Library
Lesson 87: Alma 27–29


Lesson 87

Alma 27–29

Pambungad

Nang mabigo ang mga Lamanita sa pagsalakay sa mga Nephita, ibinunton nila ang galit sa mga Anti-Nephi-Lehi. Dahil sa tipang ginawa ng mga Anti-Nephi-Lehi na hindi na muling padadanakin ang dugo ng iba, tumanggi silang humawak ng sandata para ipagtanggol ang kanilang sarili. Dinala ni Ammon ang mga Anti-Nephi-Lehi sa Zarahemla, kung saan tumanggap sila ng proteksyon mula sa mga Nephita at nakilala bilang mga tao ni Ammon. Sa pagtatanggol ng mga Nephita sa mga tao ni Ammon laban sa mga Lamanita, libu-libong Nephita at Lamanita ang nasawi sa digmaan. Bagama’t nagdalamhati ang mga Nephita sa pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay, marami sa kanila ang nakadama ng pag-asa at kagalakan sa pangako ng Panginoon na ang mabubuti ay “ibabangon upang mamalagi sa kanang kamay ng Diyos, sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan” (Alma 28:12).

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Alma 27

Dinala ni Ammon ang mga tao ni Anti-Nephi-Lehi sa mga Nephita upang maligtas

Sabihin sa mga estudyante na magtaas ng kanilang mga kamay kung may ipinangako sa kanila ang isang tao ngunit hindi tinupad ang pangakong iyon. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na magtaas ng kanilang mga kamay kung may ipinangako sa kanila ang isang tao at tinupad ang pangakong iyon.

  • Ano ang nadarama ninyo sa mga taong tumutupad sa kanilang mga pangako? Bakit?

  • Ano sa palagay ninyo ang nadarama ng Panginoon sa mga taong tumutupad ng kanilang mga pangako sa Kanya?

Simulan ang pagtuturo ng Alma 27 sa pagpapaliwanag na matapos mabigo ang mga Lamanita sa tangkang paglipol sa mga Nephita, sinalakay nila ang mga Anti-Nephi-Lehi, ang mga Lamanita na nagbalik-loob sa pamamagitan ng paglilingkod ni Ammon at ng kanyang mga kapatid. Sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang ginawa ng mga Anti-Nephi-Lehi upang maipakita sa Panginoon na tutuparin nila ang kanilang tipan na kailanman ay hindi na silang muling “gagamit pa ng mga sandata para sa pagpapadanak ng dugo ng tao” (Alma 24:18). (Ibinaon nila ang kanilang mga sandata ng digmaan.) Para malaman kung gaano katapat ang mga Anti-Nephi-Lehi sa pagtupad sa kanilang tipan, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 27:2–3. (Maaari mo ring imungkahi na basahin ng mga estudyante ang Alma 24:18–19 at isulat ang scripture reference na ito sa margin sa tabi ng Alma 27:3.)

  • Kung kayo ay isa sa mga Anti-Nephi-Lehi, gaano kahirap sa inyo na tuparin ang inyong tipan at huwag makidigma upang ipagtanggol ang inyong sarili at ang inyong mga mahal sa buhay?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 27:4–10 at alamin ang iminungkahi ni Ammon na gawin para maprotektahan ang mga Anti-Nephi-Lehi at matulungan sila sa pagtupad sa kanilang mga tipan. Sabihin sa isang estudyante na ibuod ang scripture passage na ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 27:11–12 at sabihin sa klase na alamin ang tagubiling natanggap ni Ammon mula sa Panginoon. Ipaliwanag na sinunod ng mga Anti-Nephi-Lehi si Ammon at pumunta sila sa Zarahemla (tingnan sa Alma 27:13–15). (Maaari mo ring ibuod ang Alma 27:16–19, na ipinapaliwanag na ito ang sitwasyon nang muling magkita sina Alma at Ammon at iba pang mga anak ni Mosias, tulad nang nakatala sa Alma 17:1–4.)

Ipaliwanag na itinanong ng punong hukom ng mga Nephita sa mga tao kung papayagan nila ang mga Anti-Nephi-Lehi na mamuhay kasama nila. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 27:22–24 at alamin ang sagot ng mga Nephita sa pahayag ng punong hukom.

  • Ayon sa mga Nephita, paano nila tutulungan ang mga Anti-Nephi-Lehi?

  • Sa inyong palagay, bakit handang ipagtanggol ng mga Nephita ang mga dati nilang kaaway?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 27:26 para malaman kung ano ang itinawag ng mga Nephita sa mga Anti-Nephi-Lehi.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 27:27–30. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano na ang naging tawag sa mga tao ni Ammon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang hinahangaan ninyo sa mga tao ni Ammon? Bakit?

  • Ano ang itinuturo ng Alma 27:27–30 tungkol sa pagkakaugnay ng pagbabalik-loob sa Panginoon at ng pagtupad ng mga tipan? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit dapat maipahayag sa kanilang sagot na nauunawaan nila ang sumusunod na katotohanan: Kapag tayo ay lubos na nagbalik-loob sa Panginoon, tinutupad natin ang mga tipang ginawa natin sa Kanya. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Sino sa buhay ninyo ang naging halimbawa ng alituntuning ito?

Alma 28

Tinalo ng mga Nephita ang mga Lamanita sa malaking digmaan

Ipaliwanag na kahit matatapat ang marami sa mga Nephita, naharap pa rin sila sa mahihirap na pagsubok.

Ipaliwanag na ibinahagi ni Pangulong Thomas S. Monson ang sumusunod na kuwento tungkol sa naranasan niya noong kanyang kabataan. Pagkatapos marinig na namatay ang kanyang kaibigang si Arthur Patton noong World War II, binisita ni Thomas Monson ang ina ni Arthur, na hindi miyembro ng Simbahan. Ikinuwento niya kalaunan:

“Namatay ang isang ilaw sa buhay ni Mrs. Patton. Dumanas siya ng matinding pighati at kalungkutan.

“May dalangin sa aking puso, tinahak ko ang pamilyar na landas patungo sa tahanan ng mga Patton, na nag-iisip kung anong nakaaaliw na mga salita ang maaaring magmula sa mga labi ng isang bata.

“Bumukas ang pinto, at niyakap ako ni Mrs. Patton na tulad ng pagyakap niya sa sariling anak. Ang tahanan ay naging isang kapilya habang isang nagdadalamhating ina at isang walang kakayahang batang lalaki ang lumuhod sa panalangin.

“Pagtindig namin mula sa pagkakaluhod, tumingin si Mrs. Patton sa aking mga mata at nagsabing: ‘Tommy, wala akong kinabibilangang simbahan, pero ikaw ay mayroon. Sabihin mo sa akin, mabubuhay bang muli si Arthur?’” (“Mrs. Patton—ang Karugtong ng Kuwento,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 22).

  • Paano ninyo sasagutin ang tanong ni Mrs. Patton?

Basahin ang sagot ni Pangulong Monson:

“Sa abot ng aking makakaya, nagpatotoo ako sa kanya na si Arthur ay tunay na mabubuhay na muli” (“Mrs. Patton—ang Karugtong ng Kuwento,” 22).

  • Paano nababago ng kaalaman tungkol sa plano ng kaligtasan ang pananaw ng mga taong namatayan ng mga mahal sa buhay?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 28:1–3. Sabihin sa klase na alamin ang sakripisyong naging kapalit ng pagtulong ng mga Nephita sa mga tao ni Ammon na matupad ang kanilang tipan. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 28:4–6 at alamin kung gaano nakaapekto sa mga Nephita ang maraming napatay sa kanila. Sabihin sa mga estudyante na hanapin sa Alma 28:11–12 ang mga dahilan kung bakit nangangamba ang ilang tao kapag namamatayan sila ng mga mahal sa buhay samantalang ang iba ay hindi nawawalan ng pag-asa.

  • Bakit nangangamba ang ilang tao kapag namamatayan ng mga mahal sa buhay?

  • Bakit hindi nawawalan ng pag-asa ang ilang tao kapag namamatayan ng mga mahal sa buhay? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit dapat nilang maipahayag na kapag nananampalataya tayo kay Jesucristo at nagtitiwala sa mga pangako ng Panginoon, magkakaroon tayo ng pag-asa at kagalakan kahit sa oras ng kamatayan.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pangungusap: At sa gayon nakikita natin …

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano nila kukumpletuhin ang pahayag batay sa natutuhan nila sa Alma 28.

Matapos makasagot ang mga estudyante, ipabasa sa isang estudyante ang Alma 28:13–14. Sabihin sa mga estudyante na ikumpara ang kanilang mga sagot sa mga alituntuning itinuro sa mga talatang ito. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang pariralang “at sa gayon nakikita natin” sa tuwing mababanggit ito sa mga talatang ito. Ipaliwanag na madalas gamitin ni Mormon ang pariralang ito upang simulan ang pagtuturo ng mahahalagang aral na matututuhan natin mula sa mga tala sa Aklat ni Mormon.)

  • Ano ang nabasa ninyo sa Alma 27–28 na sumusuporta sa mga pahayag ni Mormon na “at sa gayon nakikita natin”?

  • Kailan kayo nakakita ng isang tao na hinarap ang kanyang kamatayan o ang kamatayan ng kanyang mahal sa buhay nang may pag-asa dahil sa pananampalataya kay Jesucristo?

  • Paano ninyo ipaliliwanag ang pagkabuhay na mag-uli upang matulungan ang isang tao na magkaroon ng pag-asa sa harap ng kanyang sariling kamatayan o sa kamatayan ng mahal sa buhay?

Alma 29

Si Alma ay nagpuri sa pagdadala ng mga kaluluwa sa Diyos

Sabihin sa mga estudyante na mababasa sa Alma 29 ang pahayag ni Alma na nais niyang maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 29:1–3. Sabihin sa klase na alamin ang maaaring ginawa ni Alma kung matutupad ang “mithiin ng [kanyang] puso.” (Maaaring siya ay “[n]angaral ng pagsisisi sa lahat ng tao.”)

  • Ayon sa Alma 29:2, bakit ito ang nais ni Alma?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 29:4–5 at alamin ang ipinagkakaloob ng Panginoon sa mga taong may mabubuting naisin. (Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa pagsagot sa tanong na ito, maaari mong bigyang-diin ang pariralang “Nalalaman kong ipinagkakaloob niya sa mga tao ang naaayon sa kanilang naisin.” Ipaliwanag na kung nais nating gawin ang mabubuting bagay, pagpapalain tayo ng Panginoon ayon sa mga naising iyon. Ipaliwanag na kung ang lahat ng ating mabubuting naisin ay hindi natupad sa buhay na ito, ang lahat ng ito ay matutupad sa mga kawalang-hanggan.)

Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang Alma 29:10, 14, 16 at alamin ang mga pagpapalang natanggap ni Alma nang tulungan niya ang iba na lumapit kay Cristo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Anong salita ang ginamit ni Alma para mailarawan ang nadama niya tungkol sa pagtulong sa iba na lumapit kay Cristo? (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang salitang kagalakan sa mga talatang ito.)

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Alma sa pagtulong sa iba na magsisi at lumapit kay Jesucristo? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit dapat maipakita nila na nauunawaan nila ang sumusunod na alituntunin: Makadarama tayo ng kagalakan kapag tinulungan natin ang iba na magsisi at lumapit kay Jesucristo.)

  • Kailan mo nadama ang kagalakan na nagmumula sa pagtulong sa iba na lumapit kay Cristo?

Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga pagkakataong tulungan ang iba na lumapit kay Jesucristo. Maaari ka ring magbahagi ng masayang karanasan mo bilang missionary.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Alma 28:11–12. Pagiging payapa sa oras ng kamatayan

Nagsalita si Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa kapayapaang ibinibigay sa atin ng mga ginawa natin sa buhay na ito kapag dumating na ang oras ng kamatayan:

“Mga kapatid, nabubuhay tayo para mamatay, at namamatay tayo para mabuhay—sa ibang daigdig. Kung tayo ay lubos na handa, hindi tayo matatakot mamatay. Sa walang-hanggang pananaw, ang kamatayan ay maaga lamang para sa mga hindi handang humarap sa Diyos.

“Ngayon ang panahon para maghanda. At, sa pagdating ng kamatayan, makapupunta tayo sa selestiyal na kaluwalhatian na inihanda ng Ama sa Langit para sa Kanyang matatapat na anak. Samantala, para sa mga naulila’t nagdadalamhating mahal sa buhay … ang tibo ng kamatayan ay pinagiginhawa ng matatag na pananampalataya kay Cristo, ganap na kaliwanagan ng pag-asa, pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao, at matinding hangaring paglingkuran sila” (“Ngayon ang Panahon para Maghanda,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 18).

Isinalaysay ni Elder Wilford W. Andersen ng Pitumpu kung paano hinarap ng ilang kaibigan ang kamatayan ng kanilang ama:

“Kamakailan isang mahal kong kaibigan ang pumanaw dahil sa kanser. Siya at ang kanyang pamilya ay mga taong may malaking pananampalataya. [Nakatutuwang] makita kung paano nakatulong ang kanilang pananampalataya sa napakahirap na sandaling ito. Puspos sila ng kapayapaan ng kalooban na nagtaguyod at nagpalakas sa kanila. Sa pahintulot nila nais kong basahin ang liham ng isang kapamilya na isinulat ilang araw bago namatay ang kanyang ama:

“‘Ang huling ilang araw ay naging napakahirap. … Kagabi habang nakatipon kami sa tabi ng kama ni Itay, damang-dama ang Espiritu ng Panginoon, at talagang inalo kami. Panatag na kami. … Iyon ang pinakamahirap na karanasan ng sinuman sa amin, ngunit dama namin ang kapanatagan sa kaalaman na … nangako ang ating Ama sa Langit na muli kaming magkakasama bilang isang pamilya. Pagkatapos sabihin ng doktor kay Itay sa ospital na wala nang magagawa pa, tumingin siya sa aming lahat nang may ganap na pananampalataya at buong tapang na nagtanong, “May problema ba kayo sa plano ng kaligtasan?” Nagpapasalamat kami sa ama at ina na nagturo sa amin na magtiwala nang lubusan sa plano’” (“Ang Bato ng Ating Manunubos,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 17–18).