Lesson 149
Eter 12:1–22
Pambungad
Matapos isalaysay ang maraming taon ng kasaysayan ng mga Jaredita, sinimulang iulat ni Moroni ang paglilingkod ni propetang Eter. Sandaling huminto si Moroni sa kanyang pagsasalaysay ng kasaysayan upang itala ang ilan sa mga pagpapalang dumarating sa mga nananampalataya kay Jesucristo. Sakop ng lesson na ito ang Eter 12:1–22, habang ang lesson 150 ay kinapapalooban ng Eter 12:23–41.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Eter 12:1–4
Nangaral si Eter ng pagsisisi sa mga Jaredita
Simulan ang lesson sa pag-anyaya sa isang estudyante na pumunta sa pisara at magpadrowing ng mga alon at isang bangka na may angkla.
-
Bakit mahalagang may angkla ang bangka?
-
Anong mga panganib o problema ang posibleng mangyari sa bangka kung wala itong angkla?
-
Ano ang epekto ng mga alon sa bangka? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang mapapakilos, maaanod, o matatangay paroon at parito ng mga alon ang isang bangka.)
Lagyang ng label ang bangka ng mga salitang buhay mo.
-
Kung maihahalintulad sa bangka ang buhay natin, saan naman maitutulad ang mga alon? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang impluwensya ng lipunan, paghihirap, mga maling turo, o kasamaan.)
-
Paano maitutulad ang buhay ng isang tao sa isang bangkang walang angkla? (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na basahin ang Mormon 5:17–18 para matulungan silang masagot ang tanong na ito.)
-
Ano ang ilang bagay na inilaan ng Panginoon na maaaring magsilbing mga espirituwal na angkla sa ating buhay? (Maaaring magbigay ng iba-ibang sagot ang mga estudyante. Maraming aspeto ng ebanghelyo ang maihahalintulad sa isang angkla.)
Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga halimbawa ng mga espirituwal na angkla sa pag-aaral nila ng Eter 12.
Ipaliwanag na ang Eter 12 ay nagsimula sa pagpapakilala ni Moroni kay Eter, isang Jareditang propeta na nangaral sa panahong hindi tinatanggap ng mga tao ang mga propeta at namumuhay sa kasamaan. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Eter 12:1–3 at tukuyin ang anumang bagay na nakaantig sa kanila sa mga ginawa ni Eter. Sabihin sa kanila na ibahagi ang natukoy nila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 12:4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang maaaring “[asahan]” ng mga naniniwala sa Diyos sa kabila ng mga paghihirap at kasamaan na nakapalibot sa kanila. Kapag nakasagot na ang mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na ang “daigdig na higit na mainam” na inaasahan natin ay ang “isang lugar sa kanang kamay ng Diyos.”
-
Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng lugar sa kanang kamay ng Diyos? (Makabalik sa Kanyang kinaroroonan at makatanggap ng buhay na walang hanggan.)
-
Sa inyong palagay, ano ang ipinagkaiba ng umasa “nang may katiyakan” sa umasa lang na sana ay mangyari ang isang bagay? (Sa mga banal na kasulatan, ang pag-asa ay tumutukoy sa pagkakaroon ng tiwala na matatanggap natin ang mga pagpapala na ipinangako sa atin ng Diyos kung tutuparin natin ang ating mga tipan sa Kanya.)
-
Ayon sa Eter 12:4, paano tayo magkakaroon ng pag-asa na tatanggap tayo ng isang lugar sa kanang kamay ng Diyos? (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, ipaliwanag na ang pananampalatayang binanggit sa Eter 12:4 ay tumutukoy sa pananampalataya kay Jesucristo.) Paano tayo nahihikayat ng pananampalataya kay Jesucristo na umasa “nang may katiyakan” na magkakaroon tayo ng lugar sa kanang kamay ng Diyos?
Sa pisara, lagyan ng label ang angkla ng mga salitang pananampalataya at pag-asa.
-
Ayon sa Eter 12:4, ano ang nangyayari kapag ang isang tao ay may pag-asa at pananampalataya kay Jesucristo? (Iba-iba man ang isagot ng mga estudyante, dapat nilang maipahayag ang sumusunod na alituntunin: Kapag tayo ay umaasa at nananampalataya kay Jesucristo, tayo ay magiging matatag at mananagana sa mabubuting gawa.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “nananagana” sa mabubuting gawa? (Gumagawa ng maraming mabubuting bagay.)
-
Ano ang ilan sa mabubuting gawa na “[nagpupuri sa] Diyos”? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, paglilingkod sa kapwa, at pagpapahusay ng mga talento.)
-
Isipin ang mga taong kilala ninyo na tila palaging nananagana sa mabubuting gawa at hindi nahihiya na papurihan ang Diyos. Ano ang ilang partikular na bagay na ginagawa nila kaya nagiging mabubuting halimbawa sila ng alituntuning ito?
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na naging mahirap para sa kanila na maging matatag at managana sa mabubuting gawa. Para matulungan ang mga estudyante na maghanda para sa mga katulad na sitwasyon sa buong buhay nila, hikayatin sila na alamin ang mga paraan na mas mapapalakas nila ang kanilang pananampataya at pag-asa sa patuloy nilang pag-aaral ng Eter 12.
Eter 12:5–22
Inilahad ni Moroni ang mga himala at mga kagila-gilalas na gawa dahil sa pananampalataya
Isulat sa pisara ang sumusunod na parirala: Gusto kong magkaroon ng espirituwal na patunay na …
Sabihin sa mga estudyante na magmungkahi ng anumang katotohanan, alituntunin, o doktrina ng ebanghelyo na hinahangad ng mga tao na magkaroon ng espirituwal na patunay. Kapag sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. (Maaaring kabilang sa mga sagot ang patunay na ang Aklat ni Mormon ay totoo; ang pamumuhay nang malinis at marangal ay mahalaga; ang Word of Wisdom ay batas ng Diyos; dapat akong maghandang magmisyon.) Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang katotohanan ng ebanghelyo na hangad nilang makatanggap sila ng espirituwal na patunay o mas malakas na patotoo tungkol dito.
Ipaliwanag na may mga tao na may ganitong ugali: “Hindi ako maniniwala o mamumuhay ayon sa isang alituntunin ng ebanghelyo hangga’t hindi ako nakakakita ng katibayan na totoo ito.” Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Eter 12:5–6 at alamin kung paano nauugnay ang mga talatang ito sa ugaling iyon. Ipaliwanag na ang Eter 12:6 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang scripture mastery passage na ito sa paraan na madali nila itong mahahanap.
-
Ayon sa Eter 12:6, ano ang dapat mangyari bago tayo makatanggap ng patunay?
-
Ano ang naiisip ninyo tungkol sa pariralang “pagsubok sa inyong pananampalataya”?
Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na palaging inaakala ng ilang tao na ang “pagsubok sa pananampalataya” ay tumutukoy lamang sa mga paghihirap. Ang pariralang “pagsubok sa pananampalataya” ay naglalarawan ng anumang bagay na nagbibigay sa atin ng pagkakataon na maipakita o magamit ang ating pananampalataya kay Jesucristo. Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang pariralang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol. Bago basahin ang pahayag, sabihin sa klase na pakinggan ang paliwanag ni Elder Scott tungkol sa pariralang “pagsubok sa pananampalataya.”
“Mabisa ninyong magagamit ang pananampalataya sa pagsunod sa alituntuning itinuro ni Moroni: ‘… wala kayong matatanggap na patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa inyong pananampalataya’ [Eter 12:6; idinagdag ang italics]. Sa gayon, sa tuwing susubukin ninyo ang inyong pananampalataya, ibig sabihin, kumikilos nang marapat sa isang impresyon, tatanggapin ninyo ang nagpapatibay na patunay ng Espiritu. [Ang mga damdaming iyon ang magpapalakas sa inyong pananampalataya.] Ito ang magpapalakas sa inyong pananampalataya kung paulit-ulit itong gagawin” (“Ang Nagtataguyod na Kapangyarihan ng Pananampalataya sa Oras ng Kawalang Katiyakan at Pagsubok,” Ensign o Liahona, Mayo 2003, 76–77).
-
Paano naiiba ang paraang inilarawan ni Elder Scott sa ugali ng mga taong nais ng katibayan bago sila maniwala o kumilos?
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference: Eter 12:7–12; Eter 12:13–18; Eter 12:19–22, 30–31. Hatiin ang klase sa tatlong grupo, at mag-assign ng isa sa mga scripture passage sa bawat grupo. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga pagpapalang dumating dahil sa pananampalataya ng mga tao na inilarawan sa bawat scripture passage. Hikayatin sila na mapansin ang paggamit ng pariralang “matapos silang magkaroon ng pananampalataya” o “hanggang sa nagkaroon muna sila ng pananampalataya” sa mga talata 7, 12, 17, 18, at 31. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga pariralang ito sa tuwing makikita nila ang mga ito.)
Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, ipabuod sa kanila ang ilalaan ng Panginoon matapos nating ipakita ang ating pananampalataya kay Jesucristo. Bagama’t maaaring gumamit ng iba-ibang salita ang mga estudyante, dapat nilang matukoy ang katotohanang tulad nito: Kung gusto nating makatanggap ng espirituwal na patunay, dapat muna tayong manampalataya kay Jesucristo. Ipaliwanag na halos katulad ng espirituwal na patunay, hindi darating ang mga himala hanggang hindi muna natin ipinapakita ang ating pananampalataya.
Ilahad ang mga sumusunod na sitwasyon sa klase. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano maaaring magpakita ng pananampalataya sa Panginoon ang indibidwal sa bawat sitwasyon.
-
Gusto ng isang dalagita na makatanggap ng patunay sa katotohanan ng Aklat ni Mormon.
-
Isang binatilyo ang gustung-gustong tulungan ang kanyang mga mahal sa buhay na matanggap ang ebanghelyo.
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na nakatanggap sila o ang mga taong kilala nila ng mga espirituwal na patunay o mga himala matapos nilang maipakita ang kanilang pananampalataya sa Panginoon. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang mga karanasang naisip nila. (Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante na hindi sila obligadong magbahagi ng mga karanasang napakapersonal o napakapribado.) Maaari ka ring magbahagi ng isang karanasan.
Sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang isang katotohanan ng ebanghelyo na hangad nilang makatanggap sila ng espirituwal na patunay tungkol dito. Hikayatin sila na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang isang bagay na magagawa nila upang lalo pang manampalataya sa Panginoon.