Library
Lesson 93: Alma 36


Lesson 93

Alma 36

Pambungad

Pagkatapos ng kanyang misyon sa mga Zoramita, pinayuhan ni Alma ang bawat isa sa kanyang mga anak. Ang kanyang payo sa kanyang anak na si Helaman ay matatagpuan sa Alma 36 at 37. Si Alma ay nagpatotoo kay Helaman na ililigtas ng Diyos ang mga taong magtitiwala sa Kanya. Para maituro ang katotohanang ito, isinalaysay ni Alma ang kanyang karanasan maraming taon na ang nakalilipas noong mailigtas siya mula sa pasakit ng kanyang mga kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Isinalaysay rin niya ang kanyang pagsisikap na madala ang iba kay Cristo at naranasan ang kagalakan ng pagsisisi sa kanilang sarili.

Paalala: Ang lesson 94 ay nagbibigay ng pagkakataon na makapagturo ang tatlong estudyante. Kung hindi mo pa ito nagagawa, maaari ka nang pumili ng tatlong estudyante ngayon at bigyan sila ng mga kopya ng mga bahaging ituturo nila sa lesson 94 upang makapaghanda sila. Hikayatin sila na mapanalanging pag-aralan ang materyal ng lesson at hingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang malaman nila kung paano itutugma ang lesson sa mga pangangailangan ng kanilang mga kaklase.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Alma 36:1–5

Itinuro ni Alma kay Helaman ang tungkol sa kapangyarihang magligtas ng Diyos

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nakaimpluwensya sa kanila ang patotoo o ang isang bagay na itinuro sa kanila ng kanilang mga magulang. Anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi ang naisip nila sa klase.

Ipaliwanag na ang kabanata 36–42 sa aklat ni Alma ay naglalaman ng mga payo ni Alma sa kanyang mga anak. Ang kabanata 36–37 ay para kay Helaman, ang kabanata 38 ay para kay Siblon, at ang kabanata 39–42 ay para kay Corianton.

Hikayatin ang mga estudyante na kunwari ay sila si Helaman na nakikinig sa patotoo ng kanilang ama sa Alma 36:1–5. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang mga talatang ito, at ipahanap ang nakaantig sa kanila sa patotoo ni Alma.

  • Sa mga talatang ito, ano ang lubos na nakapagpaantig o tumimo sa inyo? Bakit?

Alma 36:6–22

Inilarawan ni Alma ang kanyang paghihimagsik at ipinaliwanag kung paano siya nakatanggap ng kapatawaran

Ipaliwanag na bilang karagdagang patotoo sa kapangyarihan ng Diyos na iligtas ang mga nagtitiwala sa Kanya, ibinahagi ni Alma ang kanyang karanasan noong siya ay mailigtas mula sa mga pasakit ng kanyang mga kasalanan. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang mabilis ang Alma 36:6–9 at ibuod ang nangyari kay Alma habang naglalakbay siya kasama ang mga anak ni Mosias na naghahangad na wasakin ang Simbahan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 36:10. Sabihin sa klase na alamin kung gaano katagal nagdusa si Alma para sa kanyang mga kasalanan. Ipaliwanag na sa Alma 36:11–17 mababasa natin ang mas detalyadong tala ng naranasang pagdurusa ni Alma sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi kaysa sa iba pang tala ng kanyang pagbabalik-loob (tingnan sa Mosias 27 at Alma 38). Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na pag-aralan ang Alma 36:11–17 at alamin kung paano inilarawan ni Alma ang nadama niyang takot o sakit. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga salita at mga parirala na nahanap nila. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga ito.) Maaari mong itanong ang mga sumusunod para matulungan ang mga estudyante na magkaroon ng malalim na pagkaunawa sa mga salita at pariralang ibinahagi nila.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng parirala (o salita) na ito? Bakit ganito ang nadama ni Alma?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang mga salitang giniyagis, sinaktan, at pagdurusa, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang salitang giniyagis ay nangangahulugang ‘[pinahirapan].’ Noong unang panahon ang isang bastidor ay isang mesa kung saan pinahihiga ang biktima na ang bawat bukung-bukong at pulsuhan ay nakatali sa isang kidkirang naiikot upang humatak at magdulot ng di-makakayanang sakit.

“Ang suyod ay isang kuwadrong may mga pakong nakatusok. Kapag hinihila sa lupa, gumuguhit ito sa lupa [at kinakayod ito]. Madalas binabanggit sa mga banal na kasulatan ang tungkol sa mga kaluluwa at isipan na ‘sinasaktan’ ng kasalanan.

“Ibig sabihin ng pagdurusa ay ‘pagpilipit,’ isang paraan ng pagpapahirap na napakasakit na kahit na ang inosente ay aamin sa kasalanan” (“Ang Dantay ng Kamay ng Guro,” Liahona, Hulyo 2001, 23).

  • Ano ang itinuturo sa atin ng karanasan ni Alma tungkol sa mga epekto ng kasalanan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ang kasalanan ay humahantong sa matinding pasakit, pagdurusa, at pighati.)

  • Nakaranas ba ng sakit at pighati si Alma para sa kanyang mga kasalanan pagkatapos niyang magawa ang mga ito? Sa inyong palagay, bakit mahalagang maunawaan na hindi natin kaagad madarama ang mga epekto ng ating mga kasalanan?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga karanasan kung saan nakadama sila ng sakit o pighati dahil sa kanilang mga kasalanan. Pagkatapos ay basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Packer:

“Bawat isa sa atin ay nakokonsiyensya pagkatapos nating magkasala. …

“Kung kayo ay nabibigatan dahil sa pagkakasala o pagkabigo, pagkukulang o pagkapahiya, may lunas diyan” (“Ang Dantay ng Kamay ng Guro,” 22).

Ipaliwanag na habang nakadarama ng pasakit at pighati si Alma para sa kanyang mga kasalanan, naalaala niya ang lunas sa kanyang pasakit.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 36:18. Sabihin sa klase na alamin ang ginawa ni Alma para masunod ang mga turo ng kanyang ama. Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang mga talatang ito, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

“Naantig si Alma sa itinuro ng kanyang ama, ngunit ang lalong mahalaga ay naalaala niya ang propesiya hinggil sa ‘pagparito ng isang Jesucristo, isang Anak ng Diyos, na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan.’ (Alma 36:17.) Iyan ang pangalan at iyan ang mensahe na dapat marinig ng lahat ng tao. … Anuman ang iba pa nating idinadalangin, anuman ang iba pa nating mga pangangailangan, lahat ay nakabatay sa pagsamong iyon: ‘O Jesus, ikaw na Anak ng Diyos, kaawaan ako.’ Handa Siyang magbigay ng awa. Ibinayad Niya ang kanyang sariling buhay upang maibigay ito” (However Long and Hard the Road [1985], 85).

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalagang hindi lamang natin alam ang tungkol kay Jesucristo ngunit dapat ding tayong humingi ng mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala?

Hikayatin ang mga estudyante na tahimik na pag-isipan kung nanalangin sila na makatanggap ng mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, pati na ng kapatawaran ng mga kasalanan.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 36:19–22, at ipahanap ang mga salita at pariralang naglalarawan kung paano nabago ang naramdaman ni Alma matapos siyang manalangin na kaawaan siya.

  • Anong mga salita o parirala ang nakita ninyo na naglalarawan kung paano nabago ang naramdaman ni Alma?

Itanong ang sumusunod tungkol sa bawat isa sa mga salita at parirala na nakita ng mga estudyante:

  • Ano ang itinuturo sa inyo ng parirala (o salita) na iyan tungkol sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas? (Kapag sumagot ang mga estudyante, tulungan sila na makita na hindi lamang inalis ang pasakit ni Alma, kundi siya rin ay napuspos ng kagalakan.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kung mananampalataya tayo kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, tayo ay Kanyang …

  • Mula sa karanasan ni Alma, ano ang matututuhan natin tungkol sa gagawin ng Panginoon para sa atin kung tayo ay taos-pusong magsisisi? (Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng iba’t ibang alituntunin, ngunit tiyaking mabanggit nila na: Kung mananampalataya tayo kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, tayo ay Kanyang ililigtas mula sa pasakit ng ating mga kasalanan at pupuspusin tayo ng kagalakan. Maaari mong kumpletuhin ang pahayag sa pisara.)

  • Ano ang maaari nating gawin para manampalataya tayo kay Jesucristo upang maligtas tayo mula sa pasakit o pighati na sanhi ng ating mga kasalanan?

Basahin nang malakas ang sumusunod na sitwasyon, at sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang itutugon nila:

Isang kaibigan na nagbabasa ng Aklat ni Mormon ang nagpatulong sa iyo para maunawaan niya ang mga salita ni Alma sa Alma 36:19. Itinanong sa iyo ng kaibigan mo, “Kung naaalaala ko pa ang aking mga kasalanan at nalulungkot pa rin dahil dito, ibig bang sabihin ay hindi pa ako napapatawad?”

Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano nauugnay sa sitwasyong ito ang mga naranasan ni Alma. Pagkatapos sumagot ang mga estudyante, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Sisikapin ni Satanas na papaniwalain tayo na hindi napatawad ang ating mga kasalanan dahil naaalaala natin ang mga ito. Sinungaling si Satanas; pinalalabo niya ang ating paningin at inaakay tayo palayo sa landas ng pagsisisi at kapatawaran. Hindi nangako ang Diyos na hindi na natin maaalaala ang ating mga kasalanan. Ang pag-alaala ay makatutulong sa atin upang hindi na natin maulit pa ang gayunding pagkakamali. Ngunit kung mananatili tayong totoo at tapat, ang alaala ng ating mga kasalanan ay unti-unting malilimutan sa paglipas ng panahon. Bahagi ito ng kinakailangang proseso ng pagpapagaling at pagpapadalisay. Nagpatotoo si Alma na matapos siyang magsumano kay Jesus para humingi ng awa, natatandaan pa rin niya ang kanyang mga kasalanan, ngunit ang alaala ng kanyang mga kasalanan ay hindi na nakabagabag at nagpahirap sa kanya, dahil alam niyang napatawad na siya (tingnan sa Alma 36:17–19).

“[Responsibilidad] natin na iwasan ang anumang bagay na magpapagunita sa atin ng mga nagawa nating kasalanan noon. Kapag patuloy tayong nagkaroon ng ‘pusong bagbag at nagsisising espiritu’ (3 Nephi 12:19), maaari tayong magtiwala na hindi ‘maaalaala [ng Diyos] ang [ating mga kasalanan]’” (“Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Ensign or Liahona, Mayo 2007, 101).

  • Batay sa pahayag ni Pangulong Uchtdorf, paano ninyo ipapaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng “hindi na [tayo] sinaktan pa ng alaala ng [ating] mga kasalanan”? (Alma 36:19).

Magpatotoo na kung mananampalataya tayo kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, tayo ay Kanyang ililigtas mula sa pasakit ng ating mga kasalanan at pupuspusin tayo ng kagalakan. Hikayatin ang mga estudyante na isipin kung paano nila ipamumuhay ang natutuhan nila mula sa karanasan ni Alma. Kung may oras pa, ipakanta sa klase ang “Saan Naroon ang Aking Kapayapaan?” (Mga Himno, blg. 74).

Alma 36:23–30

Ipinaliwanag ni Alma kung bakit patuloy siyang nagpagal at gumawa para madala ang mga tao tungo sa pagsisisi

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung bakit patuloy na nagpagal at gumawa si Alma para madala ang iba tungo sa pagsisisi, maaari mong gamitin ang sumusunod na aktibidad. (Kung hindi posible na makapagdala ng pagkain sa iyong klase, maaari mong ilarawan ang aktibidad.)

Magdispley ng pagkain (tulad ng isang cookie o piraso ng kendi) at itanong kung may sinuman sa klase na gusto ang pagkaing ito. Tikman ang pagkain, at sabihin kung gaano ito kasarap. Sabihin sa klase na napakasarap nito at gusto mong ibahagi ito sa buong klase. Magdispley pa ng marami nito, at itanong kung sino ang gusto tumikim nito. Bigyan ang lahat nang may gusto nito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 36:23–24. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano nauugnay ang tasting activity sa karanasan ni Alma pagkatapos ng kanyang pagbabalik-loob.

  • Paano nahahalintulad ang mga ginawa ni Alma sa tasting activity? Ano ang nais ni Alma na matikman o maranasan ng ibang tao?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 36:25–26. Sabihin sa klase na tukuyin kung paano nakaapekto kay Alma at sa ibang tao ang pagsisikap niya na ituro ang ebanghelyo.

  • Paano nakaapekto kay Alma at sa ibang tao ang pagtuturo niya?

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito? (Maaaring iba-iba ang isagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking mabanggit nila na makatatanggap tayo ng malaking kagalakan kapag pinagsikapan natin na madala ang iba kay Cristo.)

Ibuod ang Alma 36:27–30 na ipinapaliwanag na muling nagpatotoo si Alma kay Helaman na ililigtas ng Panginoon ang mga taong nagtitiwala sa Kanya. Magpatotoo na makadarama tayo ng kagalakan kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo at kapag hinikayat natin ang iba na gawin din ito. Upang matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang natutuhan nila sa Alma 36, sabihin sa kanila na kumpletuhin ang isa sa mga aktibidad sa ibaba. (Maaari mong isulat ang mga ito sa pisara.)

  1. Isipin kung nadama na ninyo na iligtas kayo ng Tagapagligtas mula sa kasalanan at pinuspos kayo ng kagalakan. Sa inyong scripture study journal, ipaliwanag kung ano ang gagawin ninyo upang matanggap ninyo ang mga pagpapalang ito.

  2. Mag-isip ng isang tao (tulad ng isang kaibigan, kapatid, o miyembro ng ward) na maaaring makinabang sa inyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas. Sumulat ng isang liham sa taong ito at ilakip ang inyong patotoo kung paano tayo iniligtas ni Jesucristo mula sa pasakit ng kasalanan at pinuspos tayo ng kagalakan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Alma 36:12. “Ang kaluluwa ko’y … giniyagis ng lahat ng aking kasalanan”

Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang pagdurusa para sa ating mga kasalanan ay mahalagang aspeto ng pagsisisi:

“Hinihingi ng katarungan na ang mga nagkasala na hindi nagsisi ay magdusa para sa kanyang sariling mga kasalanan [tingnan sa D at T 19:16–19]. …

“… Paano ang mga nagkasala na nagsisi? Parurusahan ba sila? Dapat ba silang magdusa? …

“… Ang taong nagsisi ay hindi kailangang magdusa ‘katulad’ ng Tagapagligtas na nagdusa para sa kasalanang iyon. Ang mga makasalanan na nagsisi ay daranas ng ilang pagdurusa, ngunit, dahil sa kanilang pagsisisi at dahil sa Pagbabayad-sala, hindi nila mararanasan ang lubos na ‘hapdi’ na walang hanggan na dinanas ng Tagapagligtas para sa kasalanang iyan.

“Si Pangulong Spencer W. Kimball, na itinuro ang tungkol sa pagsisisi at kapatawaran, ay nagsabing ang personal na pagdurusa ‘ay isang napakahalagang bahagi ng pagsisisi. Ang isang tao ay hindi pa nakapagsimulang magsisi hangga’t hindi niya pinagdudusahang mabuti ang kanyang mga kasalanan’ (Teachings of Spencer W. Kimball, p. 88).

“‘Kung hindi nagdusa ang isang tao, siya ay hindi nagsisisi. … Kailangang maunawaan niya na siya ay nagkasala na magiging sanhi ng kanyang kalungkutan at pagdurusa at pagkatapos mangyayari ang kapatawaran’ (Teachings of Spencer W. Kimball, p. 99). …

“Lahat ng ating karanasan ay pinagtitibay ang katotohanan na kailangan nating maranasang magdusa sa proseso ng pagsisisi—at para sa mabibigat na kasalanan ang pagdurusa ay maaaring maging matindi at matagal. Naniniwala ako na bawat isa sa atin na totoong tapat sa kanyang sarili ay nauunawaan ang katotohanan ng alituntuning ito. Nadarama natin ito sa sarili nating buhay, at nakikita natin ito sa buhay ng iba.

“Madarama rin natin na ang pagdurusa natin para sa sarili nating kasalanan ay pribado at hindi alam ng mga tao. Madalas na ang nagkasala lamang at ang Panginoon at ang tagapaglingkod ng Panginoon ang nakakaalam ng nangyayari. Kung ikukumpara sa pagpaparusa na ipinapataw ng batas ng mga tao, ang pagdurusa na humahantong sa awa sa ilalim ng mga batas ng Diyos ay napakapersonal” (“Sins, Crimes, and Atonement” [mensahe sa CES religious educators, Peb. 7, 1992], 4–6, si.lds.org).

Alma 36. Kiasmus [Chiasmus]

Ang kiasmus (na tinatawag kung minsan na inverted parallelism) ay isang paraang pampanitikan na karaniwang ginagamit noong sinauna sa Semitic at Greek poetry gayon din sa literatura ng iba pang mga kultura. Sa kiasmus, ang mga salita o ideya ay inaayos ayon sa pagkakasunud-sunod nito at pagkatapos ay inuulit nang pabaliktad. Ang pag-uulit na ito ay nagbibigay-diin sa mahahalagang ideya at salita. Ang pangunahing ideya ng may-akda ay kadalasang makikita sa gitna ng kiasmus. Sa chart sa ibaba, pansinin na ang pangunahing mensahe ng kiasmus sa Alma 36 ay nakatuon sa panahon sa buhay ni Alma noong bumaling siya kay Jesucristo para sa kaligtasan.

A. talata 1

 B. talata 2

  C. talata 3

   D. talata 4–5

    E. talata 6

     F. talata 10

      G. talata 14

       H. talata 16

        I. talata 17

        I. talata 18

       H. talata 19–21

      G. talata 22

     F. talata 23

    E. talata 24

   D. talata 26

  C. talata 27

 B. talata 28–29

A. talata 30