Lesson 113
Helaman 13
Pambungad
Ilang taon bago isinilang ang Tagapagligtas, nagsugo ang Panginoon ng propetang Lamanita na nagngangalang Samuel upang mangaral ng pagsisisi sa mga Nephita. Inihayag niya sa mga Nephita sa Zarahemla ang masayang balita ng pagtubos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Pinagsalitaan din niya sila sa hindi pagtanggap sa mga propeta at sa kanilang paghahangad ng kaligayahan sa kasamaan. Binalaan niya sila tungkol sa pagkalipol na sasapit sa kanila kung hindi sila magsisisi.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Helaman 13
Binalaan ni Samuel ang mga Nephita na sila ay malilipol kung hindi sila magsisisi
Bago magklase, ihanda ang handout na makikita sa katapusan ng lesson na ito. Maaari mong gupitin ang handout sa tatlong piraso, at bigyan ng tig-iisang piraso ng papel ang bawat grupo. Bago pa rin magklase, kopyahin ang sumusunod na outline ng Helaman 13 sa pisara.
Sa simula ng lesson idispley ang larawang Si Samuel na Lamanita sa Ibabaw ng Muog (62370; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 81). Itanong sa mga estudyante kung alam nila kung bakit gustong patayin ng mga Nephita si Samuel. Matapos sumagot ang mga estudyante, ipaliwanag na naglalaman ang Helaman 13–16 ng tala tungkol sa Lamanitang propeta na si Samuel. Naiiba ang talang ito dahil ngayon lang tayo nakabasa sa Aklat ni Mormon na isang Lamanitang propeta ang nagsasabi sa mga Nephita na magsisi sila. Sa panahong ito, ang mga Lamanita ay mas mabuti kaysa mga Nephita. Patingnan ang outline sa pisara para mabigyan ang mga estudyante ng maikling buod ng Helaman 13.
Hatiin ang klase sa tatlong grupo. (Kung maaari, bawat grupo ay dapat may pare-parehong bilang ng mga estudyante.) Bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng assignment ng kanyang grupo (makikita sa katapusan ng lesson). Sabihin sa mga estudyante na pag-aaralan nila ang bahagi ng Helaman 13 nang kani-kanya at pagkatapos ay ituturo nila sa isa’t isa ang natutuhan nila. Sabihin sa bawat estudyante na maghandang ituro ang mga alituntunin mula sa scripture passage na naka-assign sa kanya at maghanda ng mga sagot sa mga kalakip na tanong. Bigyan ang mga estudyante ng opsyon na isulat ang kanilang mga sagot. (Ang aktibidad na ito ay magtutulot sa lahat ng estudyante na makibahagi sa lesson at panatag na makapaghayag ng kanilang mga nadarama, naiisip, at patotoo sa isa’t isa.)
Matapos bigyan ang mga estudyante ng sapat na oras na makapag-aral nang kani-kanya, sabihin sa kanila na bumuo ng tatlong grupo at magtalakayan sa bawat grupo. Kung maaari, dapat kasama sa bawat grupo ang isang estudyante na pinag-aralan ang Helaman 13:1–7, 11, isa na pinag-aralan ang Helaman 13:17–23, at isa na pinag-aralan ang Helaman 13:24–33. Bigyan ng sapat na oras ang bawat estudyante na ibahagi ang kanyang mga sagot sa iba pang mga miyembro ng grupo. Habang nagtatalakayan ang mga grupo, lumibot sa silid at obserbahan ang mga sagot ng mga estudyante. Kung nararapat, magdagdag ng ideya sa mga narinig mong talakayan.
Kapag may sapat na oras para maturuan ng mga estudyante ang isa’t isa, anyayahan ang ilan sa kanila na ibahagi sa buong klase ang isang katotohanan o ideya na natutuhan nila mula sa isa pang estudyante noong ginagawa nila ang aktibidad.
Ibuod ang Helaman 13:9–14 na ipinapaliwanag na malilipol ang mga Nephita pagkalipas ng 400 taon (tingnan sa Helaman 13:9–10), at ang tanging dahilan kaya hindi pa sila nalilipol ay dahil kasama pa nilang naninirahan sa lunsod ang mabubuting tao (tingnan sa Helaman 13:13–14). Magpatotoo na isinugo ng Panginoon si Samuel sa mga Nephita, at sinabi niya ang mga mensaheng inilagay ng Panginoon sa kanyang puso nang hikayatin niya ang mga Nephita na magsisi at bumalik sa Panginoon (tingnan sa Helaman 13:11).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 13:27–28. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano tumugon ang mga Nephita sa mga huwad na propeta.
-
Ayon kay Samuel, paano tumugon ang mga Nephita sa mga nagtuturo ng kabulaanan? Sa palagay ninyo bakit tinanggap ng ilang tao ang panghihimok niya samantalang ang iba ay hindi ito tinanggap?
-
Sa anong mga paraan makikita sa panahon natin ang mga pahayag at pag-uugaling mababasa natin sa Helaman 13:27?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson:
“Ang pagtugon natin sa mga salita ng isang buhay na propeta kapag sinabi niya sa atin ang kailangan nating malaman, ngunit ayaw nating marinig, ay pagsubok sa ating katapatan” (“Fourteen Fundamentals in Following the Prophet” [BYU devotional address, Peb. 26, 1980], 3–4, speeches.byu.edu).
-
Anong payo mula sa mga propeta ang maaaring mahirap para sa ilang tao na sundin ngayon?
-
Ano ang isang halimbawa ng payo mula sa propeta na pinili ninyong sundin? Paano kayo napagpala dahil sinunod ninyo ang payong ito?
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa notebook o scripture study journal ang isang paraan na mas masigasig nilang masusunod ang payo ng mga buhay na propeta.
Matapos makapagsulat ang mga estudyante, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 13:33–37. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mararanasan sa huli ng mga Nephita na ayaw magsisi at ano ang sasabihin nila sa kanilang mga sarili. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Helaman 13:38. Sabihin sa klase na hanapin ang malungkot na katotohanan na inilahad ni Samuel tungkol sa mga susunod na salinlahi ng mga Nephita.
-
Ano ang malungkot na katotohanan na inilahad ni Samuel tungkol sa mga susunod na salinlahi ng mga Nephita?
-
Sa palagay ninyo, ano ang ibig sabihin ni Samuel nang sabihin niya na ang “mga araw ng [kanilang] pagsubok ay lumipas na”? (Ipagpapaliban ng mga susunod na salinlahi ng mga Nephita ang kanilang pagsisisi hanggang sa huli na ang lahat para magsisi. At dahil hindi sila magsisisi, ang kanilang mga kasalanan ay hahantong sa kanilang pagkalipol.)
-
Ano ang mali sa paghahangad ng “kaligayahan sa paggawa ng kasamaan”? (Tulungan ang mga estudyante na makita na ang tunay na kaligayahan ay dumarating lamang kapag sinusunod natin ang mga kautusan ng Diyos.)
-
Ano ang ilang paraan na naghahangad ang mga tao ng kaligayahan sa paggawa ng kasamaan?
Ipaalala sa mga estudyante ang iba pang mga tala sa Aklat ni Mormon kung saan patuloy na naghimagsik at sumama ang mga tao hanggang sa tumigas ang kanilang mga puso sa impluwensya ng Espiritu Santo. (Kasama sa mga halimbawa sina Laman at Lemuel, na naging “manhid” [1 Nephi 17:45] at ayaw makinig sa Diyos, at si Haring Noe at ang kanyang mga tao, na ayaw magsisi sa kabila ng mga babala ng propetang si Abinadi.) Binigyang-diin ni Samuel na ang pagtangging magsisi ng mga Nephita ay hahantong sa pagkalipol ng kanilang mga tao sa mga susunod na salinlahi.
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan, ng bawat isa sa kanila, na may pag-asa para sa lahat ng tao na magsisisi. Sa pamamagitan ng pagsisisi, matatanggap natin ang kapatawaran ng Panginoon at hindi magiging matigas ang ating puso. Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan na maitatama natin ang ating landas sa pamamagitan ng pagsisisi, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:
“Noong nagsasanay ako para maging kapitan ng eroplano, kinailangan kong matuto kung paano magpalipad ng eroplano sa malalayong distansiya. Ang mga paglipad sa itaas ng karagatan, pagtawid sa malalawak na disyerto, at mula sa isang kontinente papunta sa isa pang kontinente ay kailangan ng maingat na pagpaplano para matiyak ang ligtas na pagdating sa nakaplanong destinasyon. Ilan sa mga tuluy-tuloy na paglipad na ito ay maaaring tumagal hanggang 14 na oras at malakbay ang halos 9,000 milya.
“May mahalagang desisyong gagawin sa gayon katagal na paglipad na kilala bilang hangganan ng ligtas na pagbalik. Pagdating sa hangganang ito may sapat na langis ang eroplano para pumihit at ligtas na makabalik sa pinagmulang paliparan. Paglagpas sa hangganan ng ligtas na pagbalik, wala nang pagpipilian ang kapitan at kailangan niyang magpatuloy. Iyan ang dahilan kaya madalas tukuyin ang hangganang ito bilang hangganang wala nang balikan.
“… Nais ni Satanas na isipin natin na kapag nagkasala tayo ay lampas na tayo sa ‘hangganang wala nang balikan’—na huli na ang lahat para baguhin pa ang ating landas. …
“… Para mawalan tayo ng pag-asa, maging miserableng tulad niya, at maniwala na hindi na tayo mapapatawad, maaari ding gamitin ni Satanas sa maling paraan ang mga banal na kasulatan na binibigyang-diin ang katarungan ng Diyos, upang ipahiwatig na wala ng awa. …
“Naparito si Cristo para iligtas tayo. Kung namali tayo ng landas, mabibigyan tayo ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ng katiyakan na ang kasalanan ay hindi hangganan kung saan hindi na puwedeng bumalik. Ang ligtas na pagbalik ay posible kung susundin natin ang plano ng Diyos para sa ating kaligtasan” (“Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 99).
-
Paano makapagbibigay ng pag-asa ang mensahe ni Pangulong Uchtdorf sa isang nagkasala?
Hikayatin ang mga estudyante na isiping mabuti ang mga katotohanang tinalakay nila. Hikayatin sila na sundin ang anumang impresyon na natanggap nila mula sa Espiritu Santo. Patotohanan na ang kaligayahan ay darating sa mga nakikinig at sumusunod sa paanyaya ng Panginoon na magsisi.
Paalala: Ihanda ang mga sumusunod na handout para sa tatlong grupo na binanggit kanina sa lesson.
Group 1—Helaman 13:1–7, 11
Sinasambit ng mga propeta ang mga mensahe na inilalagay ng Diyos sa kanilang mga puso.
-
Aling mga talata ang sa palagay ninyo ay nagtuturo ng katotohanang ito?
-
Anong mensahe ang inilagay ng Diyos sa puso ni Samuel?
-
Sa palagay ninyo, bakit maaaring naging mahirap para kay Samuel na sabihin ang mensaheng ito?
-
Ano ang inasam ni Samuel na maging epekto ng kanyang mensahe sa mga Nephita?
-
Kailan ninyo nadama na nabigyan ng inspirasyon ang inyong magulang o isang lider ng Simbahan na magbigay ng mensahe sa inyo? Ano ang epekto nito sa inyo?
-
Anong mga karagdagang katotohanan ang makikita ninyo sa mga talatang ito?
Group 2—Helaman 13:17–23
Kapag hindi natin inaalala ang Panginoon, madali tayong matatangay ng kapalaluan at kasamaan.
-
Aling mga talata ang sa palagay ninyo ay nagtuturo ng katotohanang ito?
-
Ano ayon kay Samuel ang sumpa na sasapit sa mga Nephita kung magpapatuloy ang kanilang kasamaan?
-
Ano pang ibang mga kasalanan ang ibinunga ng pagkagahaman ng mga Nephita sa kayamanan?
-
Ano ang ilang bagay na inilalagak ng mga kabataan sa kanilang mga puso na humahantong sa kapalaluan at kasalanan?
-
Sa inyong palagay, bakit mahalaga na “[alalahanin] ang Panginoon ninyong Diyos sa mga bagay na pinagpala niya sa inyo”? (Helaman 13:22).
-
Anong mga karagdagang katotohanan ang makikita ninyo sa mga talatang ito?
Group 3—Helaman 13:24–33
Kung hindi natin tatanggapin ang mga salita ng mga propeta ng Panginoon, dadanas tayo ng matinding pagsisisi at kalungkutan.
-
Aling mga talata ang sa palagay ninyo ay nagtuturo ng katotohanang ito?
-
Ayon kay Samuel, bakit hindi tinanggap ng mga Nephita ang mga tunay na propeta?
-
Sa palagay ninyo, bakit tinatanggap ng ilang tao ang mga huwad na propeta, ayon sa inilahad ni Samuel?
-
Ano ang ilang partikular na mga itinuturo ng mga buhay na propeta at apostol?
-
Ano ang ilan sa mga “hangal at bulag na taga-akay” (Helaman 13:29) na sinabi ng mga propeta at mga apostol sa panahong ito na dapat nating iwasan?
-
Anong mga karagdagang katotohanan ang makikita ninyo sa mga talatang ito?