Library
Home-Study Lesson: Alma 5–10 (Unit 15)


Home-Study Lesson

Alma 5–10 (Unit 15)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga doktrina at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Alma 5–10 (unit 15) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Alma 5:1–36)

Nang pag-aralan ng mga estudyante ang sermon ni Alma sa mga tao ng Zarahemla, nalaman nila na kapag naniniwala tayo sa salita ng Diyos at sumasampalata kay Jesucristo, mararanasan natin ang malaking pagbabago ng puso. Nang sagutin ng mga estudyante ang mga tanong ni Alma, nalaman din nila na kapag naranasan natin ang pagbabago ng puso, inihahanda natin ang ating sarili na makatanggap ng lugar sa kaharian ng langit.

Day 2 (Alma 5:37–62)

Nang pag-aralan ng mga estudyante ang huling bahagi ng Alma 5, natutuhan nila ang mga alituntuning ito: Kung susundin natin ang tinig ng Panginoon (ang Mabuting Pastol), tayo ay matitipon sa Kanyang Kaharian. Malalaman natin sa ating sarili, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na si Jesucristo ang Manunubos ng sanlibutan.

Day 3 (Alma 6–7)

Sa pag-aaral ng Alma 6, nalaman ng mga estudyante na sa panahon ng mga Nephita at sa ating panahon, ang Simbahan ay itinatayo para sa kapakanan ng lahat ng tao. Mula sa sermon ni Alma sa mga tao sa Gedeon, natutuhan ng mga estudyante na si Jesucristo ay nagdusa upang iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan at tulungan tayo na makayanan ang mga pagsubok sa mortalidad. Natutuhan din nila na sa pamumuhay sa mga alituntunin ng ebanghelyo, tinatahak natin ang landas patungo sa kaharian ng Diyos.

Day 4 (Alma 8–10)

Sa pag-aaral tungkol sa kahandaan ni Alma na bumalik sa mga tao ng Ammonihas matapos siyang hindi tanggapin ng mga ito, natutuhan ng mga estudyante na kapag sumusunod tayo agad sa salita ng Panginoon, tutulungan Niya tayo na masunod natin ang Kanyang mga kautusan. Pinagsabihan ni Alma ang mga tao na magsisi at itinuro sa kanila ang pangangailangan nilang maghanda para sa pagdating ng Tagapagligtas. Mula sa pagpapakita ng isang anghel kay Amulek, natutuhan ng mga estudyante na kapag pinakikinggan at sinusunod natin ang pagtawag ng Panginoon, darating ang mga pagpapala sa atin at sa ibang tao.

Pambungad

Sa lesson na ito, hangaring matulungan ang mga estudyante na mapagtuunan ang mga alituntunin na humahantong sa pagbabago ng puso. Humanap ng paraan na matulungan sila na umasa sa salita ng Diyos at mapalakas ang kanilang patotoo sa Tagapagligatas.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Alma 5:1–36

Itinuro ni Alma na ang malaking pagbabago ng puso ay kailangan para makapasok sa kaharian ng langit

Isulat sa pisara o sa isang papel ang salitang pagbabago. Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa kung saan maaaring magbago ang mga tao, tulad sa kanilang hitsura, kilos, o ugali. Sabihin sa kanila na ipaliwanag ang maaaring dahilan ng mga pagbabagong ito ng mga tao.

Ipabasa sa mga estudyante ang Alma 5:14 at ipatukoy ang tatlong tanong na sinabi ni Alma na pag-isipan ng mga tao sa Zarahemla. Maaari mong sabihin sa ilang estudyante na ipaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng “malaking pagbabago sa inyong mga puso.”

Ipabasa sa mga estudyante ang Alma 5:3–7 at ipatukoy ang sinabi ni Alma sa mga tao ng Zarahemla na makatutulong para maihanda ang kanilang puso sa pagbabago.

Isinalaysay ni Alma sa mga tao ng Zarahemla ang tungkol sa pagbabalik-loob ng kanyang ama at ng iba pa, gayon din ang paglaya nila mula sa pagkabihag. Itanong: Sa inyong palagay, paano nakatulong sa mga tao na maghanda para maranasan ang pagbabago ng puso ang pagkaalam sa mga karanasang ito? (Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na naisulat na nila ang sagot sa tanong na ito sa lesson para sa day 1 sa kanilang gabay sa pag-aaral.)

Itanong kung may estudyanteng handang magbahagi ng isang karanasan na humantong sa pagbabago ng kanyang puso. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan. Maaari mo ring ipaalala sa mga estudyante ang pahayag ni Elder D. Todd Christofferson (sa lesson para sa day 1 sa gabay sa pag-aaral ng mga estudyante o student study guide). Ipaliwanag na para sa halos lahat ng tao, ang malaking pagbabago ng ating puso ay nangyayari nang unti-unti kapag natututo at umuunlad tayo sa ebanghelyo.

Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang chart na “Alma 5 Espirituwal na Cardiogram” sa lesson para sa day 1 sa gabay sa pag-aaral ng mga estudyante. Sabihin sa kanila na rebyuhin ang ilan sa mga talata sa Alma 5 na nasa chart. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Alin sa mga tanong ni Alma ang pinakamakahulugan sa inyo?

  • Paano makatutulong ang mga tanong na ito sa isang tao para maranasan niya ang pagbabago ng puso?

Ipaliwanag sa mga estudyante na lubos na hangad ng Tagapagligtas na ang lahat ng tao ay lumapit sa Kanya at maranasan ang malaking pagbabago ng puso upang matanggap nila ang buhay na walang hanggan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 5:33–36. Itanong:

  • Ano ang paanyaya ng Panginoon na gawin natin?

  • Ano ang mga gantimpala para sa pagtanggap sa Kanyang paanyayang?

Alma 5:43–52

Inilahad ni Alma kung paano siya nagtamo ng patotoo at itinuro ang tungkol sa pagsisisi

Ipaliwanag na para hikayatin ang mga tao ng Zarahemla na maghangad ng pagbabago ng puso, nagpatotoo si Alma at ipinaliwanag kung paano niya natanggap ito. Mula sa kanyang ipinayo, matututuhan natin kung paano magkaroon o palakasin ang ating mga patotoo. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 5:45–48. Ipatukoy sa kanila ang sinabi ni Alma na alam niya. Ipatukoy rin sa kanila ang mga sagot ni Alma sa tanong na “At paano ninyo inaakala na alam ko ang kanilang katiyakan?”

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila, at isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Isulat din ang alituntuning ito: Malalaman natin sa ating sarili sa pamamagitan ng Espiritu Santo na si Jesucristo ang Manunubos ng sanlibutan.

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na balang araw ang kanilang patotoo ay susubukan ng isang tao o ng isang bagay. Maaaring nangyari na ito. Ang payo ni Alma ay nagbibigay sa atin ng paraan para maging matibay at matatag tayo sa kabila ng mga hamon at pagsubok sa ating patotoo. Maaari mong ikuwento ang isang pangyayari kung saan sinubok ang iyong patotoo at nakayanan ito o ang karanasan ng isang taong kilala mo na naharap din sa gayong pagsubok. Maaari ka ring magbahagi ng karanasan mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya o isang artikulo sa magasin ng Simbahan. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng gayong karanasan.

Ipaliwanag na nagpatuloy si Alma sa pagtuturo sa mga tao tungkol sa pagsisisi. Maaari mong ipabasa sa isang estudyante ang Alma 5:50 at ang pahayag ni Elder Dallin H. Oaks na matatagpuan sa unit 15, day 2 ng gabay sa pag-aaral ng mga estudyante. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga ideya tungkol sa dahilan kung bakit kailangan nating mamuhay sa bawat araw na para bang naghahanda tayong makaharap ang Panginoon.

Alma 7–10

Nagturo si Alma sa Gedeon at Ammonihas

Ilahad ang mga sumusunod na sitwasyon at sabihin sa mga estudyante na isaisip ang mga ito kapag nirebyu nila ang mga turo ni Alma sa mga tao ng Gedeon:

  1. Nauunawaan ng isang dalagita na tutulungan siya ng Pagbabayad-sala para madaig ang mga kasalanan, at nasuri siya na may malubhang sakit pero hindi niya iniisip na makatutulong ang Pagbabayad-sala.

  2. Nahirapan ang isang binatilyo dahil sa pagdidiborsiyo ng kanyang mga magulang, pero hindi siya humihingi ng tulong sa Tagapagligtas.

  3. Isang dalagita ang nahihirapang kontrolin ang pagiging madali niyang magalit. Hindi niya inisip kung paano makatutulong sa kanya ang Pagbabayad-sala.

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Alma 7:11–13 at alamin ang mga kalagayan na handa ang Tagapagligtas na “[dalhin]” sa Kanyang sarili para sa ating kapakanan. Sabihin sa ilang estudyante na ibuod ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Hikayatin din ang mga estudyante na tingnan ang chart na nagpapakita ng mga kalagayang pinagdudusahan natin sa mortalidad (sa lesson para sa day 3 sa gabay sa pag-aaral ng mga estudyante).

Ipaliwanag sa mga estudyante na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala, maaalis sa atin ang mga pasakit at kapighatian na dulot ng mga pagdurusa sa buhay. Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante ang alituntuning ito: Si Jesucristo ay nagdusa upang iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan at tulungan tayo na makayanan ang mga pagsubok sa mortalidad.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang sasabihin nila sa binatilyo at mga dalagita sa tatlong sitwasyon na iyong inilahad. Itanong: Paano magagamit ang mga itinuro ni Alma tungkol sa Pagbabayad-sala sa mga sitwasyong ito?

Ipaalala sa mga estudyante ang tatlong larawan at mga scripture reference tungkol kay Alma sa Ammonihas (sa lesson para sa day 4 sa gabay sa pag-aaral ng estudyante), na kanilang pinag-aralan at sinulatan ng mga caption. Maaari mong hilingin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga caption na isinulat nila tungkol sa pagpapakita ng isang anghel kay Alma. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang nadarama kung paano nauugnay ang karanasang ito sa sumusunod na alituntunin: Kapag tayo ay sumusunod agad sa salita ng Panginoon, tutulungan Niya tayo na masunod natin ang Kanyang mga kautusan.

Susunod na Unit (Alma 11–16)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong habang naghahanda sila na pag-aralan ang assignment sa susunod na linggo: Ano ang mararamdaman ninyo kung pinilit kayong tingnan ang pagpatay sa mga inosenteng tao dahil sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo? Ano kaya ang nadama nina Alma at Amulek nang ipakita sa kanila ito? Ano ang sinabi nila sa isa’t isa nang makita nila na nangyayari ito? Ano ang ginawa nila?