Lesson 71
Alma 5:1–36
Pambungad
Nang manganib ang Simbahan dahil sa alitan at kasamaan (tingnan sa Alma 4:9–11), iniwan ni Alma ang hukumang-luklukan upang mapagtuunan niya ang pagpapalakas sa Simbahan. Sinimulan niya ang misyong bawiin ang mga tao ni Nephi sa pamamagitan ng “pagpapatotoo ng dalisay na patotoo laban sa kanila” (Alma 4:19). Sinimulan ni Alma ang kanyang misyon sa pagpapaalala sa mga tao ng Zarahemla na iniligtas ng Panginoon ang kanilang mga ninuno sa pisikal at espirituwal na pagkaalipin. Hinikayat niya sila na maghanda para sa huling paghuhukom sa pamamagitan ng pananampalataya sa salita ng Diyos at pagsuri sa espirituwal na kalagayan ng kanilang mga puso.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 5:1–14
Isinalaysay ni Alma ang pagbabalik-loob ng kanyang ama at ng mga taong sumunod sa kanya
Isulat sa pisara ang salitang pagbabago. Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa ng mga ginagawang paraan ng mga tao para mabago ang kanilang hitsura o pag-uugali. Sabihin sa kanila na ipaliwanag kung ano ang kahahantungan o idudulot ng ilan sa mga pagbabagong ito sa mga tao.
Ipaalala sa mga estudyante na nabagabag si Alma dahil sa kasamaan na nagsisimula nang lumaganap sa mga Nephita. Nakikita niya na kung hindi sila magbabago, mawawala sa kanila ang mga ipinangakong pagpapala ng mga tipang ginawa nila. Iniwan niya ang hukumang-luklukan at inilaan ang sarili sa paglilingkod sa mga tao at paghikayat sa kanila na magsisi. Sinimulan niya ang pagtuturo sa mga tao ng Zarahemla.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 5:3–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga pangyayaring binigyang-diin ni Alma nang simulan niyang turuan ang mga tao.
-
Paano nakatulong sa mga tao ni Alma na marinig ang tala tungkol sa pagkaalipin, pagkaligtas, at pagbabalik-loob ng tatay ni Alma at ng mga nagsisunod sa kanya?
-
Tingnan sa Alma 5:7. Ayon sa talatang ito, anong klaseng pagbabago ang nangyari sa buhay ng tatay ni Alma at ng kanyang mga tao?
Idagdag sa pisara ang mga salitang ng puso pagkatapos ng pagbabago, para maging, pagbabago ng puso.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng makaranas ng “pagbabago ng puso”? (Para matulungan ang mga estudyante sa pagsagot sa tanong na ito, maaari mong sabihin sa kanila na itinuro ni Elder Gerald N. Lund ng Pitumpu na sa mga banal na kasulatan, ang salitang puso ay kadalasang tumutukoy sa “totoong katauhan ng isang tao” [“Understanding Scriptural Symbols,” Ensign, Okt. 1986, 25].)
-
Ano ang pagkakaiba ng pagbabago ng puso at ang uri ng pagbabago na tinalakay natin sa simula ng lesson?
Ipaliwanag na sa Alma 5:7–9, 14, gumamit si Alma ng ilang uri ng parirala na naglalarawan ng pagbabago ng puso. Dagdagan ang parirala sa pisara para mabasa nang ganito, Ang pagbabago ng puso ay parang …
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 5:7–9, 14 at alamin kung paano inilarawan ni Alma ang pagbabago ng puso. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Habang nagbabahagi ang mga estudyante, magdagdag ng mga parirala sa pisara. (Maaaring ganito ang kalabasan ng listahan ninyo: Ang pagbabago ng puso ay parang … paggising mula sa mahimbing na pagtulog; mapuno ng liwanag; mapalaya sa tanikala; mapaligaya nang labis ang inyong kaluluwa; makaawit ng mapagtubos na pag-ibig; maisilang sa Diyos; matanggap ang larawan ng Panginoon sa inyong mukha.)
-
Paano maitutulad ang pagbabago ng puso sa mga paglalarawang nakalista sa pisara?
-
Paano makikita ang pagbabago ng puso sa mga ikinikilos ng isang tao? Paano nakikita kung minsan ang pagbabago ng puso sa mukha ng isang tao? (Maaari mong ipalarawan sa mga estudyante ang anyo o ikinikios ng isang taong kilala nila na sa palagay nila ay “tinanggap sa kanyang mukha ang larawan ng [Panginoon].”)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 5:10 at sabihin sa klase na alamin ang tatlong itinanong ni Alma sa mga tao. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga tanong na ito.) Ang pagbabasa ng mga tanong na ito ay tutulong sa mga estudyante na matukoy sa kasunod na mga talata ang mga bagay na naging dahilan para makaranas si Alma at ang kanyang mga tao ng malaking pagbabago ng puso.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 5:11–13 at sabihin sa klase na tukuyin ang bagay na nagdulot ng malaking pagbabago ng puso ng ama ni Alma at ng kanyang mga tagasunod. (Ang kanilang pananampalataya sa salita ng Diyos at, kasunod niyan, ang kanilang pananalig at pagtitiwala sa Diyos. Maaari mo ring ipaliwanag ang impluwensya ng salita ng Diyos na binanggit sa Alma 5:5, 7.)
-
Ano ang nakikita ninyong kaugnayan ng paniniwala sa salita ng Diyos at ng pagdanas ng pagbabago ng puso? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag naniniwala tayo sa salita ng Diyos at sumasampalataya kay Jesucristo, mararanasan natin ang malaking pagbabago ng puso. Bigyang-diin na ang salita ng Diyos na ipinangaral nina Abinadi at Alma ay nakatuon sa pagtubos na darating sa pamamagitan ni Jesucristo [tingnan sa Mosias 16:4–9; 18:1–2].)
Ipaliwanag na ang isang paraan na maipapahayag na ang tao ay nagkaroon ng malaking pagbabago ng puso ay ang sabihing sila ay isinilang na muli. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pagiging “isinilang sa Diyos” o “isinilang na muli” ay tumutukoy sa pagbabagong nararanasan ng isang tao kapag tinanggap niya si Jesucristo at nagsimula ng panibagong buhay bilang Kanyang disipulo. Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pagdanas ng malaking pagbabago ng puso, o maisilang muli, ay kadalasang nangyayari nang unti-unti, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Maaaring itanong ninyo, Bakit hindi nangyayari sa akin nang mabilis ang malaking pagbabagong ito? … Para sa karamihan sa atin, mas [unti-unti] ang mga pagbabago at matagal bago dumating. Ang pagsilang muli … ay isang proseso sa halip na pangyayari. At ang pakikibahagi sa prosesong iyon ang [pangunahing] layunin ng mortalidad” (“Isinilang na Muli,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 78).
-
Kailan kayo nakadama ng pagbabago sa inyong puso nang sikapin ninyong mamuhay ayon sa salita ng Diyos?
-
Paano ninyo ilalarawan ang mga nadarama at mga ginagawa ninyo na kasama sa pagbabago ng puso?
-
Paano nabago ang puso ninyo nang pag-aralan ninyo ang Aklat ni Mormon sa seminary sa taong ito?
Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante na isulat sa notebook o scripture study journal ang isa o dalawang bagay na gagawin nila upang mas mapagsikapang mamuhay ayon sa salita ng Diyos.
Alma 5:15–36
Itinuro ni Alma na ang malaking pagbabago sa puso ay kailangan para makapasok sa kaharian ng langit
Bigyan ang bawat estudyante ng handout na nakasulat ang sumusunod na chart, o idispley ang chart sa pisara para makopya ng mga estudyante.
Ipaliwanag na ang cardiogram ay isang chart na ginagamit kung minsan ng mga doktor upang masuri o ma-monitor ang kundisyon ng ating pisikal na puso. Tumutulong ito para matukoy nila ang mga problema o kundisyon na kailangang gamutin.
Sabihin sa mga estudyante na matapos ituro ni Alma na ang salita ng Diyos ang nagdulot ng malaking pagbabago ng puso ng kanyang ama at ng iba pa, tinanong niya ang mga tao ng mga bagay na makatutulong sa kanila na masuri ang kalagayan ng kanilang sariling puso. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 5:14 at alamin ang tatlong itinanong ni Alma sa mga tao. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga tanong na ito.)
Ipaliwanag na nagbigay pa si Alma ng karagdagang tanong para tulungan ang kanyang mga tao na isipin ang kalagayan ng kanilang mga puso. Sabihin sa mga estudyante na mag-ukol ng ilang minuto para pag-aralan at pagnilayan ang mga scripture passage na nakalista sa itaas ng espirituwal na cardiogram. Hikayatin sila na markahan ang mga kahon sa chart na pinakamainam na naglalarawan kung ano sa palagay nila ang kalagayan nila pagdating sa mga katanungan sa bawat scripture passage. (Pansinin na may mga talata na mahigit sa isa ang tanong.) Dahil may pagkapersonal ang aktibidad na ito, hindi dapat ipabahagi sa mga estudyante ang kanilang sagot sa klase.
Kapag nakumpleto ng mga estudyante ang kanilang cardiogram, ipabasa nang tahimik sa kanila ang Alma 5:29–31 at ipahanap ang ilan pang itinanong ni Alma upang tulungan ang kanyang mga tao na suriin ang kanilang mga puso. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na baguhin nang kaunti ang mga tanong para umakma sa kanila: “Ako ba ay nahubaran na ng inggit?” “Kinukutya ko ba ang iba?” “Inuusig ko ba ang iba?”)
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 5:17–18, 20–25. Sabihin sa klase na alamin ang mga dahilan kung bakit kailangang mabago ang ating mga puso bilang paghahanda sa araw ng paghuhukom. Itanong ang mga sumusunod para matulungan ang mga estudyante na maunawaan na kapag nararanasan natin ang pagbabago ng puso, inihahanda natin ang ating sarili na tumanggap ng lugar sa kaharian ng langit:
-
Anong mga salita at parirala ang ginamit ni Alma na naglalarawan ng gusto ninyong kalagayan sa sandaling tumayo kayo sa harapan ng Diyos para hatulan? (Sa pagsagot ng mga estudyante ng tanong na ito, maaari mong ituon ang pansin nila sa Alma 5:16, 19.)
-
Paano makatutulong sa inyo ang pagdanas ng pagbabago ng puso ngayon para maihanda kayo na tumanggap ng lugar sa kaharian ng langit?
Isulat ang mga sumusunod na tanong sa pisara. (Maaari mong isulat ang mga ito sa pisara bago magsimula ang klase.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 5:33–36 habang hinahanap ng klase ang mga sagot sa mga tanong sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga sagot na nahanap nila.
Tapusin ang lesson sa pagbibigay sa mga estudyante ng ilang minuto para magsulat. Papiliin sila ng talata o parirala mula sa Alma 5:1–36. Sabihin sa kanila na isulat nila kung ano ang kalahagahan sa kanila ng talata o pariralang iyon at paano nila magagawa ang iminumungkahi nito habang hinahangad nilang mabago ang kanilang puso sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Magpatotoo na kapag patuloy nating nararanasan ang pagbabago ng puso at gumagawa ng mabuti, magiging handa tayo na pumasok sa kaharian ng Diyos.