Library
Lesson 45: Jacob 3–4


Lesson 45

Jacob 3–4

Pambungad

Sa Jacob 3, nabasa natin ang katapusan ng sermon na ibinigay ni Jacob sa kanyang mga tao. Maikling nagbigay si Jacob ng mga nakapapanatag na salita at pangako sa mga dalisay ang puso. Pinagsabihan niya ang mga palalo at mahalay sa kanyang mga tao, at binalaan sila ng mga ibubunga nito kung hindi sila magsisisi. Ang Jacob 4 ay naglalaman ng mga salita na nadama ni Jacob na dapat isulat para sa mga taong magbabasa ng kanyang talaan balang araw. Pinatotohanan niya ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at hinikayat ang kanyang mga mambabasa na makipagkasundo sa Diyos Ama sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala. Sa tinig na nagbababala, nagsalita siya tungkol sa mga Judio na hindi tatanggap kay Jesucristo at sa kasimplihan ng Kanyang ebanghelyo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Jacob 3

Pinanatag at pinayuhan ni Jacob ang mga may dalisay na puso at hinikayat ang iba na magsisi

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang maipapayo nila sa mga tao sa mga sumusunod na sitwasyon:

  1. Isang dalagita ang nagsisikap na mamuhay nang mabuti ngunit nahihirapan dahil lulong sa alak ang tatay niya.

  2. Isang binatilyo ang ginagawa ang lahat para maipamuhay ang ebanghelyo pero nahihirapan dahil nagdiborsyo ang mga magulang niya.

  3. Isang dalagita ang nagsisikap na mahalin ang kanyang pamilya pero nahihirapan siya kapag nasa bahay dahil makasarili at walang kunsiderasyon ang kapatid niyang babae.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang unang pangungusap ng Jacob 3:1. Ipatukoy sa kanila kung kanino unang nagsalita si Jacob sa kabanatang ito.

Ipaliwanag na tuwirang nagsalita si Jacob sa mga taong nagkasala ng kapalaluan at mga kasalanang seksuwal. Pagkatapos ay itinuon niya ang kanyang pansin sa mabubuting tao na dumaranas ng mga pagsubok dahil sa kasamaan ng ibang tao. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Jacob 3:1–2. Sabihin sa kanila na alamin ang apat na bagay na ipinagagawa ni Jacob sa mga taong may dalisay na puso.

  • Ano ang apat na bagay na ipinayo ni Jacob sa mga taong may dalisay na puso? (“Umasa sa Diyos nang may katatagan ng pag-iisip, … manalangin sa kanya nang may labis na pananampalataya, … itaas ninyo ang inyong mga ulo at tanggapin ang kasiya-siyang salita ng Diyos, at magpakabusog sa kanyang pagmamahal.”) Ano ang ipinangako ni Jacob sa mga taong may dalisay na puso kung sila ay mananatiling tapat? (Kaaliwan sa mga paghihirap at proteksyon laban sa mga kaaway.)

  • Ano sa inyong palagay ang dapat nating gawin para matanggap ang salita ng Diyos?

Kaugnay sa tanong tungkol sa ipinangako ni Jacob sa mga may dalisay na puso, tiyaking naunawaan ng mga estudyante na aaluin ng Diyos ang mga may dalisay na puso sa kanilang paghihirap. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang aaluin ay bibigyan ng kapanatagan ang isang taong nalulungkot o nababalisa. Upang matulungan ang mga estudyante na mapag-isipang mabuti at maipamuhay ang katotohanang ito, itanong:

  • Paano ka inalo ng Panginoon?

  • Paano nakatulong sa iyo ang pananalangin nang may pananampalataya sa panahong nahihirapan ka?

  • Kailan nakatulong sa iyo ang salita ng Diyos para madama mo ang Kanyang pagmamahal?

Ipaliwanag na matapos magsalita sa mga may dalisay na puso, nagsalita muli si Jacob sa mga hindi dalisay ang puso.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Jacob 3:3–4. Sabihin sa klase na alamin ang ipinagagawa ni Jacob sa mga hindi dalisay ang puso.

  • Ano ang mangyayari kung hindi magsisisi ang mga tao ni Jacob?

Ituro na sinabi ni Jacob na higit na mabubuti ang mga Lamanita kaysa sa ilang mga Nephita sa panahong iyon. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Jacob 3:5–7, na inaalam kung bakit higit na mabubuti ang mga Lamanita sa ilang mga Nephita.

  • Bakit higit na mabubuti ang mga Lamanita kaysa sa ilang mga Nephita?

  • Anong mga alituntunin ang natutuhan ninyo sa Jacob 3:7 tungkol sa pamilya? (Dapat mahalin ng mag-asawa ang isa’t isa, at dapat mahalin ng mga magulang ang kanilang mga anak.)

  • Ano ang mangyayari kapag hindi nagmahalan ang mga miyembro ng pamilya at hindi ginampanan ang kanilang mga responsibilidad sa pamilya?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Jacob 3:10, na inaalam ang babala na partikular na ibinigay ni Jacob sa mga Nephitang ama.

  • Anong babala ang ibinigay ni Jacob sa mga Nephitang ama?

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang magpakita ng mabuting halimbawa sa isa’t isa ang mga miyembro ng pamilya?

Basahin nang malakas ang Jacob 3:11–12 sa mga estudyante. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na sa talata 11, ang pariralang “gisingin ang mga kakayahan ng inyong mga kaluluwa” ay nagsasabing kailangan nating gumising sa espirituwal na paraan. Sa Jacob 3:12, ang pariralang “pangangalunya at kahalayan” ay tumutukoy sa mga kasalanang seksuwal. Habang binabasa mo ang mga talatang ito, bigyang-diin ang “kakila-kilabot na ibubunga” ng mga kasalanang seksuwal. Bukod pa rito, ipaalala sa mga estudyante ang ipinangako ni Jacob sa mga may dalisay na puso (tingnan sa Jacob 3:1–2). Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pinakamagandang paraan para matanggap ang mga ipinangakong pagpapala ay ang panatilihin ang pagiging dalisay ng puso. Gayunman, ang mga taong nakagawa ng mga kasalanang seksuwal ay makahihingi ng tulong sa kanilang bishop o branch president, na tutulong sa kanila na magsisi, at maging malinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at matanggap ang mga ipinangakong pagpapala sa mga may dalisay na puso.

Jacob 4

Nagpatotoo si Jacob na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, makakasundo nating muli ang Diyos

Bago ang klase, magdikit ng maliit na larawan ni Jesucristo sa gitna ng pisara. Sa palibot ng larawan, magsulat ng ilang salita na sumasagisag sa mga bagay na maaaring maging dahilan para hindi mapagtuunan ng pansin ng mga tao ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo. Halimbawa, maaari mong isulat ang ilang mabubuting bagay—gaya ng edukasyon, isport, at mga kaibigan—na mahahalaga pero hindi dapat maging pinakapokus natin sa ating buhay. Maaari mo ring isulat ang iba pang mga bagay—gaya ng pornograpiya, hindi angkop na musika, at droga—na nakapipinsala sa ating espiritu at naglalayo sa atin mula sa Tagapagligtas.

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Jacob 4:14. Ipaliwanag na nasa talatang ito ang pariralang “pagtingin nang lampas sa tanda.” Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol na sa talatang ito, “ang tanda ay si Cristo” (“Jesus of Nazareth, Savior and King,” Ensign, Dis. 2007, 45). Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang pahayag na ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Jacob 4:14.

Matapos magpaliwanag, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Jacob 4:14–15.

  • Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng pagtingin nang lampas sa tanda? (Ituon ang ating buhay sa anumang bagay maliban sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo.)

  • Ayon kay Jacob, anong ugali at gawain ang humahadlang sa mga Judio para tanggapin si Jesucristo?

Ipaliwanag na bagama’t ang tinutukoy ni Jacob ay ang mga kasalanan ng ilan sa mga Judio, may bahagi sa Jacob 4:14–15 na patungkol din sa atin at maaaring magsilbing babala para sa atin. Para matulungan ang mga estudyante na makita ang aplikasyon nito, itanong ang mga sumusunod:

  • Bakit hindi tinatanggap kung minsan ng mga tao ang “mga salita ng kalinawan” at sa halip ay hinahangad ang mga bagay na hindi nila maunawaan? Ano ang ilang panganib ng pagbalewala sa mga simpleng katotohanan ng ebanghelyo?

  • Ano pang mga halimbawa ang maidaragdag natin sa pisara na nagiging dahilan para hindi natin mapagtuunan ng pansin ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo? (Idagdag ang mga sagot ng estudyante sa mga nakasulat na sa pisara.)

Burahin ang mga salitang isinulat mo sa pisara at isulat ang sumusunod na tanong: Ano ang maaari nating gawin para hindi tayo tumingin nang lampas sa tanda at manatiling nakatuon kay Jesucristo?

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference: Jacob 4:4–5; Jacob 4:6–7; Jacob 4:8–9; Jacob 4:10; Jacob 4:11–13. Ipaliwanag na sa Jacob 4, nagbahagi si Jacob ng mga alituntunin na makatutulong sa atin na manatiling nakatuon kay Jesucristo. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante at sabihin sa kanila na hanapin ang mga alituntuning ito sa isa sa mga scripture passage na nakasulat sa pisara. (Depende sa dami ng mga estudyante sa iyong klase, maaari mong i-assign ang isang scripture passage sa mahigit sa isang magkapartner. O maaaring ipabasa mo sa isang magkapartner ang mahigit sa isang scripture passage.)

Pagkatapos ng ilang minuto, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot. Kapag nagawa na nila ito, maaari kang magtanong sa kanila para mapag-isipan pa nilang mabuti ang tungkol sa natutuhan nila sa mga talata. Para matulungan ka sa talakayang ito, ang mga sumusunod na tanong ay iniayon sa mga naka-assign na talata:

  • Jacob 4:4–5. Paano nakatulong sa inyo ang mga patotoo ng mga propeta para matuon ang buhay ninyo kay Jesucristo? Paano kayo napalakas ng patotoo ng ibang tao tungkol sa Tagapagligtas? Sinabi ni Jacob na ang pagsunod ng kanyang mga tao sa batas ni Moises ay nakabubuti sa “[pagtu]turo [ng kanilang] mga kaluluwa sa” Panginoon. Paano itinuturo ang ating kaluluwa sa Panginoon ng mga pagsisikap nating matanggap ang mga ordenansa ng priesthood at masunod ang mga kautusan?

  • Jacob 4:6–7. Paano nakatutulong sa atin ang paghahayag sa mga propeta para magkaroon tayo ng pag-asa at pananampalataya kay Jesucristo? Paano napapalakas ng personal na paghahayag, o ng natanggap ninyong espirituwal na patotoo ang inyong pananampalataya? Sa inyong palagay, bakit mahalagang tandaan na sa pamamagitan lamang ng biyaya ng Panginoon kaya nagagawa natin ang Kanyang gawain?

  • Jacob 4:8–9. Sa inyong palagay, bakit mahalagang maunawaan na ang mga gawain ng Panginoon ay “dakila at kagila-gilalas”? Paano nakakaimpluwensya ang gawain ng Tagapagligtas bilang Tagapaglikha ng daigdig sa inyong patotoo tungkol sa Kanya? Para sa inyo, ano ang ibig sabihin ng “huwag hamakin ang mga paghahayag ng Diyos”? Paano natin maipapakita sa Panginoon na pinahahalagahan natin ang mga paghahayag na ibinigay Niya?

  • Jacob 4:10. Ano ang ilang halimbawa kung paano “huwag hangaring pagpayuhan [ng isang tao] ang Panginoon, kundi tumanggap ng payo mula sa kanyang kamay”?

  • Jacob 4:11–13. Tulad ng nabanggit sa lesson 35, ang ibig sabihin ng salitang makipagkasundo ay makipagkaisa. Paano tayo tinutulungan ng Pagbabayad-sala na makipagkasundo sa ating Ama sa Langit? Ipinaalala sa atin ni Jacob ang kahalagahan ng pagtuturo ng tungkol sa Pagbabayad-sala, sa pagtatanong ng “Bakit hindi tayo mangungusap tungkol sa pagbabayad-sala ni Cristo … ?” Paano natin masusunod ang alituntuning ito kapag nagbabahagi tayo ng ating patotoo sa iba at kapag may mga pagkakataon tayo na ituro ang ebanghelyo? Kapag nagbabahagi tayo ng ating patotoo, bakit mahalagang gawin ito sa paraang nauunawaan ng mga tao? Paano tayo tinutulungan ng Espiritu na magawa ito?

Bilang resulta ng talakayang ito, tiyaking malinaw na nauunawaan ang sumusunod na katotohanan: Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, mapupuno tayo ng pag-asa at maipagkakasundo ang ating sarili sa Diyos.

Ibahagi ang iyong pasasalamat para sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Magpatotoo na si Jesucristo ang “tanda” na dapat pagtuunan ng ating buhay. Para tapusin ang lesson, sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang gagawin nila upang maituon ang kanilang buhay sa Tagapagligtas sa mga susunod na araw. Maaari mong imungkahi na isulat nila ang kanilang plano sa kanilang scripture study journal. Maaari mong anyayahan ang ilan sa kanila na ibahagi sa klase ang plano nilang gawin.

scripture mastery iconPagrebyu ng Scripture Mastery

Ang pag-uulit ay tumutulong sa mga estudyante na matandaan kung saan mahahanap ang mga scripture mastery passage. Ang isang paraan para mahikayat ang pag-uulit ay gumamit ng mga scripture mastery card (item number 10459; makukuha rin bilang PDF sa si.lds.org). Kung wala kayong makukuhang card, tulungan ang mga estudyante na gumawa ng sarili nilang mga card, na may mga key word o mahahalagang salita sa harap at mga scripture reference sa likod nito. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Bigyan sila ng ilang minuto na i-test ang isa’t isa gamit ang mga card. Halimbawa, maaaring isang estudyante ang magbasa ng mga key word samantalang sasabihin naman ng isang estudyante ang scripture reference nito. Sabihin sa mga estudyante na gamitin nang madalas ang mga card para i-test ang sarili at isa’t isa.

Paalala: Ang haba ng lesson na ito ay maaaring magbigay ng oras para sa pagrebyu ng scripture mastery. Maaari mong gawin ang aktibidad sa simula ng klase, sa pagitan ng mga bahagi ng lesson, o sa katapusan ng klase. Tiyaking maikli lang ang aktibidad para magkaroon ng sapat na oras para sa lesson. Para sa iba pang mga aktibidad sa pagrebyu, tingnan sa apendiks ng manwal na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Jacob 4:4. Ang mga propeta sa Lumang Tipan ay nagpatotoo tungkol kay Jesucristo

Mahigit 400 taon bago ang pagsilang ni Jesucristo, sinabi ni Jacob na lahat ng mga propetang nauna sa kanya ay nagpatotoo tungkol sa Tagapagligtas (tingnan sa Jacob 4:4). Maaaring nagtataka ang ilan kung bakit hindi naglalaman ang Lumang Tipan ng mas marami pang bagay tungkol kay Jesucristo. Binanggit ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang paliwanag ni Nephi tungkol sa “malinaw at mahahalagang bagay” na “inalis” mula sa Biblia (tingnan sa 1 Nephi 13:26–29) at pagkatapos ay sinabing:

“Tiyak na ang pinakamalinaw at pinakamahalaga sa lahat ng katotohanan na nawala sa Biblia, lalo na sa Lumang Tipan, ay ang malilinaw at hindi mapabubulaanang mga pahayag tungkol sa misyon ni Jesucristo, sa kanyang pagiging Mesiyas at Tagapagligtas ng daigdig na inorden noon pa man, at ang mga tipan sa kanyang ebanghelyo, na itinuro mula kay Adan hanggang sa bawat sumunod na dispensasyon. Kaya nga ang pinakadakilang layunin ng Aklat ni Mormon ay ang ipanumbalik sa lahat ng pamilya ng Diyos ang napakahalagang kaalaman tungkol sa ginagampanan ni Cristo sa kaligtasan ng lahat ng lalaki, babae, at bata na nabubuhay sa kasalukuyan, nabuhay noon, at mabubuhay pa lamang sa mundong ito” (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 6–7).

Jacob 4:5. Sambahin ang Ama sa pangalan ni Jesucristo

Ang mga isinulat ni Jacob ay nagbibigay ng mahalagang kaalaman tungkol sa batas ni Moises at sa Lumang Tipan. Sa Jacob 4:5, nalaman natin na ang mga propeta bago ang kapanahunan ni Jacob ay sumamba sa Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo, na nagpapakita na alam nila na ang Ama at ang Anak ay hindi iisang personahe. Ipinapahiwatig ng mga salita ni Jacob na ang batas ni Moises ay hindi lamang simpleng grupo ng mahihigpit na kautusan at alituntunin, tulad ng sinasabi ng mga makabagong iskolar. Ang batas ni Moises ay nagpapatotoo kay Jesucristo at umaakay sa mabubuti tungo sa kabanalan sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Jacob 4:10. “Tumanggap ng payo mula sa kanyang kamay”

Ipinaliwanag ni Pangulong Marion G. Romney ng Unang Panguluhan ang kahalagahan ng pag-alam at pagsunod sa payo ng Panginoon:

“Sa palagay ko ay hindi sinasadya ng maraming miyembro ng Simbahan na [sundin] ang mga panghihikayat ng tao o ang kanilang sariling kaalaman sa halip na ang payo ng Panginoon. Gayunman, kapag hindi natin inaalam ang payo ng Panginoon, malamang na ang sarili nating kaalaman ang ipalit natin sa payo Niya. Sa katunayan, wala tayong iba pang gagawin kundi ang sundin ang sarili nating kaalaman kapag hindi natin nalalaman ang mga tagubilin ng Panginoon” (“Seek Not to Counsel the Lord,” Ensign, Ago. 1985, 5).