Library
Home-Study Lesson: Alma 11–16 (Unit 16)


Home-Study Lesson

Alma 11–16 (Unit 16)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga doktrina at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Alma 11–16 (unit 16) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Alma 11)

Sa halimbawa ni Amulek sa pagharap kay Zisrom, natutuhan ng mga estudyante na kapag umasa tayo sa Espiritu Santo, mapaglalabanan natin ang tukso. Sa pagtuturo kay Zisrom at sa mga tao ng Ammonihas, binigyang-diin ni Amulek ang mga sumusunod na doktrina tungkol sa ginagampanan ng Tagapagligtas: Ang tunay na pananampalataya kay Jesucristo ay simula ng pagtubos mula sa ating mga kasalanan. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli at hahatulan ayon sa kanilang mga gawa.

Day 2 (Alma 12)

Tulad ni Amulek, nagturo si Alma kay Zisrom at sa mga tao ng Ammonihas. Ipinaliwanag niya ang mga hangarin ng diyablo at sinabing si Zisrom ay nasa kapangyarihan ng diyablo. Ipinakita sa halimbawa nina Alma at Amulek na matutulungan tayo ng Espiritu Santo na mahiwatigan ang mga tukso ng kaaway. Tinulungan ni Alma ang mga tao na maunawaan na ang Panginoon ay naghahayag ng mga espirituwal na katotohanan sa atin ayon sa pagsunod at sigasig na ibinibigay natin sa Kanyang mga salita. Itinuro din niya ang tungkol sa Huling Paghuhukom, ipinaliwanag na tayo ay pananagutin sa harapan ng Diyos para sa ating mga sinabi, ginawa, at inisip. Binigyang-diin niya na ang mortalidad ay isang panahon para makapaghanda tayo sa pagharap sa Diyos.

Day 3 (Alma 13)

Ipinaalala ni Alma kay Zisrom at sa mga tao na ang Diyos ay nag-orden ng mga mayhawak ng priesthood mula pa sa pagkakatatag ng daigdig. Ang mga taong may malaking pananampalataya at pinipili ang kabutihan ay tumatanggap ng Melchizedek Priesthood upang madala ang iba sa Diyos. Nalaman ng mga estudyante ang tungkol kay Melquisedec at sa mga tao nito at pinag-isipan ang katotohanang ito: Kapag mapagkumbaba tayong sumunod sa paanyaya na magsisi, gagabayan tayo ng Espiritu na makapasok sa kapahingahan ng Panginoon.

Day 4 (Alma 14–16)

Nabasa ng mga estudyante ang tungkol sa mga inosenteng babae at bata na namatay sa kamay ng masasamang tao. Pinag-isipan nilang mabuti ang propesiya na nagtuturo na tinutulutan ng Panginoon na magdusa ang mabubuti sa kamay ng masasama upang ang Kanyang paghatol ay maging makatarungan. Nakita ng mga estudyante sa buhay nina Alma at Amulek na kapag nagtiwala tayo sa Panginoon, palalakasin Niya tayo sa panahong sinusubukan tayo. Kung mananalangin tayo sa Kanya nang may pananampalataya, palalakasin Niya tayo sa ating mga paghihirap at ililigtas tayo ayon sa Kanyang paraan at takdang panahon.

Pambungad

Nang magsimulang magturo sina Alma at Amulek sa mga tao ng Ammonihas, naharap sila sa mga taong sumasalungat sa mga turo nila. Pagkatapos nilang ipaliwanag ang ilang walang hanggang katotohanan, maraming tao ang “nagsimulang magsisi, at saliksikin ang mga banal na kasulatan” (Alma 14:1). Ang mga ulat sa Alma 11–16 ay naglalarawan ng sakripisyong handang gawin ng mga tao para sa kanilang patotoo sa katotohanan. Nagbibigay rin ang mga kabanatang ito ng katibayan na kapag “[itinaboy ng masasama] ang mabubuti,” ang Panginoon ay babagabagin sila “sa pamamagitan ng taggutom, at sa pamamagitan ng salot, at sa pamamagitan ng espada” (Alma 10:23). Binalaan nina Alma at Amulek ang mga tao sa Ammonihas na kung hindi sila magsisisi, ang mga kahatulan ng Diyos ay darating sa kanila. Dahil hindi sinunod ang utos na magsisi, ang mga tao ng Ammonihas ay nalipol kalaunan ng isang hukbo ng mga Lamanita.

Ang lesson na ito ay magtutuon sa Alma 14–15. Bukod pa rito, maaari mong ituro o rebyuhin ang mga katotohanan mula sa iba pang kabanata na naka-assign sa linggong ito.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Alma 14–15

Pinagpapala ng Diyos ang mga nagtitiwala sa Kanya sa kanilang mga paghihirap

Maaaring simulan ang lesson ngayon sa pagbanggit ng mga kasalukuyang pangyayari kung saan nagdurusa ang mga taong inosente dahil sa piniling gawin ng iba. O maaari mong sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa ng mabubuting tao mula sa mga banal na kasulatan na inusig dahil sa kanilang patotoo sa ebanghelyo. Matapos talakayin ang ilang halimbawa, sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 14:7–11 at Alma 60:13.

Itanong: Anong mga dahilan ang ibinigay sa mga talatang ito kung bakit minsan ay tinutulutang magdusa ang mabubuti sa kamay ng masasama? (Ang isang katotohanan na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral ng bahaging ito ng Alma 14 ay tinutulutan ng Panginoon na magdusa ang mabubuti sa kamay ng masasama upang ang Kanyang paghatol ay maging makatarungan.)

Ipaliwanag na ang katarungan at awa ng Diyos ay hanggang sa kabilang-buhay upang panagutin ang mga nagkasala at kaawaan ang mabubuti. Pagkatapos ay basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan:

“Lahat ng paghihirap na ito ngayon ay maaaring tunay na di-makatarungan kung hahantong ang lahat sa kamatayan, pero hindi ganito. Ang buhay ay hindi gaya ng dulang may isang yugto. Ito ay may tatlong yugto. Mayroon tayong nakaraang yugto, noong tayo’y nasa buhay bago tayo isinilang; at ngayo’y nasa kasalukuyang yugto tayo, ang mortalidad; at magkakaroon tayo ng yugto sa hinaharap, pagbalik natin sa Diyos. … Tayo’y ipinadala sa mortalidad upang subukan [tingnan sa Abraham 3:25]. …

“Ayon kay Pablo, ang nakaraan at kasalukuyang mga paghihirap natin ay hindi maaaring ‘maitumbas sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin’ [Mga Taga Roma 8:18] sa kawalang-hanggan. ‘Sapagkat pagkatapos ng maraming kapighatian darating ang mga pagpapala. Dahil dito darating ang araw na kayo ay puputungan ng maraming kaluwalhatian’ [D at T 58:4]. Kaya ang paghihirap ay kapaki-pakinabang dahil nakakatulong ito sa pagpasok sa kahariang selestiyal. …

“Hindi mahalaga kung ano ang nangyayari sa atin kundi kung paano natin ito haharapin” (“Saan Ako Papanig?” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 19–20).

Ipaliwanag na matutulungan tayo ng pagdurusa at paghihirap na matamo ang kadakilaan sa pamamagitan ng pagpapatibay ng ating pananampalataya. Ang pananatiling tapat sa mga panahong sinusubukan tayo at dumaranas ng mga problema ay lubos na nagpapakita ng tiwala sa Diyos at sa Kanyang plano, kaya napapalakas ang ating pananampalataya at kakayahang magtiis hanggang wakas.

Itanong ang mga sumusunod:

  • Paano napapagaan ng pagkakaroon natin ng patotoo sa plano ng kaligtasan, pati na sa buhay bago tayo isinilang at sa buhay pagkatapos nating mamatay, ang pagdurusang nararanasan natin sa mortalidad?

  • Pag-isipan ang napag-aralan ninyo sa linggong ito sa Alma 14–15, tungkol sa kung paano pinagpapala ang mabubuti sa kanilang mga pagdurusa?

  • Sa panahon ng pagdurusa, paano natin maipapakita na nagtitiwala tayo sa Diyos?

Sabihin sa mga estudyante na ikumpara ang tanong ni Alma na nasa Alma 14:26 sa tanong ni Joseph Smith na nasa Doktrina at mga Tipan 121:3. Pagkatapos ay itanong: Ayon sa Alma 14:26, paano nakayanan nina Alma at Amulek ang kanilang mga pagdurusa?

Ipaliwanag na noong di-makatarungang ibilanggo si Propetang Joseph Smith sa Missouri, itinanong niya ang tanong na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 121:3. Hindi tulad nina Alma at Amulek, hindi siya kaagad nakalaya sa bilangguan. Ano ang matututuhan natin mula sa sagot ng Diyos sa kanyang panalangin? (Tingnan sa D at T 121:7–9; 122:4–9.) Ang sumusunod na katotohanan ay binigyang-diin sa personal na pag-aaral ng mga estudyante sa linggong ito: Kung tatawag tayo sa Panginoon nang may pananampalataya, palalakasin Niya tayo sa ating mga paghihirap at ililigtas tayo ayon sa Kanyang paraan at takdang panahon.

Itanong ang mga sumusunod:

  • Paano kayo tinulungan ng Panginoon sa mga pagsubok na dinanas ninyo?

  • Ano ang nakatulong sa inyo na sundin ang Kanyang kalooban at tanggapin ang Kanyang itinakdang panahon?

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na kapwa nagtiwala sa Diyos sina Zisrom at Amulek sa kanilang mga paghihirap at nagantimpalaan ayon sa Kanyang kalooban at sa Kanyang itinakdang panahon.

Sabihin sa kalahati ng klase na basahin ang Alma 15:5–12 at tukuyin ang impormasyon tungkol kay Zisrom na nagpapakita sa kanyang lumalaking pagtitiwala sa Panginoon. Sabihin sa kalahati pa ng klase na basahin ang Alma 15:16, 18 at tukuyin ang impormasyon tungkol sa isinakripisyo ni Amulek upang mapaglingkuran ang Panginoon.

Hikayatin ang mga estudyante na magtiwala sa Panginoon at tanggapin ang Kanyang kalooban at itinakdang panahon kapag dumaranas sila ng mga paghihirap at pagdurusa. Tiyakin sa kanila na ipadarama ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan at impluwensya sa iba’t ibang mahimala at personal na paraan.

Pagrebyu ng Scripture Mastery

Ang lesson na ito ay tanda na nasa kalagitnaan na ang kurikulum ng Aklat ni Mormon para sa seminary. Upang lalo pang mahikayat ang mga estudyante sa kanilang pagsisikap na matutuhan at maunawaan ang mga scripture mastery passage, maaari mo silang bigyan ng isang quiz para malaman mo kung gaano sila kapamilyar sa 13 scripture passage na napag-aralan na nila. Maaaring ito ay simpleng verbal o written quiz, na nagbibigay sa mga estudyante ng clue mula sa bookmark at ipinapasulat sa kanila ang scripture reference, o maaaring pagrerebyu ng ilan sa mga scripture passage na naisaulo nila. Maaaring magbigay ng quiz sa linggong ito depende sa haba ng lesson na ito, o maaari mong sabihin sa kanila na magkakaroon kayo ng quiz upang makapaghanda ng mga estudyante.

Susunod na Unit (Alma 17–24)

Nangaral ang mga anak ni Mosias sa masasama at malulupit na tao. Noong una ay nagdanas sila ng maraming pagdurusa, ngunit habang ipinangangaral nila ang ebanghelyo sa mga Lamanita, may mga himalang nangyari. Pansinin kung paano nagdulot ng maraming kabutihan ang katapatan ni Ammon sa Diyos at sa hari.