Pambungad sa Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Seminary Teacher
Ang Ating Layunin
Ang Layunin ng Seminaries and Institutes of Religion ay nagsasaad na:
“Ang ating layunin ay tulungan ang mga kabataan at mga young adult na maunawaan at umasa sa mga turo at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo, at ihanda ang kanilang sarili, kanilang pamilya, at iba pa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit.”
Para matupad ang ating layunin, itinuturo natin sa mga estudyante ang mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo na matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta. Ang mga doktrina at alituntuning ito ay itinuturo sa paraang humahantong sa pagkaunawa at pagiging matatag. Tinutulungan natin ang mga estudyante na magawa nila ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral at maihanda sila sa pagtuturo ng ebanghelyo sa iba.
Para makamtan ang mga layuning ito, ikaw at ang mga estudyante na tinuturuan mo ay hinihikayat na gamitin ang sumusunod na Fundamentals of Gospel Teaching and Learning (Mga Pangunahing Alituntunin sa Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo) habang magkakasama ninyong pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan:
-
Magturo at matuto sa pamamagitan ng Espiritu.
-
Magkaroon ng pagmamahal, paggalang, at layunin sa loob ng klase.
-
Pag-aralan araw-araw ang mga banal na kasulatan, at basahin ang teksto para sa kurso. (Ang mga chart para makita ang progreso sa pagbabasa ng banal na kasulatan ay matatagpuan sa apendiks sa katapusan ng manwal na ito.)
-
Unawain ang konteksto at nilalaman ng mga banal na kasulatan at ang mga salita ng mga propeta.
-
Tukuyin, unawain, damhin ang katotohanan at kahalagahan ng mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo at ipamuhay ito.
-
Ipaliwanag, ibahagi, at patotohanan ang mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo.
-
Isaulo at unawain ang mga scripture passage at mga Pangunahing Doktrina.
Inihanda ang teacher manual na ito para tulungan kang maisagawa ang mga layuning ito.
Paghahanda ng Lesson
Iniutos ng Panginoon sa mga nagtuturo ng Kanyang ebanghelyo na “[i]turo [ang] mga alituntunin ng aking ebanghelyo, na nasa Biblia at Aklat ni Mormon, na kung saan ang kabuuan ng ebanghelyo” (D at T 42:12). Iniutos pa Niya na ang mga katotohanang ito ay dapat ituro na “ginagabayan ng Espiritu,” na “ibibigay … sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya” (D at T 42:13–14). Habang inihahanda mo ang bawat lesson, mapanalangin mong hingin ang patnubay ng Espiritu para matulungan kang maunawaan ang mga banal na kasulatan at ang mga doktrina at mga alituntunin na nilalaman nito. Gayundin, sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu habang nagpaplano ka kung paano matutulungan ang iyong mga estudyante na maunawaan ang mga banal na kasulatan, maturuan ng Espiritu Santo, at makadama ng hangaring ipamuhay ang natutuhan.
Sa kursong ito, ang Aklat ni Mormon ang iyong pangunahing teksto kapag naghahanda at nagtuturo ka. Pag-aralan nang may panalangin ang mga kabanata o mga talata na ituturo mo. Sikaping maunawaan ang konteksto at nilalaman ng scripture block, kabilang ang nilalaman ng kuwento, mga tao, lugar, at pangyayari. Kapag naging pamilyar ka na sa konteksto at nilalaman ng bawat scripture block, sikaping matukoy ang mga doktrina at mga alituntunin na nilalaman nito, at magpasiya kung alin sa mga katotohanan ang pinakamahalagang maunawaan at maipamuhay ng iyong mga estudyante. Kapag natukoy mo na kung ano ang iyong pagtutuunan sa iyong pagtuturo, malalaman mo kung alin sa mga pamamaraan, istilo, at aktibidad ang pinakamakatutulong sa iyong mga estudyante para maunawaan at maipamuhay nila ang mga sagradong katotohanan na matatagpuan sa mga banal na kasulatan.
Ang manwal na ito ay nilayon na tulungan ka sa prosesong ito. Maingat na rebyuhin ang materyal ng lesson na nauugnay sa scripture block na ituturo mo. Maaari mong piliing gamitin ang lahat o ilan sa mga mungkahi para sa scripture block, o maaari mong iakma ang mga iminungkahing ideya sa mga pangangailangan at kalagayan ng mga estudyanteng tinuturuan mo. Habang pinag-iisipan mo kung paano maiaangkop ang mga materyal ng lesson, tiyaking sundin ang payo na ito ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Madalas kong marinig na itinuturo ni Pangulong Packer na umayon muna tayo, at saka tayo umangkop. Kung lubos nating nauunawaan ang iminungkahing lesson na ibibigay natin, masusunod natin ang Espiritu para iakma ito” (“A Panel Discussion with Elder Dallin H. Oaks” [Seminaries and Institutes of Religion Satellite Broadcast, Ago. 7, 2012], 6, si.lds.org).
Habang naghahanda kang magturo, isipin ang mga estudyante na may mga partikular na pangangailangan. Iakma ang mga aktibidad at mga ekspektasyon na tutulong sa kanila na magtagumpay. Ang pakikipag-usap sa mga magulang at mga lider ay tutulong sa iyo na malaman ang mga pangangailangan ng mga estudyante at tutulong sa iyo na magtagumpay sa pagbibigay ng makabuluhan at nagpapalakas na karanasan para sa kanila.
Paggamit ng Daily Teacher Manual
Pambungad sa Aklat
Ang mga pambungad sa mga aklat ay nagbibigay ng buod ng bawat aklat sa Aklat ni Mormon. Kabilang ang iba pang bagay, ipinapaliwanag nito kung sino ang sumulat ng bawat aklat, inilalarawan ang mga layunin ng may-akda sa pagsulat, at nagbibigay ng buod ng nilalaman ng bawat aklat.
Pambungad sa Scripture Block
Ang mga pambungad sa scripture block ay nagbibigay ng maikling buod sa konteksto at nilalaman ng scripture block para sa bawat lesson.
Grupo ng mga Talata at Buod ng Konteksto
Ang mga scripture block ay karaniwang hinahati sa mas maliliit na bahagi o grupo ng mga talata na kakikitaan ng pagbabago ng paksa o pangyayari. Ang reperensya para sa bawat grupo ng talata ay sinusundan ng isang maikling buod ng mga pangyayari o mga turo na nakapaloob sa grupo ng mga talatang iyon.
Mga Tulong sa Pagtuturo
Ang mga tulong sa pagtuturo ay nagpapaliwanag ng mga alituntunin at paraan ng pagtuturo ng ebanghelyo. Matutulungan ka ng mga ito sa iyong pagsisikap na humusay bilang isang titser.
Nilalaman ng Lesson
Ang nilalaman ng lesson ay naglalaman ng gabay para sa iyong pag-aaral at pagtuturo. Nagmumungkahi ito ng mga ideya sa pagtuturo, kabilang ang mga tanong, aktibidad, sipi o quotation, diagram, at mga chart.
Mga Doktrina at mga Alituntunin
Kapag nahahayag ang mga doktrina at mga alituntunin sa pag-aaral ng banal na kasulatan, ang mga ito ay nakasulat sa bold letter para matulungan ka na matukoy at mabigyang-diin ang mga ito sa talakayan ninyo ng iyong mga estudyante.
Mga Larawan
Ang mga larawan ng mga lider ng Simbahan at ng mga pangyayari mula sa mga banal na kasulatan ay kumakatawan sa mga visual aid na maididispley mo, kung mayroon, habang nagtuturo ka.
Scripture Mastery
Ang 25 scripture mastery passage na matatagpuan sa Aklat ni Mormon ay naka-highlight sa konteksto ng mga lesson kung saan makikita ang mga ito. Bawat isa sa mga lesson na ito ay naglalaman din ng ideya sa pagtuturo para sa bawat isa sa mga scripture passage na ito. Para matulungan kang maging konsistent sa pagtuturo ng mga scripture mastery passage, may matatagpuan kang mga aktibidad para sa Pagrebyu ng Scripture Mastery sa buong manwal. Para sa karagdagang ideya sa pagtuturo ng scripture mastery, tingnan ang apendiks sa katapusan ng manwal na ito.
Blankong Espasyo
Ang mga blankong espasyo ay magagamit para sa paghahanda ng lesson, kabilang na ang pagsusulat ng maiikling tala, mga alituntunin, karanasan, o iba pang mga ideya, kapag naantig ka ng Espiritu Santo.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Ang mga karagdagang pahayag o quotation at paliwanag ay makikita sa katapusan ng ilang lesson na magbibigay sa iyo ng karagdagang kaalaman sa mga partikular na konsepto o scripture passage. Gamitin ang impormasyon sa bahaging ito sa paghahanda sa pagsagot sa mga tanong o pagbibigay ng mga karagdagang kaalaman habang nagtuturo ka.
Mga Karagdagang Ideya sa Pagtuturo
Ang mga karagdagang ideya sa pagtuturo ay makikita sa katapusan ng ilang lesson. Ang mga ito ay nagbibigay ng mga mungkahi sa pagtuturo ng mga doktrina at mga alituntunin na maaaring hindi natukoy o nabigyang-diin sa nilalaman ng lesson. Maaari ding magbigay ang mga ito ng mga mungkahi sa paggamit ng visual media, tulad ng mga DVD presentation.
Daily Seminary Program (Released-Time at Early-Morning)
Ang manwal na ito ay naglalaman ng mga sumusunod para sa mga titser ng daily seminary: 160 daily lesson ng titser, mga tulong sa pagtuturo, at resources para sa pagtuturo ng scripture mastery at mga Pangunahing Doktrina.
Mga Daily Lesson ng Titser
Lesson Format
Ang bawat lesson sa manwal na ito ay nakatuon sa scripture block sa halip na sa isang partikular na konsepto, doktrina, o alituntunin. Ang format na ito ay tutulong sa iyo at sa iyong mga estudyante na mapag-aralan ang mga banal na kasulatan ayon sa pagkakasunod-sunod nito at matalakay ang mga doktrina at mga alituntunin kapag lumitaw ito mula sa scripture text. Kapag natutuhan ng mga estudyante ang konteksto ng isang doktrina o alituntunin, lalalim ang kanilang pag-unawa sa katotohanang iyon. Dagdag pa rito, mas makikita at mauunawaan ng mga estudyante ang tunay na kahulugan na nais iparating ng mga mensahe ng mga inspiradong manunulat ng mga banal na kasulatan. Ang pagtuturo ng mga banal na kasulatan sa ganitong paraan ay makatutulong din sa mga estudyante na matutuhan kung paano matutuklasan at maipamumuhay ang mga walang-hanggang katotohanan sa kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Sa bawat lesson, hindi lahat ng bahagi ng isang scripture block ay binibigyang-diin. Ang ilang bahagi ay hindi gaanong pinagtutuunan dahil hindi gaanong nauugnay ang mga ito sa kabuuang mensahe ng inspiradong manunulat o dahil hindi gaanong naaangkop ang mga ito sa mga kabataan. Responsibilidad mo na iakma ang mga materyal na ito ayon sa mga pangangailangan at mga interes ng mga estudyanteng tinuturuan mo. Maaari mong iangkop ang mga ideya para sa mga lesson ng manwal na ito sa pamamagitan ng mas pagbibigay-diin sa isang partikular na doktrina o alituntunin kaysa sa nakasaad sa materyal ng lesson o sa hindi gaanong pagbibigay-diin sa isang bahagi ng scripture block na mas tatalakayin nang mas malinaw kalaunan sa manwal. Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo na tulungan kang magawa ang mga pag-aangkop na ito habang naghahanda at nagtuturo ka.
Mga Doktrina at mga Alituntunin
Sa nilalaman ng bawat lesson, may makikita kang ilang mahahalagang doktrina at alituntunin na nakasulat sa bold letter. Ang mga doktrina at alituntuning ito ay tinukoy sa kurikulum dahil (1) nakikita sa mga ito ang mahalagang mensahe na matatagpuan sa scripture block, (2) talagang angkop ang mga ito sa mga pangangailangan at kalagayan ng mga estudyante, o (3) ang mga ito ay mahahalagang katotohanan na makatutulong sa mga estudyante na mas mapatibay ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Panginoon. Dapat mong mabatid na nagtuturo ang Aklat ni Mormon ng maraming katotohanan na hindi tinukoy sa kurikulum. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer na naglalaman ang mga banal na kasulatan ng “hindi mabibilang na magkakasamang katotohanan na naaangkop sa mga pangangailangan ng bawat indibidwal sa lahat ng sitwasyon” (“The Great Plan of Happiness” [CES Symposium on the Doctrine and Covenants/Church History, Ago. 10, 1993], 2, si.lds.org).
Sa iyong pagtuturo, palaging bigyan ang mga estudyante ng mga pagkakataon na matukoy ang mga doktrina at mga alituntunin sa banal na kasulatan. Kapag inihayag ng mga estudyante ang mga katotohanang natuklasan nila, maaaring madalas na gumamit sila ng mga salita na iba sa mga salitang ginamit sa pagpapahayag ng doktrina o alituntunin sa manwal na ito. Maaari ding may matuklasan silang mga katotohanan na hindi tinukoy sa lesson outline. Maging maingat na hindi madama ng mga estudyante na mali ang sagot nila dahil lamang sa iba ang kanilang mga ginamit na salita mula sa mga ginamit sa manwal o dahil wala sa kurikulum ang katotohanang binanggit nila. Gayunman, kung ang sinabi ng estudyante ay talagang maling doktrina, responsibilidad mo na mahinahon siyang tulungan na maitama ang kanyang sinabi na naroroon pa rin ang pagmamahal at pagtitiwala. Ang paggawa nito ay magbibigay ng mahalagang karanasan sa pag-aaral para sa mga estudyante sa iyong klase.
Pacing o Iskedyul ng Lesson
Ang manwal na ito ay naglalaman ng 160 daily seminary lesson, na maglalaan ng oras para sa mga aktibidad ng mga estudyante sa paaralan at komunidad at magbibigay din sa kanila ng ilang araw para marebyu ang nilalaman ng mga banal na kasulatan o para maisaulo at maunawaan ang scripture mastery. Maaari mong iangkop ang mga lesson at ang pacing o iskedyul ng lesson kung kinakailangan batay sa haba ng panahon na kailangan mong ituro ang kursong ito. (Tingnan ang apendiks sa katapusan ng manwal na ito para sa isang sample pacing guide.)
Make-up Work
Ang Gabay sa Pag-aaral ng Aklat ni Mormon para sa mga Estudyante ng Home-Study Seminary ay magagamit sa mga daily seminary program bilang materyal para sa makeup work ng mga estudyante. Ang mga lesson sa gabay sa pag-aaral para sa mga estudyante ng home-study ay katulad ng mga nakalahad sa manwal na ito. Maaaring ipakumpleto sa mga estudyante na may maraming absent ang mga assignment sa gabay sa pag-aaral na tugma sa mga lesson na hindi nila nadaluhan. Ang mga assignment ay maaaring i-print mula sa S&I website, kaya hindi mo kailangang bigyan ng buong manwal ang mga estudyante na kailangang gumawa ng makeup work. Makikita ang marami pang impormasyon tungkol sa Gabay sa Pag-aaral ng Aklat ni Mormon para sa mga Estudyante ng Home-Study Seminary sa bahaging may pamagat na “Home-Study Seminary Program.”
Mga Tulong sa Pagtuturo
Makikita ang mga tulong sa pagtuturo sa mga margin ng manwal na ito. Ang mga tulong sa pagtuturo na ito ay nagpapaliwanag at naglalarawan kung paano mo at ng mga estudyanteng tinuturuan mo maipamumuhay ang mga Pangunahing Alituntunin ng Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo (Fundamentals of Gospel Teaching and Learning) sa inyong pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Nagmumungkahi rin ang mga ito kung paano mahusay na gagamitin ang iba-ibang mga paraan, kasanayan, at istilo sa pagtuturo. Kapag naunawaan mo ang mga alituntuning nakapaloob sa mga tulong sa pag-aaral, alamin ang mga paraan para patuloy na magamit at maipamuhay ang mga ito sa iyong pagtuturo.
Scripture Mastery at mga Pangunahing Doktrina
Para matulungan ang mga estudyante na pahalagahan ang mga walang-hanggang katotohanan at madagdagan ang kanilang tiwala sa pag-aaral at pagtuturo ng mga banal na kasulatan, pumili ang Seminaries and Institutes of Religion (S&I) ng ilang mga scripture passage na isasaulo at pag-aaralang mabuti ng mga estudyante sa bawat kurso ng pag-aaral. Dagdag pa rito, isang listahan ng mga Pangunahing Doktrina ang isinama para mabigyang-diin ang mahahalagang doktrina na dapat maunawaan, paniwalaan, at ipamuhay ng mga estudyante sa kanilang apat na taon sa seminary at sa buong buhay nila. Ang manwal para sa bawat kurso sa seminary ay inihanda para mabigyang-diin ang mga Pangunahing Doktrina kapag nakita o nakalahad ang mga ito sa pag-aaral ng mga estudyante ng banal na kasulatan ayon sa pagkakasunod-sunod nito. Marami sa mga scripture mastery passage ang pinili na isinasaalang-alang ang mga Pangunahing Doktrina, kaya kapag itinuturo mo ang mga scripture mastery passage sa mga estudyante, ituturo mo rin ang mga Pangunahing Doktrina.
Kapag pinahalagahan ng mga indibidwal ang mga walang-hanggang katotohanan sa kanilang mga puso at isipan, ipapaalala sa kanila ng Espiritu Santo ang mga katotohanang ito sa mga panahon na kailangan nila ito at palalakasin ang loob nila na kumilos nang may pananampalataya (tingnan sa Juan 14:26). Itinuro ni Pangulong Howard W. Hunter:
“Hinihikayat ko kayong gamitin ang mga banal na kasulatan sa inyong pagtuturo at gawin ang lahat sa abot ng inyong makakaya na tulungan ang mga estudyante na gamitin at makasanayan ang mga ito. Nais ko na magtiwala ang ating mga kabataan sa mga banal na kasulatan. …
“… Nais naming magkaroon ng tiwala ang mga estudyante sa lakas at katotohanan ng mga banal na kasulatan, tiwala na ang kanilang Ama sa Langit ay talagang nangungusap sa kanila sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, at tiwala na maaari silang bumaling sa mga banal na kasulatan at mahanap ang mga sagot sa kanilang mga problema at mga panalangin. …
“… Umaasa kami na walang sinuman sa inyong mga estudyante ang lalabas ng klase nang takot o napahiya o nahihiya na hindi nila mahanap ang tulong na kailangan nila dahil hindi sapat ang kaalaman nila sa mga banal na kasulatan para makita ang angkop na mga talata” (“Eternal Investments” [address to CES religious educators, Peb. 10, 1989], 2, si.lds.org).
Tingnan ang apendiks sa katapusan ng manwal na ito para sa karagdagang impormasyon tungkol sa scripture mastery at mga Pangunahing Doktrina.
Paggamit ng mga Home-Study Lesson
Buod ng mga Lesson ng Estudyante
Ang buod ay tutulong sa iyo para maging pamilyar ka sa konteksto at mga doktrina at alituntuning pinag-aralan ng mga estudyante sa loob ng isang linggo sa gabay sa pag-aaral ng estudyante.
Pambungad ng Lesson
Ang pambungad sa lesson ay tutulong sa iyo para malaman mo kung aling bahagi ng scripture block ang bibigyang-diin sa lesson.
Nilalaman ng Lesson
Ang nilalaman ng lesson ay gagabay sa iyong pag-aaral at pagtuturo. Nagmumungkahi ito ng mga ideya sa pagtuturo, kabilang ang mga tanong, aktibidad, sipi o quotation, diagram, at mga chart.
Grupo ng mga Talata at Buod ng Konteksto
Ang mga scripture verse ay iginrupo batay sa kung saan nagkaroon ng pagbabago sa konteksto o nilalaman ng buong scripture block. Ang reperensya para sa bawat grupo ng talata ay sinusundan ng isang maikling buod ng mga pangyayari o mga turo na nakapaloob sa grupo ng mga talatang iyon.
Mga Doktrina at mga Alituntunin
Kapag nahahayag ang mga doktrina at mga alituntunin sa pag-aaral ng banal na kasulatan, ang mga ito ay nakasulat sa bold letter para matulungan ka na matukoy at mabigyang-diin ang mga ito sa talakayan ninyo ng iyong mga estudyante.
Pambungad sa Susunod na Unit
Ang huling talata ng bawat lesson ay nagbibigay ng maikling impormasyon tungkol sa susunod na unit. Ibahagi sa iyong mga estudyante ang talatang ito sa pagtatapos ng bawat lesson para mahikayat sila na pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa darating na linggo.
Home-Study Seminary Program
Ang home-study program ay nagbibigay sa mga estudyante ng credit sa seminary sa pamamagitan ng pagkumpleto ng mga lesson sa bahay sa halip na pagdalo sa weekday classes. Ang mga lesson na ito ay matatagpuan sa isang hiwalay na manwal na tinatawag na Gabay sa Pag-aaral ng Aklat ni Mormon para sa mga Estudyante ng Home-Study Seminary. Isang beses sa isang linggo, ang titser ng seminary ay magkaklase at dadaluhan ito ng mga estudyante para isumite ang kanilang ginawa at makikibahagi sa talakayan sa lesson sa klase. Ang gabay sa pag-aaral ng mga estudyante at ang lingguhang lesson sa klase ay ipinaliwanag pa sa ibaba.
Gabay sa Pag-aaral para sa mga Estudyante ng Home-Study Seminary
Ang Gabay sa Pag-aaral ng Aklat ni Mormon para sa mga Estudyante ng Home-Study Seminary ay ginawa para tulungan ang estudyante ng home-study seminary na maranasan ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon tulad ng isang estudyante sa seminary na dumadalo sa weekday classes. Sa gayon, ang pacing o iskedyul ng lesson sa gabay sa pag-aaral ng estudyante pati ang mga doktrina at mga alituntunin na binibigyang-diin nito ay tugma sa materyal na nasa manwal na ito. Kabilang din sa gabay sa pag-aaral ng estudyante ang instruksyon tungkol sa scripture mastery. Ang mga scripture mastery passage ay tinatalakay sa konteksto nito kapag nakita ito sa banal na kasulatan. Mayroon ding mga karagdagang ideya para sa pagtuturo ng mga scripture mastery passage sa katapusan ng mga lesson.
Bawat linggo, dapat kumpletuhin ng mga estudyante ng home-study seminary ang apat na lesson mula sa gabay sa pag-aaral ng estudyante at dumalo sa weekly lesson na ibibigay ng kanilang titser sa seminary. Kinukumpleto ng mga estudyante ang mga assignment mula sa gabay sa pag-aaral sa kanilang mga scripture study journal. Ang estudyante ay dapat may dalawang scripture study journal para maiwan nila ang isa sa kanilang titser at patuloy na magamit sa pagsagot ang isa pa. Kapag ang mga estudyante ay nagkaklase bawat linggo, ang isang journal ay ipapasa sa home-study teacher at ang isa pa ay ibabalik sa estudyante para magamit sa mga lesson sa susunod na linggo. (Halimbawa, sa isang linggo, kukumpletuhin ng estudyante ang mga assignment sa journal 1. Pagkatapos ay dadalhin ng estudyante ang journal na ito at ibibigay sa titser. Sa susunod na linggo, kukumpletuhin ng estudyante ang mga assignment sa journal 2. Kapag ipinasa ng estudyante ang journal 2, ibabalik ng titser ang journal 1. Gagamitin naman ngayon ng estudyante ang journal 1 para kumpletuhin ang mga assignment sa susunod na linggo.)
Hinihikayat ang lahat ng estudyante ng seminary na pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw at basahin ang teksto para sa kurso, ngunit dapat maunawaan ng mga estudyante ng home-study na sila ay inaasahang maglalaan ng karagdagang 30 hanggang 40 minuto sa bawat isa sa apat na home-study lesson sa bawat unit at dumalo sa weekly home-study lesson.
Mga Weekly Home-Study Teacher Lesson
Bawat unit sa Gabay sa Pag-aaral ng Aklat ni Mormon para sa mga Estudyante ng Home-Study Seminary ay tumutugma sa limang lesson ng daily teacher manual. Pagkatapos ng bawat limang lesson sa manwal na ito, may makikita kang isang weekly home-study teacher lesson. Ang mga home-study lesson ay tutulong sa mga estudyante na marebyu, mapalalim ang kanilang pag-unawa, at maipamuhay ang mga doktrina at mga alituntunin na natutuhan nila habang kinukumpleto nila ang mga lesson sa gabay sa pag-aaral ng estudyante sa buong linggo. Maaaring may mga karagdagang katotohanan sa mga lesson na ito na hindi natalakay sa gabay sa pag-aaral ng estudyante. (Para sa tulong sa pagpaplano ng iyong lesson schedule, tingnan ang pacing guide para sa mga home-study teacher sa apendiks sa katapusan ng manwal na ito.)
Bilang home-study teacher, dapat ay lubos mong nauunawaan ang mga pinag-aaralan ng iyong mga estudyante sa kanilang mga tahanan bawat linggo para masagot mo ang mga tanong nila at magkaroon ng mga makabuluhang talakayan kapag nagkaklase kayo. Sabihin sa mga estudyante na dalhin ang kanilang mga banal na kasulatan, mga scripture study journal, at mga gabay sa pag-aaral ng estudyante sa lingguhang klase para magamit nila ang mga ito sa lesson. Iangkop ang mga lesson ayon sa mga pangangailangan ng mga estudyante na tinuturuan mo at ayon sa patnubay ng Espiritu Santo. Maaari mo ring gamitin ang mga daily teacher lesson sa manwal na ito sa iyong paghahanda at pagtuturo. Ang pag-aaral sa mga tulong at mga pamamaraan sa pagtuturo na ginamit sa mga daily lesson ay magpapaganda sa iyong pagtuturo kada linggo. Tugunan ang anumang partikular na pangangailangan ng mga estudyante na tinuturuan mo. Halimbawa, kung nahihirapan sa pagsusulat ang isang estudyante, payagan siyang gumamit ng voice-recording device o ipasulat ang mga sagot nila sa isang kapamilya o kaibigan.
Sa katapusan ng bawat weekly lesson, kolektahin ang mga scripture study journal ng mga estudyante at hikayatin sila na magpatuloy sa kanilang pag-aaral. Bigyan sila ng scripture study journal para sa mga assignment sa susunod na linggo. Dahil limitado ang oras, hindi mo na kailangang mas lalo pang bigyang-diin ang scripture mastery sa iyong mga weekly lesson. Habang binabasa mo ang mga sagot sa assignment na nasa scripture study journal ng mga estudyante, paminsan-minsan ay magbigay ng reaksyon sa kanilang mga gawa sa pamamagitan ng pagsulat ng maikling note o pagpuri sa kanila sa susunod na makita mo sila. Maaari ka ring maghanap ng ibang paraan sa pagbibigay ng suporta at makabuluhang feedback. Makatutulong ito para malaman ng mga estudyante na pinahahalagahan mo ang kanilang gawa at mahihikayat sila na pag-isipan pang mabuti ang kanilang mga sagot.
Iba pang Resources
Maaaring bisitahin ng mga titser ang Seminaries and Institutes of Religion website (si.lds.org) para sa tulong sa paghahanda ng mga lesson at para makahanap ng mga karagdagang ideya sa pagtuturo. Ang mga sumusunod na resources ay makukuha online, sa iyong supervisor, sa mga lokal na distribution center ng Simbahan, at sa online store ng Simbahan (store.lds.org):
-
Seminary visual resource DVDs
-
Aklat ng Sining ng Ebanghelyo
-
Mga scripture study journal
-
Mga seminary bookmark (na kinabibilangan ng timelines at listahan ng mga scripture mastery reference at mahahalagang salita)
-
Mga scripture mastery card
-
Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo
-
Para sa Lakas ng mga Kabataan
-
Mga timeline poster