Lesson 99
Alma 42
Pambungad
Tinapos ni Alma ang kanyang payo sa kanyang anak na si Corianton sa pagpapaliwanag na naglaan ng paraan ang Ama sa Langit para sa mga nagkasala upang matamo nila ang awa. Itinuro niya na hinihingi ng katarungan ng Diyos na itakwil ang mga makasalanan mula sa harapan ng Diyos. Pagkatapos ay nagpatotoo siya na “[tu]tugunin [ni Jesucristo] ang hinihingi ng katarungan” (Alma 42:15) sa pamamagitan ng pagdurusa para sa lahat ng nagkasala at pagbibigay ng awa sa mga nagsisi.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 42:1–14
Itinuro ni Alma kay Corianton ang tungkol sa katarungan ng Diyos
Bago magklase, magdrowing sa pisara ng isang simpleng larawan ng dalawang iskala [scale] sa timbangan, tulad ng makikita sa kasunod na pahina. (Huwag magdagdag ng mga salita sa drowing hangga’t walang pang sinasabi sa lesson na gawin ito. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na kopyahin ang drowing na ito sa kanilang notebook o scripture study journal.)
Sa itaas ng mga scale, isulat ang sumusunod na pahayag: Gusto kong maging patas ang Huling Paghuhukom.
Sabihin sa mga estudyante na itaas ang kanilang mga kamay kung sumasang-ayon sila sa pahayag na nasa pisara.
-
Bakit gusto ninyong maging patas ang Huling Paghuhukom?
-
Ano ang ibig sabihin ng salitang patas?
Sabihin na maaaring ang ibig sabihin ng patas ay matanggap mo kung ano ang nararapat para sa iyo. Ang ideyang pagiging patas ay may kaugnayan sa salitang katarungan sa banal na kasulatan. Isulat sa pisara ang salitang Katarungan sa ilalim ng mga scale.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konsepto ng katarungan, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang katarungan ay maraming kahulugan. Ang isa ay pagiging balanse o patas. Ang isang popular na simbolo ng katarungan ay ang mga iskala [scale] sa timbangan. Kaya nga, kapag ang mga batas ng tao ay nilabag, karaniwang hinihingi ng katarungan na ipataw ang kaparusahan, isang kaparusahan na magbabalik ng balanse [sa mga scale]. …
“Isinasaalang-alang din ng mga batas ng Diyos ang katarungan. Ang konsepto ng katarungan na ayon sa nararapat matanggap ng isang tao ay pangunahing batayan ng lahat ng mga banal na kasulatan na nagsasabing ang tao ay hahatulan alinsunod sa kanilang mga gawa” (“Sins, Crimes, and Atonement” [mensahe sa CES religious educators, Peb. 7, 1992], 1, si.lds.org).
Ipaliwanag na ipinag-alala ng anak ni Alma na si Corianton ang tungkol sa pagiging makatarungan ng Huling Paghuhukom. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 42:1 habang inaalam ng klase ang inaakala ni Corianton na hindi makatarungan o makatwiran tungkol sa Huling Paghuhukom.
-
Ano ang inaakala ni Corianton na hindi makatarungan? (Ang mga makasalanan ay matatalaga o mapupunta sa isang kalagayan ng kalungkutan.)
-
Bakit kaya gustong maniwala ni Corianton na hindi makatarungan para sa mga nagkasala na maparusahan? (Kung kailangang ipaalala sa mga estudyante na nahihirapan si Corianton sa mga kasalanan niya, ipabasa sa kanila ang Alma 39:2–3.)
-
Kung ang ibig sabihin ng katarungan ay matatanggap natin ang nararapat para sa atin at mapaparusahan para sa ating mga kasalanan, paano maaaring makabalisa rin ito sa atin? (Lahat tayo ay nagkasala at napasailalim sa mga hinihingi ng katarungan.)
Ibuod ang Alma 42:2–11 na ipinapaliwanag na sinagot ni Alma ang mga ipinag-alala ni Corianton. Itinuro niya na dahil sa Pagkahulog ni Adan ang buong sangkatauhan ay nadala sa nahulog na kalagayan kung saan kailangan nilang dumanas ng pisikal at espirituwal na kamatayan (tingnan sa Alma 42:9). Ipinaliwanag din niya na kung walang paraan para mailigtas ang tao mula sa nahulog na kalagayang ito, ang mga kaluluwa ng buong sangkatauhan ay magiging malungkot at itatakwil mula sa harapan ng Diyos magpakailanman (tingnan sa Alma 42:11).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 42:12. Ipaliwanag na binibigyang-diin ng talatang ito na ang Pagkahulog at mga ibinunga nito, kabilang ang pagtakwil mula sa harapan ng Diyos, ay nangyari dahil sa pagsuway ni Adan sa mga kautusan ng Diyos. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na kapag sinuway natin ang mga kautusan ng Diyos—kapag nagkasala tayo—lalo nating espirituwal na inilalayo ang ating sarili mula sa Diyos at isinasailalim ang ating sarili sa hinihingi ng katarungan. (Maaari mong ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Saligan ng Pananampalataya 1:2.) Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 42:14, at ipahanap ang mga hinihingi ng katarungan para sa pagsuway.
-
Ano ang ibig sabihin ng “itakwil” mula sa harapan ng Diyos? (Mahiwalay sa Diyos at hindi makababalik para manahan sa Kanyang kinaroroonan. Maaari mo ring banggitin na kapag nagkasala tayo, inilalayo natin ang ating sarili sa patnubay ng Espiritu Santo, na miyembro ng Panguluhang Diyos.)
Sa pisara, idagdag ang mga pariralang Pagsuway o kasalanan at Mahihiwalay sa piling ng Diyos sa diagram, tulad ng makikita sa ibaba.
Mula sa natutuhan ninyo sa Alma 42:1–14, paano ninyo ibubuod sa isang pangungusap ang hinihingi ng batas ng katarungan kapag sumuway ang isang tao? (Isulat ang sumusunod na katotohanan sa pisara sa ilalim ng mga scale: Dahil sa ating pagsuway, hinihingi ng batas ng katarungan na mahiwalay tayo sa piling ng Diyos. Maaari mong imungkahi na isulat ng mga estudyante ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Alma 42:1–14.)
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 42:18 at alamin ang isa pang ibubunga ng kasalanan.
-
Ano ang ibig sabihin ng paggigiyagis ng budhi?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang isang pagkakataon na nakaranas sila ng pagsisisi o kalungkutan o paglayo ng Espiritu Santo dahil nagkasala sila. Sabihin sa kanila na isipin kunwari na lalo pang tumindi ang nadarama nilang iyon dahil sa lahat ng maling bagay na nagawa nila. At pagkatapos ay isipin nila kunwari na patuloy nilang madarama iyon magpakailanman.
Para matulungan ang estudyante na maunawaan at madama ang pangangailangan sa awa, maaari mong itanong ang sumusunod:
-
Batay sa natutuhan ninyo sa Alma 42:1–14, gusto ba ninyong nakabatay lamang sa katarungan ang Huling Paghuhukom?
Alma 42:15–31
Itinuro ni Alma kay Corianton ang tungkol sa plano ng awa
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan na dapat matugunan ang hinihingi ng katarungan, ituro ang kaparusahan na nasa mga scale sa pisara. Maaaring hawakan mo ang eraser na para bang buburahin mo ang mga hinihingi ng katarungan. Itanong:
-
May paraan ba para maalis ang mga hinihingi ng katarungan? (Wala. Kapag nilabag ang mga batas ng Diyos, hinihingi ng katarungan na maparusahan ang gumawa nito. Kailangang matugunan ang mga hinihingi ng katarungan.)
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na hindi makatarungan na alisin ang mga bunga na hinihingi ng katarungan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 42:25.
-
Ayon kay Alma, ano ang mangyayari kung aalisin ang mga bunga ng kasalanan at hindi matutugunan ang katarungan?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong bago ibigay sa kanila ang scripture reference para mahanap ang sagot:
-
Kung ang mga hinihingi ng katarungan ay hindi maaalis, paano magkakaroon ng katahimikan ng budhi at makababalik sa kinaroroonan ng Diyos ang mga nagkasala (bawat isa sa atin)? (Pagkatapos mabigyan ang mga estudyante ng oras na mapag-isipan ang tanong, ipabasa sa isang estudyante ang Alma 42:15. Makatutulong na ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pariralang “tugunin ang hinihingi ng katarungan” ay pagbayaran ang nagawang kasalanan, o pagdusahan ang kaparusahan, na hinihingi ng katarungan.)
-
Ayon sa Alma 42:15, paano naipagkaloob ang awa sa atin?
Mula sa mga isinagot ng mga estudyante, burahin ang pariralang “Itinakwil mula sa harapan ng Diyos” sa pisara at isulat ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at Awa. Sa ilalim ng mga scale, isulat ang sumusunod na katotohanan: Natugunan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang mga hinihingi ng katarungan upang maipagkaloob ang awa sa atin.
-
Ano ang kahalagahan na alam ninyo na nakahanda ang Tagapagligtas na magdusa para sa inyo upang mapagkalooban kayo ng awa?
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Alma 42:22–24 at alamin kung ano ang kailangan upang maipagkaloob sa atin ang awa.
-
Ano ang kailangan nating gawin upang maipagkaloob sa atin ang awa at maiwasan ang lahat ng hinihingi ng katarungan? (Kapag natukoy ng mga estudyante na pagsisisi ang paraan para mapagkalooban tayo ng awa, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara sa ilalim ng mga scale: Kung magsisisi tayo, tatanggap tayo ng awa sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na isulat ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Alma 42:22–24.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pariralang “tunay na nagsisisi”? (Taos-pusong nagsisisi.)
-
Bakit mahalagang maunawaan natin na inako at pinagdusahan ng Tagapagligtas ang ating mga kasalanan?
Ipaliwanag na si Jesucristo ang ating Tagapamagitan. Ang isang tagapamagitan ay pumapagitna sa dalawang partido upang tumulong sa paglutas ng mga problema. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang mga dahilan kung bakit kinakailangan ang pangatlong tao para maipagkaloob ang awa sa nagkasala:
“At dahil sa walang hanggang batas, ang awa ay hindi maipagkakaloob maliban kung may isang taong handa at kayang bayaran ang ating utang at tumbasan ang halaga at ayusin ang mga kasunduan para sa ikatutubos natin.“
“Maliban kung may tagapamagitan, maliban kung may kaibigan tayo, ang buong katarungan, ay lubos at walang awang ipapataw sa atin. Ang buong kabayaran sa lahat ng kasalanan, gaano man kababaw o kalalim, ay sisingilin sa atin nang buung-buo.
“Ngunit dapat natin itong malaman: Ang katotohanan, maluwalhating katotohanan, ay nagpapahayag na may isang Tagapamagitan. …
“Sa pamamagitan Niya, lubos na maipagkakaloob ang awa sa bawat isa sa atin nang hindi sinasalungat ang walang hanggang batas ng katarungan. …
“Ang pagkakaloob ng awa ay hindi kusang nangyayari. Ito ay sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya. Ito ay batay sa Kanyang kondisyon, sa Kanyang mapagmahal na kondisyon” (“The Mediator,” Ensign, Mayo 1977, 55–56).
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 42:29–31, at alamin kung ano ang ninanais ni Alma para kay Corianton. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila.)
-
Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng hayaan ang katarungan at awa at ang mahabang pagtitiis ng Panginoon “ang manaig sa iyong puso”?
Sabihin sa mga estudyante na sumulat ng maikling lesson plan na nagpapakita kung paano nila ituturo sa iba ang mga konsepto ng katarungan at awa. Hikayatin sila na ituro sa kanilang pamilya ang natutuhan nila ngayon.
Ipaalala sa mga estudyante ang tungkol sa ipinag-alala ni Corianton hinggil sa pagkamakatarungan ng katarungan ng Diyos. Maaari mong patotohanan na ang Huling Paghuhukom ay magiging makatarungan at matatanggap natin sa huli ang nararapat para sa atin, ayon sa katarungan at awa ng Diyos. Maaari mo ring ituro na nagsisi si Corianton ng kanyang mga kasalanan at naging mabuting impluwensya sa pag-unlad ng Simbahan (tingnan sa Alma 49:30). Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang pangangailangan nila na magpatuloy sa pagsisisi.
Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang pasasalamat at patotoo tungkol sa kahandaan ng Tagapagligtas na magbayad-sala para sa ating mga kasalanan at tugunan ang mga hinihingi ng katarungan alang-alang sa atin. Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa awa at pagtubos na nakalaan sa atin sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas.