Lesson 1
Ang Responsibilidad ng Estudyante
Pambungad
Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan ang mga estudyante na magawa ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral ng ebanghelyo. Iniisip minsan ng mga estudyante na ang responsibilidad nila na matuto ay nakasalalay lamang sa kanilang mga titser. Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang pangangailangan na hangarin kapwa ng estudyante at titser ang paggabay ng Espiritu Santo:
“Ang mga problema at mga tukso na naranasan ng ating mga estudyante sa nakalipas lamang na limang taon ay napakadaling lutasin kung ihahambing sa mga nakikita natin ngayon, at sa mas mahihirap na panahong darating. Nadama ko … na hindi magiging sapat ang mga ginawa natin noon at ginagawa ngayon. Kailangan natin ng mas malakas na kapangyarihan para tulungan ang mga estudyante na mas maisapuso at maipamuhay ang ebanghelyo. …
“Kailangan ninyong mapatnubayan lagi ng Espiritu para makapagturo nang may kapangyarihan, at hindi magtatagumpay ang inyong mga estudyante sa aspetong espirituwal kung hindi mapapasakanila ang Espiritu” (“The Spirit Must Be Our Constant Companion” [mensahe para sa mga CES religious educator, Peb. 7, 2003], 1, si.lds.org).
Kapag nagtuturo ka sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo at tinutulungan mo ang mga estudyante na matututo gamit ang kapangyarihan ding iyon, matutulungan mo silang magbagong-loob o magbalik-loob sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Maaaring kailangan mong balikan nang madalas ang mga alituntuning itinuro sa lesson na ito upang maipaalala sa mga estudyante ang kanilang mga responsibilidad sa klase.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Responsibilidad ng bawat isa na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya
Papuntahin ang isang estudyante sa harap ng klase. Ipaliwanag na gusto mong tulungan ang estudyanteng ito na magkaroon ng mas malakas na pangangatawan. Pagkatapos ay papuntahin ang isa pang estudyante sa harap at sabihin sa estudyanteng ito na magpush-up nang limang beses.
Matapos mag-push-up ang pangalawang estudyante, itanong sa unang estudyante:
-
Napalakas ka ba ng mga push-up na iyon?
Itanong sa klase:
-
Paano maihahalintulad ang halimbawa ng pag-ehersisyo ng katawan sa inyong responsibilidad na mag-aral ng ebanghelyo? Sino ang responsable sa inyong pag-aaral ng ebanghelyo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:118.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “maghangad na matuto … sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya”? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na kailangang pagsikapan ng bawat isa ang matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya.)
Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ibig sabihin ng matuto sa pamamagitan ng pananampalataya. Hikayatin ang mga estudyante na isulat ang pahayag na ito (maaaring sa kanilang mga scripture study journal o class notebook) para mabalik-balikan nila ito sa buong taon:
“Ang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangailangan ng espirituwal, mental, at pisikal na pagsisikap at hindi lamang basta pakikinig at walang gagawin. … Kailangang manampalataya ng estudyante at kumilos upang matamo ang kaalaman para sa kanyang sarili” (“Seek Learning by Faith” [mensahe para sa mga CES religious educator, Peb. 3, 2006], 3, si.lds.org).
Personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw
Ipaliwanag na ang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw ay mahalagang bahagi ng paghahangad na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 3:29–30.
-
Ano sa palagay ninyo ang kaibhan ng kaswal na pagbabasa ng mga banal na kasulatan sa “[pag]yakap sa salita ng Diyos”?
-
Ayon sa mga talata na binasa natin, anong mga pagpapala ang darating kapag niyakap natin ang salita ng Diyos?
-
Ano pang mga pagpapala ang dumarating kapag nag-aaral tayo ng mga banal na kasulatan araw-araw?
-
Kailan kayo nakatanggap ng mga pagpapala dahil sa pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan?
Sa pagsagot ng mga estudyante sa mga tanong na ito, tiyakin na nauunawaan nila na ang araw-araw na pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay nakapagpapalakas ng ating patotoo, nag-aanyaya sa Banal na Espiritu sa ating mga buhay, at tumutulong sa atin na matutuhan ang ebanghelyo.
Sabihin sa mga estudyante na sagutan ang isa sa mga sumusunod na tanong sa kanilang scripture study journal:
-
Paano ninyo mas mapagbubuti ang pag-aaral ninyo ng Aklat ni Mormon?
-
Paano nakaimpluwensya ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon sa inyong nadarama tungkol kay Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante na magtakda ng mithiin na pag-aralan araw-araw ang Aklat ni Mormon ngayong taon. Sabihin sa kanila na magtakda ng mithiin na basahin ang buong Aklat ni Mormon ngayong taon sa seminary. Maaari mong imungkahi sa kanila na isulat ang mga mithiing ito sa kanilang scripture study journal. Ipaalala sa kanila na makatutulong ang mga mithiing ito sa pagtapos ng mga kailangang gawin sa Tungkulin sa Diyos at Pansariling Pag-unlad.
Matuto sa pamamagitan ng Espiritu
Kopyahin ang sumusunod na diagram sa pisara. Huwag munang kopyahin ang mga salita sa diagram. Isusulat mo ang mga ito habang nagtatalakayan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 50:17–18.
-
Ayon sa mga talatang ito, ano ang iniuutos ng Panginoon sa titser ng ebanghelyo? (Mangaral ng katotohanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu.)
Isulat ang Espiritu Santo at Titser sa diagram, tulad ng nasa itaas. Ibahagi ang iyong mga kaisipan tungkol sa paghingi ng patnubay ng Espiritu Santo sa iyong pagtuturo. Tulungan ang mga estudyante na malaman na sa iyong paghahanda at pagtuturo, matapat kang nagsisikap na magabayan ng Espiritu.
Sabihin sa mga estudyante na maglagay ng bookmark sa Doktrina at mga Tipan 50 (dahil babalikan nila ang bahaging ito mamaya). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 33:1.
-
Ano ang ginagawa ng Espiritu Santo para sa estudyante kapag itinuturo sa kanila ang ebanghelyo?
Ipaliwanag na upang matutuhan ang ebanghelyo sa paraan ng Panginoon, kailangan nating tanggapin ang responsibilidad na matuto sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 50:19–21.
-
Ano ang dapat nating isulat sa kanang sulok sa may ibaba ng tatsulok? (Isulat ang Estudyante.)
-
Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng tanggapin ang katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu?
Maaari kang magturo ng ilang alituntunin tungkol sa pagkilala ng impluwensya ng Espiritu Santo. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na kadalasan ay tahimik na nangungusap sa atin ang Espiritu, sa pamamagitan ng ating puso at isipan (tingnan sa 1 Nephi 17:45; D at T 8:2–3). Hatid rin ng Espiritu Santo ang pagmamahal, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, pagiging maamo, kabaitan, pananampalataya, at pag-asa (tingnan sa Mga Taga Galacia 5:22–23; D at T 11:12).
-
Ano ang magagawa ninyo sa seminary para maihanda ang inyong sarili na matuto sa pamamagitan ng Espiritu?
Bilang bahagi ng talakayang ito, tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang isang mahalagang paraan para matuto sa pamamagitan ng Espiritu ay maging handa sa pagbabahagi ng ating mga patotoo sa isa’t isa. Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Kapag ipinahayag ng mga estudyante ang mga katotohanan, [ang mga katotohanang ito] ay pinagtitibay sa kanilang mga kaluluwa at pinalalakas ang kanilang sariling patotoo” (“To Understand and Live Truth” [mensahe para sa mga CES religious educator, Peb. 4, 2005], 3, si.lds.org).
Ipaalala sa mga estudyante na naglalaman ang mga programang Tungkulin sa Diyos at Pansariling Pag-unlad ng mga mungkahi na magbahagi ng mga katotohanan ng ebanghelyo sa iba. Hikayatin sila na ibahagi ang kanilang mga karanasan sa seminary, sa mga korum o klase, at sa mga pakikipag-usap sa kanilang mga kapamilya at kaibigan. Bigyang-diin na kapag nagsikap silang ipaliwanag, ibahagi, at patotohanan ang mga katotohanan ng ebanghelyo, pag-iibayuhin ng Diyos ang kanilang kakayahan na talakayin ang ebanghelyo sa iba.
Tukuying muli ang diagram sa pisara. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 50:14, 22.
-
Paano ibinubuod ng mga talatang ito ang gawain ng Espiritu Santo, ang responsibilidad ng titser, at ng estudyante sa pag-aaral ng ebanghelyo? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang Espiritu Santo, na tinatawag ding Espiritu at Mang-aaliw sa scripture passage na ito, ang nagtuturo ng katotohanan. Kailangang magturo ang titser sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu, at kailangang matuto ang estudyante sa pamamagitan din ng kapangyarihang iyon.)
-
Ano ang nangyayari kapag natututo ang estudyante sa pamamagitan ng Espiritu at nagtuturo ang titser sa pamamagitan ng Espiritu? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pinagtitibay ay pinatatatag, pinalalakas, pinaliliwanag o pinauunlad.)
Sa Aklat ni Mormon, sina Enos at Alma ay mga halimbawa ng mga tao na natuto sa pamamagitan ng Espiritu. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Enos 1:4–10 at Alma 5:45–47. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga scripture reference na ito.) Pagkatapos ay itanong:
-
Ano ang ginawa ni Enos (o ni Alma) para matuto sa pamamagitan ng Espiritu?
-
Ano ang ginawa ng Espiritu para kay Enos (o kay Alma)?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bednar:
“Dapat palagi nating tatandaan na ang Espiritu Santo ay ang guro na, sa pamamagitan ng angkop na paanyaya, ay makapapasok sa puso ng mag-aaral” (“Seek Learning by Faith,” 4).
-
Paano maiaangkop ang mga napag-aralan na natin ngayon sa responsibilidad ng bawat isa bilang mga estudyante ng klaseng ito? (Sa pagsagot ng mga estudyante, tiyakin na nauunawaan nila na kapag binuksan natin ang ating mga puso at humingi sa Diyos nang may pananampalataya, tutulungan tayo ng Espiritu Santo na maunawaan ang mga katotohanan ng ebanghelyo.)
Para matulungan ang mga estudyante na makaisip ng mga paraan para matulungan ang isa’t isa na matuto sa pamamagitan ng Espiritu, itanong:
-
Anu-ano ang maaari nating gawin na tutulong na maanyayahan ang Espiritu sa ating klase? (Maaaring kabilang sa mga posibleng sagot ang pag-awit ng pambungad na himno, pagdadala ng mga banal na kasulatan sa klase at paggamit nito araw-araw, pagiging handang sagutin ang mga tanong at magbahagi ng mga karanasan, pagdarasal para sa isa’t isa, at paghiling ng patnubay ng Espiritu Santo.)
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan na maaaring makaapekto rin sa buong klase ang mga di-mabuting gawain, itanong:
-
Anong uri ng pag-uugali o asal ang makapagpapaalis sa Espiritu sa seminary class?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang kahalagahan ng Espiritu Santo bilang kanilang guro.
-
Kailan ninyo naranasan na tinuruan kayo ng Espiritu?
Tapusin ang lesson sa paghikayat sa mga estudyante na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya sa kanilang pag-aaral ng Aklat ni Mormon ngayong taon sa seminary. Maaari mong patuloy na hikayatin ang mga estudyante sa buong taon na patuloy na gawin ito.