Library
Lesson 47: Jacob 5:52–77; Jacob 6


Lesson 47

Jacob 5:52–77; Jacob 6

Pambungad

Sa nakaraang lesson, nagsimulang pag-aralan ng mga estudyante ang talinghaga ni Zenos tungkol sa mga likas at ligaw na punong olibo. Sa lesson na ito, pag-aaralan nila ang huling bahagi ng talinghaga, kung saan ang panginoon ng olibohan ay gumawa kasama ang kanyang mga tagasilbi para sa huling pagkakataon para tulungan ang mga puno na mamunga ng mabuting bunga. Pag-aaralan din nila ang Jacob 6, kung saan nagsalita si Jacob tungkol sa talinghaga at nagpayo sa kanyang mga tao na magsisi.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Jacob 5:52–60

Sa talinghaga ng mga likas at ligaw na punong olibo, iniligtas ng panginoon ng olibohan ang mga puno at tinulungan ang mga ito na mamunga ng mabuting bunga

Bago magklase, magdrowing sa pisara ng tatlong puno.

tatlong punong olibo

Ipaalala sa mga estudyante na sa nakaraang lesson, nagsimula silang pag-aralan ang talinghaga ni Zenos tungkol sa mga likas at ligaw na punong olibo sa Jacob 5. Sa katapusan ng lesson na iyan, lahat ng puno sa olibohan ay namunga ng ligaw na bunga (tingnan sa Jacob 5:30–42). Ito ay sumasagisag sa Malawakang Apostasiya.

Para marebyu ang nakaraang lesson, pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na pag-usapan ang isasagot nila sa mga sumusunod na hindi kumpletong pahayag (maaari mong isulat sa pisara ang mga pahayag na ito):

  1. Ang mga tagapagsilbi ng panginoon ng olibohan ay kumakatawan sa …

  2. Ang mga ginawa ng panginoon ng olibohan para iligtas ang kanyang mga puno ay sumasagisag sa …

  3. Ang isang bagay na natutuhan ko tungkol kay Jesucristo mula sa mga salita at ginawa ng panginoon ng olibohan ay …

  4. Matapos mabulok ang lahat ng puno at bunga ng olibohan, nagpasiya ang panginoon na …

Matapos talakayin ng magkakapartner ang mga pahayag na ito, maikling rebyuhin ang kanilang mga sagot sa klase. Sa pagsasabi ng mga estudyante ng kanilang sagot sa unang dalawang pahayag, tiyakin na malinaw na naunawaan na ang panginoon ng olibohan ay kumakatawan kay Jesucristo at ang kanyang pagsisikap na mailigtas ang kanyang mga puno ay sumasagisag sa ginagawa ng Tagapagligtas upang matulungan ang Kanyang mga tao na makabalik sa Kanya. Makapagbabahagi ng iba’t ibang mahahalagang aral ang mga estudyante kapag natapos nila ang pangatlong pahayag. Sabihin sa mga estudyante na itsek ang kanilang sagot sa pang-apat na pahayag sa pagtingin sa Jacob 5:51, na nagsasabing nagpasiya ang panginoon na “patagalin nang kaunti pa” ang olibohan.

Ipaliwanag na ang lesson sa araw na ito ay tumatalakay sa huling bahagi ng talinghaga, na sumasagisag sa mga huling araw, kabilang ang Panunumbalik ng ebanghelyo.

Ituro na nagpasiya ang panginoon ng olibohan na iligtas ang olibohan sa pamamagitan ng paghuhugpong ng mas maraming sanga. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Jacob 5:52–58. Sabihin sa klase na alamin ang ginawa ng panginoon para mapalakas ang mga sanga at mga ugat. (Tulungan ang mga estudyante na makita na inihugpong ng panginoon ng olibohan ang mga sanga mula sa mga likas na puno pabalik sa orihinal na puno nito—ang puno na kumakatawan sa sambahayan ni Israel. Pagkatapos ay inihugpong niya ang mga sanga mula sa punong iyon sa iba pang mga likas na puno. Itinapon din niya sa apoy ang mga sanga na may pinakamapait na bunga. Maaari mong gamitin ang drowing na mga puno sa pisara para ilarawan ang paliwanag na ito. Halimbawa, maaari mong burahin ang isang sanga mula sa isang puno at magdrowing ng isang bagong sanga sa ibang puno.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Jacob 5:59. Sabihin sa klase na pakinggan ang inaasahan ng panginoon ng olibohan na mangyari sa mga ugat ng mga puno dahil sa mga ginawa niya.

  • Ano ang inaasahan ng panginoon na mangyayari sa mga ugat? (Gusto niyang “mabigyang-lakas” ang mga ito.)

Ipaalala sa mga estudyante na sa panahong ito, ang mga puno ay namumunga ng masamang bunga, sumasagisag sa buong mundo na dumaranas ng apostasiya. Ipaliwanag na kapag nabigyang-lakas ang mga ugat, ang mga sanga ay magpapalit upang “madaig ng mabuti ang masama” (Jacob 5:59).

Tiyaking naunawaan ng mga estudyante na itinuturo ng mga talatang ito na dahil sa impluwensya ng mga tipan ng ebanghelyo, madaraig ng mga anak ng Ama sa Langit ang kasalanan at makagagawa ng kabutihan.

  • Paano tayo mapapalakas ng mga tipan ng ebanghelyo? Paano naimpluwensyahan ng inyong mga tipan ang inyong buhay? (Maaari mong ibahagi ang sarili mong nadarama at patotoo tungkol sa alituntuning ito.)

Jacob 5:61–77

Ang panginoon ng olibohan ay gumawa sa olibohan kasama ang kanyang mga tagapagsilbi

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Jacob 5:61–62, na inaalam ang ipinagawa ng panginoon ng olibohan sa kanyang mga tagapagsilbi at kung bakit niya ipinagawa ito sa kanila.

  • Ang tagapagsilbi sa simula ng talinghaga ay kumakatawan sa mga propeta ng Panginoon. Sino ang maaaring kinakatawan ng maraming tagapagsilbi sa Jacob 5:61? (Tulungan ang mga estudyante na makita na ang mga tagapagsilbing ito ay maaaring kumatawan sa lahat ng miyembro ng Simbahan: mga propeta at mga apostol, pangkalahatan at lokal na mga lider ng Simbahan, mga missionary, home teacher, visiting teacher, at sinumang nakikibahagi sa gawain ng Panginoon.)

  • Ano ang kahalagahan ng mga salitang tayo, natin, at atin sa Jacob 5:61–62? (Ang Panginoon ay gumagawang kasama natin. Hindi tayo iniiwang mag-isa sa paggawa ng Kanyang gawain.)

  • Ayon sa Jacob 5:62, ano ang kakaiba tungkol sa oras na tinawag ang mga tagapagsilbing ito para gumawa? (Iyon na ang “huling pagkakataon” na pupungusan ng panginoon ang olibohan. Tinukoy ng mga propeta ang “huling pagkakataon” na ito bilang “ang dispensasyon ng kaganapan ng panahon.” Para sa halimbawa, tingnan sa Mga Taga Efeso 1:10 at D at T 128:20.)

Elder Dean L. Larsen

Upang matulungan ang estudyante na maunawaan kung paano nauugnay sa kanila ang bahaging ito ng talinghaga, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dean L. Larsen ng Pitumpu:

“[Ngayon] ang panahon na gagawa ng huling matinding paggawa ang Panginoon at ang kanyang mga tagapaglingkod para madala ang mensahe ng katotohanan sa lahat ng tao sa buong mundo at mabawi ang mga inapo ng sinaunang Israel na nawalan ng kanilang tunay na pagkakakilanlan. …

“Isinilang kayo sa mundong ito sa panahong naitatag ang pundasyon para sa dakilang gawaing ito. Ang ebanghelyo ay ipinanumbalik sa huling pagkakataon. Ang Simbahan ay naitayo na sa halos lahat ng dako ng mundo. Ang entablado ay naisaayos na para sa huling matinding yugto na gagawin. Kayo ang magiging pangunahing tauhan. Kayo ay kabilang sa mga huling manggagawa sa olibohan. … Ito ang paglilingkod kung saan kayo napili” (“A Royal Generation,” Ensign, Mayo 1983, 33).

  • Paano nakaimpluwensya sa inyo na kayo ay tinawag na maglingkod kasama ang Panginoon sa huling panahong ito ng paggawa?

  • Kailan ninyo nadama na kasama ninyo sa paggawa ang Panginoon sa inyong pakikibahagi sa Kanyang gawain?

  • Ano ang ilang pagkakataon na naglingkod kayo sa Panginoon at tinulungan ang iba na magkaroon ng “mabuting bunga”? (Maaaring banggitin ng mga estudyante ang mga calling at tungkulin nila sa Simbahan; ang kanilang mga responsibilidad na tulungan ang kanilang pamilya, mga kaibigan, at iba pa na mas mapalapit sa Tagapagligtas; at ang pagkakataon nila na maglingkod sa Panginoon bilang mga full-time missionary.)

Isulat sa pisara ang Jacob 5:70–75. Ipaliwanag na ang mga talatang ito ay nagtuturo tungkol sa kaugnayan ng Panginoon sa Kanyang mga tagapagsilbi. Inilalarawan din dito ang nagawa ng Panginoon at ng Kanyang mga tagapagsilbi sa kanilang pagtutulungan. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang mga talatang ito at pumili ng talata na nagsasaad ng paborito nilang paglalarawan ng kaugnayan ng Panginoon sa Kanyang mga tagapagsilbi. Pagkatapos magbasa ng mga estudyante, anyayahan ang ilan sa kanila na ibahagi ang napili nilang talata, kung bakit nila nagustuhan ito, at kung paano ito makatutulong sa kanilang paglilingkod sa Panginoon.

Sa pakikibahagi ng mga estudyante sa aktibidad na ito, tiyaking naunawaan nila na ang Panginoon ay nangako sa atin ng kagalakan kapag gumawa tayong kasama Niya sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain. Para matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang pagkaunawa nila sa Jacob 5:70–75, itanong ang ilan sa mga sumusunod:

  • Ano ang ipinangako ng panginoon ng olibohan sa mga gumawang kasama niya? (Tingnan sa Jacob 5:71, 75.) Kailan kayo nakadama ng kagalakan sa gawain ng Panginoon?

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang gumawa ang mga tagapagsilbi “nang buong lakas nila” at “nang buong pagsusumigasig”? (Tingnan sa Jacob 5:72, 74.) Anong mga aral ang makukuha ninyo mula sa mga pariralang ito sa paglilingkod ninyo sa Panginoon?

Tapusin ang bahaging ito ng lesson na ipinapasagot sa mga estudyante ang sumusunod na tanong sa kanilang scripture study journal o notebook (maaari mo itong isulat sa pisara):

  • Sa pag-iisip ninyo ng inyong mga pagkakataon na maglingkod sa Panginoon, paano ninyo gagamitin ang mga katotohanang natalakay natin sa Jacob 5?

Pagkatapos ng sapat na oras para makasulat ang mga estudyante, anyayahan ang isa o dalawa sa kanila na basahin ang kanilang mga sagot sa klase.

Jacob 6

Itinuro ni Jacob ang awa at katarungan ng Panginoon at hinikayat ang kanyang mga tao na magsisi

Maikling simulan ang Jacob 6 na ipinapaliwanag na naglalaman ito ng ibinuod ni Jacob na mahahalagang katotohanan mula sa talinghaga ng mga likas at ligaw na punong olibo.

Ipabasa sa isang estudyante ang Jacob 6:4–6. Sabihin sa kalahati ng klase na alamin ang gusto ni Jacob na malaman ng kanyang mga tao tungkol sa Panginoon. (Na naaalala Niya ang Kanyang mga tao, na Siya ay “[n]angungunyapit sa [kanila],” at ang Kanyang “bisig ng awa ay nakaunat sa [kanila].” Maaaring kailangan mong ipaliwanag na sa talatang ito, ang ibig sabihin ng salitang mangunyapit ay lubos na maging malapit sa isang bagay o isang tao.) Sabihin sa isa pang kalahati ng klase na alamin ang nais ni Jacob na gawin ng kanyang mga tao dahil sa nalaman nilang ito. (Huwag patigasin ang puso, magsisi, lumapit sa Panginoon “nang may buong layunin ng puso,” at “mangunyapit sa Diyos na tulad ng kanyang pangungunyapit sa [kanila].”) Matapos masabi sa klase ng mga estudyante ang nalaman nila, itanong:

  • Paano inilarawan ni Jacob ang Panginoon? Ano ang kahulugan sa inyo ng “ang bisig ng awa [ng Panginoon] ay nakaunat sa inyo”?

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Panginoon mula sa talinghaga ng mga punong olibo na naglalarawan kung paano Siya nangungunyapit sa inyo? Ano ang maaari ninyong gawin na nagpapakita na nangungunyapit kayo sa Panginoon?

Ibuod ang Jacob 6:7–10 na ipinapaliwanag na matapos tayong “busugin ng mabuting salita ng Diyos,” hindi tayo dapat mamunga ng masamang bunga. Dapat nating sundin ang mga salita ng mga propeta. Kung hindi tayo magsisisi, babala ni Jacob, tayo ay papanagutin sa ating mga kasalanan sa harapan ng hukuman ng Panginoon. Hikayatin ang mga estudyante na basahin nang tahimik ang Jacob 6:11–13 at alamin ang huling payo ni Jacob. Matapos maibahagi ang nalaman nila, itanong:

  • Bakit makabubuting piliing magsisi at maghanda ngayon para sa pagtayo sa harapan ng Panginoon at paghatol Niya?

Patotohanan na makabubuting maghanda ngayon para sa paghuhukom sa pamamagitan ng pagsisisi at pagtanggap sa awa ng Panginoon.

Para tapusin ang lesson na ito, bigyang-diin na inihahanda tayo ng pagsisisi hindi lamang sa darating na paghuhukom kundi pati na rin sa paglilingkod sa Panginoon ngayon. Magpatotoo sa mga estudyante na nais ng Panginoon na maglingkod sila na kasama Niya at makadama ng kagalakan na kasama Niya at na kaya nilang maging karapat-dapat na gawin ito kapag sinunod nila ang Kanyang mga kautusan, nagsisi, at tinanggap ang Kanyang awa.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Jacob 5. Buod ng talinghaga ng mga likas at ligaw na punong olibo

talinghaga ng punong olibo