Lesson 150
Eter 12:23–41
Pambungad
Sa mapagkumbabang panalangin, nagpahayag ng pag-aalala si Moroni. Nag-alala siya sa kahinaang nakita niya sa kanyang pagsusulat at sa pagsusulat ng iba pang mga propeta sa Aklat ni Mormon. Tumugon ang Panginoon na nangangako na palalakasin ang mga taong magpapakumbaba ng kanilang sarili at mananampalataya sa Kanya.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Eter 12:23–41
Itinuro ni Moroni na kinakailangan sa kaligtasan ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa
Isulat ang salitang malakas sa isang panig ng pisara at ang salitang mahina sa isa pang panig ng pisara. Bigyan ng oras ang mga estudyante na isipin ang sa pakiwari nila ay kanilang mga kalakasan. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na isipin ang ilan sa mga kahinaan o kakulangan nila. Sabihin sa kanila na itaas ang kanilang kamay kung gusto nilang mapalitan ang kanilang mga kahinaan ng mga kalakasan. Ipaliwanag na itinuro ni Moroni ang dahilan kung bakit tayo may mga kahinaan at kung paano natin ito madadaig.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 12:23–25. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang kahinaan na sa pakiwari ni Moroni ay taglay niya at ng iba pang manunulat ng Aklat ni Mormon. Bago magbasa ang mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na ang salitang mga Gentil sa mga talatang ito ay tumutukoy sa mga tao na maninirahan sa mga bansang Gentil sa mga huling araw.
-
Ano ang ipinag-aalala ni Moroni na mangyayari dahil sa kahinaan ng mga taong sumulat ng Aklat ni Mormon?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang sagot ng Panginoon sa alalahanin ni Moroni sa Eter 12:26–27. Sabihin sa kanila na alamin ang dahilan kung bakit binibigyan tayo ng Diyos ng mga kahinaan. Ituro na ang Eter 12:27 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang scripture mastery passage na ito sa paraan na madali nila itong mahahanap.
Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang salitang kahinaan ayon sa gamit nito sa mga talatang ito, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol. Bago basahin ang pahayag, sabihin sa klase na pakinggan ang dalawang uri ng kahinaan na tinukoy ni Elder Maxwell.
“Kapag nabasa natin sa mga banal na kasulatan ang tungkol sa ‘kahinaan’ ng tao, ang salitang ito ay kinabibilangan ng … kahinaang likas na sa pangkalahatang kalagayan ng tao kung saan ang pisikal na katawan ay patuloy [o palaging] nakakaapekto sa espiritu (tingnan sa Eter 12:28–29). Gayunman, ang kahinaan ding ito ay kinapapalooban ng partikular at kani-kanya nating mga kahinaan, na inaasahang madaraig natin (tingnan sa D at T 66:3; Jacob 4:7). Ang buhay ay may paraan sa paglalantad ng mga kahinaang ito” (Lord, Increase Our Faith [1994], 84).
-
Ayon kay Elder Maxwell, anong dalawang uri ng kahinaan ng tao ang mababasa natin sa mga banal na kasulatan? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang pariralang “pangkalahatang kalagayan ng tao” ay tumutukoy sa kahinaan na ibinunga ng Pagkahulog nina Adan at Eva o, sa madaling salita, ang mga kahinaang nauugnay sa “likas na tao” na binanggit sa Mosias 3:19.)
Ipaalala sa mga estudyante na naglalahad kung minsan ang mga banal na kasulatan ng isang alituntunin gamit ang mga salitang kung at sa gayon. Ang salitang kung ay nagpapabatid ng dapat nating gawin, at ang sa gayon ay nagpapaliwanag ng mangyayari bilang resulta ng mga ginawa natin. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Eter 12:27 at alamin ang mga alituntunin na ipinapakilala ng “kung-sa gayon” na itinuro sa talatang ito. Dapat matukoy ng mga estudyante ang mga sumusunod na alituntunin (isulat ang mga ito sa pisara):
-
Sa palagay ninyo, bakit mahalagang malaman natin ang ating mga kahinaan?
-
Bigyang-diin ang pariralang “lalapit kay Jesucristo” sa unang alituntunin. Ano ang ilang bagay na magagawa natin para “[maka]lapit kay Jesucristo”? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang pagdarasal, pag-aayuno, pagsisisi, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagsamba sa templo, paglilingkod sa kapwa, at pagsisikap na magkaroon ng mga katangian na tulad ng kay Cristo. Maaari mong ipaliwanag na sa halos lahat ng pagkakataon, ang pagdaig sa isang kahinaan ay nangangahulugan na bukod pa sa paghingi ng tulong sa Panginoon ay dapat nating gawin ang ating bahagi.)
-
Ano ang ipinapahiwatig ng pangalawang alituntunin na mangyayari kung pipiliin nating huwag magpakumbaba at sumampalataya kay Jesucristo? (Mananatili ang ating mga kahinaan dahil hindi natin tinanggap ang biyaya ng Panginoon na matulungan tayo upang madaig ang mga ito.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pariralang “ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng … magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan”? (Para matulungan ang mga estudyante na masagot ang tanong na ito, maaari mong ipaliwanag na ang biyaya ay “tulong o lakas mula sa Diyos na ibinigay sa pamamagitan ng saganang awa at pagmamahal ni Jesucristo” at makakamtan dahil sa Pagbabayad-sala [Bible Dictionary, “Grace”]. Ang nagpapalakas na kapangyarihan, o tulong na ito, ay hindi kailanman mauubos—gaano man karaming tao ang humingi nito.)
Anyayahan ang mga estuyante na magbahagi ng mga karanasan tungkol sa pagtulong sa kanila ng Panginoon (o sa isang taong kakilala nila) na madaig ang isang kahinaan. (Paalalahanan ang mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang karanasan na napakapersonal o napakapribado.) Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.
Para mahikayat na maipamuhay ang mga alituntuning itinuro sa Eter 12:27, isulat ang mga sumusunod na parirala sa pisara:
Sabihin sa mga estudyante na isulat ang mga pariralang ito sa kanilang notebook o scripture study journal. Sa ilalim ng angkop na parirala, sabihin sa kanila na isulat ang (1) isang kahinaan na sa pakiwari nila ay mayroon sila, (2) isang paraan na makapagpapakumbaba sila ng kanilang sarili, at (3) isang paraan na maipapakita nila ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo upang matanggap nila ang Kanyang tulong, o biyaya, para madaig nila ang kahinaang isinulat nila. Tiyakin sa mga estudyante na kapag ginawa nila ang mga isinulat nila, ang Panginoon ay “gagawin ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27).
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Eter 12:26, 28 at alamin kung ano pa ang itinugon ng Panginoon sa pag-aalala ni Moroni tungkol sa kanyang kahinaan.
Ituro ang pahayag na “Ang mga hangal ay nangungutya, subalit sila ay magdadalamhati” (Eter 12:26).
-
Batay sa napag-aralan natin sa araw na ito, bakit kaya kahangalan ang kutyain ang mga kahinaan ng iba?
Ituro na binanggit sa Eter 12:26 ang maaamo. (Maaari mong ipaliwanag na ang maging maamo ay maging mapagkumbaba at madaling turuan at mapagtiis sa panahon ng pagdurusa.)
-
Sa inyong palagay, bakit kailangan nating maging maamo para hindi natin mapagtuunan ng pansin ang mga kahinaan ng iba?
Bago magpatuloy, bigyang-diin na kung tayo ay maamo, matatanggap natin ang biyaya ng Panginoon na tutulong sa atin para hindi natin mapagtuunan ng pansin ang mga kahinaan ng iba.
Ibuod ang Eter 12:29–32 na ipinapaliwanag na itinuro ni Moroni ang tungkol sa kahalagahan ng pananampalataya at pagkakaroon ng pag-asa at pag-ibig sa kapwa. Maaari mong ipaliwanag na “ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47).
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Eter 12:33–35 at alamin ang mga dahilan kung bakit mahalagang magpakita ng pag-ibig sa kapwa-tao kapag napansin natin ang mga kahinaan ng iba.
-
Ayon sa Eter 12:34, ano ang mangyayari sa atin kung wala tayong pag-ibig sa kapwa-tao?
Tapusin ang lesson na ipinapabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Eter 12:38–41. Sabihin sa kanila na isulat sa notebook o scripture study journal ang gagawin nila para makatugon sa paanyaya na nakatala sa Eter 12:41—“hanapin ang Jesus na ito na siyang isinulat ng mga propeta at apostol.”
Magpatotoo na kung magpapakumbaba tayo ng ating sarili at mananampalataya kay Jesucristo, “gagawin [Niya] ang mahihinang bagay na maging malalakas sa [atin]” (Eter 12:27). Hikayatin ang mga estudyante na gawin ang planong isinulat nila. Maaari mo rin silang hikayatin na hingin nila ang tulong ng Panginoon sa pagpapakita ng pag-ibig sa kapwa-tao kapag napansin nila ang mga kahinaan ng iba.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Eter 12:27. “Ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan”
Ipinahayag ni Elder Bruce C. Hafen ng Pitumpu na ang ating pagsisikap na madaig ang kahinaan ay mahalaga sa ating layunin dito sa lupa:
“Sa plano ng ating Ama tayo’y sasailalim sa tukso at lungkot ng makasalanang mundong ito. …
“Kaya kung may problema kayo sa buhay, huwag ninyong akalaing may mali sa inyo. Ang pakikibaka sa mga problemang iyon ang pinakasentro sa layunin ng buhay. Habang lumalapit tayo sa Diyos, ipakikita Niya sa atin ang ating mga kahinaan, at sa pamamagitan nito ay magiging mas matalino, mas malakas tayo. Kung mas marami kayong napapansing kahinaan ninyo, baka nangangahulugan lang ito na napapalapit kayo sa Kanya, at hindi nalalayo” (“Ang Pagbabayad-sala: Lahat para sa Lahat,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 97).
Ang kasunod na kuwento ay tungkol sa isang binatilyo na naranasan ang katuparan ng pangako ng Panginoon sa Eter 12:27:
Lahat ng kabataang lalaki sa Simbahan ay hinihikayat na maisakatuparan ang mga mithiin sa Tungkulin sa Diyos at, sa ilang lugar, ang Scouting program. Ang mga magulang ni Jonathan Perez ay abala sa pagtataguyod ng kanilang malaking pamilya, at kinutya ng kanyang mga kaibigan ang kanyang pagsisikap na makamit ang Eagle rank na pinakamataas na ranggo sa Scouting program. Sa kabila ng mga problemang ito, nagtakda ng isang mithiin si Jonathan at gumawa. Sa paglipas ng panahon, at sa tulong at suporta ng mga lider niya sa Young Men, nakamit niya ang kanyang mithiin. Isinulat niya, “Itinuro sa akin ng karanasang ito na anumang balakid o pagsubok ang dumating sa buhay ko, tutulungan ako ng Panginoon na madaig ang mga kakulangan at kahinaan ko (Eter 12:27). Hindi mahalaga kung anuman ang kalagayan ng ating pamilya o kung mayaman o mahirap tayo. Makakamtan natin ang ating mga mithiin dahil nasa panig natin ang Panginoon” (Jonathan Perez, “An Honor Earned,” New Era, Nob. 2007, 45).