Home-Study Lesson
Eter 4–12 (Unit 30)
Pambungad
Ang lesson na ito ay nakatuon sa Eter 12:23–41. Itinuro ni Moroni kung bakit may mga kahinaan ang mga tao at ano ang dapat nilang gawin para madaig ang mga ito.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Eter 4–11; 12:6
Ang mga Jaredita ay umuunlad at pinagpapala kapag sila ay mabubuti
Mag-assign ng tatlong estudyante para sa pagrerebyu at pagbubuod ng mga sumusunod na kabanata gamit ang mga chapter summary: Eter 4–5; Eter 6; at Eter 7–11. Muling ipabasa sa isa pang estudyante ang Eter 12:6. Sabihin sa kanila na ibahagi sa klase ang isa o dalawang alituntunin na natutuhan nila.
Eter 12:23–41
Ipinahayag ni Moroni ang pag-aalala niya sa magiging reaksyon ng mga Gentil sa Aklat ni Mormon
Isulat ang salitang malakas sa isang panig ng pisara at ang salitang mahina sa isa pang panig ng pisara. Bigyan ng sandaling oras ang mga estudyante na pag-isipang mabuti kung ano sa pakiwari nila ang kanilang mga kalakasan at ano kaya ang ilan sa kanilang mga kahinaan o kakulangan. Ipaliwanag na sa Eter 12, itinuro ni Moroni kung paano natin madaraig ang ating mga kahinaan.
Ipabasa sa isang estudyante ang Eter 12:23–25, at sabihin sa klase na tukuyin kung ano sa pakiwari ni Moroni ang kanyang kahinaan at ng iba pang manunulat ng Aklat ni Mormon. Pagkatapos ay itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod:
-
Anong kahinaan ang binanggit ni Moroni sa mga talatang ito?
-
Ano ang ipinag-aalala ni Moroni na mangyayari dahil sa kahinaan ng mga taong sumulat ng Aklat ni Mormon?
Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, sabihin sa kanila na basahin nang tahimik ang tugon ng Panginoon sa alalahanin ni Moroni sa Eter 12:26–27 at alamin kung bakit binibigyan tayo ng Diyos ng mga kahinaan. Kapag nabasa na ng mga estudyante ang mga talatang ito, ipaalala sa kanila na ang Eter 12:27 ay isang scripture mastery passage.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang salitang kahinaan sa mga talatang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Kapag nabasa natin sa mga banal na kasulatan ang tungkol sa ‘kahinaan’ ng tao, ang salitang ito ay kinabibilangan ng kahinaang likas na sa pangkalahatang kalagayan ng tao kung saan ang pisikal na katawan ay patuloy [o palaging] nakakaapekto sa espiritu. … Gayunman, ang kahinaan ding ito ay kinapapalooban ng partikular at kani-kanya nating mga kahinaan, na inaasahang madaraig natin” (Lord, Increase Our Faith [1994], 84).
Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang pangkalahatang kalagayan ng tao na binanggit ni Elder Maxwell ay tumutukoy sa kahinaang dumating sa kalalakihan at kababaihan sa pamamagitan ng Pagkahulog ni Adan. Dahil sa Pagkahulog, lahat tayo ay lantad sa mga tukso at kahinaan ng tao bukod pa sa sarili nating mga kakulangan.
Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang isang alituntuning itinuro sa Eter 12:27. (Kung magpapakumbaba tayo ng ating sarili at mananampalataya sa Panginoon, gagawin Niya ang mahihinang bagay na maging malalakas sa atin.)
Para mahikayat na maipamuhay ang alituntuning itinuro sa Eter 12:27, isulat sa pisara ang mga sumusunod:
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa itaas ng papel ang mga pariralang ito. Sa ilalim ng mga pariralang ito, sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti at isulat, ngayon o mamaya, ang (1) isang kahinaan na sa pakiwari nila ay mayroon sila, (2) kung paano sila magpapakumbaba ng kanilang sarili hinggil sa kahinaang iyan, at (3) kung paano nila maipapakita ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo upang matanggap nila ang Kanyang tulong, o biyaya, para madaig nila ang kahinaang isinulat nila.
Kapag tapos na sila, hikayatin ang mga estudyante na ilagay ang papel sa kanilang personal journal o iba pang lugar kung saan madalas nila itong makikita at mapapaalalahanan sila ng gagawin nila. Magpatotoo sa mga estudyante na kapag mapagkumbaba nilang sinikap na madaig ang kanilang mga kahinaan, ang Panginoon ay tutulong na “[magawa] ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27).
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Eter 12:26, 28 para malaman kung ano pa ang itinugon ng Panginoon sa pag-aalala ni Moroni tungkol sa kanyang kahinaan sa pagsusulat. Maaari mong itanong ang mga sumusunod:
-
Sa Eter 12:26, binanggit ni Moroni ang kaamuan, na ibig sabihin ay mabait, mapagkumbaba, at masunurin sa kalooban ng Diyos. Sa inyong palagay, bakit kailangan ang kaamuan para hindi mapagtuunan ng pansin ang mga kahinaan ng iba?
-
Paano tayo matutulungan ng biyaya ng Panginoon (Kanyang tulong o banal na kapangyarihan) na huwag samantalahin ang mga kahinaan ng ibang tao?
Bigyang-diin na kapag nagkaroon tayo ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa, tutulungan tayo ng biyaya ng Panginoon kapag naharap tayo sa mga kahinaan ng ibang tao. Ibuod ang Eter 12:29–32 na ipinapaliwanag na muling binanggit ni Moroni ang tungkol sa kahalagahan ng pananampalataya at ng mga patunay at mga himalang dala nito. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Eter 12:33–35 at tukuyin ang isinulat ni Moroni tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao.
Itanong: Bakit mahalagang magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao kapag nakita natin ang mga kahinaan ng ibang tao?
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa kanilang kaklase kung ano ang pagsisikapan nilang gawin para lubos na magkaroon ng biyaya ni Jesucristo sa kanilang buhay. Kung may oras pa, maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase kung paano nakaapekto sa kanilang buhay ang pagsisikap na mas mapalapit kay Jesucristo.
Susunod na Unit (Eter 13–Moroni 7)
Sa paghahanda ng mga estudyante na pag-aralan ang susunod na unit, hikayatin sila na pag-isipan ang sumusunod: Paano kung ang lahat ng iyong kaibigan at pamilya ay napatay at ikaw na lang ang natirang buhay na tapat sa ebanghelyo ni Jesucristo? Kapwa naranasan nina Eter at Moroni ang ganitong uri ng pag-iisa. Paano mo matitiis ang anumang pagsubok at matatamo ang buhay na walang hanggan? Ipinaliwanag sa Moroni 7 kung bakit kailangan ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao para matamo ang mga kaloob na ito.