Lesson 77
Alma 12
Pambungad
Matapos marinig ni Zisrom ang mga salita ni Amulek at “[n]agsimulang manginig sa pagkaalam … ng kanyang pagkakasala” (Alma 12:1), nagsalita si Alma para mas ipaliwanag pa ang itinuro ni Amulek. Nagtuon si Alma sa mga katotohanan na tutulong sa mga tao ng Ammonihas na pagsisihan ang katigasan ng kanilang mga puso at iba pang mga kasalanan. Binigyang-diin niya ang mga mapaglinlang na patibong ni Satanas, ang mga hatol na sasapit sa masasama, at ang plano ng pagtubos, na nagtutulot sa mga nagsisipagsisi na mapatawad sa kanilang mga kasalanan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 12:1–7
Ibinunyag ni Alma ang plano ni Zisrom—at ang plano ng kaaway—sa mga tao ng Ammonihas
Sundin ang ipinapakita sa kalakip na ilustrasyon tungkol sa paggawa ng slipknot, o patibong, gamit ang lubid o tali. Hawakan ang patibong o pambitag at itapat ito sa kendi o pagkain na nasa mesa para ipakita kung paano ito gamitin. Sabihin sa isang estudyante na ilusot ang kamay sa patibong para makuha ang pagkain. Kapag nagawa na niya ito, higpitan ang patibong. (Iwasan na masaktan ang estudyante.)
Sabihin sa isang estudyante na ilahad muli sa klase kung paano tinangka ni Zisrom na mabitag si Amulek sa patibong (tingnan sa Alma 11:21–25). Ipaliwanag na matapos mahiwatigan ni Amulek ang balak ni Zisrom at pagsabihan ito, nagsalita rin si Alma kay Zisrom at sa mga taong nakikinig (tingnan sa Alma 12:1–2). Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 12:3–6 at ipahanap ang mga salita at parirala na ginamit ni Alma para ilarawan ang mga taktika ni Zisrom. (Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang mga salita at pariralang ito.) Sabihin sa kanila na ibahagi ang nahanap nila.
-
Kaninong plano ang sinusunod ni Zisrom?
-
Ano ayon kay Alma ang mga balak ng diyablo?
-
Bakit nahiwatigan ni Alma ang balak na ito?
Sabihin sa mga estudyante na maglahad ng mga alituntunin na nagbubuod sa kanilang natutuhan sa Alma 12:3 tungkol sa paraan kung paano nila mahihiwatigan ang mga panlilinlang ng kaaway. Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat matukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Matutulungan tayo ng Espiritu Santo na matukoy ang mga panlilinlang ng kaaway. Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na sa nakaraang lesson, natutuhan nila na kung tayo ay aasa sa Espiritu Santo, mapaglalabanan natin ang tukso. Ipaliwanag na para mapaglabanan ang tukso o panlilinlang, dapat muna nating matukoy ito at ang kapahamakang idudulot nito sa atin. Pagkatapos ay gawin natin ang lahat para maiwasan ito.
-
Kailan kayo natulungan ng Espiritu Santo na matukoy at maiwasan ang tukso? (Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.)
Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante na makapagsulat sa kanilang notebook o scripture study journal tungkol sa paraan kung paano nila mas madarama ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo upang matukoy at maiwasan nila ang mga patibong ng kaaway.
Alma 12:8–18
Itinuro ni Alma ang tungkol sa huling paghuhukom sa buong sangkatauhan
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang propesyon o trabaho na interesado silang gawin. Anyayahan ang ilan sa kanila na magsalita tungkol sa propesyon o trabaho na interesado silang gawin. Sabihin sa kanila na tantiyahin kung magkano ang matrikulang babayaran nila sa kolehiyo, unibersidad o vocational school para matamo ang kaalaman at kasanayang kailangan nila para magtagumpay sa propesyon o trabahong iyon. Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung anong “matrikula” o sigasig ang dapat nating ibigay para magtamo ng espirituwal na kaalaman.
“Ang espirituwal na [kaalaman] … ay hindi basta maibibigay sa [atin]. Ang itinurong sigasig at paghahangad na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya ay dapat tumbasan para matamo at ‘maangking kanya’ ang gayong kaalaman. Sa paraang ito lamang madarama rin sa puso ang nalalaman ng isipan” (“Mangagpuyat sa Buong Katiyagaan,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 43).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 12:7–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at hanapin ang katibayan na nagsisimula nang bayaran ni Zisrom ang espirituwal na “matrikula” na kailangan para magtamo ng espirituwal na kaalaman. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung ano ang nakita nila sa mga talatang ito na nagpapahiwatig na unti-unting nagbabago ang puso ni Zisrom.
Ituro na tinanong ni Zisrom si Alma tungkol sa pagkabuhay na mag-uli. Sa halip na sagutin kaagad ang tanong na iyon, itinuro sa kanya ni Alma ang pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 12:9–11. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang itinuro ni Alma kay Zisrom tungkol sa pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Ipaliwanag na ang “mga hiwaga ng Diyos ay mga espirituwal na katotohanang nalalaman lamang sa pamamagitan ng paghahayag … sa mga yaong sumusunod sa ebanghelyo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Hiwaga ng Diyos, Mga,” scriptures.lds.org). (Maaari mong isulat sa pisara ang pahayag na ito. Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na isulat nila ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Alma 12:9.)
Sabihin sa mga estudyante na ipahayag sa sarili nilang mga salita ang itinuturo ng Alma 12:9 tungkol sa dapat nating gawin para matanggap ang espirituwal na katotohanan. (Maaaring gumamit ng iba-ibang salita ang mga estudyante, ngunit dapat na maipahayag sa kanilang mga sagot na ang Panginoon ay naghahayag ng mga espirituwal na katotohanan alinsunod sa pagsunod at sigasig na ibinibigay natin sa Kanyang mga salita. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Alma 12:9.)
-
Ano ang epekto ng kalagayan ng ating puso sa kakayahan nating tumanggap ng espirituwal na katotohanan?
Sa Alma 12:10–11, ipaliwanag ang magkaibang kinahinatnan ng mga taong hindi pinatigas ang kanilang mga puso sa katotohanan at ng mga taong pinatigas ang kanilang mga puso.
-
Ngayong alam na ninyo ang mga kinahinatnang ito, paano ito makakaapekto sa inyong hangarin na lalo pang magtamo ng espirituwal na kaalaman?
Ipaliwanag na matapos ituro ni Alma kung paano natin malalaman ang espirituwal na katotohanan, sinagot niya ang tanong ni Zisrom. Sabihin sa mga estudyante na ulitin ang tanong ni Zisrom sa Alma 12:8 sa sarili nilang mga salita. Sabihin sa kanila na basahin nang tahimik ang Alma 12:12–15 at alamin ang itinuro ni Alma kay Zisrom tungkol sa pagkabuhay na mag-uli at paghuhukom. Habang nagbabasa ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod: Tayo ay pananagutin sa harapan ng Diyos para sa ating … , … , at …
Kapag tapos nang magbasa ang mga estudyante, sabihin sa kanila na kumpletuhin ang pangungusap sa pisara: Tayo ay pananagutin sa harapan ng Diyos para sa ating iniisip, sinasabi, at ginagawa.
-
Sa palagay ninyo, paano nakaapekto kay Zisrom ang katotohanang ito? (Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Alma 14:6 at 15:3 para mahanap ang sagot.) Sa inyong palagay, bakit kaya nagkaroon ng matinding epekto kay Zisrom ang katotohanang ito? (Maaari mong ipaliwanag na hindi lamang sarili ni Zisrom ang iniisip niya. Nag-alala siya para sa mga taong nailigaw niya.)
-
Ano ang mga iniisip, sinasabi, at ginagawa ng mga tao na nahihirapan silang pigilan na maaaring ikapahamak nila kung hindi nila pagsisisihan? (Para matulungan ang mga estudyante na pagnilayan at talakayin kung paano maiimpluwensyahan ng pinipili nilang libangan at media ang kanilang iniisip, sinasabi, at ginagawa, maaari mong tukuyin ang payo tungkol sa libangan at media sa Para sa Lakas ng mga Kabataan.)
-
Ano ang kaibhang magagawa nito sa mga desisyon ninyo sa araw-araw kung naaalala ninyo ang katotohanang nakasulat sa pisara?
Ituro ang cross-reference sa Mosias 4:30 sa Alma 12:14, footnote 14a, at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 4:30. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang cross-reference na ito.) Kung may sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na balikan ang isinulat nila tungkol sa pagpapalakas ng kanilang pagiging sensitibo sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Hikayatin sila na magdagdag ng ilang ideya kung paano ang pag-unawa nila na may pananagutan sila sa Diyos ay nakakaimpluwensya sa kanilang hangarin na matukoy at maiwasan ang tukso.
Alma 12:19–37
Ipinaliwanag ni Alma kung paano tayo matutulungan ng plano ng pagtubos na madaig ang mga epekto ng Pagkahulog
Ipakita sa mga estudyante ang larawang Nakaluhod sa Altar sina Adan at Eva (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 4). Ipaliwanag na isang lalaking nagngangalang Antionas, na isa sa mga pinuno sa Ammonihas, ang nagtanong hinggil sa itinuro nina Alma at Amulek tungkol sa pagkabuhay na mag-uli. Lumapit siya kay Alma para itanong kung paano magiging imortal ang mga tao. (Tingnan sa Alma 12:20–21.)
Itanong sa mga estudyante kung gaano nila lubos na maipapaliwanag sa isang tao na hindi miyembro ng Simbahan kung paano tayo matutubos mula sa Pagkahulog. Upang tulungan silang maging handa na ituro ang katotohanang ito sa ibang tao, sabihin sa kanila na saliksikin ang mga talata sa kasunod na chart at isulat ang natutuhan nila sa mga angkop na column. (Maaari mong isulat sa pisara ang chart na ito bago magsimula ang klase. Sabihin sa mga estudyante na kopyahin ito sa notebook o scripture study journal.)
Mga Epekto ng Pagkahulog (Alma 12:22, 24) |
Ano ang ginawa ng Diyos para matubos tayo (Alma 12:24–25, 28–33) |
Ano ang dapat nating gawin para tayo ay matubos (Alma 12:24, 30, 34, 37) |
---|---|---|
Maaaring kailanganin ng mga estudyante ang tulong mo habang kinukumpleto nila ang chart. (Isang paraan para maipaunawa sa mga estudyante ang mga banal na kasulatan ay ang patingnan sa kanila ang mga footnote. Halimbawa, ang mga scripture reference sa footnote 22c ay maaaring makatulong para maunawaan ng mga estudyante ang ibig sabihin ng pagkaligaw at pagkahulog ng buong sangkatauhan.) Kapag nakumpleto na ng mga estudyante ang chart, itanong ang mga sumusunod. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito bago magklase para mapag-isipan ng mga estudyante ang mga sagot na ilalagay nila sa chart.)
-
Paano tayo tinutulungan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na madaig ang mga epekto ng Pagkahulog? (Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, madaraig nating lahat ang pisikal na kamatayan sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli. At sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ng ating pagsisisi, makababalik tayo sa Diyos mula sa ating “ligaw at nahulog” na kalagayan.)
-
Ayon sa Alma 12:24, ano ang itinuro ni Alma na layunin ng buhay? (Sinabi niya na ang buhay na ito ay ang panahon upang makapaghanda tayo sa pagharap sa Diyos. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga parirala sa Alma 12:24 na nagtuturo ng katotohanang ito.)
Para matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang natutuhan nila, itanong ang tulad ng mga sumusunod:
-
Paano nakatulong sa inyo ang kaalaman ninyo tungkol sa layunin ng buhay?
-
Paano nakatulong ang pananampalataya ninyo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo para makapaghanda sa pagharap sa Kanila?
Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo na ito ang panahon para maghanda sa pagharap sa Diyos.