Home-Study Lesson
Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan–Buod ng Aklat ni Mormon (Unit 1)
Pambungad
Ang lesson sa linggong ito ay nagbigay-diin sa responsibilidad ng bawat estudyante sa pag-aaral ng ebanghelyo. Binigyang-diin din nito ang mahalagang bahagi ng Aklat ni Mormon sa pagtulong sa mga estudyante na magkaroon ng patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan. Sa iyong pagtuturo, tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng masigasig na pag-aaral ng sagradong aklat na ito ng mga banal na kasulatan at ang mga pagpapalang darating sa kanilang buhay sa paggawa nila nito.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Maaari kang magsimula sa pagtatanong sa mga estudyante ng mga sumusunod:
-
Ano ang pagkakaiba ng isang taong nagbabasa ng Aklat ni Mormon at nagkakaroon ng patotoo mula sa isang tao na nagbabasa at hindi nagkakaroon ng patotoo? (Ang ilan ay basta nagbabasa lang; ang iba naman ay nagbabasa nang may pananampalataya, nang may tunay na layunin, at nang may bukas na puso para sa Espiritu Santo.)
-
Paano natututuhan ng isang tao ang mga espirituwal na katotohanan? (Maaari mong ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Balikan ang listahang ito pagkatapos basahin ang pahayag ni Elder David A. Bednar sa ibaba.)
Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag, na hindi isinusulat ang mga sinalungguhitang salita: “Maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya.”
Rebyuhin kung ano ang natutuhan ng mga estudyante ngayong linggo sa pamamagitan ng pagkumpleto ng pahayag sa pisara. Kung kailangan nila ng tulong, ipabasa sa kanila ang Doktrina at mga Tipan 88:118. Itanong sa kanila kung ano ang ibig sabihin ng maghangad na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa pagtalakay mo nito, tiyaking nauunawaan nila na ang matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya ay kailangang pagsikapan ng bawat isa.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung bakit kailangan ng pagsisikap at paggawa sa pag-aaral ng ebanghelyo, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung ano ang nangyayari kapag nagsisikap tayong mag-aral ng mga espirituwal na bagay.
“Ang isang nag-aaral na ginagamit ang kalayaan sa pamamagitan ng pagkilos nang naaayon sa mga tamang alituntunin ay binubuksan ang kanyang puso para sa Espiritu Santo at inaanyayahan ang Kanyang turo, kapangyarihan na magpatotoo, at nagpapatunay na pagsaksi. Ang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangailangan ng espirituwal, mental, at pisikal na pagsisikap at hindi walang-kusang pagtanggap lamang.” (“Seek Learning by Faith,” Ensign, Set. 2007, 64).
Itanong sa mga estudyante: Ano ang sinabi ni Elder Bednar na mangyayari sa isang nag-aaral na nagsisikap na mag-aral ng mga espirituwal na bagay?
Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga karanasan kung kailan sila talagang espirituwal na nagsikap at nakadama na mas pinatnubayan sila ng Espiritu Santo dahil dito. Maaari mong idagdag ang iyong patotoo na ang ating mga pagsisikap na mapanalanging pag-aralan ang ebanghelyo ay mag-aanyaya sa Espiritu Santo sa ating pag-aaral.
Itanong sa mga estudyante: Anu-ano ang mga partikular na bagay na maaari ninyong gawin sa taon na ito para “maghangad na matuto … sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya”?
Ang Plano ng Kaligtasan
Rebyuhin ang iba’t ibang pangalang itinawag sa plano ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagsasabi sa mga estudyante na isulat sa pisara ang mga pangalang isinulat nila sa kanilang scripture study journal para sa assignment 1 ng kanilang day 2 lesson. Kung kailangan nila ng tulong, ipabuklat sa kanila ang pahina kung saan ito makikita sa kanilang study guide o gabay sa pag-aaral.
Maaari mong itanong: Ano ang itinuturo ng mga pangalang ito tungkol sa layunin ng plano ng kaligtasan? (Layunin ng plano ng Ama sa Langit na mabigyan ng walang hanggang kaligtasan at kaligayahan ang Kanyang mga anak.)
Ipaliwanag na maraming pagkakataon sa taon na ito para matutuhan kung paano tumutugma ang mga katotohanang natutuhan natin sa Aklat ni Mormon sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit. Maaari mong ipahanap at ipamarka sa mga estudyante sa kanilang banal na kasulatan ang mga alituntuning nauugnay sa plano ng kaligtasan sa kanilang pag-aaral ngayong taon. Maaari kang magbigay ng ilang halimbawa ng mga alituntuning maaari nilang mahanap sa kanilang pag-aaral. Hikayatin silang ibahagi sa klase ngayong taon ang kanilang mga nahanap.
Pahina ng Pamagat, Pambungad, at Patotoo ng mga Saksi
Sabihin sa mga estudyante na makibahagi sa isang dula-dulaan sa pag-iisip kunwari na nagbibigay sila ng isang kopya ng Aklat ni Mormon sa isang taong hindi miyembro ng Simbahan.
Hatiin ang klase sa dalawang grupo, at paghandain ang bawat grupo para sa isang dula-dulaan sa pamamagitan ng pagtalakay ng mga tanong na naka-assign sa kanilang grupo. Maaaring makatulong kung isusulat mo sa pisara ang mga tanong bago magsimula ang klase o magbigay ng kopya ng mga tanong sa bawat estudyante. Hikayatin ang mga estudyante na hanapin at markahan ang mga impormasyon na sa tingin nila ay mahalagang ibahagi kapag nagtuturo ng tungkol sa Aklat ni Mormon.
Mga tanong para sa Group 1:
-
Ano ang Aklat ni Mormon? (Tingnan ang pambungad, talata 1–3.)
-
Ano ang layunin ng Aklat ni Mormon? (Tingnan ang pahina ng pamagat, talata 2.)
-
Anu-ano ang mga pagpapalang dumarating kapag ipinamuhay natin ang mga tuntunin at mga alituntunin na itinuturo ng Aklat ni Mormon? (Tingnan ang pambungad, talata 6.)
Mga tanong para sa Group 2:
-
Paano lumabas ang Aklat ni Mormon? (Tingnan ang pambungad, talata 4–5.)
-
Paano natin malalaman na totoo ang Aklat ni Mormon? (Tingnan ang pambungad, talata 8.)
-
Anu-ano pa ang maaari nating malaman sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo? (Tingnan ang pambungad, huling talata.)
Pagkatapos ng sapat na oras para makapaghanda ang mga estudyante, pumili ng isang estudyante na gaganap bilang isang tao na hindi miyembro ng Simbahan. Mag-anyaya ng isang boluntaryo mula sa bawat grupo na magbibigay ng Aklat ni Mormon at magtuturo sa taong iyon. Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang mga sagot sa mga tanong na pinag-aralan nila sa grupo para maituro sa unang estudyante ang tungkol sa Aklat ni Mormon.
Kapag natapos na silang magdula-dulaan, maaari mong itanong sa klase kung mayroong silang maibabahaging karagdagang impormasyon kung sila ang taong magbibigay ng Aklat ni Mormon at magtuturo nito. Maaari mong itanong: Ano ang natutuhan o naalala ninyo tungkol sa Aklat ni Mormon sa aktibidad na ito?
Sa pagsagot ng mga estudyante, tiyakin na nauunawaan nila na ang Aklat ni Mormon ay isang saksi na si Jesus ang Cristo. Bigyang-diin ang kahalagahan ng pagbibigay ng pansin kung paano nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo ang Aklat ni Mormon. Bukod dito, ipaliwanag na tutulong sa kanila ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon para maunawaan ang doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo at mapalakas ang kanilang patotoo sa Kanyang Simbahan.
Ipaalala sa mga estudyante na nakita ng mga nagsulat ng Aklat ni Mormon ang ating panahon at isinulat nila ang mga bagay na lubos na makatutulong sa atin (tingnan sa Mormon 8:35).
Itanong sa mga estudyante: Ano ang natutuhan ninyo ngayong linggo na makakaapekto sa paraan ng pag-aaral ninyo ng Aklat ni Mormon?
Sabihin sa ilan sa mga estudyante na magbahagi ng kanilang plano kung paano nila matutupad ang kanilang responsibilidad na basahin ang Aklat ni Mormon ngayong taon. Magtapos sa pagbabahagi ng iyong mga nararamdaman at patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon at kung paano nakaapekto sa iyong buhay ang pag-aaral nito.
Susunod na Unit (1 Nephi 1–6, 9)
Itanong sa mga estudyante kung may nalalaman silang isang bagay na tama pero mahirap o imposible itong magawa. Ipaliwanag na sa susunod na linggo, matutuklasan nila na naranasan ni Nephi ang ganoong uri ng hamon, at malalaman nila kung paano siya umasa sa Diyos para magawa ang isang bagay na tila imposible.