Home-Study Lesson
Alma 17–24 (Unit 17)
Pambungad
Pinili ng apat na anak ni Mosias na tanggihan ang mga oportunidad at kaginhawahan sa tahanan upang maipangaral nila ang ebanghelyo sa mga Lamanita. Ang mga ulat tungkol sa apat na missionary na ito ay nagpapakita kung paano makapaghahanda ang mga estudyante na maituro nang epektibo sa iba ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 17–22
Tinuruan ni Ammon at ng kanyang mga kapatid ang dalawang hari ng mga Lamanita
Bago magklase, isulat sa pisara o sa isang papel ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: “Ang pinakamahalagang bagay na magagawa ninyo para makapaghanda sa tawag na [magmisyon] ay …”
Anyayahan ang ilang estudyante na magkuwento kung ano ang pakiramdam kapag nakita nilang nakabalik na ang isang kapamilya o kaibigan mula sa tapat na paglilingkod sa full-time mission. Pagkatapos ay itanong sa mga estudyante: Ano ang nabago sa taong iyon pagkatapos ng kanyang misyon? Ano sa palagay ninyo ang dahilan ng pagbabago?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila kukumpletuhin ang pahayag sa pisara. Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, ibahagi sa kanila kung paano kinumpleto ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pahayag: “Ang pinakamahalagang bagay na magagawa ninyo para makapaghanda sa tawag na [magmisyon] ay maging misyonero bago pa man kayo magpunta sa misyon” (“Pagiging Misyonero,” Ensign o Liahona, Nob 2005, 45).
Itanong: Paano masusunod ng mga kabataang lalaki at babae ang payo ni Elder Bednar at maging mga missionary bago sila maglingkod sa full-time mission?
Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson:
“Ang gawaing misyonero ay isang tungkulin sa priesthood—isang obligasyon na inaasahan ng Panginoon na gagawin natin, tayo na nabiyayaan nang lubos. Mga kabataan, hinihikayat ko kayong maghandang maglingkod bilang misyonero. Manaliting malinis, walang bahid-dungis at karapat-dapat na kumatawan sa Panginoon. Maging malusog at malakas. Pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Kung saan mayroon, makibahagi sa seminary o institute. Pag-aralang mabuti ang hanbuk ng misyonero, Mangaral ng Aking Ebanghelyo.
“Para sa inyong mga kabataang babae: [bagama’t] wala kayong gayong responsibilidad ng priesthood tulad ng mga kabataang lalaki, na maglingkod ng full-time na misyon, maaari rin kayong magbigay ng mahalagang kontribusyon bilang misyonero; at ikagagalak namin ang inyong paglilingkod” (“Sa Pagkikita Nating Muli,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 6).
Isulat sa pisara ang sumusunod: Pagpapalain tayo ng Panginoon ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan na maituro ang Kanyang salita kapag tayo ay …
Hatiin ang klase sa apat na grupo. Mag-assign sa bawat ng grupo ng isa sa mga sumusunod na scripture passage: Alma 17:1–4; Alma 17:9–13; Alma 17:19–25; 18:1–9; Alma 17:26–30. (Iangkop ang aktibidad na ito kung maliit ang klase mo.)
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang naka-assign na mga scripture passage sa kanila, at alamin ang ginawa ng mga anak ni Mosias kaya’t napagkalooban sila ng Espiritu at ng kapangyarihan sa pagtuturo nila ng ebanghelyo. Ipaliwanag na kapag tapos na ang mga estudyante, hihilingin mong ibahagi nila ang kanilang nalaman at tatanungin sila kung paano nila kukumpletuhin ang pangungusap sa pisara.
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa isang estudyante sa bawat grupo na ipaliwanag ang ginawa ng mga anak ni Mosias at itanong kung ano ang ilalagay nila ng kanyang kagrupo para kumpletuhin ang alituntunin sa pisara. Maaaring kasama sa mga sagot ng estudyante ang sumusunod: nagsaliksik ng mga banal na kasulatan, nag-ayuno at nanalangin, naging matiyaga, nagpakita ng mabuting halimbawa, nagtiwala sa Panginoon, taos-pusong naglingkod sa iba, at minahal ang kapwa bilang kanilang mga kapatid. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga sagot, ilista ang mga ito sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano sa palagay nila makatutulong sa isang tao ang bawat kilos o pag-uugali sa pagbabahagi ng ebanghelyo nang mas epektibo.
Kung sinuman sa iyong mga estudyante ang na-convert sa ebanghelyo pagkatapos maturuan ng mga full-time missionary, maaari mong hilingin sa kanila na ibahagi ang nadama nila habang natututuhan nila ang ebanghelyo.
Ipaalala sa mga estudyante na matapos ipagtanggol ni Ammon ang kawan ng hari, nanggilalas si Haring Lamoni sa kapangyarihan ni Ammon gayon din sa pagsunod at katapatan nito sa pagtupad sa mga utos ng hari (tingnan sa Alma 18:8–10). Nakahanda na si Lamoni na pakinggan ang mensaheng ibabahagi sa kanya ni Ammon. Sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 18:24–29. Sabihin sa klase na alamin kung paano ginamit ni Ammon ang pagkaunawa ni Lamoni tungkol sa Diyos para maihanda niya si Lamoni na maunawaan ang totoong doktrina.
Itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod:
-
Kung nag-uusap kayo tungkol sa Diyos ng isang kaibigan ninyo na iba ang relihiyon, paano ninyo gagamitn ang pareho ninyong pinaniniwalaan, tulad ng ginawa ni Ammon? Paano makatutulong sa inyong kaibigan ang paggawa nito?
-
Ano ang iba pang mga paksa sa ebanghelyo na maaari ninyong pag-usapan ng inyong mga kaibigan para magkaroon kayo ng mga pagkakataon na maibahagi ang ebanghelyo sa kanila?
Ipaalala sa mga estudyante na naging handa si Haring Lamoni na makinig tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo, gayon din ang kanyang ama. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 18:39–41—ang itinugon ni Lamoni sa itinuro sa kanya tungkol kay Jesucristo. Ipabasa sa isa pang estudyante ang Alma 22:14–18—ang itinugon ng ama ni Lamoni. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa sa kanilang banal na kasulatan at alamin ang pagkakatulad sa mga itinugon ng mga lalaking ito.
Itanong: Ano ang gustong gawin ng mga lalaking ito nang malaman nila ang tungkol kay Jesucristo?
Ipaliwanag na si Lamoni at ang kanyang ama ay naantig ng Espiritu sa pamamagitan ng mga turo ng mga missionary. Dahil dito, hinangad nila ang mga pagpapala ng ebanghelyo at handang talikuran ang kanilang mga kasalanan at magsisi. Ipaalala sa mga estudyante ang katotohanang natutuhan nila sa linggong ito: Kailangang handa tayong talikuran ang lahat ng ating mga kasalanan nang sa gayon ay espirituwal na magbago tayo at maisilang sa Diyos.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag ni Elder Dallin H. Oaks na matatagpuan sa kanilang gabay sa pag-aaral: “Hinahamon tayo ng ebanghelyo ni Jesucristo na magbago. ‘Magsisi’ ang pinakamadalas nitong mensahe, at ang ibig sabihin ng pagsisisi ay isuko ang lahat ng ating nakaugalian—sa sarili, pamilya, kultura, at bansa—na salungat sa mga utos ng Diyos. Layon ng ebanghelyo na gawing selestiyal na mamamayan ang karaniwang nilikha, at kailangan dito ang pagbabago” (“Pagsisisi at Pagbabago,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 37).
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang kanilang buhay at pag-isipang mabuti kung may mga kasalanan sila na kailangang talikuran upang magkaroon ng espirituwal na pagbabago, tulad ni Lamoni at ng kanyang ama. Tapusin ang lesson na naghihikayat at nagbabahagi ng iyong patotoo na kapag handa tayong talikuran ang ating mga kasalanan, tutulungan tayo ng Panginoon na magbago at umunlad.
Susunod na Unit (Alma 25–32)
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang tanong na ito: Ano ang sasabihin ninyo sa isang tao na Anti-Cristo? Sa susunod na unit, matututuhan ng mga estudyante kung paano sinagot ni Alma ang mga tanong at pangungutya ni Korihor, na isang Anti-Cristo. Bukod pa rito, marami pa silang matututuhan tungkol sa pananampalataya habang binabasa nila kung paano nagtulungan si Alma at ang iba pa upang turuan ang mga Zoramita na tumalikod sa katotohanan, na inililigaw ang landas ng Panginoon.