Pambungad sa Ang Aklat ni Jarom
Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?
Sa pag-aaral ng mga estudyante sa aklat ni Jarom, makikita nila na tinutupad ng Diyos ang Kanyang pangako na pagpalain ang mga sumusunod sa Kanyang mga kautusan. Malalaman din nila ang tungkol sa pagsisikap ng mga Nephitang hari, propeta, guro, at saserdote noong panahon ni Jarom upang tulungan ang mga tao na magsisi at makaligtas sa pagkalipol.
Sino ang sumulat ng aklat na ito?
Si Jarom na anak ni Enos ang sumulat ng aklat na ito. Tulad ng kanyang ama—at tulad ng kanyang lolong si Jacob at ng kanyang lolo-sa-tuhod na si Lehi—si Jarom ay nagkaroon ng diwa ng propesiya at paghahayag (tingnan sa Jarom 1:2). Nang matapos niya ang kanyang talaan, ibinigay niya ang mga lamina sa kanyang anak na si Omni.
Para kanino isinulat ang aklat na ito at bakit?
Sinabi ni Jarom na sumulat siya “alinsunod sa kautusan ng [kanyang] ama, si Enos, upang maingatan ang [kanilang] talaangkanan” (Jarom 1:1). Sinabi rin niya na ang kanyang talaan ay “[isinulat para sa] kapakanan ng [kanyang] mga kapatid, ang mga Lamanita” (Jarom 1:2; tingnan din sa Enos 1:13–18). Hindi itinala ni Jarom ang kanyang sariling mga propesiya at paghahayag, dahil naniniwala siya na ang mga itinala ng kanyang mga ama ay sapat nang “inihayag ang plano ng kaligtasan” (Jarom 1:2). Sa halip, inilarawan niya ang mga pagsisikap ng mga pinunong Nephita sa panahon ng kanyang paglilingkod. Ang mga pinunong ito “ay mga makapangyarihang lalaki sa pananampalataya sa Panginoon” (Jarom 1:7) na patuloy na naghihikayat sa mga tao na magsisi at sundin ang mga kautusan (tingnan sa Jarom 1:3–5, 10–12). Nakita ni Jarom na kapag pinili ng mga tao na sundin ang payo ng kanilang mabubuting pinuno, sila ay umuunlad at napapalakas ang kanilang sarili laban sa mga Lamanita. Pinatotohanan niya na, “Ang salita ng Panginoon ay napatunayan, na kanyang sinabi sa aming mga ama, sinasabi na: Habang inyong sinusunod ang aking mga kautusan kayo ay uunlad sa lupain” (Jarom 1:9; tingnan din sa 1 Nephi 2:19–20).
Kailan at saan ito isinulat?
Ang saklaw na panahon ng aklat ni Jarom ay humigit-kumulang 59 na taon, mula mga 420 B.C. hanggang 361 B.C. (tingnan sa Enos 1:25; Jarom 1:13). Isinulat ito sa lupain ng Nephi.
Ano ang ilan sa mga natatanging katangian ng aklat na ito?
Ang aklat ni Jarom ang pinakamaikling aklat sa Aklat ni Mormon. Nagbibigay ito ng mga detalye tungkol sa pag-unlad ng sibilisasyon ng mga Nephita, nagsasaad na sila ay “labis [na] dumami, at nagsikalat sa ibabaw ng lupain” (Jarom 1:8). Sila rin ay naging mayayaman at naging mahuhusay sa paggawa ng mga bagay na yari sa kahoy at metal, pagtatayo ng mga gusali, mga makinarya, at paggawa ng mga kagamitan at mga sandata (tingnan sa Jarom 1:8).
Outline
Jarom 1:1–2 Tinanggap ni Jarom ang mga lamina at ipinaliwanag ang kanyang layunin sa pagsulat.
Jarom 1:3–12 Itinala ni Jarom ang katuparan ng pangako ng Panginoon na pagpapalain at pauunlarin ang mga Nephita kapag sinunod nila ang Kanyang mga kautusan. Pinatotohanan niya ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na iligtas ang mga tao mula sa kasalanan bago pa man ang Kanyang mortal na ministeryo, na nagtulot sa mga tao na “maniwala [sa kanya] na para bagang pumarito na siya” (Jarom 1:11).
Jarom 1:13–15 Sinabi ni Jarom na nakatala ang mga digmaan ng mga Nephita at mga Lamanita sa malalaking lamina ni Nephi. Ibinigay niya ang maliliit na lamina sa kanyang anak na si Omni.