Lesson 89
Alma 31
Pambungad
Nalaman ni Alma na isang grupo ng mga tumiwalag na Nephita na tinatawag na mga Zoramita ang lumihis mula sa katotohanan ng ebanghelyo at gumawa nang mali. Dahil nalungkot sa mga ulat na ito ng kasamaan, isinama ni Alma ang isang pangkat ng mga misyonero para ituro ang salita ng Diyos sa mga Zoramita. Nakita ni Alma at ng kanyang mga kasama ang maling pagsamba, materyalismo, at kapalaluan ng mga Zoramita. Taimtim na nanalangin si Alma sa Panginoon na magkaroon sila ng kanyang mga kasama ng kaaliwan at kapanatagan sa pagharap nila sa hamong ito at magawa nilang maibalik sa Panginoon ang mga Zoramita.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 31:1–7
Nilisan ni Alma at ng kanyang mga kasama ang Zarahemla upang ipangaral ang salita ng Diyos sa mga tumiwalag na Zoramita
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang gagawin nila kapag ang isang kaibigan o kapamilya ay nagsimulang mamuhay nang hindi ayon sa ebanghelyo.
-
Ano ang maaari ninyong gawin para matulungan ang taong ito na bumalik sa Simbahan? Paano ninyo hihikayatin ang isang tao na hangaring sumunod sa mga kautusan? Kanino kayo maaaring humingi ng tulong para matulungan ang inyong kapamilya o kaibigan?
Sabihin sa mga estudyante na bibigyang-diin sa lesson ngayon kung paano sinikap ni Alma at ng iba pa na tulungan ang isang pangkat ng mga tao na nagsilihis sa ebanghelyo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 31:1–4. Sabihin sa klase na alamin ang mga alalahanin ni Alma at ng iba pa tungkol sa mga Zoramita.
-
Ano ang mga naramdaman ni Alma nang marinig niya ang tungkol sa kasamaan ng mga Zoramita?
-
Bakit nagsimulang matakot ang mga Nephita dahil sa mga Zoramita?
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay may pagkakataon silang payuhan si Alma kung paano lulutasin ang kanyang mga alalahanin tungkol sa mga Zoramita. Itanong sa mga estudyante kung ano ang imumungkahi nila na gawin niya. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 31:5. Sabihin sa klase na alamin ang pinakaepektibong paraan na alam ni Alma na makatutulong sa mga Zoramita.
-
Ano ang ipinasyang gawin ni Alma para matulungan ang mga Zoramita?
-
Sa inyong palagay, bakit mas makapagpapabago ng tao ang kapangyarihan ng salita ng Diyos kaysa paggamit ng pwersa o anumang bagay?
Batay sa Alma 31:5, ano ang matututuhan natin tungkol sa kapangyarihan ng salita ng Diyos sa ating buhay? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit tiyaking matukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Kapag pinag-aralan natin ang salita ng Diyos, aakayin tayo nito na gawin ang tama. Maaari mong isulat ang katotohanang ito sa pisara.)
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang kapangyarihan ng salita ng Diyos sa pagtulong sa atin na gawin ang tama, ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol. (Maaari mong isulat sa pisara ang pahayag na ito o gawin itong handout.)
“Ang totoong doktrina na naunawaan, ay nagpapabago ng ugali at gawi.
“Ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo ay mas mabilis magpabuti ng ugali kaysa pag-aaral ng pag-uugali. … Iyan ang dahilan kaya binibigyang-diin natin nang husto ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo” (“Little Children,” Ensign, Nob. 1986, 17).
Sabihin sa mga estudyante na ikuwento ang isang pagkakataon na mas hinagad nila o ng kakilala nila na gawin ang tama dahil sa mga banal na kasulatan o mga turo ng mga lider ng Simbahan.
Ibuod ang Alma 31:6–7 sa pagsasabi sa mga estudyante na dahil sa tiwala ni Alma sa kapangyarihan ng salita ng Diyos, siya at ang pitong iba pa ay humayo upang mangaral sa mga Zoramita.
Alma 31:8–23
Ang mga Zoramita ay nagdarasal at sumasamba sa maling paraan
Sabihin sa mga estudyante na noong puntahan ni Alma at ng kanyang mga kasama ang mga Zoramita, nakita nila na sinasamba ng mga tao ang Diyos sa nakagigimbal na paraan.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 31:8–11 at tukuyin ang mga salita at parirala na naglalarawan sa pagsamba ng mga Zoramita.
-
Ayon sa talata 10, ano ang ginagawa ng mga Zoramita na magdadala sa kanila sa tukso?
-
Ano ang matututuhan natin sa hindi “[pagpapatuloy] sa panalangin at pagsusumamo sa Diyos sa araw-araw” ng mga Zoramita? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit dapat na maipahayag nila na ang ating pagsisikap na manalangin araw-araw at sundin ang mga kautusan ay nagpapalakas sa atin laban sa tukso. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito. Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na isulat nila ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Alma 31:9–11.)
-
Kailan ninyo nakita na matutulungan tayo ng araw-araw na panalangin sa paglaban sa tukso?
Bilang bahagi ng talakayan ng mga estudyante sa sagot sa tanong na ito, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Rulon G. Craven ng Pitumpu:
“Sa nakalipas na mga taon, naaatasan ako paminsan-minsan ng mga Kapatid na kausapin ang mga nagsipagsising miyembro ng Simbahan at interbyuhin sila para sa panunumbalik sa kanila ng mga pagpapala ng templo. Palaging nakaaantig na espirituwal na karanasan ang maibalik ang mga pagpapala sa mabubuting taong iyon na nagsipagsisi. Itinanong ko sa ilan sa kanila ang ganito, ‘Ano ang nangyari sa iyong buhay na naging dahilan ng pansamantalang pagkawala ng membership mo sa Simbahan?’ May luha sa mga mata na sinabi nila: ‘Hindi ko sinunod ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo: pagdarasal, regular na pagsisimba, paglilingkod sa simbahan at pag-aaral ng ebanghelyo. Pagkatapos ay natukso ako at nawala ang patnubay ng Banal na Espiritu’” (“Temptation,” Ensign, Mayo 1996, 76).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 31:12–14. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Alma 31:15–18. Bago magbasa ang pangalawang estudyante, sabihin sa klase na pag-isipan kung ano ang itutugon nila kung may mapakinggan sila na nananalangin sa ganitong paraan.
-
Ano ang mga ipag-aalala ninyo kung marinig ninyong ganito manalangin ang isang tao?
-
Ano ang ilang maling doktrina na binanggit ng mga Zoramita sa kanilang panalangin?
-
Paano tinatrato ng mga Zoramita ang ibang tao? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pansinin kung ilang beses lumitaw ang salitang kami sa panalangin ng mga Zoramita.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 31:19–23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang iba pang mali sa pagsamba ng mga Zoramita. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Sa palagay ninyo, ano ang pagbabagong kailangang gawin ng mga Zoramita upang maging mapitagan at nakalulugod sa Panginoon ang kanilang pagsamba?
Ipaliwanag na sinasamba natin ang Diyos sa pamamagitan ng ating pagmamahal, pagpipitagan, at katapatan sa Kanya. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga katangiang ito sa pagsamba.) Dapat tayong maging mapagsamba hindi lamang sa ating pag-uugali at kilos kapag nananalangin tayo, nag-aayuno, at nagsisimba kundi sa ating pag-uugali at kilos sa bawat araw. Hikayatin ang mga estudyante na suriin ang pinagtutuunan at kataimtiman ng kanilang sariling pagsamba.
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang iba’t ibang paraan na masasamba natin nang tama ang Diyos. Bigyan sila ng sapat na oras na magbahagi ng mga ideya. Maaari mong sabihin sa isang estudyante na isulat ang mga ito sa pisara.
-
Anong pag-uugali ang dapat na mayroon tayo kapag sumasamba? Paano natin mapapanatili ang pag-uugaling iyan bawat araw?
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano naaapektuhan ng ating pag-uugali ang ating pagsamba, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang pagsamba ay madalas makita sa mga kilos, ngunit ang tunay na pagsamba ay laging makikita sa takbo ng isipan.
“Ang pagsamba ay pumupukaw sa pinakamataimtim na katapatan, pagmamahal, at paggalang. Ang pagsamba ay pinaghalong pagmamahal at pagpipitagan sa isang debosyong naglalapit sa ating espiritu sa Diyos” (Pure in Heart [1988], 125).
Sabihin sa mga estudyante na sumulat sa notebook o sa scripture study journal ng maikling ebalwasyon ng kanilang paraan ng pagsamba at ang kanilang pag-uugali sa mga sumusunod na kategorya: personal na pagdarasal araw-araw, personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw, pagsunod sa mga kautusan, at pagdalo sa mga miting ng simbahan at pagtanggap ng sakramento linggu-linggo. Sabihin sa mga estudyante na magtakda ng mithiin na pagbutihin ang kanilang personal na pagsamba araw-araw.
Alma 31:24–38
Nanalangin si Alma at humingi ng lakas at tagumpay para maibalik ang mga Zoramita sa Panginoon
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 31:24–25 at alamin ang mga pag-uugali at kilos na kaugnay ng apostasiya ng mga Zoramita. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ipaliwanag na noong makita ni Alma ang kasamaan ng mga Zoramita, nanalangin siya. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na pag-aralan ang Alma 31:26–35 at talakayin ang mga sumusunod na tanong. (Maaari mong ibigay ang mga tanong bilang handout o isulat sa pisara ang mga ito bago magklase.)
-
Ano ang pinagtuunan ng panalangin ng mga Zoramita? (Nakatuon ito sa kanilang sarili.)
-
Ano ang pinagtuunan ng panalangin ni Alma? (Nakatuon ito sa pagtulong sa iba. Kahit na ipinagdasal niya ang kanyang sarili at kanyang mga kasama, humingi siya ng lakas para mapaglingkuran ang mga Zoramita.)
-
Anong mga katangian ng panalangin ni Alma ang gusto ninyong ilakip sa inyong personal na panalangin?
Isulat sa pisara ang sumusunod:
Ipaliwanag na matapos ipanalangin ni Alma na tulungan sila na maturuan ang mga Zoramita, sinimulan niya at ng kanyang mga kasama na maglingkod, na “hindi nag-aalaala para sa kanilang sarili” (Alma 31:37). Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 31:36–38 at alamin ang mga pagpapalang dumating kay Alma at sa kanyang mga kasama nang matanggap nila ang mga basbas ng priesthood at mangaral ng ebanghelyo. (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na sa Alma 31:36, ang pariralang “ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa kanilang lahat” ay tumutukoy sa pagpapatong ng mga kamay. Tingnan sa footnote 36b)
-
Anong mga pagpapala ang dumating kay Alma at sa kanyang mga kasama dahil sa kanilang mga panalangin at ginawa?
Batay sa natutuhan ninyo mula sa halimbawa ni Alma at ng kanyang mga kasama, paano ninyo kukumpletuhin ang pahayag sa pisara? (Maaaring magbigay ng iba-ibang sagot ang mga estudyante na pawang totoo. Ibuod ang kanilang mga sagot sa pamamagitan ng pagkumpleto ng pahayag sa pisara: Kung tayo ay mananalangin at kikilos nang may pananampalataya, palalakasin tayo ng Panginoon sa ating mga pagsubok.)
Ipaliwanag na pagkatapos ng kanyang panalangin, ipinakita ni Alma at ng kanyang mga kasama ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng paggawa at pagtitiwala na maglalaan para sa kanila ang Panginoon habang naglilingkod sila sa Kanya. Anyayahan ang mga estudyante na tularan ang halimbawa ni Alma ng pagdarasal nang may pananampalataya.