Lesson 148
Eter 7–11
Pambungad
Nalungkot ang kapatid ni Jared sa kahilingan ng mga tao na mapamahalaan ng isang hari. Sinabi niya, “Tunay na ang bagay na ito ay hahantong sa pagkabihag” (Eter 6:23). Natupad ang kanyang propesiya makalipas ang dalawang henerasyon. Sa panahon ng mga pamamahala ng maraming hari, paulit-ulit na nangyari ang mga pagkakataon na nakinig sa mga propeta at nabuhay sa kabutihan ang mga Jaredita at ang mga pagkakataon na hindi nila tinanggap ang mga propeta at namuhay sa kasamaan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Eter 7
Sina Orihas at Kib ay namahala sa kabutihan; naghimagsik si Corihor at kinuha ang kaharian sa kanyang ama, at binawi ito ng kanyang kapatid na si Shul; at kinundena ng mga propeta ang kasamaan ng mga tao
Magdrowing sa pisara ng isang simpleng bilangguan.
Sabihin sa mga estudyante na ilarawan kung ano ang maaaring madama ng mga tao habang sila ay bihag. Ipaliwanag na ang masamang gawa ay maaaring humantong sa espirituwal at pisikal na pagkabihag.
-
Sa paanong mga paraan humahantong sa pagkabihag ang masasamang gawa?
Maaaring mabanggit ng mga estudyante ang ideyang tulad ng sumusunod: Ang pagpiling labagin ang Word of Wisdom o tumingin sa pornograpiya ay maaaring humantong sa pagkabihag sa adiksyon. Lahat ng uri ng kasalanan ay nagpapawala ng impluwensya ng Banal na Espiritu sa ating buhay. Ipaliwanag na ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na makita kung paano sila makakaiwas sa pagkabihag.
Ipaliwanag na nang malaman ng kapatid ni Jared na gusto ng mga tao na magkaroon ng hari, binalaan niya sila na ang ipinasya nila ay hahantong sa pagkabihag (tingnan sa Eter 6:22–23). Sa kabila nito, pinili ng mga tao na magkaroon ng hari. Ang una nilang hari ay si Orihas, isa sa mga anak ni Jared. Ang pangalawa nilang hari ay si Kib na anak ni Orihas.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Eter 7:1–2 para malaman kung ang propesiya ng kapatid ni Jared ay natupad sa mga araw ni Orihas. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ano ang sasabihin ninyo sa isang tao na nabuhay noong panahon ni Haring Orihas at hindi naniniwala na matutupad ang propesiya ng kapatid ni Jared?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Eter 7:3–7 at alamin kung paano nagsimulang matupad ang propesiya ng kapatid ni Jared. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Tiyakin na nauunawaan nila na si Haring Kib at ang kanyang mga tao ay nabihag—“si Kib ay namalagi sa pagkabihag, at ang kanyang mga tao” (Eter 7:7).
-
Anong mga alituntunin ang nakita na ninyo sa Eter 7? (Kapag nagbahagi ang mga estudyante ng nalaman nila, tiyakin na malinaw ang sumusunod na alituntunin: Ang hindi pagtanggap sa mga salita ng mga propeta ay humahantong sa pagkabihag.)
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Eter 7:8–13 para malaman ang tungkol kay Shul, na isinilang habang nasa pagkabihag si Kib. Bago sila magbasa, sabihin sa kanila na kunwari ay mga reporter sila na naka-assign na magbalita sa nangyari sa Eter 7:8–13. Pagkatapos ay sabihin sa bawat estudyante na ireport sa kanyang kaklase ang ibabalita niya mula sa pangyayaring iyon.
Ibuod ang Eter 7:14–22 na ipinapaliwanag na matapos maging hari si Shul at si Corihor ay nagsisi sa kanyang nagawa, ang anak ni Corihor na si Noe ay naghimagsik laban kina Shul at Corihor. Binihag si Shul. Napatay ng mga anak ni Shul si Noe at napalaya si Shul, at si Shul ay bumalik sa kanyang sariling kaharian bilang hari. Gayunman, ang anak ni Noe na si Cohor ay pinanatili ang kaharian kung saan namahala si Noe. Ang bansa ay nahati sa dalawang hari at dalawang pangkat ng mga tao hanggang sa napatay ni Shul si Cohor sa isang digmaan. Ibinigay ng anak ni Cohor na si Nimrod ang bahagi ng kaharian ni Cohor kay Shul.
Ipaliwanag na matapos mabawi ni Shul ang kaharian, dumating ang mga propeta sa mga tao. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Eter 7:23–25 at tukuyin ang sinabi ng mga propeta at ang tugon ng mga tao. Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, itanong:
-
Ano ang itinugon ng mga tao sa mga propeta? Ano ang ginawa ni Shul?
-
Dahil pinrotektahan ni Shul ang mga propeta, paano napagpala ang kanyang mga tao?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 7:26–27. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang nangyari nang sundin ng mga tao ang mga sinabi ng mga propeta. Sa pagbabahagi ng mga estudyante ng nalaman nila, tiyaking natukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kapag sinusunod natin ang payo ng mga propeta at naaalaala ang Panginoon, nagsisimula tayong umunlad.
-
Paano kayo napagpala dahil sinunod ninyo ang payo ng mga propeta?
Hikayatin ang mga estudyante na mag-isip ng isang paraan para mas lalo nilang dinggin at sundin ang mga salita ng mga propeta.
Eter 8:1–9:13
Si Jared at pagkatapos ay si Akis ay naging mga hari ng mga Jaredita sa pamamagitan ng mga lihim na pagsasabwatan
Ibuod ang Eter 8:1–14 na ipinapaliwanag na matapos pumanaw si Shul, si Omer ang naging hari. Ang anak ni Omer na si Jared ay naghimagsik laban sa kanyang ama at inilagak ang kanyang puso sa pagiging hari. Panandalian niyang nakuha ang kalahati ng kaharian, ngunit kalaunan ay natalo siya at napilitang isuko ang kalahati ng kaharian. Pagkatapos ay nagplano ng isang paraan ang anak na babae ni Jared para maging hari si Jared. Ipinaalala niya sa kanyang ama ang mga lihim na pakikipagsabwatan na kilala noong unang panahon. Pagkatapos ay sinabi niya na magsasayaw siya sa harapan ng isang lalaki na nagngangalang Akis, at alam niyang gugustuhin nitong pakasalan siya. At kapag hiniling ni Akis na pakasalan siya, sasabihin ni Jared kay Akis na kailangan niyang patayin si Omer ang hari. Isinagawa ni Jared at ng kanyang anak na babae ang planong ito. Hiniling ni Akis kay Jared na ipakasal sa kanya ang anak nito at lihim na nakipagsabwatan sa kanyang mga kaibigan para patayin si Omer ang hari.
Ipaliwanag na dahil sa planong ito, nagsimula ang lihim na pagsasabwatan sa mga Jaredita at kalaunan ay naging dahilan ng kanilang pagkalipol. Ipaliwanag na ang lihim na pagsasabwatan ay “isang samahan ng mga tao na pinag-isa ng mga sumpa upang isagawa ang masasamang layunin ng pangkat” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Lihim na Pagsasabwatan, Mga” scriptures.lds.org). Ang mga tulisan ni Gadianton ay halimbawa ng isang organisasyon sa Aklat ni Mormon na gumamit ng lihim na pakikipagsabwatan upang maisakatuparan ang masasamang layunin nito.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Eter 8:15–19 at alamin ang ginawa ni Akis para maitatag ang lihim na pakikipagsabwatan. Sabihin sa klase na alamin ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa mga lihim na pakikipagsabwatan.
-
Ano ang mga motibo ng mga taong pumasok sa mga lihim na pakikipagsabwatan? (Magkaroon ng kapangyarihan para magawa nila ang masasama nilang gawain.)
-
Kaninong kapangyarihan ang nasa likod ng lihim na pagsasabwatan? (Sa diyablo.)
-
Aling parirala sa Eter 8:18 ang nagpapakita ng nadarama ng Panginoon tungkol sa mga lihim na pakikipagsabwatan? (“Pinakakarumal-dumal at pinakamasama sa lahat.”)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 8:20–22, 25. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang iba pang mga bagay na matututuhan nila tungkol sa mga lihim na pakikipagsabwatan. Sabihin sa kanila na pagtuunan ng pansin ang epekto ng mga lihim na pagsasabwatan sa mga lipunan. (Pansinin na ang pariralang “magtatatag nito” sa simula ng Eter 8:25 ay tumutukoy sa pagtatatag ng mga lihim na pakikipagsabwatan.)
-
Mula sa nabasa ninyo, ano ang epekto ng mga lihim na pagsasabwatan sa mga lipunan? (Sa pagpapahayag ng mga estudyante ng kanilang mga ideya, tiyaking matukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang pagsuporta sa mga lihim na pakikipagsabwatan ay humahantong sa pagkawasak ng mga lipunan.)
Sabihin sa klase na basahin nang tahimik ang Eter 8:23–24, 26 at alamin ang nais ni Moroni na gawin natin sa ibinunga ng kanyang mga babala tungkol sa lihim na pakikipagsabwatan.
-
Ano ang sinabi ni Moroni na gawin natin? (Mag-ingat sa mga lihim na pagsasabwatan at sikapin na matiyak na wala nito sa ating mga lipunan.)
-
Tulad ng nakatala sa Eter 8:26, ano ang inaasam ni Moroni para sa atin sa mga huling araw?
Ibuod ang Eter 9:1–13 na ipinapaliwanag na dahil sa kanilang lihim na pagsasabwatan, naibagsak ni Akis at ng kanyang mga kaibigan ang kaharian ni Omer. Gayunman, binalaan ng Diyos si Omer na dapat siyang tumakas kasama ang kanyang pamilya, kaya naligtas ang kanilang buhay. Ang masamang anak ni Omer na si Jared ay naging hari at ipinakasal ang kanyang anak na babae kay Akis. Ipinagpatuloy ni Akis at ng kanyang mga kaibigan ang kanilang masasamang balak, pinatay si Jared at maging ang anak ni Akis. Ang mga pangyayaring ito ay humantong sa isang digmaan sa pagitan ni Akis at ng kanyang mga anak na lalaki na sa huli ay halos ikalipol ng lahat ng mga Jaredita at ikinabalik ni Omer sa trono. Bigyang-diin na ang mga pangyayaring ito ay nagpapakita na ang mga lihim na pagsasabwatan ay nagdudulot ng pagkawasak ng mga lipunan.
Eter 9:14–11:23
Paghahalinhinan ng mga hari, may namuno nang mabuti at may namuno nang masama
Ipaliwanag na nakatala sa mga kabanata 9–11 na 24 na hari pa ang namahala sa mga Jaredita pagkatapos ni Jared—may namuno nang mabuti at may namuno nang masama. Ipaalala sa mga estudyante ang sumusunod na alituntunin, na natalakay kanina: Ang hindi pagtanggap sa mga salita ng mga propeta ay humahantong sa pagkabihag. Hatiin sa dalawang grupo ang klase at sabihin sa unang grupo na pag-aralan ang Eter 9:26–35 (sa panahon ng pamamahala ni Het), at sabihin sa pangalawang grupo na pag-aralan ang Eter 11:1–8 (sa panahon ng pamamahala nina Com at Siblom). Sabihin sa dalawang grupo na maghanap ng katibayan ng alituntuning ito. Sabihin sa mga estudyante na maikling ibahagi ang nahanap nila.
Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kahalagahan ng pagsunod sa payo ng mga propeta. Maaari kang magbahagi ng isang karanasan mula sa iyong buhay na nagturo sa iyo ng kahalagahan ng pagsunod sa payo ng mga propeta.