Lesson 80
Alma 15–16
Pambungad
Matapos iligtas ng Panginoon sina Alma at Amulek mula sa bilangguan, sila ay nangaral sa mga tao sa lunsod ng Sidom. Natagpuan nila roon ang mga naniniwala na itinaboy palabas ng Ammonihas, kabilang na si Zisrom, na pisikal at espirituwal na nagdurusa dahil sa kanyang mga kasalanan. Nang sinabi ni Zisrom na nananampalataya siya kay Jesucristo, siya ay pinagaling ni Alma at bininyagan. Pinalakas ni Alma ang Simbahan sa Sidom, at pagkatapos ay bumalik sila ni Amulek sa Zarahemla. Tulad nang ipinropesiya ni Alma, winasak ng mga Lamanita ang lunsod ng Ammonihas sa isang araw. Bukod pa rito, binihag ng mga Lamanita ang ilan sa mga Nephita mula sa karatig na mga lupain. Sa pagsunod sa payo ni Alma bilang propeta, nabawi ng mga hukbo ng mga Nephita ang mga bilanggo at naitaboy ang mga Lamanita mula sa lupain. Sa panahon ng kapayapaan, pinalakas nina Alma, Amulek, at ng marami pang iba ang Simbahan sa buong lupain ng mga Nephita.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 15
Pinagaling ni Alma si Zisrom, itinatag ang Simbahan sa Sidom, at pagkatapos ay bumalik sa Zarahemla kasama si Amulek
Upang matulungan ang mga estudyante na maalala ang mahahalagang tao at pangyayaring isinalaysay sa Alma 11–14, isulat sa pisara ang mga sumusunod na salita:
Bigyan ang mga estudyante ng isang minuto na subukang gamitin ang lahat ng mga pangalan at mga salita sa pisara para maibuod ang mga pangyayaring isinalaysay sa Alma 11–14. (Maaari mong imungkahi na tingnan nila ang mga chapter summary para matulungan sila.) Matapos sumagot ang ilang estudyante, burahin ang lahat ng salita maliban sa Zisrom.
Ipaliwanag na matapos lisanin ang Ammonihas, nagtungo sina Alma at Amulek sa Sidom, kung saan nakita nila ang mga naniniwala na itinaboy palabas ng Ammonihas, kabilang na si Zisrom. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 15:3–5 at hanapin ang mga salita at parirala na naglalarawan sa kalagayan ni Zisrom. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang nahanap nila, isulat sa pisara ang kanilang mga sagot sa ilalim ng pangalan ni Zisrom.
-
Sa palagay ninyo, bakit nagdusa si Zisrom sa pisikal at espirituwal dahil sa nagawa niyang kasalanan? Ano ang kailangang gawin ng mga taong nasa ganitong kalagayan para mabago ang kanilang kalagayan?
-
Sino ang hiningan ng tulong ni Zisrom? (Tingnan sa Alma 15:4.) Sa palagay ninyo bakit niya pinapunta sa kanya sina Alma at Amulek? (Maaaring kabilang sa sagot na nagtiwala siya sa kanila at alam niya na sila ay mga tao ng Diyos at may awtoridad ng priesthood.)
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 15:6–10. Sabihin sa klase na alamin ang mga sinabi ni Alma kay Zisrom para tulungan ito na manampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.
-
Sa palagay ninyo, bakit kailangang manampalataya si Zisrom kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala bago siya mapagaling?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 15:11–12 para malaman ang nangyari kay Zisrom. Matapos ang sapat na oras na nakapagbasa na sila, burahin ang lahat ng salita at parirala sa pisara sa ilalim ng pangalan ni Zisrom.
-
Anong katibayan ang nakita ninyo na nagsisi si Zisrom at natanggap ang awa ng Panginoon? (Siya ay gumaling sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, siya ay bininyagan, at nagsimulang ipangaral ang ebanghelyo.)
Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Sa pamamagitan ng ating pananampalataya kay Jesucristo, tayo ay mapapagaling at mapapalakas.
Ipaliwanag na si Alma, bilang lider ng priesthood, ay hindi ipinangalandakan ang sarili o nagyabang. Kinausap niya si Zisrom dahil gusto niyang tulungan itong manampalataya kay Jesucristo at tumanggap ng awa sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala. Para mailarawan ang isang paraan na natutulungan tayo ng ating mga priesthood leader na matanggap ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala, basahin ang sumusunod na karanasang ibinahagi ni Elder Jay E. Jensen ng Pitumpu:
“Habang nagsisilbi bilang bishop, nasaksihan ko ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala sa mga buhay ng mga miyembro ng Simbahan na nakagawa ng mabibigat na kasalanan. …
“Isang single adult sa aming ward ang nakipag-deyt sa isang dalagita. [Hindi nila napigilan] ang kanilang damdamin. Lumapit siya sa akin para [humingi ng] payo at tulong. Ayon sa mga naipagtapat at sa mga pahiwatig ng Espiritu sa akin, kabilang ang iba pang mga bagay, siya ay pansamantalang hindi pinahintulutang tumanggap ng sacrament. Nag-usap kami nang regular para siguruhin na [nangyayari] na ang pagsisisi, at, matapos ang tamang panahon, binigyan ko siya ng karapatang muling tumanggap ng sacrament.
“Habang ako ay nakaupo sa harapan [sa sacrament meeting na iyon,] , nabaling ang aking tingin sa kanya habang siya ay karapat-dapat [nang] tumatanggap ng sacrament. Nasaksihan ko ang mga bisig ng awa, pagmamahal, at kaligtasan na yumayakap sa kanya habang ang pagpapagaling ng Pagbabayad-sala ay nagpasigla sa kanyang kaluluwa at nag-alis ng kanyang pasanin, na nagbunga ng pangakong kapatawaran, kapayapaan, at kaligayahan” (“Mga Bisig ng Kaligtasan,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 49).
Magpatotoo na makatutulong sa atin ang mga bishop at iba pang mga priesthood leader na matanggap ang awa at lakas na kailangan natin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Upang matulungan ang mga estudyante na makita na naglilingkod sa grupo ng mga tao at indibiduwal ang mga lider ng Simbahan, sabihin sa kanila na pag-aralan ang Alma 15:13–18. Pagpartnerin sila para magtulungan sa pagsagot. Sabihin sa isang estudyante sa bawat magkapartner na basahing mabuti ang Alma 15:13–15, 17 at alamin kung paano pinagpala ang mga tao sa Sidom dahil sa paglilingkod ni Alma. Sabihin sa isa pang estudyante sa bawat magkapartner na basahing mabuti ang Alma 15:16, 18 at alamin kung paano pinagpala si Amulek dahil sa paglilingkod ni Alma. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa kanila na ipaliwanag sa isa’t isa ang nalaman nila.
Sabihin sa magkakapartner na umisip ng tatlo hanggang limang paraan na maaaring makatulong ang mga lider ng Simbahan ngayon sa mga grupo at indibiduwal. Hikayatin ang mga estudyante na isipin ang sarili nilang responsibilidad bilang mga lider sa kanilang mga priesthood quorum at Young Women class. Sabihin sa magkakapartner na ibahagi sa klase ang isa sa kanilang mga ideya.
Alma 16:1–12
Winasak ng mga Lamanita ang Ammonihas ngunit hindi nila natalo ang mga Nephita na sumunod sa payo ni Alma
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang panahon na nagulat sila o biglang natakot. Maaari mong sabihin sa isa o dalawang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 16:1–3 at alamin kung paano nagulat ang mga Nephita sa Ammonihas at bakit malamang na natakot ang ilan sa kanila. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Kung kinakailangan, tulungan silang makita na biglang sinalakay ng mga Lamanita ang lunsod ng Ammonihas at nilipol ang mga naninirahan dito bago pa nakapagtipon ang mga Nephita ng hukbo na lalaban sa kanila.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 16:4–6 at sabihin sa klase na alamin kung sino ang hiningan ng payo ng mabubuting Nephita. Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Alma 16:7–8 habang hinahanap ng iba pa sa klase ang resulta ng tulong na natanggap nila.
-
Paano nakatulong sa mga Nephita ang payo ni Alma bilang propeta?
-
Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa talang ito? (Maaaring magbigay ang mga estudyante ng iba’t ibang alituntunin. Tiyaking nauunawaan nila na kapag hinahangad at sinusunod natin ang payo ng mga propeta ng Panginoon, palalakasin at poprotektahan tayo ng Panginoon. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Paano pinagpapala ang mga kabataan kapag sinusunod nila ang payo ng propeta? (Upang matulungan ang estudyante na masagot ang tanong na ito, maaari mong ipabasa sa kanila ang dalawa o tatlong bahagi sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Ipasagot sa kanila ang tanong na ito hinggil sa bawat bahagi na pinili mo.)
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na natulungan sila ng payo ng propeta na pumili nang tama sa mahihirap na sitwasyon. Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan sa klase. (Tiyaking maunawaan nila na hindi nila kailangang magbahagi ng mga karanasan na napakapersonal o napakapribado.) Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan. Para mabigyang-diin ang katotohanan na palaging natutupad ang mga salita ng propeta, maaari mong ituro na ang Alma 16:9–11 ay nagpapakita ng katuparan ng propesiya ni Alma tungkol sa mga tao ng Ammonihas (tingnan sa Alma 9:12).
Alma 16:13–21
Pinalakas nina Alma, Amulek, at ng iba pa ang Simbahan sa mga Nephita
Matapos pag-aralan ng mga estudyante ang Alma 16, hikayatin silang maghanap ng mga halimbawa para sa dalawang alituntunin na isinulat mo sa pisara. Ibuod ang Alma 16:13–15 na ipinapaliwanag na ipinagpatuloy nina Alma at Amulek ang pangangaral ng salita ng Diyos sa buong lupain, sa tulong ng iba na “mga napili para sa gawain” (Alma 16:15). Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 16:16–21 at alamin ang mga resulta ng mga pagsisikap na ito. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng tungkol sa nalaman nila. Itanong sa kanila kung paano inilalarawan ng mga halimbawang ito ang isa o ang dalawang alituntunin na nakasulat sa pisara.
Tapusin ang lesson sa paghihikayat sa mga estudyante na kopyahin ang isa sa mga alituntuning ito sa kanilang notebook o scripture study journal. Sabihin sa kanila na sumulat ng buod tungkol sa natutuhan nila ngayon sa alituntuning iyan. Sabihin din sa kanila na isulat kung paano nila paplanuhing isabuhay ang natutuhan nila.