Library
Lesson 98: Alma 41


Lesson 98

Alma 41

Pambungad

Patuloy na pinayuhan ni Alma ang kanyang anak na si Corianton, itinuro ni Alma na ang plano ng panunumbalik ay hindi lamang kinapapalooban ng pisikal na pagkabuhay na mag-uli kundi pati rin ng espirituwal na panunumbalik kung saan ang ating magiging kalagayan sa kawalang-hanggan ay ibabatay sa nagawa at hinangad natin sa mortal na buhay na ito. Binigyang-diin ni Alma na ang kasamaan ay hindi kailanman humahantong sa kaligayahan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Alma 41

Itinuro ni Alma kay Corianton ang tungkol sa plano ng panunumbalik

Sabihin sa klase na pag-isipan kung paano maaaring maimpluwensyahan ang ginagawa ng isang tao kung naniniwala siya sa mga sumusunod na pahayag (huminto pagkatapos ng bawat pahayag para mabigyan ang mga estudyante ng pagkakataong makasagot):

Walang buhay pagkatapos ng kamatayan.

Pagkatapos nating mamatay, tayo ay gagawing perpekto kahit ano pa ang ginawa natin sa mundo.

Sa Huling Paghuhukom, tayo ay gagantimpalaan para sa mabubuti nating ginawa at parurusahan para sa masasama nating ginawa.

  • Bakit mahalaga na nauunawaan natin nang tama ang mangyayari sa atin pagkatapos nating mamatay?

Ipaalala sa mga estudyante na sa Alma 40 natutuhan nila ang mga itinuro ni Alma kay Corianton tungkol sa daigdig ng mga espiritu, pagkabuhay na mag-uli, at paghatol. Ipaliwanag na sa Alma 41 nalaman natin na naguguluhan ang isipan ni Corianton dahil sa mga itinuro ng ilang tao tungkol sa pagkabuhay na mag-uli. Ituro ang pariralang “nangaligaw nang labis” sa Alma 41:1 at sabihin sa mga estudyante na basahin ang talatang ito at alamin ang dahilan ng pagkaligaw ng ilang tao.

  • Bakit nangaliligaw ang ilan sa mga tao? (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng sinalungat ang mga banal na kasulatan ay iniba, minali, o binago ang kahulugan ng mga ito.)

  • Ano ang sinabi ni Alma na ipapaliwanag niya kay Corianton?

Kapag natukoy ng mga estudyante ang salitang panunumbalik, maaari mo itong isulat sa pisara. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng panunumbalik ay ibalik o ibalik sa dati nitong kalagayan.

Ipaliwanag na nais ni Alma na maunawaan ni Corianton na may aspetong pisikal at aspetong espirituwal sa tinatawag niyang “plano ng panunumbalik” (Alma 41:2). Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 41:2–5, at alamin ang mga bagay na pisikal na manunumbalik sa atin pagkatapos nating mamatay at ang mga bagay na espirituwal na manunumbalik sa atin. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila.

  • Ano ang pisikal na aspeto ng plano ng panunumbalik na binanggit sa Alma 41:2? (Sa pagkabuhay na mag-uli, ang espiritu ay muling ibabalik sa katawan, at lahat ng bahagi ng katawan ay ibabalik.)

  • Ano ang espirituwal na aspeto ng plano ng panunumbalik na inilarawan sa Alma 41:3–5? (Habang sumasagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Manunumbalik sa atin ang kaligayahan o kalungkutan ayon sa mga gawa at hangarin natin sa mortalidad.)

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay itinuturo nila ang mga talatang ito sa Primary class.

  • Paano ninyo ipaliliwanag ang doktrina ng espirituwal na panunumbalik para maunawaan ito ng mga bata?

Ipaalala sa mga estudyante na nilabag ni Corianton ang batas ng kalinisang puri at tinalikuran ang kanyang mga responsibilidad bilang misyonero (tingnan sa Alma 39:2–4).

  • Paano kaya nakatulong kay Corianton ang wastong pagkaunawa sa doktrina ng espirituwal na panunumbalik sa paggawa niya ng mas mabubuting pasiya? Paano makakaimpluwensya sa ating kilos at hangarin ang pag-unawa sa doktrinang ito?

Magpatotoo na totoo ang doktrinang ito, at ibahagi ang iyong mga kaisipan tungkol sa katarungan ng Diyos sa pagpapanumbalik ng bawat isa sa atin sa mabuti o masama ayon sa ating mga hangarin at ginawa.

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Paano kung nagkasala ako?

  • Ayon sa plano ng panunumbalik, ano ang matatanggap natin kung nagkasala tayo?

  • May iba pa bang paraan na maipanumbalik ang kabutihan at kaligayahan sa atin kahit nakagawa tayo ng mali?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 41:6–9. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang magagawa natin para manumbalik sa atin ang kabutihan at kaligayahan kahit nakagawa tayo ng kasalanan. (Dapat tayong magsisi at hangarin ang kabutihan sa buong buhay natin.)

  • Anong mga salita o parirala sa Alma 41:6–7 ang nagsasabing tayo ang responsable sa matatanggap natin sa pagkabuhay na mag-uli? Paano tayo naging hukom ng ating sarili? (Ang mga pinili natin sa buhay na ito ang nagpapasiya kung anong hatol ang matatanggap natin kapag tumayo na tayo sa harapan ng Diyos.)

Ipaliwanag na may mga taong nag-iisip na makababalik sila sa kinaroroonan ng Diyos nang hindi mananagot sa kanilang mga ginawa. Madalas nilang sabihin na ang mga ginawa nilang kasalanan ay katuwaan lang. Minsan parang masaya pa ang mga gumagawa ng kasalanan.

Sabihin sa mga estudyante na tumayo at basahin ang Alma 41:10 nang malakas at sabay-sabay. Sabihin na ang Alma 41:10 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang scripture passage na ito sa kakaibang paraan para madali nila itong mahanap. (Dahil ito ay isang scripture mastery passage, maaari mong ipaulit ito sa kanila nang sabay-sabay nang mahigit sa isang beses. Maaari mo ring itanong kung may sinuman sa klase na mabibigkas ito nang walang kopya.) Kapag natapos na sila, paupuin na ang mga estudyante. Sa pisara, isulat ang “Ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan.”

  • Bakit totoo na ang “kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan”?

  • Ano ang isang halimbawa kung paano tayo inuudyukan ni Satanas na suwayin ang isang kautusan, at paniwalain tayo na makadarama pa rin tayo ng kaligayahan?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pagkakaiba ng panandalian at makamundong kasiyahan at ng kaligayahan na ibinibigay ng Panginoon, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Glenn L. Pace ng Pitumpu:

“Ang mga gawaing palaging ipinagbabawal ng Panginoon at sa loob ng maraming taon ay hindi tinutulutan ng lipunan ay tinatanggap na ngayon at itinataguyod ng lipunan ding iyon. Tinatangkilik ng media ang mga gawaing ito at pinagaganda para magmukhang lubos na kanais-nais. …

“… Huwag ipagkamali ang telestiyal na kasiyahan na isang selestiyal na kaligayahan at kagalakan. Huwag ipagkamali ang kakulangan ng pagpipigil sa sarili na isang kalayaan. Ang lubos na kalayaan nang walang angkop na pagpipigil sa sarili ay ginagawa tayong mga alipin ng ating mga pagnanasa. Huwang kainggitan ang mas mababa at walang kuwentang buhay. …

“… Ang mga kautusang sinusunod ninyo ay hindi ibinigay ng isang malupit na Diyos para hadlangan kayo na magkaroon ng kasiyahan, kundi ng isang mapagmahal na Ama sa Langit na gusto kayong maging masaya habang nabubuhay kayo sa mundong ito gayon din sa kabilang buhay” (“They’re Not Really Happy,” Ensign, Nob. 1987, 39–40).

Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Alma 41:10. (Ang pahayag ay matatagpuan sa “To ‘the Rising Generation,’” New Era, Hunyo 1986, 5.)

“Hindi maaaring gumawa kayo ng mali at tama ang maging pakiramdam ninyo. Imposible ito!” (Pangulong Ezra Taft Benson).

Sabihin sa mga estudyante na ipinaliwanag sa Alma 41:11 kung bakit imposibleng maging tunay na masaya kapag mali ang pinipili natin. Isulat sa pisara ang sumusunod na chart (maaari mo itong gawin bago magklase), o gawin itong handout at ibigay sa mga estudyante. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at sabihin sa kanila na itugma ang bawat parirala mula sa Alma 41:11 sa kahulugan nito. Sabihin din sa kanila na sagutin at talakayin ang mga kasamang tanong.

Mga parirala sa Alma 41:11 na naglalarawan sa pagiging nasa “likas na kalagayan”

Kahulugan

  1. “Sa isang makamundong kalagayan”

  1. Nalilimitahan at nabibigatan dahil sa ating mga kasalanan

  1. “Nasa kasukdulan ng kapaitan at nasa mga gapos ng kasamaan”

  1. Walang mga pagpapala at patnubay ng Diyos; kawalan ng patnubay ng Espiritu Santo

  1. “Walang Diyos sa daigdig”

  1. Pinaghaharian ng kagustuhan ng laman

Sa talatang ito, nalaman natin na ang “katangian ng Diyos” ay “likas na kaligayahan.” Ano ang sinasabi nito sa inyo tungkol sa dahilan kung bakit ang pagiging makasalanan ay taliwas o salungat sa likas na kaligayahan?

Ano ang ilang partikular na halimbawa kung bakit natatagpuan ng mga tao ang kanilang sarili sa kalagayan ng kalungkutan?

(Mga sagot: 1-c, 2-a, 3-b)

Para matulungan ang mga estudyante na makita kung paano nauugnay ang pananatili sa “likas na kalagayan” sa doktrina ng panunumbalik, ipabasa sa isang estudyante ang Alma 41:12. Pagkatapos basahin ang talata, sabihin sa mga estudyante na sagutin ang tanong ni Alma. Pagkatapos ay ipabasa sa mga estudyante ang sagot ni Alma sa kanyang sariling tanong sa Alma 41:13. (Maaari mong imungkahi sa kanila na markahan ang sinabi ni Alma na ibabalik sa atin bilang bahagi ng plano ng panunumbalik.)

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay may kaibigan sila na pinipiling gawin ang mga bagay na salungat sa mga kautusan ng Panginoon pero gusto niyang ipanumbalik siya sa kabutihan. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang doktrina ng panunumbalik sa kanilang kapartner, na para bang sila ang kaibigan na iyon, at gamitin ang Alma 41:12–13. (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng sariling salita o ng mga salita ng pahayag na nakasulat sa pisara: “Manunumbalik sa atin ang kaligayahan o kalungkutan ayon sa mga gawa at hangarin natin sa mortalidad.”)

Magpakita sa mga estudyante ng isang boomerang o magdrowing nito sa pisara.

Itanong sa mga estudyante kung ano ang ginagawa ng boomerang kapag tama ang pagkakahagis dito. (Bumabalik ito sa lugar kung saan ito inihagis.) Sabihin sa kanila na basahin nang tahimik ang Alma 41:14–15, at alamin kung paano maaaring sumimbolo ang boomerang sa mga katotohanang itinuro sa mga talatang ito. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga talatang ito.) Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang nalaman nila.

  • Ano ang ilang bagay na inaasahan ninyong matatanggap mula sa iba at sa Panginoon sa buhay na ito at sa kabilang buhay? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang kabaitan, awa, at pagmamahal. Maaari mong ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)

  • Kailan kayo nagbigay ng kabutihan, awa, o kabaitan sa iba at kalaunan ay natanggap din ninyo ito?

Hikayatin ang mga estudyante na magtakda ng mithiin na kumilos at magkaroon ng mga ugaling nagpapakita ng inaasam nilang manumbalik sa kanila sa buhay na ito at sa kabilang buhay. Patotohanan ang mga pagpapalang dumarating kapag kumikilos tayo sa kabutihan.

scripture mastery iconScripture Mastery—Alma 41:10

Paalala: Dahil sa nilalaman at haba ng lesson na ito, ang sumusunod na aktibidad ay mas mainam na gamitin sa ibang araw kapag may ekstrang oras kayo.

Isulat sa pisara ang sumusunod: … ay kaligayahan.

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pahayag na kabaliktaran ng doktrina na itinuro sa Alma 41:10. (Isang posibleng sagot ay “Ang kabutihan ay kaligayahan.”) Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na sumulat ng mabubuting gawain na sa palagay nila ay angkop para makumpleto ang pangungusap. (Halimbawa, “Ang paglilingkod sa iba ay kaligayahan.”) Itanong sa mga estudyante kung makapagpapatotoo sila na alinman sa mabubuting gawaing ito ay humahantong sa kaligayahan. Matapos ibahagi ng ilang estudyante ang kanilang mga karanasan at patotoo, sabihin sa klase na isulat sa isang pocket-sized na card o isang papel ang isa o dalawang mabubuting gawain na magagawa nila sa linggong ito para maragdagan ang kanilang kaligayahan. Hikayatin ang mga estudyante na palaging dalhin ang kanilang kard o papel para magpaalala sa kanila at ibahagi ang nagawa nila sa mga darating na araw.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Alma 41:10. Ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan

Ang sumusunod na pahayag mula sa Tapat sa Pananampalataya ay sinusuportahan ang ideya na ang mga estudyante ay maaaring magsaya at makadama ng kaligayahan sa mabubuting paraan:

“Maraming taong nagsisikap makatagpo ng kaligayahan at kasiyahan sa mga gawaing taliwas sa mga utos ng Panginoon. Kapag binabalewala nila ang plano ng Diyos para sa kanila, tinatanggihan nila ang tanging pinagmumulan ng tunay na kaligayahan. Nagpapailalim sila sa diyablo, na ‘hinahangad … na ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili’ (2 Nephi 2:27). Kalaunan nalaman nila ang katotohanan ng babala ni Alma sa kanyang anak na si Corianton: ‘Ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan’ (Alma 41:10). …

“Sa paghahangad ninyong lumigaya, alalahanin na ang tanging paraan para tunay na lumigaya ay ang ipamuhay ang ebanghelyo. Magkakaroon kayo ng payapa at walang hanggang kaligayahan sa pagsisikap ninyong sundin ang mga utos, manalangin para lumakas, magsisi sa inyong mga kasalanan, makibahagi sa mga kapaki-pakinabang na gawain, at magbigay ng makabuluhang paglilingkod. Matututo kayong magsaya ayon sa pamantayan ng mapagmahal na Ama sa Langit” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 47).

Alma 41:10–11. Lahat ng tao ay nasa “likas na kalagayan”

Itinuro ni Pangulong David O. McKay na tayo ay may dalawang aspeto at kakayahan na piliin ang kaligayahan sa pamamagitan ng pagsupil sa sarili:

Ang pamumuhay sa katotohanan at kadalisayan ng puri ay naghahatid ng galak at ligaya, samantalang ang paglabag sa batas ng kabutihang-asal at ng lipunan ay nauuwi lamang sa sama ng loob, lungkot, at, kung labis-labis, ay sa kapahamakan.

“Ang tao ay may dalawang aspeto—ang isa ay may kinalaman sa pisikal o buhay dito sa mundo; ang isa naman ay espirituwal na buhay, nauugnay sa kabanalan. Ang katawan ng tao ay tabernakulo lamang na pinananahanan ng kanyang espiritu. Itinuturing ng marami ang katawan na siyang kabuuan ng isang tao at, dahil dito, itinutuon nila ang kanilang mga ginagawa sa pagbibigay ng kasiyahan sa katawan, sa mga pita nito, hangarin nito, at sa mga hilig nito. Kaunti lamang ang nakauunawa na ang totoong tao ay ang imortal na espiritu, na ang ‘katalinuhan o liwanag ng katotohanan’ ay buhay bilang indibiduwal bago nilikha ang katawan, at ang espiritung ito, taglay ang lahat ng katangiang pagkikilanlan sa kanya, ay patuloy na mabubuhay pagkatapos pumanaw ng katawan.

“Nananatili mang nasisiyahan ang tao sa tinatawag nating makamundong buhay, nasisiyahan sa ibinibigay sa kanya ng mundo, nagpapatangay nang walang pakundangan sa mga pita at mga hilig ng katawan, at lalo pang nagpapakasasa sa mga bagay ng mundo, o kaya naman, sa pamamagitan ng pagsupil o pagdisiplina ng sarili, ay umuunlad sa intelektuwal, moral, at espirituwal ay nakasalalay sa uri ng pagpili o pagpapasiya na ginagawa niya sa araw-araw—o sa halip, sa bawat oras ng kanyang buhay” (sa Conference Report, Abr. 1967, 6–7).

Alma 41:11. “Taliwas sa likas na kaligayahan”

Ipinaliwanag ni Elder F. Enzio Busche ng Pitumpu na makatutulong sa atin ang masigasig na pag-aaral ng mga salita ng mga hinirang na tagapaglingkod ng Panginoon upang malaman natin kung tayo ay napaparoon na sa kalagayang taliwas o salungat sa likas na kaligayahan:

“Lahat tayo, kung minsan, ay maaaring nasa kalagayang taliwas sa likas na kaligayahan, at maaaring hindi dahil sa hinangad natin nang lubusan ang kasamaan. Ngunit hangga’t naririto tayo sa lupa at sinusubukan, naiimpluwensyahan tayo ng kaaway. Maaaring naging medyo pabaya tayo. Maaaring nabale-wala natin ang mga taong malalapit sa atin. … Marahil napapahintulutan natin ang maliliit at masasamang gawi o ugali sa ating buhay; o marahil hindi natin naiisip at nauunawaan ang kahalagahan ng pagtupad ng mga tipan nang may kahustuhan. Kung gayon, nanganganib tayo. Dapat natatanto natin ito. Hindi natin maaaring balewalain ang sitwasyon. Mapapansin natin kung minsan na hindi tayo talagang masaya, na pinipilit lang natin ang ating sarili na ngumiti, o marahil nasa kalagayan na tayo na malapit na sa kapighatian. … Bagama’t malilinlang natin ang iba, hindi natin malilinlang ang ating sarili, at hindi natin malilinlang ang Panginoon. …

“Ang ebanghelyo ay ipinangangaral sa kabuuan nito ng mga tagapaglingkod na hinirang ng Panginoon sa iba’t ibang dako ng mundo, upang matanto ng bawat isa ang kanyang kalagayan. Upang malaman ang mga salita ng mga tagapaglingkod na hinirang ng Panginoon, kinakailangang basahin at pag-aralan ang mga banal na kasulatan nang may katapatan at kasigasigan. …

“… Hindi nais ng Panginoon na matanto lamang natin ang ating kawalang-kabuluhan at kalungkutan (tingnan sa Mosias 4:11; Alma 26:12; Hel. 12:7; Moises 1:10) sa Araw ng Paghuhukom. Ngayon at sa araw-araw na buhay natin sa mundo, nais Niyang talasan ang ating isipan at pakiramdam, upang tayo ang maging hukom ng ating sarili, sa pag-anyaya Niya sa atin na patuloy na magsisi” (“University for Eternal Life,” Ensign, Mayo 1989, 72).

Alma 41:11. Maaari nating baguhin ang ating likas na pagkatao sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Kaakibat ng pinakadiwa ng ebanghelyo ni Jesucristo ang isang pangunahin at permanenteng pagbabago ng ating likas na pagkatao na ginawang posible ng ating pag-asa sa ‘kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas’ (2 Nephi 2:8). Sa pagpili nating sundin ang Guro, pinipili nating magbago—na espirituwal na isilang na muli” (“Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 20).