. Tulungan silang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag ipinagdarasal natin sa Diyos na tulungan tayo, palalakasin Niya tayo.)
-
Sa palagay ninyo, bakit mahalaga para sa atin na tumanggap ng lakas mula sa Diyos para malabanan ang kasamaan sa halip na alisin nang lubos ang masasamang impluwensya sa ating buhay?
-
Paano ninyo matutularan ang halimbawa ni Alma sa paglaban sa kasamaan?
Sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang sagot sa isa sa mga sumusunod na tanong:
-
Paano ka napalakas ng Panginoon nang makaharap mo ang kasamaan?
-
Ano ang isang paraan na malalabanan mo ang kasamaan ngayon?
Kapag nakapagsulat na ang mga estudyante, anyayahan ang ilan sa kanila na ibahagi ang kanilang mga sagot. Maaari mo ring ibahagi ang iyong mga sagot kung gusto mo. Hikayatin ang mga estudyante na tularan ang halimbawa ni Nephi—na manalangin na tulungan ng Panginoon at maging karapat-dapat para mapalakas sa kanilang mga pagsisikap. Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo na palalakasin tayo ng Diyos kapag nilabanan natin ang kasamaan.