Library
Lesson 109: Helaman 6–7


Lesson 109

Helaman 6–7

Pambungad

Matapos ang pangangaral nina Nephi at Lehi, lalong naging mabuti ang mga Lamanita. Ngunit ang mga Nephita ay naging masama at sinimulang suportahan ang mga tulisan ni Gadianton, at ang Espiritu ng Panginoon ay lumayo sa kanila. Ipinropesiya ni Nephi na kung patuloy na mamumuhay nang masama ang mga Nephita, sila ay malilipol. Ipinropesiya rin niya na dahil sa kabutihan ng mga Lamanita, ang Panginoon ay magiging maawain sa kanila at pangangalagaan sila.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Helaman 6

Ang mga Lamanita ay naging mabuti at nilabanan ang mga tulisan ni Gadianton, samantalang lumubha naman ang kasamaan ng mga Nephita at sinuporthan ang mga tulisan ni Gadianton

Idrowing sa gitna ng pisara ang sumusunod na diagram:

arrow na pataas

Sabihin sa mga estudyante na tukuyin at pag-isipan ang mga pag-uugali at kilos na nagpalakas ng impluwensya ng Espiritu Santo sa kanilang buhay at yaong mga nagpahina ng impluwensya ng Espiritu Santo.

Ipaliwanag na itinala ni Mormon na inilayo ng Panginoon ang Kanyang Espiritu mula sa mga Nephita at nagsimulang ibuhos ang Kanyang Espiritu sa mga Lamanita (tingnan sa Helaman 6:35–36). Ipaalala sa mga estudyante na ang mga Nephita ay “naging mahihina, dahil sa kanilang pagkakasala” (Helaman 4:26). “Hindi na sila pinangangalagaan pa ng Espiritu ng Panginoon” (Helaman 4:24), at sila ay “nahihinog na para sa pagkalipol” (Helaman 5:2).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 6:2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang mga kilos at pag-uugali na naging dahilan para patuloy na “[mahinog] para sa walang hanggang pagkawasak” ang mga Nephita (Helaman 6:40). Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, ipasulat sa isang estudyante ang kanilang mga sagot sa bandang ibaba ng kalahati ng pisara, o malapit sa arrow na pababa.

Ipaalala sa mga estudyante na dahil sa pangangaral nina Nephi at Lehi noong nakaraang taon, libu-libong Lamanita sa Zarahemla ang nabinyagan, at karamihan sa mga Lamanita sa lupain ng Nephi ay nagbalik-loob sa ebanghelyo (tingnan sa Helaman 5:19–20, 50–51). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 6:1, 3–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga kilos at pag-uugali na nagpalakas ng impluwensya ng Espiritu sa mga Lamanita. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, ipasulat sa isang estudyante ang kanilang mga sagot sa kalahati ng pisara, sa bandang itaas o sa tabi ng arrow na paturo sa itaas.

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng maging matibay at matatag sa pananampalataya? (Tingnan sa Helaman 6:1.)

  • Paano tumugon ang mga tao ng Simbahan sa pagbabalik-loob ng mga Lamanita? (Maaari mong ipaliwanag na ang pagbabahagi ng ebanghelyo at pakikipagkapatiran sa mga Banal ay magdudulot ng malaking kagalakan, kahit napapalibutan tayo ng kasamaan.)

Ibuod ang Helaman 6:7–14 na ipinapaliwanag na sa humigit-kumulang na tatlong taon, ang mga Nephita at mga Lamanita ay nakaranas ng kapayapaan. Sa paglago ng industriya at kalakalan sa pagitan nila, kapwa sila nagsiunlad. Ngunit noong ika-66 na taon ng panunungkulan ng mga hukom, dalawang punong hukom ang pinaslang. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 6:16–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin pa ang mga pag-uugali at kilos na naging dahilan ng paglayo ng Espiritu mula sa mga Nephita. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, ipasulat sa isang estudyante ang kanilang mga sagot sa bandang ibaba ng kalahati ng pisara, o malapit sa arrow na paturo sa ibaba.

Ibahagi ang mga sumusunod na impormasyon sa iyong mga estudyante:

Ang puso ay kailangan ng ating katawan para mabuhay. Binobomba nito ang dugo sa ating mga katawan upang makarating ang hangin at iba pang sustansya sa lahat ng ating selula. Halos kasinglaki lang ng kamao, ang pangkaraniwang puso ng tao ay nakakapagbomba ng 2,000 galon (7,570 litro) ng dugo araw-araw. Tumitibok ito nang mga 70 beses kada minuto, o 100,000 tibok kada araw.

  • Batid na mahalaga ang inyong puso, ano ang handa ninyong gawin para mapanatiling malusog ito?

Isulat ang mga sumusunod na scripture reference sa pisara: Helaman 6:17, 21, 26, 28–31. Ipaliwanag na bawat talata sa reference na ito ay ginamit ang salitang puso o mga puso, na tumutukoy sa ating mga espirituwal na puso. Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali para pag-aralan ang mga talatang ito at pag-isipan ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong. (Para makatipid sa oras, isulat sa pisara ang mga tanong na ito bago magklase o ihanda ang mga ito bilang handout na matitingnan ng mga estudyante habang pinag-aaralan nila ang mga talatang nakalista sa pisara.)

Sa inyong palagay, bakit labis ang paghahangad ni Satanas sa mga puso ng mga anak ng Diyos?

Ano ang ginawa ng mga Nephita na nagbigay ng kakayahan kay Satanas na mahawakan ang kanilang mga puso? (Tingnan sa Helaman 6:17.)

Ano ang nangyayari sa tao kapag naiimpluwensyahan o nakokontrol ni Satanas ang puso nito? (Tingnan sa Helaman 6:21, 28, 30–31.)

Magtawag ng ilang estudyante para sagutin ang mga tanong. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na makinig nang mabuti para matukoy ang mga paraang ginagawa ni Satanas upang maitanim ang mga tukso sa ating mga puso.

Pangulong Boyd K. Packer

“Maaaring magkaroon ng huwad na paghahayag, mga pahiwatig mula sa diablo, mga tukso! Hangga’t nabubuhay kayo, sa alinmang paraan ang kaaway ay laging magtatangkang iligaw kayo. …

“Kung makatanggap man kayo ng pahiwatig na gawin ang isang bagay na hindi komportable sa pakiramdam ninyo, isang bagay na alam ninyo sa isipan ninyo na mali at salungat sa mga alituntunin ng kabutihan, huwag pansinin ito!” (“Personal Revelation: The Gift, the Test, and the Promise,” Ensign, Nob. 1994, 61).

Idagdag ang pakikinig at pagpapadala sa tukso sa listahan sa bandang ilalim ng kalahati ng pisara. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Helaman 6:20–21, 37–38. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang iba’t ibang reaksyon ng mga Lamanita at ng mga Nephita sa impluwensya ng mga tulisan ni Gadianton.

Sabihin sa mga estudyante na matapos itala ni Mormon ang nangyari sa mga Nephita at mga Lamanita, itinuro niya ang mga aral na matututuhan natin mula sa kanilang karanasan. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na di-kumpletong pahayag:

Nawala sa mga Nephita ang Espiritu dahil …

Ibinuhos ng Panginoon ang Kanyang Espiritu sa mga Lamanita dahil …

Sabihin sa klase na basahin ang Helaman 6:34–36, at hanapin ang impormasyon na makatutulong sa kanila na makumpleto ang mga pahayag sa pisara.

  • Batay sa nabasa ninyo sa mga talatang ito, paano ninyo kukumpletuhin ang mga pahayag sa pisara? (Maaari mong kumpletuhin ang mga pahayag sa pisara gamit ang mga sagot ng mga estudyante.)

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa magagawa natin para mapasaatin ang Espiritu? (Iba-iba man ang isagot ng mga estudyante, tiyakin na naipahayag nila na kapag tayo ay naniniwala at sumusunod sa mga sinabi ng Panginoon, ibubuhos Niya ang Kanyang Espiritu sa atin. Dapat ding maipahayag ng mga estudyante na kapag tinutulutan natin si Satanas na impluwensyahan ang ating mga puso, ang Espiritu ng Panginoon ay lilisan sa atin.)

Ituon ang pansin ng mga estudyante sa listahang isinulat nila sa itaas at ibaba ng mga arrow sa pisara. Ipaliwanag na ang mga kilos at pag-uugali na nakasulat sa bandang itaas ng kalahati ng pisara ay naglalarawan ng kahandaang maniwala at sumunod sa mga salita ng Panginoon, samantalang ang nasa bandang ibaba ng kalahati ng pisara ay naglalarawan ng kasamaan at katigasan ng puso.

  • Ano ang ginagawa ninyo para masiglang maanyayahan ang Espiritu Santo sa inyong buhay at maalis sa puso ninyo ang impluwensya ni Satanas?

  • Paano nakatulong sa inyo ang paggawa ng isa sa mga kilos na nakasulat sa itaas ng kalahati ng pisara para maanyayahan ninyo ang Espiritu Santo sa inyong buhay? (Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na isipin kung may ginawa ba sila sa alinman sa mga kilos na iyon o naging ugali ba nila ang alinman sa nakalista sa ilalim ng kalahati ng pisara at isipin kung paano ito nagpahina ng impluwensya ng Espiritu sa kanilang buhay.)

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa notebook o scripture study journal ang isang bagay na gagawin nila para maanyayahan ng Espiritu ng Panginoon sa kanilang buhay. Hikayatin sila na magsikap na kamtin ang kanilang mga mithiin.

Helaman 7

Nangaral si Nephi sa masasamang Nephita at iniutos sa kanila na magsisi

Sa bawat isa sa mga sumusunod na tanong, sabihin sa mga estudyante na gamitin ang kanilang banal na kasulatan sa paghanap ng mga sagot nang mabilis hangga’t kaya nila. Sabihin sa kanila na tumayo kapag nahanap na nila ang sagot. Tawagin ang unang taong tumayo para sagutin ang tanong. Pagkatapos ay paupuin ang mga estudyante bago mo basahin ang susunod na tanong.

  • Ayon sa Helaman 7:1, ano ang pangalan ng propeta na bumalik mula sa lupaing pahilaga?

  • Anong parirala sa Helaman 7:2 ang nagsasaad ng itinuro ni Nephi sa mga tao sa lupaing pahilaga?

  • Ayon sa Helaman 7:3, bakit umalis si Nephi sa lupaing pahilaga?

  • Ayon sa Helaman 7:4, sino ang nanunungkulan sa hukumang-luklukan noong panahong bumalik si Nephi sa Zarahemla?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 7:5, at sabihin sa klase na alamin kung paano pinamunuan ng mga tulisan ni Gadianton ang mga tao.

Ibuod ang Helaman 7:6–12 na ipinapaliwanag na nang makita ni Nephi ang kalagayan ng mga tao, “napuspos ng kalungkutan ang kanyang puso” (Helaman 7:6). Umakyat siya sa tore sa kanyang halamanan at ipinagdalamhati ang kasamaan ng kanyang mga tao. Nang marinig ng mga tao ang kanyang pagdarasal at pagdadalamhati, nagtipun-tipon sila para malaman kung bakit siya naghihinagpis. Ginamit niya ang pagkakataong ito para turuan sila.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Helaman 7:15–16.

  • Ano ang sinabi ni Nephi na “nararapat [ipanggilalas]” ng mga tao?

  • Ano ang hangad ni Satanas?

Sabihin sa mga estudyante na tumigil sandali at isipin ang paglalarawang ginamit ni Nephi. Matapos mahawakan ni Satanas ang mga puso ng mga tao, ibubulid niya pababa ang kanilang mga kaluluwa sa walang hanggang kalungkutan.

  • Sa inyong palagay, bakit binalaan ni Nephi ang mga tao tungkol sa mga hangad ni Satanas? Ano ang gusto ni Nephi na iwasan nila?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Helaman 7:17–22, 26–28. Hatiin sa dalawang grupo ang klase at sabihin sa isang grupo na tukuyin ang mga kasalanan ng mga Nephita, at sabihin sa isa pang grupo na alamin ang ibinadya ni Nephi na mangyayari kapag hindi nagsisi ang mga tao.

Habang inirereport ng unang grupo ang nalaman nila, ipaliwanag ang mga pagkakatulad ng mga ito sa nakasulat sa bandang ibaba ng kalahati ng pisara. Habang nagrereport ang pangalawang grupo, itanong ang mga sumusunod:

  • Anong parirala sa Helaman 7:22 ang nagsasaad ng bagay na ipinagkakait ng Panginoon sa mga taong ayaw magsisi? (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang pariralang ito sa kanilang banal na kasulatan.)

  • Ayon sa Helaman 7:28, ano ang mangyayari kapag ayaw magsisi ng mga tao? (Malilipol sila. Maaari mong ipaliwanag na sa sitwasyon ng mga Nephita, ang hindi nila pagsisisi ay nangangahulugan ng pagkalipol sa pisikal at espirituwal.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Kung hindi tayo magsisisi sa ating mga kasalanan, mawawala sa atin ang proteksyon ng Panginoon at ang mga pagpapala ng buhay na walang hanggan.

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, sabihin sa kanila na ipaliwanag ang mga kahihinatnan ng mga tao sa mga sumusunod na sitwasyon: (1) Isang binatilyo ang ayaw pagsisihan ang pagkalulong sa pornograpiya, (2) Ang pinakaunang prayoridad ng isang dalagita ay maging sikat at popular, kahit hindi ito ang itinuturo ng kanyang mga magulang; (3) Kahit narinig niya ang mga turo ng mga propeta na magsaliksik ng mga banal na kasulatan at magdasal, hindi ito sinunod ng isang binatilyo.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga bagay na kailangan nilang pagsisihan. Hikayatin silang magsisi upang palaging nasa kanilang buhay ang lakas at pangangalaga ng Panginoon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Helaman 6:35–36. “Ang Espiritu ng Panginoon ay nagsimulang lumayo”

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang ating mga pinipili at ikinikilos ay maaaring maging sanhi ng paglayo natin sa Banal na Espiritu:

“Dapat sikapin din nating malaman kung ‘inilalayo [natin] ang sarili sa Espiritu ng Panginoon, upang yaon ay mawalan ng puwang sa [atin] na [tayo] ay patnubayan sa mga landas ng karunungan nang [tayo] ay pagpalain, paunlarin, at pangalagaan’ (Mosias 2:36). Kaya nga ang pangakong pagpapala ay nang sa tuwina ay mapasaatin ang Kanyang Espiritu, dapat tayong makinig at matuto sa mga pagpili at impluwensyang naglalayo sa atin sa Espiritu Santo.

“Malinaw ang pamantayan. Kung may iniisip, nakikita, naririnig, o ginagawa tayong naglalayo sa atin sa Espiritu Santo, dapat tayong tumigil sa pag-iisip, pagtingin, pakikinig, o paggawa sa bagay na iyon. Kung ang layon ng isang bagay ay makalibang, halimbawa, [ngunit] naglalayo sa atin sa Espiritu Santo, walang dudang hindi para sa atin ang libangang iyon. Dahil hindi nananatili ang Espiritu sa bagay na malaswa, lapastangan, o mahalay, malinaw na hindi para sa atin ang mga bagay na yaon. Dahil itinataboy natin ang Espiritu ng Panginoon kapag ginagawa natin ang mga aktibidad na alam nating dapat iwasan, at dahil dito’y talagang hindi para sa atin ang mga bagay na iyon” (“Nang sa Tuwina ay Mapasaatin ang Kanyang Espiritu,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 30).

Helaman 6:35–36. “Nagsimulang ibuhos ng Panginoon ang kanyang Espiritu”

Nagsalita si Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan sa mga seminary at institute teacher tungkol sa ginagampanan ng Espiritu Santo sa pag-aaral ng ebanghelyo:

“Hindi makikilala at mamahalin ng ating mga estudyante ang Diyos, maliban na sila ay maturuan ng Banal na Espiritu. … Tanging sa Espiritu nila malalaman na ang Ama sa Langit at ang Kanyang nabuhay na mag-uli at niluwalhating Anak ay nagpakita kay Joseph Smith. Tanging sa Espiritu nila malalaman na ang Aklat ni Mormon ay totoong salita ng Diyos. … Tanging sa pagkakaroon ng gayong patotoo, na inilagay sa kanilang puso ng Espiritu Santo, sila matatatag sa tiyak na pundasyon upang manatiling tapat sa kabila ng mga tukso at pagsubok sa kanilang buhay” (“To Know and to Love God” [mensahe sa CES religious educators, Peb. 26, 2010], 2, si.lds.org).