Lesson 70
Alma 3–4
Pambungad
Matapos sumapi sa isang hukbo ng mga Lamanita, minarkahan ng mga Amlicita ng kulay pula ang kanilang mga noo para makita ang kaibahan nila sa mga Nephita. Ang mga Amlicita at mga Lamanita ay nakidigma sa mga Nephita, at “libu-libo at sampu-sampung libo” ang namatay sa digmaan (tingnan sa Alma 3:26). Kasunod ng digmaang ito, maraming Nephita ang nagpakumbaba at “nagising sa pag-alaala sa kanilang tungkulin” (Alma 4:3). Mga 3,500 ang nabinyagan at sumapi sa Simbahan. Gayunman, sa sumunod na taon, maraming miyembro ng Simbahan ang naging palalo at inusig ang iba. Dahil nabagabag sa kasamaang ito, nagbitiw si Alma bilang punong hukom at patuloy na naglingkod bilang mataas na saserdote sa buong Simbahan. Sa ganitong tungkulin, nagplano siyang maglakbay sa palibot ng rehiyon, nagbabahagi ng dalisay na patotoo at nananawagan sa mga tao na magsisi.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 3:1–19
Nakipagdigma ang mga Nephita sa mga Amlicita at mga Lamanita
Hatiin ang klase sa maliliit na grupo. Bigyan ang bawat grupo ng isang papel na nakasulat ang sumusunod na mga salita: damit, istilo ng buhok, hikaw at alahas, at tato. Sabihin sa mga grupo na talakayin kung anong mga mensahe ang maaaring maipahatid ng mga tao, nang sadya o di-sinasadya, gamit ang mga bagay na ito.
Ipaalala sa mga estudyante na humiwalay ang mga Amlicita sa mga Nephita at umanib sa hukbo ng mga Lamanita (tingnan sa Alma 2). Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Alma 3:4 at alamin kung paano binago ng mga Amlicita ang kanilang hitsura.
-
Kanino gusto ng mga Amlicita na “[m]akilala mula sa” o maiba sila?
-
Sa panahon ngayon, ano ang ginagawa ng ilang tao sa kanilang hitsura para maiba sila sa mabubuti? (Sa pagsagot ng mga estudyante, tiyaking malinaw na naipaliwanag na may mga tao na sinasadyang baguhin ang kanilang hitsura para ihiwalay ang sarili sa mabubuti o kontrahin ang mga pamantayan ng Simbahan. May iba naman na sumusunod sa kalakaran ng mundo nang hindi napapansin na may mensahe na silang naipapabatid tungkol sa kanilang sarili.)
Ipaliwanag na nang markahan ng mga Amlicita ang kanilang noo para ihiwalay ang sarili sa mga Nephita, ipinakita nila na dinala nila sa kanilang mga sarili ang sumpa sa mga Lamanita. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 3:14–19. Tulungan ang klase na masuri ang mga talatang ito sa pamamagitan ng pagtatanong ng ilan o lahat ng mga sumusunod na tanong:
-
Anong parirala sa Alma 3:18 ang naglalarawan ng ipinapakitang kilos at pag-uugali ng mga Amlicita sa Diyos? (“Lantarang naghimagsik laban sa Diyos.”)
-
Paano nagdala ng sumpa ang mga Amlicita “sa kanilang sarili”? (Alma 3:19).
-
Ano ang ilang katotohanang matututuhan natin mula sa mga talatang ito? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang ang mga taong lantarang naghihimagsik sa Diyos ay nagdudulot ng masasamang epekto sa kanilang sarili at kung nakawalay tayo sa Diyos, ito ay dahil sa inilayo natin ang ating sarili mula sa Kanya.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng paghihiwalay ng sarili sa mabubuting paraan, itanong ang sumusunod:
-
Ano ang ilang paraan na maipapakita natin sa ating pananamit at kaanyuan na tayo ay mga disipulo ni Jesucristo? (Kung nahihirapan ang mga estudyante sa pagsagot sa tanong na ito, maaari mong ipabasa sa kanila ang “Pananamit at Kaanyuan” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan [2011], mga pahina 6–8. Bigyang-diin na nararapat makita sa ating pananamit at kaanyuan na may patotoo tayo sa ebanghelyo.)
Hikayatin ang mga estudyante na ipakita na sinusunod nila ang Panginoon sa araw-araw na pagpili nila, kabilang na ang pagpili ng dapat na pananamit at kaanyuan. Bigyang-diin na sa pamamagitan ng ating pananamit at kaanyuan maipapakita natin ang pagkakaiba natin bilang mga disipulo ni Jesucristo.
Alma 3:20–27
Libu-libo ang namatay sa digmaan ng mga Nephita laban sa mga Lamanita at mga Amlicita
Ibuod ang Alma 3:20–25 na inilalahad na naitaboy ng mga Nephita ang mga Lamanita, ngunit libu-libo ang namatay sa magkabilang panig. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 3:26–27. Sabihin sa klase na pakinggan ang aral na nais ni Mormon na maunawaan natin.
-
Ayon sa mga talatang ito, anong gantimpala ang dumarating sa mga sumusunod sa Panginoon?
-
Ano ang nangyayari sa mga hindi sumusunod sa Panginoon?
Bilang buod, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Makadarama tayo ng kaligayahan o kalungkutan depende sa kung sino ang pipiliin nating sundin.
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagpapalang nagmumula sa pagpiling sundin ang Panginoon.
-
Anong mga pagpapala ang natanggap ninyo mula sa Panginoon dahil pinili ninyong sundin Siya?
Alma 4:1–14
Matapos ang ilang panahon na umunlad ang Simbahan, ang mga miyembro ng Simbahan ay naging palalo at nagkaroon ng alitan at pagtatalu-talo sa kanila
Isulat ang mapagkumbaba at palalo sa pisara.
-
Ano ang ibig sabihin ng mapagkumbaba? (Ang ibig sabihin ng mapagkumbaba ay madaling turuan at kinikilala nang may pasasalamat na umaasa tayo sa Panginoon—nauunawaan na lagi nating kailangan ang Kanyang tulong.)
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 4:1–5. Sabihin sa klase na alamin ang katibayan na naging mapagkumbaba ang mga Nephita. Habang ipinaliliwanag ng mga estudyante ang nalaman nila, makatutulong na ipaliwanag na hindi natin kailangang makaranas ng trahedya para magpakumbaba—maaari nating piliing magpakumbaba.
Ipaliwanag na ang paglalarawan sa mga Nephita sa Alma 4:6 ay lubhang kakaiba sa paglalarawan sa Alma 4:3–5. Ituro ang salitang palalo sa pisara.
-
Ano ang ibig sabihin ng maging palalo? (Ang kapalaluan ay kabaligtaran ng kapakumbabaan. Ang mga taong palalo ay sinasalungat ang isa’t isa at ang Diyos. Itinuturing nila ang sarili na nakakaangat sa mga nakapaligid sa kanila at sinusunod ang kagustuhan nila sa halip na ang kagustuhan ng Diyos.)
Hatiin sa dalawang grupo ang klase at sabihin sa unang grupo na basahin nang tahimik ang Alma 4:6–8 at ipabasa nang tahimik sa pangalawang grupo ang Alma 4:9–12. Sabihin sa dalawang grupo na tukuyin ang kapalaluang ginawa ng ilan sa mga Nephita at kung paano nito naapektuhan ang iba. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa dalawang grupo na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa impluwensiyang idinudulot ng kapalaluan sa pakikitungo natin sa iba?
-
Anong babala ang nakikita ninyo sa Alma 4:10? (Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na: kung magpapakita tayo ng masamang halimbawa, magiging hadlang ang mga ikinikilos natin sa pagtanggap ng ibang tao sa ebanghelyo.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 4:13–14. Sabihin sa klase na maghanap ng mga halimbawa kung paano nanatiling mapagkumbaba ang ilang Nephita kahit palalo ang iba.
-
Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa impluwensyang idinudulot ng pagpapakumbaba sa pakikitungo natin sa iba?
Bigyang-diin na ang ating pagpapasyang maging mapagkumbaba o palalo ay nakakaapekto sa atin at sa iba. Kung may oras pa, sabihin sa mga estudyante na isulat sa notebook o scripture study journal ang mga karanasan nila na nagpapakita na totoo ang pahayag na ito.
Alma 4:15–20
Si Alma ay nagbitiw bilang punong hukom upang iukol ang kanyang panahon sa paghikayat sa mga tao na magsisi
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay sila ang nasa sitwasyon ni Alma. Sila ang punong hukom, at marami sa mga tao ang naging palalo at inuusig ang mga nananatiling mapagkumbaba.
-
Ano ang maaari ninyong gawin para tulungan ang mga tao na magbago?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 4:15–19. Sabihin sa klase na alamin ang ipinasyang gawin ni Alma.
-
Ano ang ipinasyang gawin ni Alma? (Ipinasya niyang magbitiw bilang punong hukom upang iukol ang kanyang panahon sa pagtuturo sa mga tao.)
-
Ano ang ipinapahiwatig ng pariralang “pagpapatotoo ng dalisay na patotoo” (Alma 4:19) tungkol sa paraan ng pagtuturo ni Alma?
-
Kailan kayo nakarinig ng mga taong nagbahagi ng “dalisay na patotoo”? Paano kayo naimpluwensyahan ng mga karanasang ito?
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Alma sa Alma 4:19?
Maaaring kabilang sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod:
Ang pagtupad sa ating mga tungkuling pang-espirituwal ay maaaring mangailangan ng sakripisyo.
Ang pagbabahagi ng dalisay na patotoo ay nakatutulong sa iba na mas mapalapit sa Diyos.
Hikayatin ang mga estudyante na alamin ang dalisay na patotoo ni Alma habang binabasa nila ang Alma 5–16 sa kanilang personal na pag-aaral at habang tinatalakay ang mga kabanatang ito sa mga susunod na lesson. Hikayatin din sila na bigyang-pansin ang epekto ng patotoo ni Alma sa mga tao.