Library
Lesson 106: Helaman 1–2


Lesson 106

Helaman 1–2

Pambungad

Nang mamatay na si Pahoran, pinagtalunan ng mga Nephita kung sino ang dapat na sumunod na punong hukom. Ang kanyang anak na si Pahoran ang nahirang sa pamamagitan ng tinig ng mga tao. Gayunpaman, ang bagong punong hukom ay pinatay ni Kiskumen, na lihim na nakipagsabwatan sa paggawa nito. Sinamantala ng mga Lamanita ang pagtatalu-talo at pagkakahati-hating ito at sinakop ang kabiserang lunsod ng Zarahemla. Nabawi ng mga Nephita ang Zarahemla, at napatay si Kiskumen nang tangkain niyang patayin si Helaman (anak ni Helaman), ang bagong punong hukom.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Helaman 1

Nagkaroon ng pagkahati-hati sa mga Nephita dahil sa alitan at pagtatalu-talo kaya nasakop ng mga Lamanita ang Zarahemla

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod:

Helaman 1:1–4. Ano ang dahilan ng alitan at pagkakahati-hati sa mga Nephita?

Helaman 1:5–8. Sino ang hinirang na punong hukom, at ano ang naging reaksyon ng kanyang dalawang kapatid?

Simulan ang lesson sa pagsasabi sa mga estudyante na ilarawan ang pagkakaiba ng pagtalakay sa isyu at pagtatalo tungkol sa isyu. Kung kailangang tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga pagkakaibang ito, sabihin sa kanila na isipin ang mga sumusunod na sitwasyon at tukuyin kung alin dito ang mga halimbawa ng pagtatalo. (Dapat matukoy nila ang pangalawa at pangatlong sitwasyon.)

  1. Pagpapaliwanag ng pananaw mo nang mahinahon at tumpak

  2. Pagpapakita ng hindi paggalang sa taong iba ang pananaw sa pananaw mo

  3. Paniniwala na mas mahalagang manalo sa isang argumento kaysa sa kapakanan ng ibang tao

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga panganib na dulot ng alitan at pagtatalo habang pinag-aaralan nila ang Helaman 1. Hikayatin sila na isipin ang mga bagay sa buhay nila na kakikitaan ng alitan at pagtatalo.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang mga talatang isinulat mo sa pisara at alamin ang mga sagot sa mga katumbas na tanong. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.

Magdrowing sa pisara ng daan, at lagyan ito ng label na pagtatalo.

daan

Ipaliwanag na ang pagtatalo ay parang daan na nauuwi sa iba pang mga kasalanan at di-magagandang resulta. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 1:9.

Sabihin sa klase na alamin ang kinahinatnan ng alitan at pagtatalo ng mga Nephita. (Pagpatay.) Isulat ang salitang pagpatay sa pisara, malapit sa drowing na daan.

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na basahin ang Helaman 1:10–12, at tukuyin ang ginawa ni Kiskumen at ng mga taong nag-utos sa kanya para pagtakpan ang ginawa niyang pagpatay.

  • Bakit gusto ni Kiskumen at ng kanyang mga tagasunod na ilihim ang kanilang mga ginawa?

  • Ano ang ilang halimbawa ngayon ng mga taong pinipilit na ilihim ang kanilang masasamang gawain? (Maaaring kasama sa sagot ang pagsisinungaling sa mga magulang o sa mga bishop o branch president kapag iniinterbyu.)

  • Bakit hindi makatutulong na pagtakpan ang mga kasalanan ng isang tao?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 1:18–21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang iba pang mga resulta ng alitan at pagtatalo ng mga Nephita. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, ipasulat sa kanila ang kanilang mga sagot sa nakadrowing na daan sa pisara. Maaari mo ring sabihin sa kanila na magsulat ng iba pang mga resulta ng pagtatalo na nasaksihan nila.

Ibuod ang Helaman 1:22–30 na ipinapaliwanag na matapos sakupin ng mga Lamanita ang Zarahemla, natalo sila ng mga hukbo ng mga Nephita sa isang digmaan kung saan marami ang napatay.

Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang alituntunin tungkol sa pagtatalo na natutuhan nila mula sa pag-aaral ng Helaman 1. Ang isang alituntunin na maaaring matukoy ng mga estudyante ay madali tayong maipluwensyahan ng kaaway kapag nagkakagalit o nagtatalu-talo tayo. Maaari mo itong isulat sa pisara.

Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan at maipamuhay ang alituntuning ito, maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod:

  • Kung ang isang dalagita ay nakikipagtalo sa kanyang mga magulang dahil sa kanyang mga kaibigan, paano nito maaaring maapektuhan ang pagsunod niya sa payo ng kanyang mga magulang sa iba pang mga aspeto ng kanyang buhay?

  • Kung may alitan ang magkakapatid, paano kaya maaapektuhan ang relasyon nila sa isa’t isa hanggang pagtanda nila? Paano nito maaapektuhan ang buong pamilya?

  • Sa paanong paraan madaling maimpluwesyahan ni Satanas ang mga miyembro ng ward o branch ng Simbahan na may alitan?

  • Kung galit ang isang binatilyo sa isang kasama niya sa priesthood quorum, paano makakaapekto sa mga ginagawa niya sa simbahan ang nararamdaman niyang ito? Paano nito maaapektuhan ang pagsisimba niya?

  • Paano tayo pinapahina ng alitan at pagtatalo sa mga oras na nahaharap tayo sa tukso?

Sabihin sa mga estudyante na magbigay ng iba pang mga sitwasyon na nagpapakita na madali tayong matangay sa pakana ng kaaway kapag nagkakagalit tayo.

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong isipin kung saang aspeto ng buhay nila maaaring nakakaragdag sila sa pagtatalu-talo. Sabihin sa kanila na tukuyin ang isang partikular na gagawin nila para maiwasan nila ang pakikipagtalo.

Helaman 2

Si Helaman ay naging punong hukom, at isang tagasilbi niya ang humadlang kay Kiskumen sa pagpatay sa kanya

  • Bakit mas magandang itama ang pagkakamali kaysa pagtakpan ito?

  • Bakit kaya pinagtatakpan ng isang tao ang isang bagay na ginawa niya?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Helaman 2:3–4 at D at T 58:43.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang pagkakaiba ng paraang gusto ng Panginoon na gawin natin sa pagharap sa kasalanan at ang paraan ng mga tulisan ni Gadianton sa pagharap sa kasalanan?

Ipaliwanag na sa Helaman 2, nabasa natin ang tungkol sa pagtatangka ni Kiskumen na patayin si Helaman, ang sumunod na punong hukom. Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay mga mamamahayag o reporter sila na nag-uulat sa tangkang pagpatay sa punong hukom. Sabihin sa kanila na basahin ang Helaman 2:2–9 kasama ang kanilang kapartner at sumulat ng headline na naglalaman ng buod ng nangyari. Sabihin sa ilang estudyante na basahin ang kanilang headline sa klase.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Helaman 2:10–11, at alamin ang ginawang aksyon ni Helaman laban sa mga tulisan ni Gadianton. Ipabuod sa isang estudyante ang mga talatang ito.

Ipaliwanag na ang pangkat ni Gadianton ay isang halimbawa ng lihim na pagsasabwatan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 2:12–14. Sabihin sa klase na tukuyin ang epekto ng mga lihim na pagsasabwatan sa mga Nephita.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa panganib na dulot ng lihim na pagsasabwatan? (Sa pagsagot ng mga estudyante, tiyakin na malinaw na naunawaan ang sumusunod na katotohanan: Ang mga lihim na pagsasabwatan ay maaaring humantong sa pagkawasak ng lipunan. Maaari mong ipaliwanag na bukod sa pagkawasak na idudulot nito sa mga Nephita, ang mga lihim na pagsasabwatan ay naging sanhi rin ng pagkalipol ng mga Jaredita, na mababasa ng mga estudyante sa aklat ni Eter; tingnan sa Eter 8:20–21.)

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga ilang halimbawa ng mga lihim na pagsasabwatan sa panahon natin ngayon:

Elder M. Russell Ballard

“Itinuturo ng Aklat ni Mormon na ang mga lihim na sabwatan sa paggawa ng krimen ay isang malaking hamon, hindi lamang sa mga tao at pamilya kundi sa buong sibilisasyon. Kabilang sa mga lihim na sabwatan ngayon ang mga gang, mga grupong nagkakalat ng droga, at mga samahang gumagawa ng planadong krimen. …

“Kung hindi tayo maingat, ang mga lihim na pagsasabwatan ngayon ay maaaring magkaroon ng agaran at lubusang kapangyarihan at impluwensya sa atin gaya noong panahon ng Aklat ni Mormon. …

“… [Ang diyablo] ay gumagamit ng mga lihim na pagsasabwatan, kabilang na ang masasamang barkada, ‘sa bawat salinlahi ayon sa kanyang kakayahang mahawakan ang mga puso ng mga anak ng tao.’ [Helaman 6:30.] Ang kanyang layunin ay wasakin ang mga tao, pamilya, komunidad, at bansa. [Tingnan sa 2 Nephi 9:9.] Sa ilang pagkakataon, nagtagumpay siya sa panahon ng Aklat ni Mormon. At sa panahong ito ay lalo pa siyang nagtatagumpay. Iyan ang dahilan kaya napakahalaga para sa atin … na matatag na manindigan sa katotohanan at tama sa pamamagitan ng paggawa ng kung anumang magagawa natin para manatiling ligtas ang ating komunidad” (“Standing for Truth and Right,” Ensign, Nob. 1997, 38).

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila maipamumuhay ang itinuro ni Elder Ballard. Sabihin sa kanila na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal kung ano ang gagawin nila para maiwasan ang anumang uri ng lihim na pagsasabwatan at ano ang gagawin nila para “matatag na manindigan sa katotohanan at tama” sa kanilang mga komunidad.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Helaman 1:1–21. Ang alitan at pagtatalo ay nakakapinsala

Ang aklat ni Helaman ay naglalahad ng panahon na labis ang kasamaan ng mga Nephita. Dumami ang mga tulisan ni Gadianton, at naranasan ng mga tao ang paulit-ulit na kasamaan, pagkawasak, at pagsisisi, at pagbalik muli sa kasamaan. Marami sa mga problemang ito ay nagsimula sa alitan at pagtatalo, tulad ng inilarawan sa unang kabanata ng Helaman. May mga tao na itinuturing na maliit na kasalanan lang ang pagtatalo. Gayunman, sa dalawang sumusunod na pahayag ng mga propeta ngayon, binigyang-diin na mabigat na kasalanan ito:

Nagbabala si Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan, “Kapag may pagtatalo, lalayo ang Espiritu ng Panginoon, kahit sino pa ang may kasalanan” (“What I Want My Son to Know before He Leaves on His Mission,” Ensign, Mayo 1996, 41).

Nagbabala rin si Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang katiwalian, panloloko, alitan, pagtatalo, at ibang mga kasamaan sa mundong ito ay hindi nagkataon lamang. Ang mga ito ay katibayan ng walang awang paghahasik ng kasamaan ni Satanas at ng kanyang mga alagad. Ginagamit niya ang bawat pakana at pamamaraan upang linlangin, lituhin, at iligaw ang tao” (“Deep Roots,” Ensign, Nob. 1994, 76).

Kabaligtaran ng mapaminsalang epekto ng alitan at pagtatalo, binigyang-diin ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang pagkakaisa at kapayapaan na dulot ng Espiritu ng Panginoon:

“Kapag nadama ng mga tao ang Espiritung ito, makakaasa tayo na may pagkakasundo. Ang Espiritu ang naglalagay ng patotoo tungkol sa katotohanan sa ating puso, na pinag-iisa ang mga taong may gayong patotoo. Ang Espiritu ng Diyos ay hindi kailanman lumilikha ng pagtatalo (tingnan sa 3 Ne. 11:29). Hindi nito kailanman ipinadarama sa mga tao ang pagkakaiba nila na nagiging sanhi ng alitan (tingnan sa Joseph F. Smith, Gospel Doctrine, ika-13 ed. [1963], 131). Nagdudulot ito ng kapanatagan sa bawat tao at ng pagnanais na makiisa sa kapwa-tao. Pinagkakaisa nito ang mga kaluluwa. Nagkakaisa ang pamilya, nagkakaisa ang Simbahan, at payapa ang mundo kapag nagkakaisa ang mga tao” (“That We May Be One,” Ensign, Mayo 1998, 67).