Lesson 86
Alma 25–26
Pambungad
Matapos wasakin ang lunsod ng Ammonihas, ang mga Lamanita ay nagkaroon ng maraming iba pang pakikidigma sa mga Nephita at naitaboy pabalik. Dahil dumanas ng matinding kawalan at kapahamakan, maraming Lamanita ang nagbaba ng kanilang mga sandata ng digmaan, nagsisi, at nakiisa sa mga Anti-Nephi Lehi. Matapos ang 14 na taong pagmimisyon sa mga Lamanita ng mga anak ni Mosias at ng kanilang mga kasama, pinapurihan ni Ammon ang Panginoon at pinasalamatan na sila ay ginawang kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang dalhin ang ebanghelyo sa mga Lamanita.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 25:1–12
Ang mga propesiya nina Abinadi at Alma ay natupad
Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na chart:
Propesiya |
Katuparan ng Propesiya |
---|---|
Alma 9:12. Ano ang ipinropesiya ni Alma sa mga tao ng Ammonihas? |
Alma 25:1–2 (tingnan din sa Alma 16:2–3, 9–11) |
Mosias 17:14–19. Ano ang ipinropesiya ni Abinadi na mangyayari sa mga inapo ni Haring Noe at ng kanyang mga saserdote? |
Isulat sa pisara ang salitang tiwala. Sabihin sa mga estudyante na magbanggit ng mga taong madalas nating pagkatiwalaan. (Kasama sa mga posibleng sagot ay ang Panginoon, mga propeta, magulang, titser, at coach.) Itanong sa mga estudyante:
-
Bakit mas madaling magtiwala sa ilang tao kaysa sa iba?
-
Sa lahat ng tao sa mundo ngayon, kanino kayo pinakamadaling magtiwala?
Sabihin sa mga estudyante na ang Alma 25 ay naglalaman ng katibayan na ang mga salita ng Panginoon sa Kanyang mga propeta ay palaging matutupad. Ipaliwanag na gagamitin ng mga estudyante ang chart sa pisara upang pag-aralan ang dalawang propesiya sa Aklat ni Mormon at ang katuparan ng mga propesiyang iyon. Sabihin sa mga estudyante na kopyahin ang chart sa notebook o scripture study journal. Sa unang column, sabihin sa kanila na sumulat ng mga sagot sa mga tanong, gamit ang mga ibinigay na scripture reference. Sa pangalawang column, sabihin sa kanila na isulat ang katuparan ng mga propesiya. Sabihin sa ilang estudyante na ilahad ang nalaman nila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 25:11–12. Sabihin sa iba pa sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ni Mormon na nangyari sa mga salita ni Abinadi. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang pariralang “ang mga salitang ito ay napatunayan” sa talata 12.
-
Ano ang ibig sabihin ng pariralang “ang mga salitang ito ay napatunayan”?
Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang D at T 1:38 sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Alma 25:12. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 1:38. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbabasa at hanapin ang parirala na katulad ng pariralang “ang mga salitang ito ay napatunayan.” (“Matutupad na lahat.”)
-
Ano ang natutuhan natin sa Alma 25:1–12 tungkol sa mga propesiya at pangako ng mga propeta? (Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang mga binigyang-inspirasyong salita ng mga propeta ay matutupad lahat.)
Ipaliwanag na ang mga halimbawa sa chart ay nagpapakita na ang mga babalang ibinigay ng mga propeta sa masasama ay laging matutupad. Ipinapaalam din ng mga propeta ang mga pangako sa mga taong babaling sa Panginoon. Ang mga pangakong ito ay matutupad din. Upang matulungan ang mga estudyante na ipamuhay ang alituntuning ito, basahin ang sumusunod na pahayag ng Unang Panguluhan mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang mga ipinangako sa mga taong sumusunod sa mga pamantayang inilahad sa buklet.
“Ang mga pamantayan sa buklet na ito ay makatutulong sa inyo sa mahahalagang pagpapasiyang ginagawa ninyo ngayon at gagawin pa sa hinaharap. Nangangako kami na kung tutuparin ninyo ang mga tipang ginawa ninyo at ang mga pamantayang ito, pagpapalain kayong makasama ang Espiritu Santo, mas lalakas ang inyong pananampalataya at patotoo, at mas magiging maligaya kayo” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], ii).
-
Ano ang ipinangako ng Unang Panguluhan?
-
Kailan ninyo nakitang natupad ang mga pangakong ito?
Alma 25:13–17
Maraming Lamanita ang nagsisi at nakiisa sa mga Anti-Nephi-Lehi
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 25:13–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang ginawa ng karamihan sa mga Lamanita matapos mapagtanto na hindi nila kayang talunin ang mga Nephita.
-
Ano ang hinangaan ninyo sa mga ginawa ng mga Lamanita?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 25:17 at alamin ang damdamin ng mga anak ni Mosias tungkol sa tagumpay na naranasan nila sa mga Lamanita.
-
Paano naging isang halimbawa ng pagpapatunay sa mga salita ng Panginoon ang tagumpay ng mga anak ni Mosias? (Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa pagsagot sa tanong na ito, maaari mong ipabasa sa kanila ang Mosias 28:5–7 at Alma 17:11.)
Alma 26
Nagalak si Ammon sa awa ng Panginoon sa kanya at sa kanyang mga kapatid at pati na sa mga Lamanita
Idispley ang ilang kagamitan (tulad ng martilyo, screwdriver, lyabe, bolpen o lapis, pinsel, brotsa, gunting, computer, at isang instrumentong pangmusika). Ipaliwanag na ang isa pang salita para sa kagamitan ay kasangkapan.
-
Ano ang ilang bagay na magagawa ng isang bihasang manggagawa o pintor kapag tama ang kasangkapan niya?
-
Ano sa palagay ninyo ang kahulugan para sa isang tao na maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 26:1–5, 12. Sabihin sa klase na alamin ang mga paraan na naipapakita ni Ammon at ng kanyang mga kapwa misyonero na sila ay mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos.
-
Ano ang naisakatuparan ng Panginoon sa pamamagitan ni Ammon at ng kanyang mga kapwa misyonero?
-
Paano ninyo sasabihin sa ibang paraan ang Alma 26:12? Paano nauugnay ang pahayag ni Ammon sa talatang ito sa pagiging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 26:11, 13, 16 at pansinin kung ilang beses binanggit ang mga salitang kalagakan at nagsasaya/masaya/magsasaya. Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang mga salitang ito sa kanilang banal na kasulatan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 26:13–16 at sabihin sa klase na alamin ang mga dahilang ibinigay ni Ammon kung bakit siya nagsasaya.
-
Bakit nagsasaya si Ammon?
-
Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito? (Maaaring magbanggit ang mga estudyante ng maraming iba’t ibang alituntunin. Ang sumusunod na alituntunin ay maaaring maging buod sa kanilang mga sinabi: Nakadarama tayo ng kagalakan kapag tapat nating pinaglilingkuran ang Panginoon at ang Kanyang mga anak. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Sa palagay ninyo, bakit masaya tayo kapag naglilingkod tayo sa Panginoon?
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference at tanong. (Maaari mong isulat ang mga ito bago magklase.) Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na piliin at basahin ang isa sa mga talata at talakayin ang mga sagot sa kalakip na mga tanong.
Bigyan ng oras ang mga estudyante na maipaliwanag ang kanilang mga sagot sa mga tanong na ito. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 26:23–29 at alamin ang mga hadlang na kinaharap ni Ammon at ng kanyang mga kapatid sa kanilang paglilingkod sa Panginoon at sa mga Lamanita.
-
Alin sa mga hadlang na ito ang sa palagay ninyo ay maaaring maranasan ng mga missionary ngayon?
-
Ayon sa Alma 26:27, 30, ano ang naghikayat kay Ammon at sa kanyang mga kapwa misyonero na patuloy na maglingkod? (Kapanatagan at mga pangako ng Panginoon at hangarin na “maging daan upang maligtas ang ilang tao.”)
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 26:31–34 at alamin ang ilan sa mga ibinunga ng paglilingkod ng mga anak ni Mosias. Matapos ang sapat na oras na nakapagbasa sila, sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 26:35–37. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at pagnilayan ang mga dahilan kung bakit sila nagagalak sa kabutihan ng Diyos.
-
Anong mga mensahe ang nakikita ninyo sa mga talatang ito?
Ipaliwanag na isa sa maraming mensahe ng mga talatang ito ay ang Panginoon ay maawain sa lahat ng magsisisi at maniniwala sa Kanyang pangalan. Upang matulungan ang mga estudyante na maramdaman ang katotohanan at kahalagahan ng alituntuning ito, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Dumarating ang mga sulat mula sa mga taong nakagawa ng mabibigat na kasalanan. Itinatanong nila, ‘Ako ba ay mapapatawad pa?’
“Ang sagot ay oo!
“Itinuturo sa atin ng ebanghelyo na ang kapanatagan mula sa pagdurusa at pagkaligalig ay matatamo sa pamamagitan ng pagsisisi. Maliban sa iilang piniling sundin ang kasamaan matapos makatanggap ng malaking kaalaman, walang masamang ugali, walang adiksyon, walang paghihimagsik, walang paglabag, walang kasalanan, maliit o malaki, ang hindi tatanggap ng ipinangakong lubos na kapatawaran” (“The Brilliant Morning of Forgiveness,” Ensign, Nob. 1995, 19).
Patotohanan na dahil sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala, mapapatawad ang mga kasalanan, malaki man o maliit, para sa mga taong may pananampalataya kay Jesucristo at nagsisisi. Patotohanan din na dumarating ang kagalakan sa ating buhay kapag tayo ay naglilingkod bilang mga kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon.