Library
Lesson 110: Helaman 8–9


Lesson 110

Helaman 8–9

Pambungad

Matapos ipahayag ni Nephi na dapat magsisi ang mga tao upang hindi malipol, inudyukan ng mga hukom ang maraming tao na magalit kay Nephi. May mga tao na matapang na ipinagtanggol siya. Itinuro ni Nephi na lahat ng tao na hindi tumanggap sa kanyang patotoo ay hindi rin tinatanggap ang mga patotoo ng lahat ng propetang nauna sa kanya, na nagpatotoong lahat kay Jesucristo. Bilang patunay na siya ay isang propeta, inihayag ni Nephi na pinaslang ang punong hukom. Nang mapatunayang totoo ang sinabi ni Nephi, may ilang tao na tinanggap siya bilang propeta.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Helaman 8:1–10

Naghangad na udyukan ng mga tiwaling hukom ang mga tao laban kay Nephi

  • Anong mga impluwensya ang pilit kayong kinukumbinsi na huwag maniwala sa mga sinasabi ng mga propeta?

Habang tinatalakay ng mga estudyante ang sagot sa tanong na ito, ipasulat sa isang estudyante ang kanilang mga sagot sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mabubuting ideyang dapat nilang gawin kapag naranasan nila ang mga impluwensyang tulad ng mababasa nila sa Helaman 8 ngayon.

Ipaalala sa mga estudyante na matapang na naibigay ni Nephi ang mensahe na dapat magsisi ang kanyang mga tao (tingnan sa Helaman 7). Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Helaman 8:1–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang reaksyon ng mga tao sa mga itinuro ni Nephi. Maaari mong ipaliwanag na ilan sa mga hukom ay kabilang sa lihim na pangkat ni Gadianton.

  • Ano ang sinabi ng mga hukom sa mga tao? (Tinangka nilang udyukan ang mga tao na magalit kay Nephi.)

  • Ayon sa Helaman 8:4, bakit hindi magawang parusahan ng mga hukom si Nephi?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang gagawin nila kapag may isang tao na nagtatangkang udyukan sila na balewalain ang mga salita ng mga propeta.

Ipaalam sa mga estudyante na may ilang tao na sumalungat sa mga ideya ng mga hukom. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 8:7–9. Ipaliwanag na, tulad ng mga taong iyon, maisasatinig din natin ang pagsuporta sa propeta, kahit hindi ito ang gustong gawin ng karamihan.

  • May mga pagkakataon ba sa buhay ninyo na naisatinig ninyo ang inyong pagsuporta sa buhay na propeta, kahit hindi tanggap ng karamihan ang ang kanyang mga turo? Ano ang ginawang kaibhan nito sa inyong buhay? Paano nito naimpluwensyahan ang iba?

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na basahin ang Helaman 8:10 at alamin ang nagawang kaibhan ng mga sinabi ng mga taong ito.

  • Anong kaibhan ang nagawa ng pagsuporta ng ilang tao sa propeta? Sa palagay ninyo, bakit mahalagang gawin natin ang bagay na iyan ngayon?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder M. Russell Ballard

“Dapat nating alalahanin ang pahayag ni Edmund Burke, ‘Ang kailangan lang gawin para magtagumpay ang kasamaan ay huwag kumilos ang mabubuting tao.’ [Mula sa John Bartlett, comp., Familiar Quotations, ika-15 ed. (1980), ix.] Kailangan nating itaas ang ating tinig kasama ang iba pang [nagmamalasakit na mamamayan] sa buong mundo para kalabanin ang kasalukuyang mga uso. Kailangan nating sabihin sa mga tagapagtaguyod ng nakakasukang media na tama na. Kailangan nating suportahan ang mga programa at produktong positibo at nagbibigay ng inspirasyon. Sa pagsasama-sama ng magkakapitbahay at kaibigang may malasakit na katulad natin, maihahatid natin ang malinaw na mensahe sa mga may sala” (“Iparinig ang Ating mga Tinig,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 18).

  • Paano natin mapaglalabanan ang mga impluwensya na nagtatangkang udyukan tayo na huwag maniwala sa mga sinasabi ng mga propeta?

  • Ano ang ilang angkop na paraan na maipapahayag natin ang pagsalungat sa masasamang impluwensya at pagsang-ayon sa mga sinasabi ng mga propeta?

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang isang pagkakataon na sinalungat nila o ng kakilala nila ang gayong mga impluwensya.

Helaman 8:11–24

Itinuro ni Helaman na lahat ng propeta ay nagpapatotoo kay Jesucristo

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 8:13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang mga bagay na ayon kay Nephi ay itinatwa ng mga tao. Ipakita sa mga estudyante ang larawang Si Moises at ang Ahas na Tanso (62202; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 16). Sabihin sa kanila na basahin ang Helaman 8:14–15 at tukuyin ang itinuro ni Moises tungkol sa Tagapagligtas.

Si Moises at ang Ahas na Tanso
  • Ano ang ilang paraan na “[makatitingin] sa Anak ng Diyos na may pananampalataya” ang isang tao?

  • Ang magkaroon ng “nagsisising espiritu,” tulad ng nakasaad sa Helaman 8:15, ay maging mapagkumbaba, matapat na magsisi, at masunurin sa kalooban ng Panginoon. Bakit mahalaga ang ganitong pag-uugali kapag tumitingin at umaasa tayo sa Tagapagligtas?

  • Paano nakakatulong sa paglaban natin sa kasamaan ang pagkaalam sa misyon ng Tagapagligtas?

Sabihin sa mga estudyante na sabihing muli ang itinuro sa Helaman 8:15, gamit ang sarili nilang mga salita. Halimbawa, maaari nilang sabihin na kung tayo ay magtutuon kay Jesucristo at mananampalataya sa Kanya, tayo ay makatatanggap ng buhay na walang hanggan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 8:16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang iba pang nagturo ng mensaheng ipinahayag sa Helaman 8:15. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na mabilis na hanapin sa Helaman 8:17–22 ang mga pangalan ng iba pang mga propeta na nagpatotoo kay Cristo. Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti ang maraming patotoo tungkol kay Jesucristo na nabasa o narinig nila mula sa mga sinaunang propeta at mga propeta sa mga huling araw.

Ipaliwanag na maraming tao ang hindi tumanggap kay Nephi at sa kanyang mensahe. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Helaman 8:24–26 at tukuyin ang mga kinahinatnan ng mga Nephita dahil sa hindi nila pagtanggap sa mga patotoo ng mga propeta.

  • Sa palagay ninyo bakit hindi maganda ang dinaranas ng mga taong patuloy na nagtatatwa sa katotohanan at naghihimagsik sa Diyos?

  • Kailan kayo natulungan ng mga salita ng propeta na mas lumapit sa Panginoon?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano pa nila mas pagsisikapang mapalapit sa Tagapagligtas. Hikayatin sila na pagtuunan ang isang paraan na mas mapagbubuti nila ang kanilang sarili sa susunod na linggo.

Helaman 8:25–9:41

Inihayag ni Nephi na pinaslang ang punong hukom

Ibuod ang Helaman 8:25–28 na ipinapaliwanag na bilang patunay na makasalanan ang mga tao at nagsasalita si Nephi ng salita ng Diyos, inihayag ni Nephi na pinaslang ang punong hukom. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa bawat magkakapartner na kunwari ay mga imbestigador sila sa kaso at inaalam nila kung sino ang pumaslang sa punong hukom. Isulat ang mga sumusunod na tanong sa pisara o isama ang mga ito sa handout para sa bawat magkapartner.

Unang araw ng Imbestigasyon:

  1. Nang imbestigahan ng limang tao kung totoo ang sinabi ni Nephi, ano ang nakita nila? Bakit sila nabuwal sa lupa? (Tingnan sa Helaman 9:1–5.)

  2. Sino ang pinaghinalaan ng mga tao na mga pumaslang? (Tingnan sa Helaman 9:7–9.)

Pangalawang Araw ng Imbestigasyon:

  1. Sino ang pinalaya? (Tingnan sa Helaman 9:10–13, 18.)

  2. Sino ang inakusahan? (Tingnan sa Helaman 9:16–17, 19.)

  3. Ano ang karagdagang impormasyon na sinabi ni Nephi? (Tingnan sa Helaman 9:25–36.)

  4. Sino ang pumaslang? (Tingnan sa Helaman 9:37–38.)

Sabihin sa magkakapartner na hanapin ang mga sagot sa tanong 1 at 2. Pagkatapos ng sapat na oras, itanong:

  • Nang matagpuan ng limang lalaki ang pinaslang na punong hukom, ano ang pinaniwalaan nila? Ano ang ikinatakot nila? (Tingnan sa Helaman 9:5.)

Sabihin sa magkakapartner na sagutin ang iba pang mga tanong para makumpleto ang kanilang imbestigasyon. Pagkatapos ay itanong:

  • Ayon kay Nephi, ano ang sasabihin ni Seantum matapos ipagtapat ang kanyang kasalanan? (Tingnan sa Helaman 9:36.)

  • Ayon sa Helaman 9:39–41, bakit naniwala ang ilang tao kay Nephi?

Ipabuod sa mga estudyante ang natutuhan nila mula sa Helaman 9 tungkol sa mga salita ng mga propeta. Maaaring iba-iba ang mga sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Ang mga salita ng mga propeta ay matutupad. Para mabigyang-diin ang alituntuning ito, maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 1:37–38.

  • Anong mga karanasan ang nagpalakas ng iyong patotoo na tayo ay may tunay na mga propeta ngayon sa mundo?

Magtapos sa pagpapatotoo na ang mga salita ng mga propeta ay matutupad.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Helaman 8:14–15. “Ang tansong ahas”

Nang banggitin ni Nephi si Moises na nagtaas ng “tansong ahas,” tinutukoy niya ang panahon na ang mga anak ni Israel ay tinuklaw ng “mababangis na ahas” (tingnan sa Mga Bilang 21:6–9). Nagsimula ang problema ng mga Israelita nang magsalita sila nang masama sa Diyos at sa Kanyang propeta (tingnan sa Mga Bilang 21:5). Ang mga tumingin sa tansong ahas ay gumaling, at ang mga taong piniling hindi tumingin dito ay nasawi (tingnan sa Mga Bilang 21:9; 1 Nephi 17:41).

Tulad ng mga Israelitang iyon, maraming tao sa panahon ni Nephi ang nagsalita nang laban sa Diyos at sa Kanyang propeta. Nang banggitin ni Nephi ang tala tungkol sa tansong ahas, binigyang-diin niya na ang kanyang mga tao ay dapat “[tumingin] sa Anak ng Diyos na may pananampalataya” at mabuhay (Helaman 8:15; tingnan din sa Juan 3:14–15, kung saan binanggit mismo ni Jesucristo na ang tansong ahas ay simbolo ng Pagpapako sa Krus na gagawin sa Kanya). Pagkatapos ay ipinaalala ni Nephi sa mga tao na lahat ng propeta ay nagpatotoo tungkol kay Cristo (tingnan sa Helaman 8:16–23).