Lesson 107
Helaman 3–4
Pambungad
Sa panahong ito sa kasaysayan sa Aklat ni Mormon, nakaranas ng kapayapaan ang mga Nephita ngunit hindi pa rin nawala ang mga alitan at pagtatalo. Libu-libong Nephita ang sumapi sa Simbahan sa panahon ng kapayapaan. Kasunod ng napakalaking pag-unlad na ito, nagsimulang maging palalo ang mga tao. Gayunman, mas lumakas ang pananampalataya ng mga mapagkumbabang miyembro ng Simbahan, kahit inuusig o kinukutya sila ng mga palalo. Dahil sa kasamaan ng karamihan sa mga Nephita, nasakop ng mga Lamanita ang lahat ng kanilang lupain sa katimugan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Helaman 3
Maraming Nephita ang dumayo pahilaga, habang umuunlad ang Simbahan sa gitna ng kasamaan at pang-uusig
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na salita (maaaring gawin mo ito bago magklase):
Itanong sa mga estudyante kung alin sa taong nakalista sa pisara, ang sa palagay nila ay makokontrol nila. Pagkatapos ay ipataas ang kanilang kamay kung may pagkakataong nalungkot sila dahil sa ginawa ng iba. Sabihin sa kanila na panatilihing nakataas ang kanilang kamay kung nalungkot ba sila dahil sa di mabuting ginawa ng iba kamakailan. Ipaliwanag na sa pag-aaral nila ng Helaman 3, makakakita sila ng ideya tungkol sa mga maaari nilang gawin kapag napapalibutan sila ng mga taong hindi ipinapamuhay ang ebanghelyo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 3:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at hanapin ang paulit-ulit na pagbanggit sa pariralang “hindi nagkaroon ng alitan.” Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Helaman 3:3, 19, na tinutukoy ang mga salita o parirala na nagsasaad ng dahilan ng mga pagbabago sa mga Nephita.
-
Sa inyong palagay, bakit bigla na lamang nagkaroon ng matinding alitan at pagtatalo sa mga Nephita?
Ibuod ang Helaman 3:3–16 na ipinapaliwanag na sa panahong ito ng alitan at pagtatalo, maraming Nephita ang nandayuhan sa hilaga.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 3:20. Sabihin sa klase na alamin kung paano inilarawan si Helaman sa panahong ito ng alitan at pagtatalo.
-
Ano ang naiisip mo sa ipinakitang halimbawa ni Helaman sa panahong ito ng alitan? (Sa pagsagot ng mga estudyante, maaari mong imungkahi na markahan nila ang salitang patuloy sa Helaman 3:20.)
Sabibin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Helaman 3:22–26 at alamin kung bakit nabago ang sitwasyon sa mga Nephita.
-
Ano ang ikinagulat ng mga lider ng Simbahan?
-
Ano ang matututuhan natin sa mga talatang ito tungkol sa maaaring maging impluwensya ng Simbahan sa mga tao?
Ipaalala sa mga estudyante na habang inihahanda ni Mormon ang talaan ng Aklat ni Mormon, ipinapahiwatig niya paminsan-minsan ang mga aral na gusto niyang matutuhan ng mga mambabasa sa ilang mga tala. Halimbawa sa Helaman 3, ginamit niya ang mga pariralang “sa gayon makikita natin,” “sa gayon nakikita natin” at “nakikita natin” sa simula ng kanyang mga pagtuturo. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Helaman 3:27–30 at alamin ang mga aral na gusto ni Mormon na matutuhan natin. Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, itanong:
-
Ano ang gusto ni Mormon na malaman natin tungkol sa salita ng Diyos?
Bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-isipan kung paano nakatulong sa kanila ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa pagkamit ng mga pagpapala tulad sa ipinangako sa Helaman 3:29. Maaari kang tumawag ng ilang estudyante para magbahagi ng kanilang mga karanasan.
Ipaliwanag na isinalaysay sa natitirang bahagi ng Helaman 3 kung paano lumaganap ang kapalaluan sa mga Nephita matapos ang napakalaking pag-unlad. Maraming mapagkumbabang miyembro ng Simbahan ang nakaranas ng pag-uusig mula sa ibang mga miyembro ng Simbahan na mapagmataas. Basahin nang malakas ang mga sumusunod na sitwasyon. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung kailan sila nakakita o nakaranas ng gayon ding mga sitwasyon.
-
Pinagtatawanan ng isang dalagita ang isa pang dalagita sa ward nila.
-
Tinutukso ng isang binatilyo ang isang miyemro ng kanyang korum dahil lagi itong sumasagot sa mga tanong sa klase o nagboboluntaryo sa mga tungkulin sa priesthood.
-
Isang grupo ng mga binatilyo sa ward ang hindi isinasali ang isa pang binatilyo sa kwentuhan nila at sa mga aktibidad sa labas ng simbahan.
-
Pinipintasan ng isang grupo ng mga kabataang babae ang mga suot na damit ng ibang mga dalagita.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 3:33–34. Sabihin sa klase na alamin ang mga pagkakatulad ng sitwasyon ng mga Nephita at ng mga sitwasyon na inilarawan sa itaas. Matapos sumagot ang mga estudyante, itanong ang mga sumusunod:
-
Sa palagay ninyo, bakit itinuturing ng mga Nephita na “malaking kasamaan” ang pag-uusig ng mga miyembro ng Simbahan sa isa’t isa?
-
Anong mga alituntunin ng ebanghelyo ang nalalabag natin kapag minamaltrato o sinusungitan natin ang ibang mga miyembro ng Simbahan? Paano natin mapapatibay ang pagmamahal natin sa ating mga kamiyembro?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Helaman 3:35 at alamin ang reaksyon ng higit na mapagpakumbabang mga Nephita sa pag-uusig sa kanila.
-
Ang pananampalataya ba ng mga taong inuusig at inaapi ay nadagdagan, nabawasan, o nanatili pa rin?
-
Ano ang mga ginawa ng mga inusig at inaping mga tao na nagpalakas ng kanilang pananampalataya? (Sila ay nag-ayuno at nanalangin nang madalas, sinikap na magpakumbaba, at inihandog ang kanilang mga puso sa Diyos.)
-
Maliban pa sa napalakas na pananampalataya, ano pa ang kinahinatnan ng mga ginawa ng mapagpakumbabang mga Nephita? (Kagalakan, kasiyahan, at pagpapadalisay at pagpapakabanal ng kanilang mga puso.)
Isulat sa pisara ang sumusunod: Kapag tayo ay … , ang pananampalataya natin kay Jesucristo ay lalakas, sa kabila ng pag-uusig at pagsubok. Ipakumpleto sa mga estudyante ang pahayag na ito batay sa natutuhan nila sa Helaman 3:33–35. Maaari mong sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung paano nila kinumpleto ang pahayag. Iba-iba man ang mga sagot ng mga estudyante, tiyakin na naipahayag nila ang sumusunod na katotohanan: Kapag tayo ay naghangad na mamuhay nang mabuti, ang pananampalataya natin kay Jesucristo ay lalakas, sa kabila ng pag-uusig at pagsubok. Para matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pang-unawa sa mga turo sa mga talatang ito, maaari mong itanong ang mga sumusunod:
-
Paano nakatulong sa inyo ang panalangin at pag-aayuno sa panahon ng pag-uusig o pagsubok?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ihandog o ibaling ang inyong puso sa Diyos?
-
Bakit mahalaga na ihandog ang inyong puso sa Diyos para mapalakas ang inyong pananampalataya sa oras ng pag-uusig o pagsubok?
Itanong sa mga estudyante kung nadama nilang lumakas ang pananampalataya nila nang hinarap nila nang tama ang pag-uusig. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.
Para maihanda ang mga estudyante sa pag-aaral ng Helaman 4, sabihin sa kanila na basahin nang tahimik ang Helaman 3:36. Sabihin sa kanila na alamin ang kalagayan ng halos lahat ng mga Nephita. (Ang mga Nephita ay lalong naging palalo, sa kabila ng mga halimbawa ng mga mapagpakumbabang tagasunod ni Cristo.)
Helaman 4
Dahil sa kasamaan, ang Espiritu ng Panginoon ay lumisan sa mga Nephita, at nasakop ng mga Lamanita ang lahat ng lupaing patimog ng mga Nephita
Ipaliwanag na nakalahad sa Helaman 4:4–8 ang pakikidigma ng mga Nephita sa mga Lamanita at sa mga tumiwalag sa mga Nephita. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga talatang ito. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung anong mga lupain ng mga Nephita ang nasakop sa labanang ito.
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na instruksyon. (Maaari mo itong gawin bago magsimula ang klase.) Sabihin sa mga estudyante na kopyahin ang mga ito sa kanilang notebook o sa scripture study journal.
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na magkasamang basahin ang Helaman 4:11–13, 23–26, at hanapin at isulat ang mahahalagang parirala ayon sa mga instruksyon sa pisara.
Sabihin sa ilang magkakapartner na ibahagi ang kanilang mga sagot. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang isinulat nila, maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga sumusunod na parirala sa kanilang banal na kasulatan: “naiwan sa kanilang sariling lakas” (Helaman 4:13), “sila ay naging mahihina” (Helaman 4:24), at “sa gayon sila naging mahihina” (Helaman 4:26).
Itanong sa mga estudyante kung anong mga alituntunin ang matutukoy nila sa pag-aaral ng Helaman 4. Tulungan silang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Ang kapalaluan at kasamaan ay nagpapahiwalay sa atin sa Espiritu ng Panginoon at naiiwan tayo sa sarili nating lakas. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito. Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na isulat ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Helaman 4:23–24.
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, papuntahin sa harap ng klase ang isa sa kanila. Sabihin sa estudyante na kunwari ay itinalaga siya na mag-isang labanan ang mga Lamanita. Itanong sa estudyante kung ano ang tyansa niyang manalo laban sa napakalaking hukbo. Papuntahin ang isa pang estudyante sa harap ng klase at patayuin sa tabi ng unang estudyante. Itanong sa unang estudyante kung madaragdagan ba ang tyansa niyang manalo laban sa hukbo ng kaaway kung tutulungan siya ng pangalawang estudyante. (Laban sa napakakalaking hukbo, hindi gaanong makakadagdag sa tyansang manalo ang pagdagdag sa pangalawang estudyante.) Pagkatapos ay isulat sa pisara ang Ang Panginoon. Tanungin ang unang estudyante:
-
Ano sa palagay mo ang tyansa mong manalo sa digmaan kung nasa panig mo ang Panginoon?
Itanong sa mga estudyante kung paano nauugnay ang aktibidad na ito sa alituntuning tinukoy sa Helaman 4. Maaari mong itanong ang sumusunod:
-
Sa karanasan ng mga Nephita, ang maiwan sa kanilang sariling lakas ay nangangahulugan ng pagkatalo sa mga digmaan at pagkawala ng mga lupain. Anong mga “digmaan” ang maaaring ikatalo natin kung wala sa atin ang Espiritu Santo?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang isang bagay na magagawa nila para mapanatili sa buhay nila ang Espiritu Santo, at hikayatin silang gawin iyon. Magpatotoo tungkol sa kahalagahan ng Espiritu sa inyong buhay.