Lesson 92
Alma 34–35
Pambungad
Matapos ituro ni Alma sa mga Zoramita na maniwala sa Anak ng Diyos, inihayag ni Amulek ang kanyang sariling patotoo tungkol kay Jesucristo, na nagbigay ng pangalawang pagsaksi. Binigyang-diin ni Amulek, na kompanyon ni Alma, na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay kailangan para sa kaligtasan ng buong sangkatauhan at matatanggap ng bawat tao ang lahat ng pagpapala ng Pagbabayad-sala kapag may pananampalataya sila tungo sa pagsisisi. Maraming Zoramita ang nakinig sa panghihikayat ni Amulek na magsisi. Nang ang mga nagsising Zoramita ay itinaboy ng kanilang masasamang pinuno at saserdote sa lupain, binigyan sila ng pagkain, kasuotan, at lupaing titirhan ng mga Nephita at ng mga tao ni Ammon. Dahil dito, ang mga Lamanita at mga hindi nagsising Zoramita ay nagsimulang maghanda para digmain ang mga Nephita at mga tao ni Ammon.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 34:1–14
Itinuro ni Amulek sa mga Zoramita ang tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na pahayag bago magklase. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang scripture study journal o sa papel kung ang bawat pahayag ay tama o mali.
Pagkatapos magkaroon ng sapat na oras ang mga estudyante na maisulat ang kanilang mga sagot, ipaalala sa kanila na itinuro ni Alma sa isang pangkat ng mga Zoramita kung paano matatanggap ang salita ng Diyos at mananampalataya kay Jesucristo (tingnan sa Alma 32–33). Ibuod ang Alma 34:1–7 na ipinapaliwanag na tinularan ni Amulek si Alma sa pamamagitan ng pagbabahagi niya ng kanyang sariling patotoo tungkol sa Tagapagligtas. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang mga itinuro ni Amulek sa Alma 34:8–9, 11 at ipatukoy ang mga parirala na nagsasaad kung ang bawat pahayag sa pisara ay totoo o mali. Pagkatapos ay rebyuhin ang mga pahayag sa klase. Ang mga tamang sagot ay:
-
Mali—“Siya ay magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan” (Alma 34:8).
-
Tama—“Kinakailangan na may isang pagbabayad-salang gawin, at kung hindi, ang buong sangkatauhan ay tiyak na hindi makaiiwas na masawi” (Alma 34:9).
-
Mali—“Walang sinumang taong makapaghahain ng kanyang sariling dugo na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng iba” (Alma 34:11).
Matapos matalakay ng mga estudyante ang sagot sa pahayag 3, itanong:
-
Sa inyong palagay, bakit si Jesucristo lamang ang makapagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan?
Para matulungan ang mga estudyante na masagot ang tanong na ito, ipabasa sa kanila nang tahimik ang Alma 34:10, 14. Pagkatapos ay basahin ang mga sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay walang hanggan—walang katapusan. Ito ay walang hanggan dahil maliligtas ang buong sangkatauhan mula sa walang katapusang kamatayan. Ito ay walang hanggan dahil sa Kanyang napakatinding pagdurusa. … Walang hanggan ang sinasaklaw nito—kailangang gawin ito nang minsanan para sa lahat. At ang awa ng Pagbabayad-sala ay hindi lamang sa walang hanggang bilang ng mga tao, kundi para din sa walang hanggang bilang ng mga daigdig na Kanyang nilikha. Ito ay walang hanggan at hindi masusukat ng anumang panukat ng tao o mauunawaan ng sinumang tao.
“Si Jesus lamang ang makagagawa ng walang hanggang pagbabayad-sala, dahil Siya ay isinilang sa isang mortal na ina at isang imortal na Ama. Dahil sa kakaiba ang pinagmulang angkan, si Jesus ay isang walang-hanggang Nilalang” (“The Atonement,” Ensign, Nob. 1996, 35).
“Ayon sa walang hanggang batas, ang pagbabayad-salang iyon ay nangangailangan ng personal na pagsasakripisyo ng isang imortal na nilalang na hindi sakop ng kamatayan. Gayunman Siya ay dapat mamatay at buhayin muli ang Kanyang sariling katawan. Ang Tagapagligtas lamang ang makagagawa nito. Mula sa Kanyang mortal na ina ay namana Niya ang katangiang mamatay. Mula sa Kanyang Ama natamo Niya ang kapangyarihang madaig ang kamatayan” (“Constancy amid Change,” Ensign, Nob. 1993, 34).
-
Paano nakatulong sa atin ang mga itinuro ni Amulek at ang pahayag ni Elder Nelson para maunawaan kung bakit si Jesucristo lamang ang makapagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan?
-
Paano ninyo ibubuod ang natutuhan ninyo mula sa Alma 34 tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Maaaring magbigay ng ibang mga katotohanan ang mga estudyante, ngunit tiyaking nauunawaan nila na ginawang posible ng walang katapusan at walang hangang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang kaligtasan para sa buong sangkatauhan.)
Para mas mapahalagahan pa ng mga estudyante ang pangangailangan sa Pagbabayad-sala sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit, maaaring gamitin ang sumusunod na aktibidad. Maaari mong iakma ang aktibidad na ito para matugunan ang mga pangangailangan at interes ng mga estudyanteng tinuturuan mo.
Isulat sa pisara ang sumusunod na parirala: Isipin ang mangyayari sa buhay kung walang …
Ipakita ang isang bagay na pinahahalagahan ng maraming kabataan (tulad ng cell phone) at itanong:
-
Ano kaya ang mangyayari sa buhay kung wala ang bagay na ito?
Pagkatapos, ipakita ang isang bote o baso ng tubig (o isang bagay na kailangan para mabuhay).
-
Ano ang mangyayari sa buhay kung walang tubig?
Pagkatapos matalakay ng mga estudyante ang pangangailangan sa tubig, kumpletuhin ang pahayag sa pisara para mabasa nang ganito: Isipin ang mangyayari sa buhay kung wala ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
-
Paano maiiba ang buhay kung walang Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali para mapag-isipan ang tanong na ito bago hingin ang mga sagot nila. Kung may oras pa, maaari mong ipasulat sa kanila ang mga sagot sa tanong na ito.)
Alma 34:15–41
Itinuro ni Amulek sa mga Zoramita kung paano magkaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi
Ituro na bagama’t isinagawa ni Jesucristo ang Pagbabayad-sala para sa lahat ng tao, hindi natin basta na lang matatanggap ang lahat ng mga pagpapala nito. Itinuro ni Amulek ang kailangan nating gawin para matanggap ang lahat ng pagpapala na maaaring makamtam natin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 34:15–17 at alamin ang isang parirala na sinabi nang apat na beses ni Amulek. (“Pananampalataya tungo sa pagsisisi.”)
-
Ano ang matututuhan natin sa Alma 34:15–17 tungkol sa dapat nating gawin para matanggap ang lahat ng pagpapala ng Pagbabayad-sala? (Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na: upang matanggap ang lahat ng pagpapala ng Pagbabayad-sala, dapat tayong magkaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng magkaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ibig sabihin ng magkaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:
“Kailangan natin ang malakas na pananampalataya kay Cristo upang makapagsisi. … Mababago ng pananampalataya kay Cristo ang ating mga iniisip, paniniwala, at pag-uugali na hindi naaayon sa kalooban ng Diyos. … Ang ibig sabihin ng pagsisisi ay pagbabago ng isip at puso—tumitigil tayo sa paggawa ng mali, at nagsisimulang gawin ang tama” (“Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 100).
-
Bakit mahalagang maunawaan na ang pagsisisi ay hindi lamang nangangailangan ng pagtigil sa paggawa ng mali, kundi pagsisimulang gawin ang tama?
-
Ayon sa Alma 34:16, ano ang mangyayari kapag may pananampalataya tayo tungo sa pagsisisi?
-
Ano ang mangyayari kung hindi tayo magkakaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi? (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “nakalantad sa buong batas na hinihingi ng katarungan” ay maranasan ang lahat ng kaparusahan o bunga ng ating mga kasalanan at hindi makamtan ang pagpapala ng buhay na walang hanggan.)
-
Ayon sa Alma 34:17, ano ang isang bagay na magagawa natin upang magkaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 34:17–28. Sabihin sa kanila na alamin ang itinuro ni Amulek sa mga Zoramita tungkol sa panalangin, pati na kung kailan mananalangin at ano ang ipapanalangin.
-
Ano ang itinuro ni Amulek tungkol sa panalangin na nauugnay sa inyong buhay? Sa inyong palagay, bakit mahalagang bahagi ang magkaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi?
-
Sinabi ni Amulek na walang kabuluhan, o walang pakinabang ang ating mga panalangin kung hindi natin tutulungan ang mga nakapaligid sa atin (tingnan sa Alma 34:28). Sa palagay ninyo, bakit totoo ito?
Para matulungan ang mga estudyante na makapag-isip pa ng mga karagdagang paraan para magkaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi, sabihin sa kanila na tumugon sa mga sumusunod na halimbawa:
-
Nakagawian na ng isang binatilyo na magsalita ng hindi magagandang salita. Ano ang ilang paraan na maipapakita niya ang kanyang pananampalataya tungo sa pagsisisi para mawala sa kanya ang gawing ito? (Maaaring kabilang sa sagot ang pagdarasal para humingi ng tulong, paghingi ng tulong sa pamilya at mga kaibigan, at pakikibahagi sa mga aktibidad na nag-aanyaya sa Espiritu.)
-
Isang kabataang babae at lalaki ang nagkaroon ng hindi angkop na relasyon. Nadama nila na hinihikayat sila ng Espiritu Santo na wakasan na ang relasyong ito. Paano maipapakita ang pananampalataya tungo sa pagsisisi sa pagsunod sa paghihikayat na ito? Anong iba pang mga hakbang ang kailangang gawin nila na titiyak na sila ay nasa landas tungo sa lubos na pagsisisi? (Kabilang sa mga sagot ang paghingi ng payo sa bishop o branch president at pagdarasal na mapalakas at mapatawad.)
-
Ano ang ibig sabihin ng ipagpaliban? Ano ang ilang dahilan kung bakit ipinagpapaliban ng mga tao ang ilang dapat gawin?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 34:33 at alamin ang isang bagay na sinabi ni Amulek na hindi dapat ipagpalibang gawin ng mga Zoramita. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 34:32–35. Habang nagbabasa sila, sabihin sa klase na alamin ang ibubunga ng pagpapaliban ng ating pagsisisi. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang buhay na ito ang panahon para maghanda sa pagharap sa Diyos.
-
Paano ninyo ipapaliwanag ang katotohanang ito sa isang tao?
-
Kunwari ay may kaibigan kayo na sadya niyang sinusuway ang ilang mga kautusan at balak niyang magsisi kalaunan. Ano ang ituturo ninyo sa kaibigang ito batay sa natutuhan ninyo mula sa Alma 34:32–35?
Ipaliwanag na hindi lang basta nagbabala si Amulek tungkol sa mga ibubunga ng pagpapaliban ng pagsisisi; itinuro din niya ang tungkol sa mga pagpapala ng pagpapasiyang magsisi ngayon. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 34:30–31 at ipatukoy ang pagpapalang ito.
-
Sa Alma 34:31, anong katiyakan ang ibinigay sa mga magsisisi ngayon? (“Kapagdaka ang dakilang plano ng pagtubos ay madadala sa inyo.”)
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Hindi ninyo kailangang malaman ang lahat bago magkaroon ng epekto sa inyo ang Pagbabayad-sala. Manampalataya kay Cristo; magkakaroon ito ng epekto sa araw na humiling kayo!” (“Washed Clean,” Ensign, Mayo 1997, 10).
-
Paano nakatutulong sa atin ang pag-unawa sa katiyakang ito? Sa paanong paraan ninyo nadama ang epekto ng Pagbabayad-sala nang magsimula kayong umasa rito?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Harold B. Lee. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung ano ang tinutukoy ni Pangulong Lee na “pinakamahalaga sa lahat ng mga kautusan.”
“Ngayon, kung may nagawa kayong mga pagkakamali, simulan ninyo ngayon ang pagbabago sa inyong mga buhay. Iwasan ang maling bagay na ginagawa ninyo. Ang pinakamahalaga sa lahat ng mga kautusan ng Diyos ay yaong pinakamahirap ninyong masunod ngayon. Kung ito ay ang di pagiging tapat, kung ito ay kawalan ng kalinisang-puri, kung ito ay panlilinlang, hindi pagsasabi ng katotohanan, ngayon ang araw na dapat ninyong iwasan iyan hanggang sa tuluyan ninyong mapaglabanan ang kahinaang iyon. Gawin iyan nang wasto, at pagkatapos ay simulan ninyo ang susunod na pinakamahirap ninyong masunod” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2001], 36).
-
Ayon kay Pangulong Lee, ano ang pinakamahalagang kautusan? Bakit?
Isulat sa pisara ang sumusunod na mga di-kumpletong pahayag. Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang mga ito sa kanilang notebook o scripture study journal.
Alma 35
Ang mga nagsipagsising Zoramita ay nanirahan kasama ang mabubuti
Ibuod ang Alma 35 na ipinapaliwanag na maraming Zoramita ang nagsisi ng kanilang mga kasalanan. Sila ay itinaboy sa lupain ng kanilang masasamang pinuno at saserdote, at sila ay nagtungo sa lupain ng Jerson at naninirahan doon kasama ang mga tao ni Ammon. Binigyan sila ng mga lupain ng mga tao ni Ammon, at ipinadala ng mga Nephita ang kanilang mga hukbo para protektahan sila.
Magpatotoo na makatatanggap tayo ng mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa sandaling sumampalataya tayo tungo sa pagsisisi. Hikayatin ang mga estudyante na tularan ang halimbawa ng mga tao ni Ammon at ng mga Nephita sa pamamagitan ng pagpapakita ng kabutihan at pagbibigay ng suporta sa mga nagnanais na magsisi.