Library
Lesson 151: Eter 13–15


Lesson 151

Eter 13–15

Pambungad

Ang talaan ng propetang si Eter tungkol sa sibilisasyon ng mga Jaredita ay nagsisilbing saksi na ang mga hindi tumatanggap sa Panginoon at sa Kanyang mga propeta ay hindi uunlad. Binalaan ni Eter si Coriantumer, isang haring Jaredita, na malilipol ang kanyang mga tao kung hindi siya magsisisi at ang kanyang buong sambahayan. Nang hindi magsisi si Coriantumer at ang kanyang mga tao, lalo pang tumindi ang digmaan at kasamaan sa loob ng maraming taon hanggang sa malipol ang buong bansang Jaredita. Tanging sina Eter at Coriantumer lang ang nakaligtas upang masaksihan ang katuparan ng propesiya ni Eter. Ang mga kabanata ring ito ay katuparan ng sinabi ng Diyos na “anumang bansa ang mag-aangkin [ng lupang pangako] ay magsisilbi sa Diyos, o sila ay lilipulin” (Eter 2:9).

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Eter 13:1–12

Itinala ni Moroni ang mga propesiya ni Eter tungkol sa Bagong Jerusalem at sa sinaunang Jerusalem

Ipaliwanag na may mga lunsod na kilala sa pangalan na naglalarawan ng kanilang mahahalagang katangian. Basahin ang mga sumusunod na deskripsyon para sa lunsod, at sabihin sa mga estudyante na hulaan kung aling lunsod ang tumutugma sa bawat deskripsyon: ang City of Light (Paris, France); ang Eternal City (Rome, Italy); ang Windy City (Chicago, Illinois, United States); ang Pearl of the Orient (Manila, Philippines); at ang City of Palaces (Mexico City, Mexico). Sabihin sa mga estudyante na magmungkahi kung ano kaya ang ipinahihiwatig ng mga deskripsyong ito tungkol sa mga lunsod.

Ipaliwanag na itinala ni Moroni ang mga propesiya ni Eter tungkol sa tatlong lunsod: ang Bagong Jerusalem (tingnan sa Eter 13:6–8, 10); ang lunsod ni Enoc, na “bababa mula sa langit” (Eter 13:3; tingnan din sa Moises 7:62–64); at ang Jerusalem sa Banal na Lupain (tingnan sa Eter 13:11). Sabihin sa klase na itinuro ni Eter sa mga Jaredita na ang lupain kung saan sila naninirahan ay ang lugar ng isang lunsod sa hinaharap na may malaking kahalagahan (tingnan sa Eter 13:2–3). Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Eter 13:4–8 at hanapin ang mga pangalan ng mga lunsod na binanggit sa mga talatang ito.

  • Ano ang mga pangalan ng mga lunsod na ito? (Jerusalem at Bagong Jerusalem.) Anong deskripsyon ang ginamit ni Eter para sa Jerusalem sa Banal na Lupain at sa Bagong Jerusalem na itatayo balang araw sa lupalop ng Amerika? (“Banal na lunsod.”)

  • Ano sa palagay ninyo ang pakiramdam ng manirahan sa isang lunsod na kilala bilang “isang banal na lunsod”?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Eter 13:10–11 at alamin kung paano magiging karapat-dapat ang mga tao para manirahan sa mga banal na lunsod na ito.

  • Paano magiging karapat-dapat ang mga tao na manirahan sa mga lunsod na ito? (Kapag ang kanilang mga kasuotan ay naging “mapuputi sa pamamagitan ng dugo ng Kordero.”)

  • Ano ang ibig sabihin para sa mga tao ng gawing “mapuputi ang [kanilang] kasuotan sa pamamagitan ng dugo ng Kordero”? (Ibig sabihin nito ay naging malinis at dalisay ang mga tao mula sa kasalanan sa pamamagitan g Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang Kordero ng Diyos; tingnan sa 1 Nephi 12:11; Alma 5:21.)

Ipaliwanag na ang isa pang pangalan ng Bagong Jerusalem ay Sion (tingnan sa Moises 7:62; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10). Bagama’t ang Bagong Jerusalem at ang lunsod ng Jerusalem ay itatayo sa hinaharap, lahat ng miyembro ng Simbahan ay mapagsisikapan ngayon na itatag ang Sion saanman sila naninirahan (tingnan sa D at T 6:6; 14:6). Sa pinakamahalagang kahulugan nito, ang Sion ay “ang may dalisay na puso” (D at T 97:21). Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder D. Todd Christofferson

“Ang Sion ay Sion dahil sa pagkatao, mga katangian, at katapatan ng mga mamamayan nito [tingnan sa Moises 7:18]. Tandaan, “tinawag ng Panginoon ang kanyang mga tao na SION, sapagkat sila ay may isang puso at isang isipan, at namuhay sa kabutihan; at walang maralita sa kanila’ (Moises 7:18). Kung itatatag natin ang Sion sa ating mga tahanan, branch, ward, at stake, ipamuhay natin ang pamantayang ito. Kailangan ay (1) may isang puso’t isang isipan; (2) maging banal na mga tao, nang mag-isa at magkakasama; at (3) pangalagaan ang [mga maralita at] nangangailangan” (“Sa Sion ay Magsitungo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 38).

Bigyan ng sandaling oras ang mga estudyante na pag-isipang mabuti kung ano ang magagawa nila para makatulong sa pagtatatag ng mas mataas na pamantayan sa kanilang mga tahanan at sa kanilang mga branch o ward. Maaari mo silang bigyan ng oras na maisulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang mga naisip nila.

Eter 13:13–15:34

Hindi pinakinggan ng mga Jaredita ang mga babala ng propetang si Eter at nagpatuloy sa kasamaan at digmaan hanggang sa sila ay malipol

Ibuod ang Eter 13:13–14 na ipinapaliwanag na hindi tinanggap ng mga Jaredita si Eter at itinaboy siya mula sa kanila. Sa araw, nagtatago si Eter sa “butas ng isang malaking bato,” kung saan niya tinapos ang talaan ng mga Jaredita. Sa gabi, lumalabas siya para makita ang mga bagay na nangyayari sa kanyang mga tao, ang mga Jaredita. Isinulat niya ang mga bagay na nakita niya.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Eter 13:15–19 at hanapin ang paglalarawan sa lipunan ng mga Jaredita. Pagkatapos nilang magbasa, sabihin sa kanila na ilarawan nila sa sarili nilang salita ang lipunan ng mga Jaredita. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 13:20–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mensaheng iniutos ng Panginoon kay Eter na sabihin kay Coriantumer.

  • Ano ang mensahe ni Eter kay Coriantumer? (Kung magsisisi si Coriantumer at ang kanyang sambahayan, ililigtas ng Panginoon ang mga tao at hahayaang mapanatili ni Coriantumer ang kanyang kaharian. Kung hindi sila magsisisi, lahat ng nasa kaharian ay malilipol maliban kay Coriantumer.)

  • Ano ang ginawa ni Coriantumer at ng kanyang mga tao?

Ibuod ang Eter 13:23–14:20 na ipinapaliwanag na nagpatuloy ang mga digmaan sa lupain. Tatlong lalaking sunud-sunod—sina Sared, Gilead, at Lib—ang nagtangkang kunin ang kaharian kay Coriantumer. Sa huli, lalo pang lumakas ang mga lihim na pagsasabwatan, at ang buong bansa ay napuno ng digmaan. “Ang lahat ng tao sa ibabaw ng lupain ay nagsisipagdanak ng dugo, at walang sinuman ang makapipigil sa kanila” (Eter 13:31). Ang huling nakalaban ni Coriantumer ay isang lalaking nagngangalang Shiz.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Eter 14:21–25, 30–31 at 15:1–2 at alamin kung gaano katinding pagkawasak ang idinulot ng mga digmaang ito. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 15:3–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang tinangkang gawin ni Coriantumer para mailigtas sa pagkalipol ang nalalabi sa mga tao.

  • Ano ang ginawa ni Coriantumer? (Sinabi niya na isusuko niya ang kaharian kay Shiz.)

  • Ano ang itinugon ni Shiz sa alok ni Coriantumer? (Sinabi niya na hindi niya papatayin ang mga tao kung hahayaan siya ni Coriantumer na patayin ito. Tingnan din sa Eter 14:24.)

Ibuod ang Eter 15:6–11 na ipinapaliwanag na patuloy na naglaban ang mga tao ni Coriantumer at ang mga tao ni Shiz. Maaari mo ring ipaliwanag na ang digmaang ito, kung saan nalipol ang bansang Jaredita, ay naganap malapit sa burol na tinatawag na Rama. Makaraan ang daan-daang taon, ang sibilisasyon ng mga Nephita ay nalipol sa isang digmaan malapit sa burol, na tinawag sa panahong iyon na Cumorah. (Tingnan sa Eter 15:11; Mormon 6:6.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Eter 15:12–17. Bago sila magbasa, sabihin sa kanila na alamin ang mga detalye tungkol sa kalagayan ng mga Jaredita at tukuyin ang isang bagay sa talang ito na nakakalungkot. Kapag natapos na ang oras nila sa pagbabasa, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang natukoy nila.

Ipaalala sa mga estudyante na maraming taon ang ginugol ni Eter sa pagbibigay ng babala sa mga tao na magsisi (tingnan sa Eter 12:2–3; 13:20). Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kung hindi natin susundin ang mga babala ng Panginoon na magsisi, …

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 15:18–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at isipin kung paano kukumpletuhin ang pahayag sa pisara. Pagkatapos maibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga ideya, kumpletuhin ang pahayag sa pagsulat ng sumusunod na alituntunin: Kung hindi natin susundin ang mga babala ng Panginoon na magsisi, titigil sa paggabay ang Kanyang Espiritu at magkakaroon ng kapangyarihan si Satanas sa ating puso.

  • Paano nakaapekto ang hindi pagsisisi sa una ng mga Jaredita sa kanilang kakayahang magbago sa huli?

Ibuod ang Eter 15:20–32 na ipinapaliwanag na patuloy na naglaban ang mga tao ni Coriantumer at ang mga tao ni Shiz hanggang sa sina Coriantumer at Shiz na lang ang natira. Pagkatapos ay napatay ni Coriantumer si Shiz. Tulad ng ipinropesiya ni Eter, napatay ang lahat ng tao sa kaharian maliban kay Coriantumer, na nabuhay para makita ang iba pang mga tao—ang mga tao ni Zarahemla—na umangkin sa lupain (tingnan sa Eter 13:21; Omni 1:20–22). Ipabasa sa isang estudyante ang Eter 15:33 para maipakita na natupad ang mga salita ng Panginoon na inihayag ni Eter.

Ipaliwanag na ang kasaysayan ng mga Jaredita ay isang matinding halimbawa ng mangyayari sa mga tao kapag hindi nila sinunod ang paulit-ulit na paanyaya ng Diyos na magsisi. Bagama’t ito’y isang matinding halimbawa, makatutukoy tayo ng mga alituntunin sa tala na makatutulong sa atin. Ipaliwanag na tulad ng mga Jaredita, maraming tao ngayon ang hindi sumusunod sa paanyaya ng Diyos na magsisi, kaya nga wala sa kanila ang Espiritu ng Panginoon. Madalas pinangangatwiranan ng mga taong ito ang hindi nila pagsisisi. Basahin ang mga sumusunod na pangangatwiran, at sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang isasagot nila sa isang tao na nagsabi ng mga bagay na ito. Habang sumasagot ang mga estudyante, hikayatin sila na gamitin ang mga alituntuning natutuhan nila sa Eter 13–15.

  1. “Alam ko na ang mga pelikulang pinanonood ko ay hindi nakaayon sa mga pamantayan ng Simbahan, pero parang wala namang masamang epekto ito sa akin.”

  2. “Hindi masamang uminom kasama ng mga kaibigan ko—nagkakatuwaan lang kami.”

  3. “Nangongopya ako kasi ginagawa naman ito ng lahat ng kaklase ko. Imposibleng makakuha ng mataas na grado kung hindi ako mangongopya.”

  4. “Hindi naman ako laging nanonood o nagbabasa ng pornograpiya. Hindi naman ako lalabas at magpapakaimoral. Saka, pwede naman akong tumigil kahit kailan ko gusto.”

  5. Hindi ko kailangang magsisi sa ngayon. Makapaghihintay naman iyan hanggang sa oras na magmimisyon na ako o magpapakasal sa templo.”

Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na kapag nagkasala ang mga tao at hindi nagsisi, palagi nilang mararanasan ang mga ibinunga ng mga kasalanan iyon. Muling tiyakin sa mga estudyante na kung nagkasala sila, makapagsisisi sila ng kanilang mga kasalanan at mapapasakanila muli ang Espiritu ng Panginoon. Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Neil L. Andersen

“Pinatototohanan ko na kaya at sabik ang Tagapagligtas na patawarin ang ating mga kasalanan. Maliban sa mga kasalanan ng ilang tao na pinili ang kapahamakan matapos malaman ang kaganapan, walang pagkakasalang hindi mapapatawad. Napakagandang pribilehiyo para sa bawat isa sa atin na talikuran ang ating mga kasalanan at lumapit kay Cristo. Ang kapatawaran ng langit ay isa sa pinakamatatamis na bunga ng ebanghelyo, na pumapawi sa pagbagabag ng budhi at bigat sa ating puso at pinapalitan ito ng kagalakan at kapayapaan ng budhi” (“Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 41).

Sabihin sa mga estudyante na suriin ang kanilang buhay para sa anumang kasalanan na nakahahadlang sa kanila na palaging makasama ang Espiritu Santo. Hikayatin sila na kumuha ng lakas mula sa Pagbabayad-sala para magawa ang mga kailangang pagbabago na tutulong sa kanila na mapanatili ang paggabay ng Espiritu at malabanan ang kapangyarihan ni Satanas.

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang isa pang alituntunin na itinuro sa Eter 13–15, ipabasa sa kanila nang tahimik ang mga sumusunod na scripture passage: Eter 13:27; 14:24; 15:6, 22, 28. Bago sila magbasa, sabihin sa kanila na hanapin ang mga salita at parirala na nagbibigay-diin sa nadaramang galit at hangaring maghiganti ng mga Jaredita. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita at pariralang ito.

  • Batay sa napag-aralan ninyo sa Eter 13–15, ano ang mga ibinunga ng galit at hangaring maghiganti ng mga Jaredita?

  • Anong mga alituntunin tungkol sa galit at paghihiganti ang matututuhan natin mula sa mga huling kabanata ng kasaysayan ng mga Jaredita? (Maaaring magbahagi ng ilang iba-ibang alituntunin ang mga estudyante. Tiyakin na makikita sa mga sagot nila na ang galit at paghihiganti ay nagtutulak sa mga tao na gawin ang mga bagay na nakasasakit sa kanilang sarili at sa ibang tao.)

  • Ano ang ibubunga ng galit sa isang tao o sa isang pamilya?

Magpatotoo na mapipigilan natin ang galit at hangaring maghiganti kapag bumaling tayo kay Jesucristo at tumanggap ng kapatawaran at kapanatagan sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Hikayatin ang mga estudyante na manalangin sa Panginoon para sa tulong na kakailanganin nila kung nakadarama sila ng galit sa ibang tao.

Pagrebyu ng Aklat ni Eter

Maglaan ng oras na tulungan ang mga estudyante na rebyuhin ang aklat ni Eter. Sabihin sa kanila na pag-isipan ang natutuhan nila mula sa aklat na ito, mula sa seminary at sa kanilang personal na pag-aaral ng banal na kasulatan. Kung kinakailangan, sabihin sa kanila na mabilis na basahin ang ilan sa mga chapter summary sa Eter para matulungan sila na makaalala. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na magbahagi ng isang bagay mula sa Eter na nagbigay ng inspirasyon sa kanila o nakatulong sa kanila na mas mapalakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Eter 13:3–5. Ang Bagong Jerusalem at ang sinaunang Jerusalem

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa Bagong Jerusalem at sa lunsod ng Jerusalem na itinayo noong sinaunang panahon:

“Para mailarawan sa isipan ang ibig sabihin ng [Bagong Jerusalem], dapat nating malaman ang limang katotohanang ito: 1. Ang sinaunang Jerusalem, ang lunsod kung saan naganap ang maraming paglilingkod ng Panginoon sa mga tao, ay itatayo sa mga huling araw at magiging isa sa dalawang malaking kabisera ng mundo, isang lunsod sa panahon ng milenyo kung saan magmumula ang mga salita ng Panginoon. 2. Isang Bagong Jerusalem, isang bagong Sion, isang lungsod ng Diyos, ang itatayo sa lupalop ng Amerika. 3. Ang lunsod ni Enoc, ang orihinal na Sion, ‘ang Lunsod ng Kabanalan, … ay dinala sa langit.’ (Moises 7:13–21) 4. Ang lungsod ni Enoc, kasama ang mga naninirahan doon na nagbagong-kalagayan at ngayon ay pawang nabuhay na mag-uli, ay babalik, bilang isang Bagong Jerusalem, upang makiisa sa lunsod na may gayon ding pangalan na itatayo sa lupalop ng Amerika. 5. Kapag ang mundong ito ay naging isang selestiyal na lugar ‘ang bayang banal na Jerusalem,’ ay muling bababa ‘mula sa langit buhat sa Diyos,’ dahil ang mundong ito ang magiging tirahan magpakailanman ng mga selestiyal na nilalang. (Apoc. 21:10–27.)” (Doctrinal New Testament Commentary, tomo 3 [1973], 580–81.)

Eter 13:2–4, 6. Saan itatayo ang Bagong Jerusalem?

Inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na sa mga huling araw, ang Bagong Jerusalem ay itatayo sa Estados Unidos, sa Jackson County, Missouri (tingnan sa D at T 57:1–4; 84:1–4). Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pagkakaugnay ng kasalukuyang pagtitipon ng mga miyembro ng Simbahan at ng pagtatayo sa huli ng Bagong Jerusalem:

“Hayaang magtipon ang Israel sa mga stake ng Sion sa lahat ng bansa. Hayaang ang bawat lupain ay maging Sion sa mga taong itinalagang manirahan dito. Hayaang ang kabuuan ng ebanghelyo ay maging para sa lahat ng mga banal sa lahat ng bansa. Hayaan na walang pagpapalang ipagkait sa kanila. Hayaang magtayo ng mga templo kung saan isasagawa ang kabuuan ng mga ordenansa ng bahay ng Panginoon. Ngunit may isang tampok na lugar, isang lugar kung saan itatayo ang pangunahing templo, isang lugar kung saan paroroon ang Panginoon. … At ang tampok na lugar iyon ay ang tinatawag ngayon ng mga tao na Independence sa Jackson County, Missouri, ngunit sa araw na darating ay magiging Sion ng ating Diyos at Lunsod ng Kabanalan ng kanyang mga tao” (A New Witness for the Articles of Faith [1985], 595).

Eter 15:19. Paano nagkakaroon ng kapangyarihan si Satanas sa ating puso?

Bagama’t ang diyablo ay may malaking kapangyarihan na tuksuhin at linlangin tayo, hindi niya makukuha ang ating kalayaan maliban kung magpailalim tayo sa impluwensya niya. Ipinaliwanag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan:

“Hindi tayo dapat maparalisa sa takot dahil sa kapangyarihan ni Satanas. Wala siyang kapangyarihan sa atin maliban kung itulot natin. Siya ay isang duwag, at kung matatag tayong maninindigan, aatras siya. …

“Narinig nating pangatwiranan o ipaliwanag ng mga komedyante at ng iba pa ang mga pagkakamali nila sa pagsasabing, ‘Pinilit ako ng diyablo na gawin ito.’ Sa palagay ko talagang hindi tayo mapipilit ng diyablo na gawin ang anumang bagay. Tiyak na makatutukso at makapanglilinlang siya, ngunit wala siyang kapangyarihan sa atin maliban kung tulutan natin siya.

“Ang kapangyarihang malabanan si Satanas ay maaaring mas malakas kaysa inaakala natin. Itinuro ni Propetang Joseph Smith: ‘Lahat ng nilikhang may katawan ay may kapangyarihan sa mga walang katawan. Ang diyablo ay walang kapangyarihan sa atin maliban kung tulutan natin siya. Sa sandaling maghimagsik tayo sa anumang nagmumula sa Diyos, nananaig ang diyablo’ (Teachings of the Prophet Joseph Smith, sel. Joseph Fielding Smith, Salt Lake City: Deseret Book Co., 1938, p. 181)” (“The Great Imitator,” Ensign, Nob. 1987, 35).

Eter 15:19–30. Ang mga bunga ng paghihiganti at galit

Ang sumusunod na pahayag ni Elder David E. Sorensen ng Pitumpu ay naghihikayat sa atin na magpatawad sa halip na magpadala sa galit o hangaring maghiganti:

“Kapag sinaktan tayo o ang mga taong mahal natin, halos nakapanlulumo ang pasakit na iyan. Para bang ang pasakit o kawalang katarungang iyon ang siyang pinakamahalaga sa mundo, at ang dapat nating gawin ay maghiganti lamang. Ngunit si Cristo, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ay tinuruan tayo ng mas magandang paraan. Maaaring napakahirap patawarin ang pananakit sa atin ng isang tao, ngunit kapag nagpatawad tayo, mas gaganda ang buhay natin sa hinaharap. Hindi na makokontrol ng pagkakamali ng sinuman ang ating buhay. Kapag pinatawad natin ang iba, malaya tayong makakapili kung paano tayo mamumuhay. Ang pagpapatawad ay nangangahulugang hindi na madidiktahan ng mga problema ng nakaraan ang ating tadhana, at makakatuon tayo sa hinaharap nang may pagmamahal ng Diyos sa ating mga puso” (“Ang Kapatawaran ay Papalitan ang Kapaitan ng Pagmamahal,” Ensign o Liahona, Mayo 2003, 12).