Library
Lesson 91: Alma 33


Lesson 91

Alma 33

Pambungad

Hinangad ng isang pangkat ng mga Zoramita na malaman kung paano susundin ang payo ni Alma na itanim ang salita ng Panginoon sa kanilang puso at sumampalataya. Gamit ang mga banal na kasulatan, itinuro ni Alma sa mga tao ang tungkol sa pagsamba, panalangin, at awa na matatanggap natin mula sa Diyos dahil sa Tagapagligtas. Hinikayat niya ang mga tao na umasa kay Jesucristo at maniwala sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Paalala: Ang lesson 94 ay nagbibigay ng pagkakataon na makapagturo ang tatlong estudyante. Maaari ka nang pumili ng tatlong estudyante ngayon at bigyan sila ng mga kopya ng mga bahaging ituturo nila sa lesson 94 upang makapaghanda sila. Hikayatin sila na mapanalanging pag-aralan ang materyal ng lesson at hingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang malaman nila kung paano itutugma ang lesson sa mga pangangailangan ng kanilang mga kaklase.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Alma 33

Itinuro ni Alma sa mga Zoramita na magsimulang maniwala kay Jesucristo

Isulat ang mag-ehersisyo sa pisara.

  • Ano ang ibig sabihin ng mag-ehersisyo? (Kapag sumagot ang mga estudyante sa tanong na ito, maaari mong sabihin sa isang estudyante na ipakita kung paano mag-ehersisyo ng kanyang mga bisig, marahil sa paggawa ng push-ups, o ng kanyang binti, marahil sa pagtakbo sa kinatatayuan niya.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 33:1 at alamin ang bagay na gustong maunawaan ng mga Zoramita. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Paano tayo mananampalataya? Sabihin sa mga estudyante na humanap ng kahit tatlong sagot sa tanong na ito sa pag-aaral at pagtalakay nila ng Alma 33.

Ipaliwanag na nang simulang sagutin ni Alma ang mga tanong ng mga Zoramita kung paano sumampalataya, iniwasto niya ang mali nilang ideya tungkol sa pagsamba. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 33:2. Sabihin sa klase na tukuyin ang maling ideya ng mga Zoramita tungkol sa pagsamba sa Diyos.

  • Bakit inisip ng mga Zoramitang ito na hindi nila masasamba ang Diyos? (Dahil hindi sila pinahihintulutang pumasok sa kanilang mga sinagoga.)

Ipabuod sa mga estudyante ang natutuhan nila sa Alma 31 tungkol sa uri ng pagsamba ng mga Zoramita. (Tingnan sa Alma 31:22–23. Ang mga Zoramita ay naghahandog ng pare-parehong panalangin minsan sa isang linggo sa sinagoga, at hindi na nangungusap pa tungkol sa Diyos sa buong linggo.)

  • Bakit mahalaga ang pagsisimba bilang bahagi ng ating pagsamba? Ano ang ilang paraan na masasamba natin ang Diyos bukod pa sa pagdalo sa ating lingguhang mga pulong sa Simbahan?

Ipaliwanag na binanggit ni Alma ang mga itinuro ng propetang nagngangalang Zenos upang iwasto ang mga maling ideya ng mga Zoramita tungkol sa pagsamba sa Diyos. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 33:3 at ipahanap ang salitang inihalili ni Alma sa salitang pagsamba. (Ang salita ay panalangin.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 33:4–10 at alamin ang bawat kalagayan o lugar na sinabi ni Zenos na nagdasal siya.

  • Kailan at saan nagdasal si Zenos?

  • Ano ang itinuro ni Alma tungkol sa pagsamba nang banggitin niya ang mga salita ni Zenos? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Patuloy nating masasamba ang Diyos sa pamamagitan ng panalangin.)

Tukuyin ang tanong sa pisara: Paano tayo mananampalataya? Sa ilalim ng tanong na iyan, isulat ang Laging manalangin.

  • Sa paanong paraan isang pagsampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ang pananalangin?

  • Kailan kayo nanalangin sa isang sitwasyon o lugar na katulad ng mga binanggit ni Zenos? Paano nasagot ang inyong panalangin? (Paalalahanan ang mga estudyante na hindi nila kailangang magbahagi ng anumang napakapersonal o napakapribadong karanasan.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 33:4–5, 8–9. Ipahanap sa kanila ang mga parirala na bumabanggit sa awa ng Diyos (tulad ng “kayo ay maawain” at “naging maawain kayo”).

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kaugnayan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang awa ng Ama sa Langit, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 33:11–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbabasa, at hanapin ang parirala na nakita nang apat na beses sa mga talatang ito. (Ang parirala ay “dahil sa inyong Anak.” Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang pariralang ito.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Zenos nang sabihin niya, “Iwinaksi ninyo mula sa akin ang inyong mga kahatulan, dahil sa inyong Anak”? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Natatanggap natin ang awa ng Ama sa Langit, pati na ang kapatawaran ng ating mga kasalanan, dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Maaari mong ipasulat sa mga estudyante ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Alma 33:11–16.)

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan na makatatanggap tayo ng awa sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari mong ibahagi ang kuwentong isinalaysay ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Sinabi ng titser. ‘Magandang umaga, mga bata, narito tayo para mag-aral.’ Naghiyawan sila at nagkatuwaan habang ang lalakas ng mga boses. ‘Ngayon, gusto kong maging maayos ang klase natin, pero inaamin ko na hindi alam kung paano ito gagawin maliban kung tulungan ninyo ako. Magkakaroon tayo ngayon ng ilang patakaran. Sabihin ninyo sa akin, at isusulat ko ang mga ito sa pisara.’

“Isang bata ang sumigaw, ‘Walang magnanakaw!’ Sinabi pa ng isa, ‘Papasok nang maaga.’ Sa huli, sampung patakaran ang nailista sa pisara.

“‘Ngayon,’ sabi ng titser, ‘ang patakaran ay hindi kumpleto kung walang parusang kasama. Ano ang gagawin natin sa taong lalabag sa mga patakaran?’

“‘Hampasin sa likod nang sampung beses nang walang suot na amerikana,’ ang sagot ng klase.

“‘Sobrang lupit naman niyan, mga bata. Sigurado ba kayo na susuportahan ninyo ito?’ Isa pa ang sumigaw, “Sang-ayon po ako diyan,’ at sinabi ng titser, ‘O sige, susundin at ipatutupad natin ang mga ito! Mga bata, magsitahimik na kayo!’

“Makalipas ang isang araw o mahigit pa, natuklasan ni ‘Big Tom’ na ninakaw ang kanyang pagkain. Nahuli ang magnanakaw—isang maliit na bata, mga sampung taong gulang. ‘Nahuli natin ang magnanakaw at dapat siyang parusahan ayon sa inyong patakaran—sampung hampas sa likod. Jim, halika rito!’ sabi ng titser.

“Ang maliit na bata na nanginginig sa takot ay dahan-dahang lumapit na nakasuot ng malaking amerikana na nakabutones hanggang leeg at nagmakaawa, ‘Titser, maaari po ninyo akong hampasin nang matindi hanggang gusto ninyo, pero huwag po ninyong ipahubad ang amerikana ko!’

“‘Hubarin mo ang amerikana mo,’ sabi ng titser. ‘Sumunod ka sa mga patakaran natin!’

“‘Sige na po, titser, huwag na lang po!’ Nagsimula siyang maghubad, at ano ang nakita ng titser? Walang suot na kamiseta ang bata, at nalantad ang kanyang patpating katawan.

“‘Makakaya ko bang hampasin ang batang ito?’ naisip niya. ‘Pero kailangan, kailangang may gawin ako kung gusto kong maging maayos ang klase.’ Tahimik at walang kibo ang lahat.

“‘Bakit wala kang suot na kamiseta, Jim?’

“Sagot niya, ‘Namatay na po si Itay at napakahirap po ni Inay. Isa lang po ang kamiseta ko at nilabhan niya ito ngayon, at suot ko po ang malaking amerikana ng kapatid ko para hindi ako lamigin.’

“Ang tiser, na may hawak na pamalo, ay nag-alangan. Bigla na lang tumayo si ‘Big Tom’ at sinabing, ‘Titser, kung payag po kayo, ako na lang po ang parusahan ninyo sa halip na si Jim.’

“‘Mabuti, may batas na nagsasabing maaaring akuin ng isang tao ang parusa sa isang tao. Payag ba kayo?’

“Hinubad ni Tom ang kanyang amerikana, at pagkatapos ng limang hampas nabali ang pamalo! Isinubsob ng titser ang kanyang ulo sa kanyang mga kamay at naisip, ‘Paano ko tatapusin ang di-kanais-nais na gawaing ito?’ Pagkatapos ay narinig niyang naghikbian ang mga bata, at ano ang nakita niya? Niyakap ng maliit na si Jim si Tom. ‘Tom, sorry na ninakaw ko ang pagkain mo, dahil talagang gutom na gutom na ako. Tom, mamahalin kita hanggang sa ako ay mamatay dahil inako mo ang parusa para sa akin! Oo, mamahalin kita magpakailanman!” [Hindi kilala ang awtor.]

Matapos itong ikuwento, sinabi ni Pangulong Hinckley, “Upang magamit ang isang parirala mula sa simpleng kwentong ito, si Jesus, ang aking Manunubos, ay ‘inako ang parusa para sa akin’ at para sa inyo” (“The Wondrous and True Story of Christmas,” Ensign, Dis. 2000, 4).

  • Paano nauugnay ang kuwentong ito sa mga itinuro ni Alma tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas? (Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang kahandaan ni Tom na “akuin ang parusa para kay Jim” ay kumakatawan sa Pagbabayad-sala. Inako ng Tagapagligtas ang parusa para sa ating mga kasalanan upang hindi maipataw ang kaparusahan sa atin kung tayo ay magsisisi.)

Ipaliwanag na matapos banggitin ang mga salita ni Zenos, binanggit ni Alma ang mga salita ni Zenok, isa pang propeta. Basahin nang malakas ang Alma 33:15–16 sa mga estudyante. Bigyang-diin ang kalungkutan ng Ama sa Langit kapag ayaw unawain ng mga tao ang ginawa ng Kanyang Anak para sa kanila.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 33:12–14 at ipahanap ang pinagkuhanan ni Alma nang ibahagi niya ang mga turong ito.

  • Bakit pamilyar si Alma sa mga salita nina Zenos at Zenok? (Dahil ang mga salita ay nasa mga banal na kasulatan. Maaari mong ipaliwanag na ipinapahiwatig sa mga sinabi ni Alma sa mga talata 12 at 14 na alam din ng mga Zoramita ang mga banal na kasulatan na ito. Bigyang-diin na ang mga banal na kasulatan ay nagpapatotoo kay Jesucristo.)

Sa ilalim ng tanong na nasa pisara, isulat ang Pag-aralan at paniwalaan ang mga banal na kasulatan.

Si Moises at ang Ahas na Tanso

Ipaliwanag na tinukoy ni Alma ang isa pang tala sa banal na kasulatan upang tulungan ang mga Zoramita na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo. Ipakita ang larawang Si Moises at ang Ahas na Tanso (62202; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 16). Ibuod ang talang ito na ipinapaliwanag na noong pinamumunuan ni Moises ang mga Israelita papunta sa ilang, maraming tao ang nagsimulang maghimagsik laban sa kanya at sa Panginoon. Dahil sa hindi pagsunod na ito, nagpadala ang Panginoon ng mga makamandag na ahas na tumuklaw sa mga tao. Humingi ng tulong ang mga tao kay Moises. Nanalangin si Moises at inutusang gumawa ng tansong ahas na ilalagay sa isang tikin [pole] para tingnan ng mga tao. Sumunod siya at gumawa ng isang ahas na yari sa tanso. (Tingnan sa Mga Bilang 21:4–9.) Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 33:19–20. Sabihin sa klase na alamin ang nangyari sa mga tumingin sa ahas na tanso at sa mga taong hindi tumingin dito.

  • Ayon sa Alma 33:20, bakit marami ang hindi tumingin?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung pipiliin nilang tumingin kung naroon sila sa sitwasyong iyon.

Ang Pagpapako sa Krus

Ipakita ang larawang Ang Pagpapako sa Krus (62505; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 57). Ipaliwanag na ang ahas na tanso na nasa tikin [pole] ay isang “kahalintulad” (Alma 33:19). Ibig sabihin, ito ay simbolo ng isang bagay na mangyayari sa hinaharap. Kumakatawan ito kay Jesucristo na ipinako sa krus (tingnan sa Juan 3:14).

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 33:21–23, at alamin kung paano inihalintulad ni Alma ang talang ito sa mga Zoramita. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, tukuyin muli ang tanong na nasa pisara: Paano tayo mananampalataya?

  • Ano ang itinuturo ng tala tungkol sa mga Israelita at sa ahas na tanso tungkol sa dapat nating gawin para espirituwal na mapagaling?

  • Paano sinagot sa Alma 33:22–23 ang tanong na ito? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Sumasampalataya tayo sa pamamagitan ng pagpiling maniwala kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.)

Sa ilalim ng tanong na nasa pisara, isulat ang Maniwala kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

  • Anong mga gawa o ugali ang nakikita ninyo sa mga tao na naniniwala sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?

Para mabigyang-diin na ang paniniwala kay Jesucristo ay isang pasyang ginagawa natin, ituon ang pansin ng mga estudyante sa sumusunod na parirala sa Alma 33:23: “At maging ang lahat ng ito ay magagawa ninyo kung inyong nanaisin.” Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang pariralang ito.

Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag, at maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ito sa kanilang banal na kasulatan. (Ang pahayag ay matatagpuan sa “Inquire of the Lord” [mensahe sa CES religious educators, Peb. 2, 2001], 1, si.lds.org.)

“Bawat bata sa bawat henerasyon ay nagpapasiyang manampalataya o hindi manampalataya. Ang pananampalataya ay hindi namamana; ito ay pinagpapasiyahan” (Pangulong Henry B. Eyring).

Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang isa sa mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito bago magklase, gawing handout at ibigay sa klase, o dahan-dahang basahin ang mga tanong para maisulat ito ng mga estudyante.)

  • Paano nakatulong sa buhay mo sa araw-araw ang iyong pasiyang maniwala sa Tagapagligtas?

  • Paanong napalakas ng personal na pag-aaral mo ng banal na kasulatan ang iyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  • Paanong napalakas ng personal na pagdarasal o pagsamba mo sa araw-araw ang iyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  • Ano sa palagay mo ang nais ng Ama sa Langit na gawin mo para lalo ka pang manampalataya?

Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga sagot. Patotohanan ang kahalagahan ng pagpiling maniwala sa Tagapagligtas.