Library
Lesson 83: Alma 19–20


Lesson 83

Alma 19–20

Pambungad

Nakaranas si Haring Lamoni ng malaking pagbabago sa puso, na humantong sa pagbabalik-loob ng kanyang asawa at ng marami sa kanyang mga tao. Pagkatapos ay naglakbay sina Ammon at Haring Lamoni patungong Midoni upang palayain ang mga nakabilanggong kapatid ni Ammon. Sa kanilang paglalakbay, nakasalubong nila ang ama ni Lamoni, na siyang hari sa buong lupain. Nanggilalas ang hari sa mga salita nina Lamoni at Ammon, sa lakas ni Ammon, at sa pagmamahal ni Ammon kay Lamoni. Lumambot ang kanyang puso, at tiniyak niya sa kanila na mapapalaya sa bilangguan ang mga kapatid ni Ammon. Sinabi niya na gusto niyang malaman pa ang tungkol sa mga narinig niya mula sa kanyang anak at kay Ammon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Alma 19

Nagsisi at nabinyagan si Haring Lamoni at ang marami sa kanyang mga tao

Itanong sa mga estudyante:

  • Kapag naghulog kayo ng malaking bato sa tubig, ano ang nangyayari sa tubig?

Habang inilalarawan ng mga estudyante ang epekto sa tubig na hinulugan ng bato, idrowing sa pisara ang sumusunod na diagram, nang hindi inilalagay ang mga salita.

bato sa tubig

Isulat sa pisara ang sumusunod:

Sa pagbabahagi ng ating patotoo at pagpapakita ng mabuting halimbawa, magagawa nating …

Sabihin sa estudyante na tandaan ang pahayag na ito sa buong lesson at pag-isipan kung paano nila makukumpleto ito.

  • Paano maihahalintulad ang ikinikilos ng isang tao sa bato na inihulog sa tubig? (Tulungan ang mga estudyante na makita na, gaya ng maliliit na alon na palaki nang palaki dahil sa inihulog na bato, maaari ring maimpluwensyahan ng mga ikinikilos natin ang ibang tao.)

Isulat ang Ammon sa unang ring o bilog sa diagram.

  • Sino ang unang tinuruan ni Ammon? (Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa pagsagot sa tanong na ito, maaari mong ipabasa sa kanila ang chapter summary para sa Alma 18. Isulat ang Haring Lamoni sa ikalawang ring o bilog sa diagram.)

Ibuod ang Alma 18:40–43 at 19:1–5 na ipinapaliwanag na noong nakinig si Haring Lamoni kay Ammon, napag-isip-isip niya ang kanyang mga kasalanan at pangangailangan sa Tagapagligtas. Nagsumamo siya na kaawaan siya ng Panginoon at pagkatapos ay nalugmok sa lupa. Dahil inakalang patay na, dinala siya ng kanyang mga tagapagsilbi sa kanyang asawa at inihiga sa isang higaan. Pagkalipas ng dalawang araw at dalawang gabi, dadalhin na sana ng kanyang mga tagapagsilbi ang kanyang katawan sa libingan nang sabihin ng reyna na gusto niyang kausapin si Ammon. Hindi siya naniniwala na patay na si Lamoni, at gusto niyang puntahan ito ni Ammon.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 19:6 at hanapin ang parirala na sa palagay nila ay lubos na naglalarawan ng karanasan ni Lamoni. Tumawag ng ilang estudyante na magbabasa ng mga pariralang napili nila. Itanong sa kanila kung bakit nila pinili ang mga pariralang iyon.

Sa diagram, isulat ang reyna sa kasunod na ring. Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang Alma 19:7–11 para malaman kung paano naimpluwensyahan ng karanasang ito ang reyna.

  • Ano ang nalaman natin tungkol sa reyna sa mga talatang ito? (Maaaring kabilang sa sagot na mahal niya ang kanyang asawa, nagtiwala siya kay Ammon, at malakas ang pananampalataya niya.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 19:12–14. Sabihin sa iba pang mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa at lalong pagtuunan ng pansin ang ipinakitang pananampalataya ni Lamoni.

  • Anong mga katotohanan ang natutuhan ni Lamoni sa nakaraang dalawang araw?

  • Si Lamoni, ang reyna, at si Ammon ay “nadaig ng Espiritu” at “nadaig sa kagalakan.” Kailan ninyo nadama nang napakalakas ang impluwensya ng Espiritu? Kailan kayo nakadama ng napakalaking kagalakan?

Isulat ang mga tagapagsilbi ni Lamoni sa susunod na ring sa diagram. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 19:15–16. Sabihin sa klase na maghanap ng katibayan na nagsisibaling sa Diyos ang mga tagapagsilbing ito.

  • Anong mga salita at parirala ang nagpapakita na bumaling sa Diyos ang mga tagapagsilbi?

Isulat ang Abis sa susunod na ring sa diagram. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 19:17. Sabihin sa klase na alamin kung paano naimpluwensyahan si Abis ng mga pangyayaring ito.

  • Ano ang ginawa ni Abis? Ano ang inaasam niya na mangyayari dahil sa ginawa niya?

Maaari mong bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na maibuod ang Alma 19:18–28. Bigyan sila ng oras na basahin nang tahimik ang mga talatang ito. Pagkatapos ay magtawag ng estudyante na gustong magkuwento ng pangyayari sa kanyang sariling mga salita. Hayaang tumulong ang ibang mga estudyante. Kung kinakailangan, tulungan silang isama ang sumusunod na impormasyon: Matapos marinig ang balita mula kay Abis, nagtipon ang mga tao sa bahay ng hari. Nang makita nila na nakahandusay si Ammon, ang hari, ang reyna, at ang mga tagapagsilbi, naging matindi ang kanilang pagtatalo. Isang lalaki ang nagtangkang patayin si Ammon ngunit bumagsak itong patay. May ilang nagsabi na si Ammon ang Dakilang Espiritu, at may nagsabi naman na isa siyang halimaw. Nang makita ni Abis ang mga pagtatalu-talo na idinulot ng pagtipon niya sa mga tao, siya ay labis na nalungkot.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang gagawin nila kung nasa sitwasyon sila ni Abis. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 19:29.

  • Paano naipakita sa kilos ni Abis ang lakas ng kanyang patotoo? Paano ipinakita ng reyna na mayroon na siyang patotoo?

Basahin nang malakas ang Alma 19:30–36. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa at isipin ang epekto ng patotoo at halimbawa ni Ammon sa iba.

Isulat ang marami pang ibang mga Lamanita sa huling ring sa diagram.

Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang pahayag na isinulat mo sa simula ng klase. Isang alituntunin na maaaring sabihin nila ay sa pagbabahagi natin ng patotoo at pagpapakita ng mabubuting halimbawa, matutulungan natin ang iba na bumaling sa Panginoon.

  • Kailan nakaimpluwensya sa iyo nang mabuti ang halimbawa o patotoo ng isang tao?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano maiimpluwensyahan ng kanilang mga patotoo at halimbawa ang kanilang mga pamilya, kaibigan, at komunidad. Sabihin sa kanila na magsulat ng sagot sa sumusunod na tanong sa notebook o scripture study journal:

  • Ano ang maaari mong gawin ngayon na maaaring makaimpluwensya nang mabuti sa mga tao sa paligid mo?

Hikayatin ang mga estudyante na hayaang maimpluwensyahan ng kanilang mga patotoo at mabubuting halimbawa ang iba, tulad ng mumunting alon na nalilikha kapag naghagis ng bato sa tubig. Sabihin sa mga estudyante na sa susunod na lesson (lesson 85), baka anyayahan mo silang ibahagi ang kanilang mga ginawa.

Alma 20

Nais ng ama ni Haring Lamoni na malaman ang tungkol sa ebanghelyo at nagsimulang makaranas ng pagbabago ng puso

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na naramdaman nilang hindi maganda o makatarungan ang pagtrato sa kanila.

Ipaliwanag na naharap sa isang sitwasyon sina Ammon at Lamoni kung saan hindi maganda ang pagtrato sa kanila. Ipaliwanag na maaari tayong matuto ng mahahalagang aral mula sa naging tugon nila sa pagtrato sa kanila.

Para maging pamilyar ang mga estudyante sa tala sa Alma 20, ibuod ang Alma 20:1–7 tulad nang sumusunod: Gustong ipakilala ni Lamoni si Ammon sa kanyang ama, na siyang hari sa buong lupain. Inihayag ng Panginoon kay Ammon na hindi dapat sumama si Ammon dahil tatangkain ng ama ni Lamoni na patayin siya. Inihayag din ng Panginoon na ang kapatid ni Ammon na si Aaron at ang dalawang kasama nito ay nasa bilangguan sa lupain ng Midoni. Gusto ni Ammon na mapalaya ang kanyang mga kapatid. Nang marinig ni Lamoni na nalaman ni Ammon ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng paghahayag, tumulong si Lamoni na mapalaya ang mga kapatid ni Ammon.

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na chart o gawin itong handout at ibigay sa bawat estudyante:

1. Alma 20:8–13

Ano ang mararamdaman ninyo kung nasa kalagayan kayo ni Ammon at may isang taong pinaratangan kayo na sinungaling at magnanakaw?

2. Alma 20:14–16

Anong mga aral ang matututuhan natin mula sa sagot ni Lamoni sa kanyang ama?

3. Alma 20:17–25

Nang makita ng ama ni Lamoni na kaya siyang patayin ni Ammon, ano ang inalok niya kay Ammon? Ano sa halip ang hiniling ni Ammon?

4. Alma 20:26–27

Paano nakaapekto sa ama ni Lamoni ang pagmamahal ni Ammon kay Lamoni? Paano nakaapekto sa ama ni Lamoni ang mga sinabi nina Ammon at Lamoni?

Pagpartnerin ang mga estudyante para magtulungan sa pagsagot. Sabihin sa magkakapartner na basahin ang mga talata sa row 1–2 at talakayin ang mga sagot sa mga kalakip na tanong. Hikayatin sila na maging handa sa pagbahagi ng kanilang mga sagot sa buong klase.

Matapos talakayin ng mga magkakapartner ang mga sagot sa mga tanong para sa row 1–2, tawagin ang ilan sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Pagkatapos ay itanong:

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito? (Maaaring magbigay ng iba-ibang sagot ang ilang estudyante, ngunit tulungan silang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Maibabahagi natin ang ating patotoo sa salita at halimbawa kahit pinipilit tayo ng iba na gawin ang mali. Maaari mong imungkahi na isulat nila ang alituntuning ito sa tabi ng Alma 20:15.)

Sabihin sa magkakapartner na pag-aralan ang mga talata sa row 3–4 at talakayin ang mga kalakip na tanong. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Pagkatapos ay itanong:

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito? (Iba-iba man ang ibahaging alituntunin ng mga estudyante, tiyaking malinaw ang mga sumusunod: Kapag nagpakita tayo ng pagmamahal at nagturo ng katotohanan, makatutulong tayo na mapalambot ang kanilang puso at pakinggan nila ang ebanghelyo. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa tabi ng Alma 20:26–27.)

Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga naging karanasan nila na nagpapakita ng katotohanan ng isa sa mga alituntuning natukoy nila sa Alma 20. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.

Tapusin ang lesson na hinihikayat ang mga estudyante na hangarin ang patnubay ng Espiritu para malaman nila kung paano nila maipamumuhay ang dalawang alituntuning ito.