Lesson 44
Jacob 2:12–35
Pambungad
Tapat sa kanyang responsibilidad bilang priesthood leader, hinikayat ni Jacob ang mga tao na magsisi, binabalaan sila tungkol sa kapalaluan at seksuwal na imoralidad. Itinuro niya ang mga panganib at kahihinatnan ng dalawang laganap na kasalanang ito.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Jacob 2:12–21
Pinagsalitaan ni Jacob ang kanyang mga tao dahil sa kanilang kapalaluan
Isulat sa pisara ang sumusunod: pera, katalinuhan, mga kaibigan, mga talento, kaalaman sa ebanghelyo. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang tungkol sa mga pagpapalang ibinigay sa kanila sa mga bagay na ito. Hikayatin sila na isipin ang nadarama nila tungkol sa mga pagpapalang ito sa pag-aaral nila ng Jacob 2.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Jacob 2:12–13. Sabihin sa iba pa sa klase na tahimik na sumunod sa pagbasa, na inaalam kung ano ang hinahanap ng marami sa mga Nephita.
Pagkatapos sumagot ang mga estudyante, ituro na sinabi ni Jacob sa kanyang mga tao na nagtamo sila ng mga kayamanan sa pamamagitan ng “mapagpalang kamay.” Maaari mong ipaliwanag na ang salitang mapagpala ay tumutukoy sa Diyos.
-
Bakit mahalagang maalala natin na lahat ng mga pagpapala sa atin ay nagmula sa ating Ama sa Langit?
-
Ayon sa Jacob 2:13, bakit marami sa mga Nephita ang iniangat sa kapalaluan?
Isiping gamitin ang segment na ito mula sa Mga Video ng Aklat ni Mormon kapag itinuro mo ang bahaging ito (tingnan sa Mga Video ng Aklat ni Mormon: Mga Tagubilin sa Seminary Teacher).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang ibig sabihin ng maiangat sa kapalaluan:
“Sa kaibuturan nito, kapalaluan ang kasalanang paghahambing, dahil bagama’t karaniwan ay nagsisimula ito sa ‘Tingnan mo kung gaano ako kagaling at gaano kaganda ang nagawa ko,’ tila lagi itong nagtatapos sa ‘Kaya mas magaling ako sa iyo.’ …
Ito ang kasalanang pag-iisip na ‘Salamat sa Diyos at mas espesyal ako kaysa sa iyo.’ Nasa kaibuturan nito ang hangaring hangaan o kainggitan. Ito ang kasalanang pagpuri sa sarili” (“Kapalaluan at ang Priesthood,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 56).
Hikayatin ang mga estudyante na tahimik na pagnilayan kung sila ay nagkasala na ng pag-iisip na mas magaling sila kaysa sa iba.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Jacob 2:14–16. Ipahanap sa klase ang mga parirala na nagpapakita ng mga bunga ng kapalaluan. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nahanap nila.
-
Sa inyong palagay, bakit may kapangyarihan ang kapalaluan na “wasakin ang [ating] mga kaluluwa”? (Jacob 2:16).
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Jacob 2:17–21. Sabihin sa kanila na hanapin ang mga parirala na nagtuturo kung paano madaraig ang kapalaluan at maling saloobin tungkol sa mga materyal na kayamanan. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga parirala na nahanap nila. Matapos nilang pag-aralan ang mga talatang ito, sabihin sa kanila na pumili ng isang parirala sa nahanap nila. Bigyan ng pagkakataon ang ilang estudyante na maipaliwanag kung paano makatutulong ang mga pariralang napili nila upang madaig natin ang kapalaluan o maling saloobin tungkol sa materyal na kayamanan. (Bilang bahagi ng aktibidad na ito, maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na basahin ang mga sumusunod na scripture passage: I Mga Hari 3:11–13; Marcos 10:17–27 ; 2 Nephi 26:31; Alma 39:14; D at T 6:7.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng hanapin ang kaharian ng Diyos? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng makatamo ng pag-asa kay Cristo?
-
Paano makaiimpluwensya ang paghahanap sa kaharian ng Diyos at pagtatamo ng pag-asa kay Cristo sa ating saloobin sa kayamanan at materyal na ari-arian?
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nila ibubuod ang pangunahing punto ng Jacob 2:12–21 para sa estudyante na hindi pumasok sa klase sa araw na ito. Bigyan ng pagkakataon ang dalawa o tatlong estudyante na ibahagi ang sasabihin nila. Maaaring magsabi ng iba’t ibang totoong alituntunin ang mga estudyante. Tiyakin na nauunawaan nila na dapat nating hanapin ang kaharian ng Diyos nang higit sa lahat ng iba pang mga bagay. Bigyan ng oras ang mga estudyante na maisulat sa kanilang scripture study journal o class notebook ang isang paraan na magagamit nila ang mga pagpapala at oportunidad na ibinigay sa kanila ng Panginoon para maitayo ang kaharian ng Diyos at mapagpala ang buhay ng ibang tao.
Jacob 2:22–35
Pinagsabihan ni Jacob ang mga taong lumabag sa batas ng kalinisang puri
Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson:
“Ang nakababahalang kasalanan ng henerasyong ito ay …”
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang maaaring idugtong ni Pangulong Benson sa pangungusap na ito. Pagkatapos ay basahin ang sumusunod na pahayag:
“Ang nakababahalang kasalanan ng henerasyong ito ay seksuwal na imoralidad. Ito, sabi ni Propetang Joseph, ang pagmumulan ng mas maraming tukso, mas maraming pananakit, at mas maraming paghihirap para sa mga elder ng Israel kaysa sa anumang iba pang bagay” (The Teachings of Ezra Taft Benson [1988], 277).
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Jacob 2:22–23, 28, na hinahanap ang mga salita at mga parirala na ginamit ni Jacob na naglalarawan na isang mabigat na kasalanan ang seksuwal na imoralidad. (Maaari mong ipaliwanag na ang salitang pagpapatutot ay tumutukoy sa mga seksuwal na kasalanan.) Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga salita at mga parirala na nahanap nila.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang batas ng kalinisang puri, basahin ang sumusunod na pahayag mula sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang mga kilos na dapat nilang iwasan.
“Ang mga pamatayan ng Panginoon sa kadalisayan ng puri ay malinaw at hindi nagbabago. Huwag magkaroon ng anumang pakikipagtalik bago ikasal, at maging ganap na matapat sa inyong asawa matapos ang kasal. …
“Huwag gumawa ng anumang bagay na hahantong sa seksuwal na kasalanan. Igalang ang ibang tao at huwag silang ituring na mga bagay na magbibigay-kasiyahan sa pagnanasa at pansariling hangarin. Bago ikasal, huwag gawin ang maalab na paghahalikan, pumatong sa isang tao, o hawakan ang mga pribado at sagradong bahagi ng katawan ng isang tao, may damit man o wala. Huwag gumawa ng anupamang pupukaw sa damdaming seksuwal. Huwag pukawin ang mga damdaming iyon sa sarili ninyong katawan” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 35–36).
Ituro na ayon sa Jacob 2:23–24, may mga tao sa panahon ni Jacob na nagtangkang pangatwiranan ang kanilang mga seksuwal na kasalanan.
-
Paano tinatangka kung minsan ng mga tao na pangatwiranan ang seksuwal na imoralidad ngayon?
-
Ano ang ilang bagay na magagawa ng mga kabataan para makaiwas sa mga tukso ng seksuwal na imoralidad? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang pagdarasal na maging matatag, pagsama sa mabubuting kaibigan, pagpili ng makabuluhang libangan, at pag-iwas sa mga sitwasyon at lugar kung saan naroon ang mga tukso.)
Maaari mong ituro na ang isa sa mga kasalanan ng mga Nephita ay pag-aasawa nang higit sa isa na hindi iniutos ng Diyos sa kanila. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Jacob 2:27–30. Bago nila basahin ito, maaaring kailangang ipaliwanag mo na ang salitang kalunya ay tumutukoy sa isang babae na legal na ikinasal sa lalaki pero mas mababa ang katayuan kaysa sa isang asawa.
-
Ayon sa Jacob 2:27, ano ang “salita ng Panginoon” tungkol sa pagkakaroon ng mahigit sa isang asawa? (Tiyaking malinaw na naunawaan na mula pa sa simula, iniutos ng Panginoon na ang isang lalaki ay dapat magkaroon ng isang asawa. Tingnan din sa D at T 49:15–16.)
Ipaliwanag na ang di-awtorisadong pag-aasawa nang higit sa isa ay isang halimbawa ng pagpapatutot, o seksuwal na kasalanan. Sa paningin ng Diyos, napakabigat ng mga kasalanang seksuwal.
-
Ayon sa Jacob 2:30, kailan awtorisadong mag-asawa nang higit sa isa ang mga tao ng Panginoon? (Kapag iniutos ito ng Panginoon.)
Ipaliwanag na may panahon sa kasaysayan ng mundo na iniutos ng Panginoon na mag-asawa nang higit sa isa ang Kanyang mga tao. Halimbawa, ang pag-aasawa nang higit sa isa ay ginawa noong panahon ng Lumang Tipan nina Abraham at Sara (tingnan sa Genesis 16:1–3; D at T 132:34–35, 37) at ng kanilang apong si Jacob (tingnan sa D at T 132:37), at ipinagpatuloy ito noong mga unang taon ng ipinanumbalik na Simbahan, na nagsimula kay Joseph Smith (tingnan sa D at T 132:32–33, 53).
Para mabigyang-diin na ang seksuwal na imoralidad ay sumisira sa mga pamilya, basahin nang malakas ang Jacob 2:31–35. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumunod sa pagbasa, na inaalam ang ilan sa mga bunga ng imoralidad. Bigyang-diin na bagama’t nagsasalita lamang si Jacob sa kalalakihan, ang batas ng kalinisang puri ay mahalaga rin sa kababaihan.
-
Ayon kay Jacob, paano naaapektuhan ang mga pamilya kapag lumabag sa batas ng kalinisang puri ang isang miyembro ng pamilya? Paano nakatulong ito sa paliwanag kung bakit ang paglabag sa batas ng kalinisang puri ay isang napakabigat na kasalanan?
-
Ikinakatwiran ng ilang kabataan na maaari nilang labagin ang batas ng kalinisang puri dahil hindi nakasasakit kaninuman ang ginagawa nila. Paano nakakaapekto ang imoralidad ng isang tao sa ibang tao?
Para tapusin ang talakayang ito tungkol sa mga bunga ng mga kasalanang seksuwal, maaari mong basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang mga bunga ng seksuwal na imoralidad.
“Ang intimasiya at pagtatalik na iyon ay ipinagbabawal ng Panginoon sa mga hindi kasal dahil hindi nito pinahahalagahan ang Kanyang mga layunin. Sa loob ng sagradong tipan ng kasal, ang gayong mga ugnayan ay naaayon sa Kanyang plano. Kapag naranasan ito sa ibang paraan, labag na ito sa Kanyang kalooban. Naghahatid ito ng matinding emosyonal at espirituwal na kapahamakan. Kahit hindi alam ng mga gumagawa nito na nangyayari ito ngayon, malalaman din nila kalaunan. Ang seksuwal na imoralidad ay nagiging hadlang sa impluwensya ng Banal na Espiritu pati na sa lahat ng nagpapasigla, nagpapaliwanag, at nagbibigay-lakas na kapangyarihan nito. Pag-aalabin nito ang inyong katawan at damdamin. Sa paglipas ng panahon titindi ang pagnanasang ito na magtutulak sa makasalanan na gumawa ng mas mabigat pang kasalanan” (“Making the Right Choices,” Ensign, Nob. 1994, 38).
Sabihin sa mga estudyante na basahin muli ang simula ng Jacob 2:28 at alamin kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila. Tiyaking naunawaan nila na: nalulugod ang Panginoon sa kalinisang puri.)
-
Batay sa natalakay natin sa araw na ito, bakit kaya nalulugod ang Panginoon sa kalinisang puri?
Maaari mong ipakita ang larawan ng sarili mong pamilya. Magpatotoo sa mga pagpapalang natanggap mo at ng iyong pamilya dahil sa pagsunod ninyo sa batas ng kalinisang puri ng Panginoon. Bigyang-diin na ang kapangyarihang magkaanak ay napakagandang kaloob mula sa Ama sa Langit kapag ginamit ito sa loob ng hangganang Kanyang itinakda. Hikayatin ang mga estudyante na maging dalisay at malinis upang ang Panginoon ay “[malugod] sa [kanilang] kalinisang puri” (Jacob 2:28).
Para matulungan ang estudyante na magbahagi ng kanilang patotoo tungkol sa pagsunod sa batas ng kalinisang puri, maaari mong itanong ang sumusunod:
-
Ano ang masasabi mo sa isang tao na nagsasabing ang batas ng kalinisang puri ay makaluma at hindi na kailangan? (Kapag sumagot ang mga estudyante sa tanong na ito, hikayatin sila na magpatotoo sa mga pagpapala ng pagsunod sa batas ng kalinisang puri, hindi lamang sa mga panganib na dulot ng paglabag dito.)
Sabihin sa mga estudyante na tiwala ka na mapapanatili nilang malinis ang kanilang puri. Ipaliwanag na kung nakalabag sila sa batas ng kalinisang puri, dapat nilang hingin ang tulong ng kanilang bishop o branch president, na makatutulong sa kanila na magsisi at maging malinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.