Library
Lesson 138: Mormon 3–4


Lesson 138

Mormon 3–4

Pambungad

Matapos mabawi ang kanilang mga lupain mula sa mga Lamanita, ang mga Nephita ay muling naghanda para sa digmaan. Hinikayat ni Mormon ang mga Nephita na magsisi. Sa halip na magsisi, ipinagmalaki pa nila ang kanilang sariling lakas at sumumpang ipaghihiganti ang pagkamatay ng kanilang mga kapatid. Dahil ipinagbawal ng Panginoon sa Kanyang mga tao ang paghihiganti, tumanggi si Mormon na pamunuan ang hukbo ng mga Nephita at sila ay natalo. Nang patuloy pa rin sa kasamaan ang mga Nephita, ipinataw na ng Diyos ang Kanyang kahatulan sa kanila at nagsimulang ubusin ng mga Lamanita ang mga Nephita sa balat ng lupa.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mormon 3:1–8

Iniligtas ng Panginoon ang mga Nephita sa digmaan upang bigyan sila ng pagkakataon na magsisi, ngunit pinatigas nila ang kanilang mga puso

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Nadama na ba ninyo na sinusubukan ng Panginoon na tawagin ang inyong pansin at hinihikayat kayo na baguhin ang mga bagay-bagay sa inyong buhay?

Simulan sa pagsasabi sa mga estudyante na sagutin ang tanong sa pisara. (Tiyakin na nauunawaan nila na hindi sila obligadong magbahagi ng anumang bagay na napakapersonal o napakapribado.) Maaari ka ring magbahagi ng isang karanasan.

Ipaliwanag na nais ng Panginoon na makuha ang pansin ng mga Nephita para baguhin nila ang kanilang masamang pamumuhay. Gayunman, pinatigas ng mga Nephita ang kanilang puso at hindi natanto na tinulungan sila ng Panginoon sa mga pakikipaglaban nila sa mga Lamanita. Pagkatapos makipagkasunduan ang mga Nephita sa mga Lamanita at mga tulisan ni Gadianton (tingnan sa Mormon 2:28), pinrotektahan sila ng Panginoon, tinulutan silang mamuhay nang mapayapa sa loob ng 10 taon. Sa mga panahong iyon, tinulungan ni Mormon ang mga Nephita sa paghahanda para sa mga darating na digmaan (tingnan sa Mormon 3:1).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mormon 3:2–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang nais ng Panginoon na gawin ng mga Nephita sa panahong iyon ng kapayapaan na ibinigay Niya sa kanila.

  • Anong mensahe ang inutos ng Panginoon na ibigay ni Mormon sa mga Nephita? Naunawaan ba ng mga Nephita ang mensaheng ito? Paano tumugon ang mga Nephita sa mensaheng ito?

  • Ayon sa Mormon 3:3, bakit iniligtas ng Panginoon ang mga Nephita sa kanilang mga nakaraang digmaan sa kabila ng kanilang kasamaan?

  • Anong katotohanan ang matutukoy ninyo mula sa pakikipag-ugnayan ng Panginoon sa mga Nephita na nakatala sa Mormon 3:2–3? (Maaaring makapagbigay ng iba-ibang sagot ang mga estudyante. Ibuod ang kanilang mga sagot sa pagsulat sa pisara ng sumusunod na alituntunin: Binibigyan tayo ng Panginoon ng sapat na pagkakataon na pagsisihan ang ating mga kasalanan. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan.)

Ibuod ang Mormon 3:4–8 na ipinapaliwanag na pinrotektahan ng Panginoon ang mga Nephita nang dalawang beses pa sa digmaan, sa kabila ng kanilang kasamaan at sadyang hindi pagbaling sa Kanya.

  • Ano ang itinuturo sa inyo ng pagprotekta ng Panginoon sa mga Nephita tungkol sa Kanyang pagkatao? (Maaaring kabilang sa mga sagot ay ang Panginoon ay maawain at matiyaga.)

Bigyang-diin na tayong lahat ay binibigyan ng Panginoon ng “pagkakataon na makapagsisi” (Mormon 3:3). Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na tahimik na pagbulay-bulayan o pag-isipang mabuti ang mga sumusunod na tanong:

  • Handa ba kayong magsisi at gawin ang mga pagbabago na ipinagagawa sa inyo ng Diyos? May dapat ba kayong baguhin ngayon upang maging ang uri ng tao na nais ng Diyos na kahinatnan ninyo?

Patotohanan ang kabutihan at katiyagaan ng Diyos sa pagbibigay sa atin ng mga pagkakataon na magsisi. Sabihin sa mga estudyante na mag-abang ng mga pagkakataon at paanyaya na gumawa ng pagbabago sa kanilang buhay, at hikayatin sila na gawin agad ito.

Mormon 3:9–22

Tumindi ang kasamaan ng mga Nephita, at tumanggi si Mormon na pamunuan ang kanilang mga hukbo

Ipaliwanag na hindi tumugon ang mga Nephita sa paanyaya ng Panginoon na magsisi sa halip ay pinatigas nila ang kanilang mga puso. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mormon 3:9–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang reaksyon ng mga Nephita sa maraming tagumpay nila laban sa mga Lamanita.

  • Ano ang naging reaksyon ng mga Nephita matapos manalo nang maraming beses sa mga Lamanita?

  • Bakit hindi tama na ipagmalaki ng mga Nephita ang sarili nilang lakas? Ano ang ipinapakita ng pagmamalaking ito sa kaugnayan nila sa Diyos?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mormon 3:11–13. Sabihin sa klase na alamin ang ginawa ni Mormon nang sumumpa ang mga Nephita na maghihiganti.

  • Ano ang ginawa ni Mormon nang ihayag ng mga Nephita ang hangarin nilang maghiganti sa mga Lamanita?

  • Ginusto na ba ninyong maghiganti sa isang tao? Sa inyong palagay, bakit ang paghihiganti ay karaniwang tugon ng maraming tao?

  • Pinamunuan ni Mormon ang mga hukbo ng mga Nephita nang mahigit 30 taon, sa kabila ng kanilang kasamaan. Ano ang itinuturo sa atin ng pagtanggi ni Mormon na pamunuan ang hukbo tungkol sa pagiging mabigat na kasalanan ng paghihiganti?

Ipabasa sa isang estudyante ang Mormon 3:14–16, at sabihin sa klase na alamin ang itinuro ng Tagapagligtas kay Mormon tungkol sa paghihiganti.

  • Ano ang saloobin ng Panginoon tungkol sa paghihiganti? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante. Ibuod ang kanilang mga sagot sa pagsulat sa pisara ng sumusunod na katotohanan: Ipinagbabawal sa atin ng Panginoon ang maghiganti.)

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang payo ng Panginoon sa talata 14–16, sabihin sa mga estudyante na muling sabihin ang unang bahagi ng Mormon 3:15 (“Sa akin ang paghihiganti, at ako ang gaganti”) sa sarili nilang mga salita.

  • Bakit mahalagang hindi maghiganti? Paano natin mapaglalaban ang hangaring maghiganti?

Upang matulungan ang mga estudyante na mapaglabanan ang hangaring maghiganti, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na payo ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan. Kung maaari, gumawa ng kopya ng pahayag at ibigay sa bawat estudyante.

Pangulong James E. Faust

“Kailangan nating maunawaan at tanggapin na galit tayo. Kailangan ng pagpapakumbaba para magawa ito, ngunit kung luluhod tayo at hihingi sa Ama sa Langit ng kakayahang magpatawad, tutulungan Niya tayo. Inutusan tayo ng Panginoon, na ‘magpatawad sa lahat ng tao’ [D at T 64:10] para sa ating ikabubuti dahil ‘ang pagkamuhi ay hadlang sa espirituwal na pag-unlad.’ [Orson F. Whitney, Gospel Themes (1914), 144.] Sa pagwaksi ng pagkamuhi at kapaitan lamang maaaliw ng Panginoon ang ating puso. …

“… Kapag dumating ang trahedya, huwag nating hangaring maghiganti, sa halip hayaan nating manaig ang katarungan, at magparaya. Hindi madaling magparaya at alisin sa ating puso ang galit. [Nagkaloob] ang Tagapagligtas ng mahalagang kapayapaan sa ating lahat sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ngunit dumarating lamang ito kapag handa tayong iwaksi sa ating damdamin ang galit, pagkayamot, o paghihiganti” (“Ang Nakapagpapahilom na Kapangyarihan ng Pagpapatawad,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 69).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mormon 3:17, 20–22, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang nais ni Mormon na malaman natin. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang payo ni Mormon na “magsisi at maghandang tumindig sa harapan ng hukumang-luklukan ni Cristo” (Mormon 3:22).

Mormon 4

Nagsimulang ubusin ng mga Lamanita ang mga Nephita sa balat ng lupa

Sabihin sa mga estudyante na itaas ang kanilang kamay kung may kilala sila na gumawa ng mali pero hindi pa nahuhuli o nararanasan ang mga bunga ng mga maling ginawa nito. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong:

  • Naisip na ba ninyo kung kailan darating ang bunga ng maling pagpili ng isang tao na sinadyang gawin ang mali?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mormon 4:1–2 at alamin ang nangyari sa hukbo ng mga Nephita nang maghiganti sila sa mga Lamanita. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mormon 4:4 at alamin kung bakit hindi nagtagumpay ang mga hukbo ng mga Lamanita. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mormon 4:5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga katotohanang itinuro sa talatang ito tungkol sa mga ibubunga ng patuloy na paggawa ng kasamaan. Pagkatapos maibahagi ng mga estudyante ang nahanap nila, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan mula sa Mormon 4:5: “Ang mga kahatulan ng Diyos ay aabot sa masasama.” Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mormon 4:10–12 at hanapin ang paglalarawan sa kasamaan ng mga Nephita. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nahanap nila.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mormon 4:13–14, 18, 21–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano ipinataw ang mga kahatulan ng Diyos sa mga Nephita.

  • Para sa inyo, ano ang pinakamalungkot na bahagi ng talang ito?

Muling ipabasa sa mga estudyante ang mga alituntunin na isinulat mo sa pisara. Sabihin sa kanila na isiping mabuti kung paano nila maipamumuhay ang mga katotohanang ito. Hikayatin silang gawin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu na matatanggap nila habang pinag-iisipan nila ito.

Patotohanan ang kabutihan at pagmamahal ng Panginoon sa pagbibigay sa atin ng sapat na mga pagkakataon na magsisi. Patotohanan din na ang mga ibubunga ng mga nagawang kasalanan ay palaging darating sa mga taong patuloy na gumagawa ng kasalanan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mormon 3:9–10. Panunumpa

Sinabi ni Mormon na ang mga Nephita ay nanumpa “sa kalangitan, at gayon din sa trono ng Diyos” na maghihiganti sila sa mga Lamanita (tingnan sa Mormon 3:9–10). Ipinaliwanag ng sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahulugan ng pagsumpa sa panahon ng Aklat ni Mormon, na nagpaunawa sa atin ng kalapastanganan ng mga Nephita sa pagtatangka nilang isama ang Diyos sa kanilang paghihiganti.

“Ang pagsumpang ito sa mga sinaunang panahon ay may mas malalim na kahulugan kaysa sa inaakala ng marami sa atin.

“Halimbawa: Sinikap ni Nephi at ng kanyang mga kapatid na makuha ang mga laminang tanso mula kay Laban. Nalagay sa panganib ang kanilang buhay. Subalit ganito ang sinabi ni Nephi: ‘Yamang ang Panginoon ay buhay, at habang tayo ay nabubuhay, hindi tayo bababa sa ating ama sa ilang hangga’t hindi natin naisasagawa ang bagay na ipinag-uutos ng Panginoon sa atin.’ (1 Ne. 3:15.)

“Sa gayon ginawang kasama ni Nephi ang Diyos. Kung nabigo siyang makuha ang mga lamina, ibig sabihin nito ay nabigo rin ang Diyos. At dahil ang Diyos ay hindi nabibigo kailanman, responsibilidad ni Nephi na makuha ang mga lamina o ibuwis ang kanyang buhay sa pagkuha nito” (“The Doctrine of the Priesthood,” Ensign, Mayo 1982, 33).