Library
Lesson 147: Eter 6


Lesson 147

Eter 6

Pambungad

Matapos maghanda ayon sa mga kautusan ng Panginoon, sumakay sa kanilang sasakyang-dagat ang mga Jaredita at nagtiwala sa Panginoon na makakarating sila sa lupang pangako kahit mahirap ang paglalakbay. Ang Panginoon ay nagpadala ng hangin na humampas sa mga gabara at inilubog ito sa dagat nang maraming beses, ngunit ang mga hangin ding iyon ang nagtulak sa mga sasakyang-dagat patungo sa lupang pangako. Matapos maitatag ang mga sarili sa bagong lupain, pumili ng hari ang mga tao kahit binalaan na sila ng kapatid ni Jared.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Eter 6:1–12

Pinapangyari ng Panginoon na umihip ang hangin para makapaglayag ang mga gabara ng mga Jaredita patungong lupang pangako

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod:

Pagbabahagi ng ebanghelyo sa kaibigan

Pananatiling malinis ang puri

Pagpili ng mga kaibigan na may matataas na pamantayan

Pagtatakda ng tamang mga prayoridad sa buhay

Ipaliwanag na ang mga ito ay mga halimbawa ng mga bagay na nais ipagawa sa atin ng Panginoon. Gayunman, iniisip ng ilang tao na napakahirap ng mga bagay na ito. Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng iba pang mga halimbawa na maidaragdag sa listahan. Ipaliwanag na ang tala tungkol sa paglalakbay ng mga Jaredita patungo sa lupang pangako ay naglalaman ng mga alituntunin na gagabay sa atin kapag nahihirapan tayong gawin ang iniuutos ng Panginoon. Hikayatin ang mga estudyante na sa pag-aaral nila ng Eter 6, hanapin nila ang mga alituntuning makatutulong sa kanila sa mga hamong nakalista sa pisara.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 2:24–25. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang babala ng Panginoon sa mga Jaredita tungkol sa hirap na daranasin nila sa paglalakbay patungo sa lupang pangako.

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon na gagawin Niya upang matulungan ang mga Jaredita na ligtas na makarating sa lupang pangako?

Ipaalala sa mga estudyante na upang makatagal sa malalaking alon at malakas na hangin, ang mga Jaredita ay gumawa ng mga gabara na “mahigpit tulad ng isang pinggan” (Eter 2:17) na may butas sa ibabaw at ilalim na maaari nilang alisan ng takip para makasagap ng hangin. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 6:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang iba pang mga paghahandang ginawa ng mga Jaredita para sa mahirap na paglalakbay na ito.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng naglakbay ang mga Jaredita na “ipinagkakatiwala ang kanilang sarili sa Panginoon nilang Diyos”? (Nagtiwala sila sa Diyos na sila ay pangangalagaan at ililigtas.)

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalaga para sa mga Jaredita na ipagkatiwala ang kanilang sarili sa Panginoon matapos ang lahat ng magagawa nila para maihanda ang kanilang sarili?

  • Bakit maaaring mahirap na magtiwala sa Panginoon sa sitwasyong ito? (Kung hindi nabanggit ng mga estudyante ang sumusunod, maaari mong ipaliwanag na kailangang gumawa ang mga Jaredita ng sarili nilang mga gabara, hindi nila mapapandar ang kanilang sasakyang-dagat, at malamang hindi nila alam ang daan patungo sa lupang pangako o kung gaano katagal ang paglalakbay.)

Para matulungan ang mga estudyante na mailarawan sa kanilang isipan ang nakatala sa Eter 6, sabihin na kanila na magdrowing ng isang simpleng gabara ng mga Jaredita sa notebook o scripture study journal. Pagkatapos ay ipadrowing o ipalista sa kanila ang nilalaman ng mga gabara ayon sa Eter 6:1–4.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Eter 6:5–11. Sabihin sa klase na tingnan ang kanilang mga drowing habang nakikinig sila at iniisip kung ano kaya ang pakiramdam ng maglakbay sa gayong mga sasakyang-dagat.

  • Ano sa palagay ninyo ang magiging mahirap sa paglalakbay sakay ng gabara ng mga Jaredita?

  • Ayon sa Eter 6:11, gaano katagal naglakbay sa ganitong paraan ang mga Jaredita?

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng pariralang “mga malabundok na alon”? (Eter 6:6). Ano kaya ang madarama ninyo kung nakasakay kayo sa isang gabara ng mga Jaredita na sa pagdaluyong ng alon ay “[nalilibing ito] sa kailaliman ng dagat”? (Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na kailangang maghintay ang mga Jaredita na pumaimbabaw ang kanilang mga gabara bago nila alisin ang takip at makalanghap ng hangin.)

Para matulungan ang mga estudyante na makatukoy ng isang alituntunin, itanong:

  • Paano ipinakita ng mga Jaredita na nagtitiwala sila sa Panginoon habang naglalayag sila sa karagatan? (Tingnan sa Eter 6:7, 9.)

  • Ano ang ilang parirala sa Eter 6:5–11 na naglalarawan ng ginawa ng Panginoon para sa mga Jaredita dahil nagtiwala sila sa Kanya?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Eter 6:12 at alamin ang resulta ng paglalakbay ng mga Jaredita.

  • Bakit napaluha sa kagalakan ang mga Jaredita? Anong “nag-uumapaw [na] awa” ang ibinigay ng Panginoon sa kanila?

Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang alituntuning inilarawan sa karanasan ng mga Jaredita, itanong:

  • Batay sa natutuhan ninyo sa paglalakbay ng mga Jaredita, ano ang gagawin ng Panginoon para sa atin kapag nagtiwala tayo sa Kanya at ginawa ang Kanyang kalooban? (Ang isang alituntunin na dapat matukoy ng mga estudyante ay Kapag nagtiwala tayo sa Panginoon at ginawa ang Kanyang kalooban, gagabayan Niya ang ating buhay. Isulat sa pisara ang alituntuning ito. Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti ang alituntunin at magbahagi ng mga karanasan na nakatulong sa kanila na malaman na totoo ito. Maaari mo ring ibahagi kung paano mo nalaman na totoo ito.)

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan kung paano nila lalo pang pagkakatiwalan ang Panginoon at susundin ang Kanyang mga tagubilin sa mahihirap na sitwasyong nararanasan nila ngayon. Ipaliwanag na makakatuklas pa sila ng iba pang mga alituntunin sa Eter 6:1–12. Burahin ang lahat ng nakasulat sa pisara maliban ang pahayag tungkol sa pagtitiwala sa Panginoon. Magdrowing ng isang simpleng gabara sa isang panig ng pisara. Sa kabilang panig, isulat ang Lupang Pangako.

  • Ano kaya ang maihahalintulad sa lupang pangako sa plano ng kaligtasan? (Buhay na walang hanggan.)

  • Kapag nakakaranas tayo ng mga pagsubok sa buhay, paano natin matutularan ang halimbawa ng mga Jareditang ito? Paano tayo tinutulungan ng Panginoon, tulad ng pagtulong Niya sa mga Jaredita, sa ating paglalakbay sa mortalidad? (Dapat makita sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung magtitiwala tayo sa Panginoon, tutulungan Niya tayo na umunlad at maghanda na matanggap ang buhay na walang hanggan. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Eter 6:5–12.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagsubok na dinanas nila noon o sa kasalukuyan sa kanilang buhay. Sabihin sa kanila na isulat sa notebook o scripture study journal ang sa palagay nila ay ginawa nila nang tapat sa mga pagsubok na ito at kung paano sila tinulungan ng Panginoon.

Hikayatin ang ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila. Pagkatapos ay itanong ang sumusunod:

  • Batay sa napag-aralan ninyo ngayon, ano ang maipapayo ninyo sa isang tao na dumaranas ng pagsubok o paghihirap?

Eter 6:13–18

Itinuro ng mga Jaredita sa kanilang mga anak na lumakad nang mapagkumbaba sa harapan ng Panginoon

Ibuod ang Eter 6:13–18 na ipinapaliwanag na nang makarating ang mga Jaredita sa lupang pangako, nagsimula silang bumuo ng kanilang mga pamilya at magtanim. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Eter 6:17 at alamin ang itinuro ng mga Jaredita sa kanilang mga anak. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “lumakad nang mapagkumbaba sa harapan ng Panginoon”? Ano ang ilang halimbawa na nakita ninyo tungkol sa mga tao na sumunod sa alituntuning ito? Paano kayo hinikayat ng inyong mga magulang at ng ibang tao na lumakad nang mapagkumbaba sa harapan ng Panginoon?

  • Ano ang ibig sabihin ng maturuan “ng nasa itaas”?

  • Ano sa palagay ninyo ang kaugnayan ng paglakad nang mapagkumbaba sa harapan ng Panginoon at maturuan ng nasa itaas? (Dapat makita sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung maglalakad tayo nang mapagkumbaba sa harapan ng Panginoon, matuturuan tayo ng nasa itaas.)

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat ang tungkol sa isang pagkakataon na nadama nila na “tinuruan sila ng nasa itaas.” Hikayatin ang ilan sa kanila na ibahagi ang isinulat nila. Sabihin sa mga estudyante na sundin ang mga alituntuning nakatala sa Eter 6:17.

Eter 6:19–30

Pumili ng hari ang mga Jaredita

Ibuod ang Eter 6:19–22 na ipinapaliwanag na noong tumanda na si Jared at ang kanyang kapatid, humiling ng hari ang mga Jaredita. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Eter 6:23 para malaman ang babala ng kapatid ni Jared na mangyayari kung hihirang sila ng isang hari.

Magtapos sa pagpapatotoo sa mga alituntunin sa lesson na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Eter 6:1–12. Ang mga Jaredita ay ligtas na nakatawid sa karagatan

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson kung paano tayo maghahanda para sa mga pagsubok na makakaharap natin:

“Nabubuhay tayo sa panahon na marami na sa mundo ang napalayo sa kaligtasang matatagpuan sa pagsunod sa mga utos. Ito ay panahon ng kapabayaan, na ang lipunan ay karaniwan nang binabalewala at nilalabag ang mga batas ng Diyos. Kadalasan ay lumalangoy tayo nang pasalungat sa agos, at kung minsan ay parang kaya tayong tangayin ng agos.

“Naaalala ko ang mga salita ng Panginoon na matatagpuan sa aklat ni Eter sa Aklat ni Mormon. Sabi ng Panginoon, ‘Hindi kayo maaaring tumawid sa malawak na kailalimang ito maliban lamang kung ihahanda ko kayo laban sa mga alon ng dagat, at sa mga hanging umiihip, at sa mga bahang darating.’ [Eter 2:25.] Mga kapatid ko, inihanda Niya tayo. Kung diringgin natin ang Kanyang mga salita at ipamumuhay ang mga utos, maliligtasan natin ang panahong ito ng kapabayaan at kasamaan—isang panahong maihahambing sa mga alon at hangin at bahang makakasira. Lagi Niya tayong inaalala. Mahal Niya tayo at pagpapalain tayo kung gagawin natin ang tama” (“Pangwakas na Pananalita,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 109).

Eter 6:22–24. Pumili ng hari ang mga Jaredita

Sa buong banal na kasulatan, ang mga propeta ay nagbabala laban sa mga panganib ng pagkakaroon ng hari. Isipin ang mga sumusunod na halimbawa:

  1. Nagbabala ang kapatid ni Jared sa kanyang mga tao na ang pagkakaroon ng hari ay hahantong sa pagkabihag nila (tingnan sa Eter 6:23).

  2. Nagbabala si Haring Mosias sa kanyang mga tao tungkol sa panganib na dulot ng pamamahala ng isang masamang hari. Sa halip ay iminungkahi niyang magtatag sila ng isang sistema na mga hukom ang mamamahala. (Tingnan sa Mosias 29.)

  3. Nagbabala ang propetang si Samuel sa Lumang Tipan tungkol sa problemang idudulot ng pamamahala ng mga hari nang hangarin ng kanyang mga tao na magkaroon ng hari upang sila ay maging “gaya ng lahat ng mga bansa” (tingnan sa I Samuel 8).