Lesson 94
Alma 37
Pambungad
Patuloy na pinayuhan ni Alma ang kanyang anak na si Helaman at inihabilin sa kanya ang mga sagradong talaan. Ipinaalala niya kay Helaman na sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan libu-libong Lamanita ang nadala sa Panginoon, at siya ay nagpropesiya na ang Panginoon ay may dakilang layunin para sa mga talaan sa hinaharap. Tinagubilinan ni Alma ang kanyang anak tungkol sa dapat ituro sa mga tao. Inihalintulad ang mga salita ni Cristo sa Liahona, itinimo niya kay Helaman ang kahalagahan ng pagsasaliksik at pag-aaral nito para magabayan.
Paalala: Ang lesson na ito ay nagbibigay ng pagkakataon na makapagturo ang tatlong estudyante sa klase. Para matulungan ang tatlong estudyante na makapaghanda sa pagtuturo, bigyan ang bawat isa sa kanila ng kopya ng bahagi na ituturo niya isa o dalawang araw bago siya magturo. O maaaring ikaw mismo ang magturo ng mga bahaging ito.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 37
Ipinagkatiwala ni Alma kay Helaman ang mga talaan, pinayuhan siya na sundin ang mga kautusan, at ipinaalala sa kanya na kumikilos ang Liahona sa pamamagitan ng pananampalataya
Isulat sa pisara ang sumusunod na diagram:
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang ilang maliliit at mga karaniwang bagay na nakagawa ng malaking kabutihan sa kanilang buhay. Maaari mong sabihin sa kanila na ipaliwanag ang mga isinulat nila.
Ipaliwanag na ang Alma 37 ay naglalaman ng payo ni Alma upang matulungan ang kanyang anak na si Helaman na maghanda na maging susunod na tagapag-ingat ng mga sagradong talaan. Itinuro sa kanya ni Alma ang mahalagang bahagi ng maliliit at mga karaniwang bagay sa gawain ng Panginoon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 37:6–7.
Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa kahalagahan ng “maliliit at mga karaniwang bagay”? (Maaaring iba-iba ang isagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking mabanggit nila ang katotohanan na ang Panginoon ay gumagawa sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay upang maisakatuparan ang Kanyang mga walang hanggang layunin.)
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 37:1–5, at alamin ang isang halimbawa ng maliit at karaniwang bagay na maaaring magkaroon ng malaking epekto sa buhay ng mga tao (mga sagradong talaan, o mga banal na kasulatan). Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, isulat sa pisara ang mga salitang Mga banal na kasulatan sa ilalim ng Maliliit at mga karaniwang bagay.
Sabihin sa mga estudyante na hanapin sa Alma 37:8–10 kung paano nakaimpluwensya ang mga banal na kasulatan sa mga tao sa Aklat ni Mormon. Kapag naibahagi ng mga estudyante ang nahanap nila, maaari mong isulat ang kanilang mga sagot sa ilalim ng MALAKING EPEKTO.
-
Paano nakaimpluwensya sa buhay ninyo ang mga banal na kasulatan?
Ibuod ang Alma 37:11–32 na ipinapaliwanag na itinuro ni Alma kay Helaman na ipapakita ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan sa paglabas ng Aklat ni Mormon. Tinagubilinan niya si Helaman na sundin ang mga kautusan ng Panginoon at ingatang mabuti ang mga talaan. Tinagubilinan niya rin si Helaman na gamitin ang mga talaan sa pagtuturo sa mga tao at iwasang ihayag ang lahat ng detalye ng kasamaan ng mga Jaredita at ang kinahinatnan ng mga ito.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 37:13–16, at alamin ang mga alituntuning itinuro ni Alma kay Helaman nang ihabilin niya ang mga talaan. (Maaaring makatukoy ng iba’t ibang alituntunin ang mga estudyante, ngunit tiyaking maisagot nila na kung susundin natin ang mga kautusan ng Panginoon, tutulungan Niya tayong magawa ang ating mga tungkulin. Maaari mong itanong kung paano nauugnay ang alituntuning ito sa ideya na maaaring magkaroon ng malaking epekto ang maliliit at mga karaniwang bagay.)
Ang natitirang bahagi ng lesson na ito ay nilayong maituro ng tatlong estudyante. Kung malaki ang klase, sabihin sa mga estudyanteng magtuturo o student teacher na pumunta sa tatlong magkakaibang lokasyon sa silid-aralan. Hatiin ang klase sa tatlong grupo. Sabihin sa bawat grupo na dalhin ang kanilang banal na kasulatan, notebook o scripture study journal, at bolpen o lapis at sama-samang pumunta sa isa sa mga student teacher. Pagkatapos maituro ng mga student teacher ang kani-kanyang lesson, ang mga grupo ay pupunta naman sa iba pang student teacher hanggang sa mapuntahan nila ang tatlong student teacher. Kung maliit ang klase, maaaring maghalinhinan sa pagtuturo sa buong klase ang mga student teacher. Anuman sa dalawang paraan na ito, mga pitong minuto lang ang dapat magugol ng mga student teacher sa pagtuturo ng kanilang lesson at sa talakayan.
Student Teacher 1—Alma 37:33–34
Sabihin sa iyong mga kaklase na mag-isip ng isang lokal na lider ng Simbahan o General Authority na may naiturong isang bagay sa kanila na nakagawa ng kaibhan sa kanilang buhay. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang itinuro ng lider na ito at paano ito nakaimpluwensya sa kanila. Maaari ka ring magbigay ng halimbawa mula sa iyong buhay.
Sabihin sa dalawang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 37:33–34. Sabihin sa iba pa na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinayo ni Alma kay Helaman na ituturo sa mga tao. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga pariralang “turuan sila” at “ipangaral sa kanila” habang sila ay nagbabasa. Sa pisara o sa isang papel, isulat ang Mga Turo ng mga lider ng Simbahan. Matapos basahin ng mga estudyante ang mga talata, sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Isulat ang kanilang mga sagot sa ilalim ng Mga Turo ng mga lider ng Simbahan. Itanong ang mga sumusunod:
-
Paano higit na makatutulong ang mga turong ito sa atin ngayon? Bakit?
Sabihin sa iyong mga kaklase na tingnan ang huling parirala ng Alma 37:34 para makita kung anong mga pagpapala ang dumarating sa pagsunod sa mga itinuro ng mga lider ng Simbahan. Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Sa pagsunod sa mga itinuro ng mga lider ng Simbahan, makasusumpong tayo ng kapahingahan sa ating mga kaluluwa. Itanong sa kanila kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng “makasusumpong ng kapahingahan sa kanilang mga kaluluwa.” (Kabilang sa mga sagot ang pagiging malaya sa mga ibinunga ng kasalanan, pagtanggap ng kapayapaan mula sa Espiritu, at pagkakaroon ng lakas na mapagtiisan at makayanan ang mga pagsubok.)
Magpatotoo kung paano napatunayang totoo sa iyong buhay ang alituntuning ito. Kung may oras pa, anyayahan ang iba na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa alituntuning ito.
Student Teacher 2—Alma 37:35–37
Ipaliwanag sa mga kaklase mo na karaniwan na sa mga nagtatanim ng puno na itali ang maliit pang puno sa isang tulos [stake] at alisin ito kapag lumaki na ang puno. Itanong sa kanila kung bakit sa palagay nila ay ginagawa ito. Pagkatapos ay basahin ang sumusunod na kuwento tungkol sa isang puno na itinanim ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa kanyang bakuran:
Nagtanim si Pangulong Gordon B. Hinckley ng isang maliit na puno malapit sa kanyang tahanan pagkatapos niyang ikasal. Halos hindi niya ito napagtuunan ng pansin sa pagdaan ng mga taon. Isang araw napansin niya na ang puno ay hindi tuwid at nakapaling sa kanluran. Sinikap niya na ituwid ito pero malapad na ang katawan ng puno. Sinubukan niyang gumamit ng lubid at pulleys para ituwid ito, pero ayaw na nitong sumunod. Sa huli, kinuha niya ang kanyang lagare at pinutol ang malaking sanga sa bandang kanluran, na nag-iwan ng pangit na pilat sa puno. Sinabi niya kalaunan tungkol sa puno:
“Mahigit kalahating siglo na ang lumipas mula nang itanim ko ang punong iyon. … Tiningnan kong muli ang puno kamakailan. Malaki na ito. Mas tuwid na ang pagtubo nito. Nagpaganda ito sa aming tahanan. Ngunit napakatindi ng naranasan nito noong ito ay maliit pa at napakasakit ng ginawa ko para maituwid ito.
“Nang una kong itanim ang puno, napatatag sana ito ng isang tali laban sa malalakas na pag-ihip ng hangin. Dapat sana ay tinalian ko ito at nagawa sana ito nang halos walang hirap. Ngunit hindi ko ito nagawa, at bumaluktot ito sa pwersang humagupit dito” (“Bring up a Child in the Way He Should Go,” Ensign, Nob. 1993, 59).
Ipabasa sa mga estudyante ang payo ni Alma kay Helaman sa Alma 37:35. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano nauugnay ang talatang ito sa kuwento ni Pangulong Hinckley tungkol sa puno.
Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang Alma 37:35 sa sarili nilang salita. (Dapat mabanggit sa sagot nila na: dapat nating matutuhan sa ating kabataan na sundin ang mga kautusan ng Diyos.) Sabihin din sa kanila na isulat ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong o basahin ito nang marahan para maisulat ng mga estudyante.)
-
Ano kaya ang kaibhang magagawa sa buhay ng isang tao kung natutuhan niyang sundin ang mga kautusan ng Diyos habang siya ay bata pa?
-
May naiisip ba kayo na mga tao na napagpala sa buong buhay nila dahil natutuhan nilang sumunod sa mga kautusan habang bata pa sila? Isulat kung paano sila napagpala.
Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 37:36–37. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga payo na makatutulong sa kanila na sundin ang mga kautusan habang sila ay bata pa.
-
Paano makatutulong sa inyo ang araw-araw na pagsunod sa mga payo na ito upang masunod ang mga kautusan?
-
Sa paanong paraan ninyo sinisikap na unahin ang Panginoon sa inyong mga isipan, salita, gawain, at puso? (Hikayatin ang mga estudyante na isipin kung paano sila magiging mas mabuti.)
Ibahagi ang iyong patotoo kung paano nakatulong sa pagsunod mo sa mga kautusan ang pagsangguni o paghingi ng payo sa Panginoon. Hikayatin ang iyong mga kaklase na sumangguni sa Panginoon sa lahat ng kanilang ginagawa.
Student Teacher 3—Alma 37:38–45
Idispley ang larawang Ang Liahona (62041; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 68). Ipaalala sa mga kaklase mo ang aguhon o kompas na ginamit ng Panginoon para tulungan ang pamilya ni Lehi sa kanilang paglalakbay patungo sa lupang pangako. Sa Alma 37:38 nalaman natin na ang aguhon o kompas ay tinatawag na Liahona. Ipaliwanag na binanggit ni Alma ang Liahona para ituro kay Helaman ang isang mahalagang alituntunin tungkol sa paraan kung paano ginagabayan ng Panginoon ang Kanyang mga anak.
Sabihin sa iyong mga kaklase na tatanungin mo sila at pagkatapos ay salitan mo silang pababasahin nang malakas ng ilang talata habang ang iba ay naghahanap ng mga sagot. Ipasagot sa kanila ang bawat tanong matapos mabasa ang kaugnay na scripture passage.
-
Paano kumikilos ang Liahona? (Tingnan sa Alma 37:38–40.)
-
Bakit tumitigil paminsan-minsan sa pagkilos ang Liahona? (Tingnan sa Alma 37:41–42.)
-
Paano natin maihahalintulad ang Liahona sa mga salita ni Cristo? (Tingnan sa Alma 37:43–45.)
Maaaring kailangan mong ipaliwanag na sa mga talatang ito, ang mga salitang kahalintulad at pagkakahalintulad ay tumutukoy sa “isang tao, pangyayari, o ritwal na napakahalaga na susunod o mangyayari. … Ang totoong pagkakahalintulad ay kakikitaan ng pagkakahawig, nagpapakita ng katibayan ng banal na pagkakatalaga, at mangyayari sa hinaharap” (Joseph Fielding McConkie, Gospel Symbolism [1985], 274). Ang pagpapasyang sundin o hindi sundin ang mga tagubilin ng Liahona ay tulad ng pagpapasiya kung paano natin susundin ang mga tagubilin na nagmumula sa mga salita ni Cristo.
-
Saan natin mababasa ang mga salita ni Cristo? (Kabilang sa mga sagot ang mga banal na kasulatan, mga salita ng mga propeta sa mga huling araw, patriarchal blessing, at mga pahiwatig ng Espiritu.)
Ipabuod sa iyong mga kaklase ang mga sinabi ni Alma sa Alma 37:38–45, lalo na sa talata 44–45. Dapat kabilang sa talakayang ito ang sumusunod na katotohanan: Kung susundin natin ang mga salita ni Jesucristo, gagabayan tayo nito upang matanggap ang buhay na walang hanggan.
Ibahagi kung paano espirituwal na nakaimpluwensya sa inyo ang mga salita ni Cristo at kung paano kayo natulungan nito na sumulong patungo sa buhay na walang hanggan. Maaari mong imungkahi na pag-isipan ng mga estudyante na kumuha ng patriarchal blessing o, kung mayroon na sila nito, basahin ito nang regular at nang may panalangin.
Paalala sa titser: Pagkatapos maituro ng mga estudyante ang kanilang bahagi sa lesson, pasalamatan sila at, kung may oras pa, anyayahan ang ilang estudyante na magpatotoo sa isa sa mga alituntunin na natutuhan nila sa araw na ito. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong patotoo tungkol sa mga alituntuning ito. Magtapos sa pagsasabi sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa habang binabasa mo nang malakas ang Alma 37:46–47.