Lesson 95
Alma 38
Pambungad
Si Siblon ay naglingkod na kasama ng kanyang ama, na si Alma, bilang misyonero sa mga Zoramita (tingnan sa Alma 31:7). Pagkatapos ng misyong ito, si Alma ay nagpahayag ng kagalakan sa katatagan at katapatang ipinakita ni Siblon habang dumaranas ng pag-uusig. Pinatotohanan din ni Alma kay Siblon ang kapangyarihan ni Jesucristo na magligtas at nagpayo tungkol sa patuloy na pagsisikap ni Siblon na ituro ang ebanghelyo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 38:1–3
Nagpahayag ng kagalakan si Alma dahil sa katapatan ni Siblon
Kung ipinagawa mo sa mga estudyante ang take-home application activity sa katapusan ng nakaraang lesson, ipaalala sa kanila ang dalawang tanong na ipinapatanong mo sa mga magulang nila o sa iba pang mapagkakatiwalang adult o taong mas matanda sa kanila:
-
Paano nakatulong sa inyo ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos?
-
Anong payo ang maibibigay ninyo na makatutulong sa akin na lalo pang matuto sa aking kabataan?
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang karanasan nila sa aktibidad na ito. Pagkatapos magbahagi ng mga estudyante, itanong:
-
Paano nakaapekto ang karanasang ito sa inyong hangaring sundin ang mga kautusan ng Panginoon?
Ipaliwanag na nakatala sa Alma 38 ang ipinayo ni Alma sa kanyang anak na si Siblon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 38:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga pariralang naglalarawan kung ano ang nadarama ni Alma kay Siblon at bakit. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nahanap nila.
-
Ano ang matututuhan natin sa Alma 38:2–3 tungkol sa epekto ng mabubuting anak sa kanilang mga magulang? (Maaaring iba’t iba ang isagot ng mga estudyante. Tiyakin na natukoy nila ang katotohanan na kapag ang mga kabataan ay matatag at tapat sa pagsunod sa mga kautusan, magdudulot sila ng malaking kagalakan sa kanilang mga magulang.)
-
Kailan nakadama ng kagalakan ang inyong mga magulang dahil sa mabuting desisyon na nagawa ninyo o dahil sa pagsisikap ninyong ipamuhay ang ebanghelyo?
-
Paano nakaapekto ang pagsisikap ninyong sundin ang mga kautusan sa pakikipag-ugnayan ninyo sa inyong mga magulang?
Maaari mong ibahagi ang isang karanasan kung paano nakaimpluwensya sa iyong pamilya ang mabubuting pasiya ng mga anak sa pamilya.
Alma 38:4–9
Nagpatotoo si Alma tungkol sa kapangyarihang magligtas ng Tagapagligtas
Ipaliwanag na ipinaalala ni Alma kay Siblon na kapwa nila naranasan ang kapangyarihang magligtas ng Tagapagligtas. Ihanda ang sumusunod na chart bilang handout, o idispley ito sa pisara at ipakopya ito sa mga estudyante sa kanilang notebook o scripture study journal.
Siblon (Alma 38:4–5) |
Alma (Alma 38:6–8) | |
---|---|---|
Saan siya iniligtas? | ||
Bakit niya natanggap ang pagpapala ng pagliligtas? | ||
Ano ang matututuhan natin mula sa kanyang karanasan? |
Ipakumpleto ang chart sa buong klase, o pagpartner-partnerin ang mga estudyante at ipakumpleto ito. Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang mga scripture passage na nakalista sa chart sa pagsagot nila sa mga tanong. Hikayatin sila na isama ang nalaman na nila tungkol sa pagligtas ng Panginoon kay Siblon (tingnan sa Alma 38:2–3) at Alma (tingnan sa Mosias 27; Alma 36). Matapos makumpleto ng mga estudyante ang chart, itanong ang mga sumusunod upang matulungan sila na matalakay ang mga alituntuning natutuhan nila:
-
Ano ang matututuhan natin sa karanasan ni Siblon? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba’t ibang alituntunin. Tiyakin na matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Kung titiisin natin ang lahat ng bagay at magtitiwala sa Diyos, ililigtas Niya tayo mula sa mga pagsubok, mga suliranin, at mga paghihirap at dadakilain sa huling araw.)
-
Ano ang matututuhan natin sa karanasan ni Alma? (Bagama’t maaaring iba-iba ang isagot ng mga estudyante, tiyakin na mabanggit nila na: upang matanggap ang kapatawaran sa ating mga kasalanan at makadama ng kapayapaan sa ating kaluluwa, dapat tayong sumampalataya kay Jesucristo at hingin ang Kanyang awa.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 38:9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang gusto ni Alma na matutuhan ng kanyang anak tungkol sa Tagapagligtas.
-
Bakit mahalagang malaman natin na si Jesucristo ang tanging “daan o pamamaraan upang maligtas [tayo]”?
-
Sa paanong paraan ninyo naranasan ang pagliligtas ng kapangyarihan ng Tagapagligtas? (Maaari mong bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante na mapag-isipang mabuti ang tanong na ito bago hingin ang sagot nila.) Ano ang ginawa ninyo para mahanap ang kaligtasang iyan?
Magbigay ng sapat na oras sa mga estudyante na mapag-isipang mabuti kung paano sila makahihingi ng tulong sa Panginoon para sa kanilang mga personal na problema.
Alma 38:10–15
Pinayuhan ni Alma si Siblon na patuloy na ituro ang ebanghelyo at magkaroon ng mabubuting katangian
Ipaliwanag na hinikayat ni Alma si Siblon na magkaroon ng mga katangian na tutulong sa kanya sa patuloy niyang pagtuturo ng ebanghelyo at paglilingkod sa mga tao. Ang ipinayo ni Alma kay Siblon ay magagamit ng sinuman na nagnanais na maglingkod, magturo, o makaimpluwensya ng mabuti sa iba. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 38:10–15, at alamin ang payo na higit na makatutulong sa kanila. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila.
Bigyan ang mga estudyante ng kopya ng gabay sa pag-aaral o study guide sa katapusan ng lesson na ito. Ipaliwanag na kapag ginamit nila ang study guide o gabay sa pag-aaral, makikita nila kung paano tayo inihahanda ng pagsisikap nating magkaroon ng mabubuting katangian sa pagtuturo at paglilingkod natin sa iba. Sabihin sa kanila na pumili ng isang bahagi ng payo ni Alma sa kaliwang column ng study guide at kumpletuhin ang kaugnay na aktibidad sa pag-aaral sa kanang column. (Kung hindi ka makagagawa ng mga kopya ng gabay sa pag-aaral, iakma ang aktibidad sa talakayan sa klase at gamitin ang impormasyon sa study guide.)
Kapag sapat na ang oras ng mga estudyante para makumpleto ang isa sa mga aktibidad sa pag-aaral sa study guide, sabihin sa ilan sa kanila na ibahagi ang natutuhan nila mula sa aktibidad na ito at ang gagawin nila para maipamuhay ito. Kung binigyan mo ng mga kopya ng study guide ang mga estudyante, hikayatin sila na iuwi ito at pag-aralan pa ang ipinayo ni Alma kay Siblon.
Gabay sa Pag-aaral para sa Alma 38:10–12
Suriin ang iba’t ibang bahagi ng payo ni Alma na nakalista sa ibaba, at pumili ng isa na gusto mo pang mas mapagbuti. Kumpletuhin ang kaugnay na aktibidad na tutulong sa iyo na maipamuhay ang payo na ito sa iyong buhay.
Payo ni Alma |
Mga Aktibidad sa Pag-aaral |
---|---|
“Maging masigasig at mahinahon sa lahat ng bagay” (Alma 38:10). |
Ang pagiging masigasig ay pagiging matatag, maingat, at lubos na nagsisikap. Ang maging mahinahon ay “pagiging mahinahon sa lahat ng bagay o pagkontrol sa sarili” (Kent D. Watson, “Mahinahon sa Lahat ng Bagay,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 38). Sa iyong scripture study journal, isulat kung bakit kailangan ang dalawang katangiang ito kapag ang isang tao ay nagtuturo ng ebanghelyo at naglilingkod sa iba. Magsulat din ng tungkol sa alinmang aspeto sa iyong buhay kung saan maaari kang maging mas masigasig o mahinahon at kung paano tutulong ang pagpapakabuti sa mga aspetong iyon sa iyong pagtuturo at paglilingkod nang mas mabuti sa iba. |
“Tiyaking hindi ka inaangat sa kapalaluan; … tiyaking hindi ka nagmamalaki” (Alma 38:11). |
Ang isang anyo ng kapalaluan ay mas nagtitiwala ang isang tao sa kanyang sarili kaysa sa Diyos. Makikita rin ang kapalaluan kapag iniisip ng isang tao na mas mahusay o mas mahalaga siya kaysa sa ibang tao. Isulat sa iyong scripture study journal kung ano ang maaaring mangyari kung ang isang miyembro ng Simbahan ay palalo at mayabang sa kanyang tungkulin. Itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang mga tunay na disipulo ay nagsasalita nang may tahimik na pagtitiwala, hindi mapagmalaking kapalaluan” (“Katapangang Kristiyano: Kailangan sa Pagiging Disipulo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 73). Umisip ng isang taong kilala mo na nagtuturo ng ebanghelyo “nang may tahimik na pagtitiwala.” Sa iyong scripture study journal, sumulat ng tungkol sa taong ito at ang epekto ng kanyang pagtuturo sa iyo. Sumulat din ng isa o dalawang paraan na gagawin mo para maiwasan ang kapalaluan. |
“Gumamit ng katapangan, subalit hindi mapanupil” (Alma 38:12). |
Basahin ang mga salita ni Apostol Pablo sa Mga Taga Filipos 1:14 (sa Bagong Tipan) para malaman kung paano maipapakita ng mga tagapaglingkod ng Diyos ang katapangan. Itinuro ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan kung paano natin maiiwasan ang pagyayabang: “Hindi ako naniniwala na kailangan nating maging … maingay, mapilit, o walang pakundangan sa ating pamamaraan [sa gawaing misyonero]” (sa James P. Bell, In the Strength of the Lord: The Life and Teachings of James E. Faust [1999], 373). Sa iyong scripture study journal, isulat kung paano maaaring maging matapang ang isang tao pero hindi mapanupil. Magsulat ng isang paraan na magagamit mo ang payo na maging matapang ngunit hindi mapanupil. Sumulat din kung paano makatutulong sa iyo ang payo na ito na maging mas mahusay sa pagtuturo at paglilingkod sa iba. |
“Pigilin ang lahat ng iyong silakbo ng damdamin” (Alma 38:12). |
Ang ibig sabihin ng pigilin ay supilin, turuan, o kontrolin. Ang silakbo ng damdamin ay isang matinding emosyon. Pag-isipang mabuti ang mga sumusunod na tanong, at isulat ang iyong mga sagot sa iyong scripture study journal: Sa iyong palagay, bakit mahalagang pigilin ang silakbo ng ating damdamin? Sa iyong palagay, paano makatutulong ang pagpigil ng silakbo ng iyong damdamin upang mapuspos ka ng pagmamahal? Ano ang gagawin mo para masunod mo ang ipinayo ni Alma na pigilin ang lahat ng silakbo ng iyong damdamin? |
“Nagpipigil mula sa katamaran” (Alma 38:12). |
Pag-aralan ang mga scripture passage na nakalista sa entry na “Tamad, Katamaran” na nasa Gabay sa mga Banal na Kasulatan sa triple combination. Alamin ang ipinahayag tungkol sa ibig sabihin ng maging tamad at ang kabaliktaran ng pagiging tamad. Pumili ng dalawang talatang nakalista sa entry na iyan at pag-aralan ang mga ito. Isulat sa iyong scripture study journal ang natutuhan mo mula sa mga pinili mong talata. Isulat kung paano tutulong sa iyo ang payo na magpigil mula sa katamaran upang makapagturo at makapaglingkod ka nang mas mabuti sa iba. Sa huli, magsulat ng isang paraan na gagawin mo para magpigil mula sa katamaran o maiwasan ang katamaran. |