Lesson 141
Mormon 8:12–41
Pambungad
Matapos isulat ang pagkalipol ng kanyang mga tao at ang kamatayan ng kanyang ama, nagpropesiya si Moroni tungkol sa paglabas ng Aklat ni Mormon at nagbabala sa mga taong hindi ito tatanggapin. Nakita ni Moroni na lalabas ang talaan ng mga Nephita sa panahon na may labis na kasamaan, kung saan mas mamahalin ng maraming tao ang kanilang mga ari-arian kaysa sa Diyos. Pinatotohanan niya na magiging malaki ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon sa gitna ng mga mapanganib na kalagayan sa aspetong espirituwal sa mga huling araw.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mormon 8:12–32
Ipinropesiya ni Moroni ang paglabas ng Aklat ni Mormon
Bago magklase, maghandang magdispley ng mga bagay o larawan na nagpapakita ng modernong teknolohiya. Sa simula ng klase, ituon ang pansin ng mga estudyante sa mga nakadispley. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson:
“Magsasalita ako ngayon tungkol sa isa sa pinakamahahalagang regalo na ibinigay sa mundo sa makabagong panahon. Ang regalong naiisip ko ay higit na mahalaga kaysa anumang imbensyon o likha na mula sa malaking pagbabago sa industriya at teknolohiya. Ito ay isang regalong may mas malaking kahalagahan sa sangkatauhan kaysa sa maraming kahanga-hangang pagbabago na nakita natin sa makabagong medisina. Ito ay may mas malaking kabuluhan sa sangkatauhan kaysa imbensyon tungkol sa paglipad o paglalakbay sa kalawakan. Ang tinutukoy ko ay ang regalo na …” (“The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” Ensign, Nob. 1986, 4).
-
Gusto ba ninyo ang regalong tinutukoy ni Pangulong Benson? Bakit?
-
Ano sa palagay ninyo ang regalong iyon?
Ipaliwanag na itinuro ni Moroni ang tungkol sa regalong ito. Ipabasa sa mga estudyante ang Mormon 8:12 para malaman kung ano ang regalong ito. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pariralang “[ang] talaang ito” ay tumutukoy sa Aklat ni Mormon. Ipaliwanag na tinukoy ni Pangulong Benson ang tungkol sa regalong Aklat ni Mormon.
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon, ipabasa nang tahimik sa kanila ang Mormon 8:13–16. Bago sila magbasa, sabihin sa kanila na alamin ang itinuro ni Moroni tungkol sa kahalagahan ng Aklat ni Mormon. Matapos ay itanong ang ilan o lahat ng sumusunod upang matulungan sila na matalakay at masuri ang nalaman nila:
-
Maaaring isipin ng ilang tao ang malaking perang halaga ng mga laminang ginto. Ayon sa Mormon 8:14, anong aspeto ng mga lamina ang tunay na “malaki ang kahalagahan”? (Tulungan ang mga estudyante na makita na dahil hindi tutulutan ng Panginoon ang sinuman na “makinabang” mula sa mga laminang ginto, ang mga lamina mismo “ay walang halaga.” Gayunman, ang mga tala na nakasulat sa mga lamina “ay malaki ang kahalagahan.”)
-
Sinabi ni Moroni na ang Aklat ni Mormon ay mailalabas lamang ng isang tao na “ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian [ng Diyos]” (Mormon 8:15). Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin nito? (Habang tinatalakay ng mga estudyante ang tanong na ito, maaari mong ipabasa sa kanila ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:46, na naglalaman ng mga tagubilin ni Moroni kay Joseph Smith, bago niya inilabas ang Aklat ni Mormon.)
-
Sa Mormon 8:16, paano nakatulong ang paglalarawan ni Moroni tungkol sa paglabas ng Aklat ni Mormon sa pagpapaliwanag ng malaking kahalagahan ng aklat na ito?
Tulad ng nakatala sa Mormon 8:17–21, binalaan ni Moroni ang mga magkokondena o sasalungat sa Aklat ni Mormon. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga talatang ito at alamin ang mga babala ni Moroni.
-
Ano ang mga babala ni Moroni sa mga taong hindi tatanggap o magkokondena sa Aklat ni Mormon?
-
Anong katotohanan ang matututuhan ninyo mula sa Mormon 8:22? Paano nakatulong ang paglabas ng Aklat ni Mormon sa mga huling araw sa pagsasakatuparan ng mga walang hanggang layunin ng Panginoon?
Ipaliwanag na ang Mormon 8:23–25 ay naglalaman ng mga salita ni Moroni tungkol sa mga panalangin ng matatapat na Banal na nabuhay bago ang kanyang panahon. Sinabi niya na sila ay magsusumamo sa Panginoon “mula sa alabok.” Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang scripture passage na ito at alamin kung ano ang ipinagdasal ng mga Banal sa sinaunang mga lupain ng Amerika hinggil sa Aklat ni Mormon.
-
Sino ang ipinagdasal ng mga sinaunang Banal? (Ipinagdasal nila ang kanilang mga kapatid—tumutukoy sa mga Lamanita at mga inapo nito—at ang taong maglalabas ng Aklat ni Mormon—tumutukoy kay Propetang Joseph Smith.)
Ipaliwanag na inilarawan ni Moroni ang mga kalagayang iiral sa panahong lalabas ang Aklat ni Mormon. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na kunwari sila si Moroni, na nabuhay mahigit 1,600 taon na ang nakararaan at tumanggap ng isang pangitain tungkol sa ating panahon.
Sabihin sa mga estudyante na sumulat ng isang talata sa notebook o scripture study journal na naglalarawan sa mga espirituwal na kalagayan ng ating panahon. Kapag nagkaroon na ng sapat na oras ang mga estudyante para makapagsulat, sabihin sa ilan sa kanila na ibahagi ang isinulat nila. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mormon 8:26–32 at ihambing ang kanilang mga talata sa propesiya ni Moroni na naglalarawan tungkol sa ating panahon. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa bawat magkapartner na ibahagi ang ilang pagkakatulad at pagkakaiba ng kanilang mga paglalarawan sa mga paglalarawan ni Moroni.
-
Ano ang nakita mong eksakto sa inilarawan ni Moroni tungkol sa ating panahon?
Isulat sa pisara ang sumusunod na buod ng mga propesiya ni Moroni: Ang Aklat ni Mormon ay lalabas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos sa panahong laganap ang matinding kasamaan. Kung nagdispley ka ng mga bagay o larawan na kumakatawan sa mga imbensyon sa teknolohiya o medisina, maglagay ng isang kopya ng Aklat ni Mormon sa tabi ng mga ito. Para matulungan ang mga estudyante na mapagbulayan at mapatotohanan ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon sa kanilang buhay, itanong ang tulad ng sumusunod:
-
Paano tayo matutulungan ng Aklat ni Mormon na mapaglabanan ang kasamaan sa ating panahon?
-
Sa anong mga paraan higit na mahalaga ang Aklat ni Mormon kaysa sa mga imbensyon sa teknolohiya at medisina?
-
Sa palagay ninyo, bakit “isa sa pinakamahahalagang regalo na ibinigay sa mundo sa makabagong panahon” ang Aklat ni Mormon ayon kay Pangulong Benson?
-
Kung itanong sa inyo ng kaibigan ninyo kung bakit mahalaga sa inyo ang Aklat ni Mormon, ano ang isasagot ninyo?
Mormon 8:33–41
Nakita ni Moroni ang mga huling araw at kinundena ang espirituwal na kasamaan ng ating panahon
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mormon 8:35. Bago siya magbasa, ipaliwanag na sa talatang ito, si Moroni ay tuwirang nagsasalita sa atin.
-
Paano nakakaimpluwensya sa paraan ng pagbabasa natin ng Aklat ni Mormon ang talatang ito?
Kapag natalakay na ng mga estudyante ang tanong na ito, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson, kung saan tinukoy niya ang mga propeta sa Aklat ni Mormon:
“Kung nakita nila ang ating panahon at pinili ang mga bagay na magiging makabuluhan sa atin, hindi ba iyon ang dapat na paraan ng pag-aaral natin ng Aklat ni Mormon? Dapat nating palaging itanong sa ating sarili, ‘Bakit binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Mormon (o si Moroni o si Alma) na isama iyon sa kanyang talaan? Anong aral ang matututuhan ko mula roon na tutulong sa akin na mamuhay sa panahong ito?’” (“The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” 6).
Hikayatin ang mga estudyante na sundin ang payo na ito sa pag-aaral nila ng natitirang bahagi ng mga sinabi ni Moroni sa Mormon 8.
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na may napansin silang isang tao na nangangailangan—sa aspetong temporal, emosyonal, sosyal, o espirituwal. Sabihin sa kanila na isipin kung ano ang ginawa nila para tulungan ang taong iyon—o, kung hindi sila tumulong, ano sana ang ginawa nila. Sabihin sa kanila na isiping mabuti kung bakit pinili nilang tumulong o hindi tumulong.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mormon 8:33–41. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga dahilan kung bakit may mga tao sa mga huling araw na hindi tumutulong sa mga nangangailangan.
-
Bakit may mga tao sa mga huling araw na hindi tumutulong sa mga nangangailangan? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang kapalaluan, kasamaan, higit na pagmamahal sa pera at maiinam na kasuotan kaysa sa pagmamahal nila sa mga nangangailangan, at paghahangad ng papuri ng sanlibutan.)
-
Sa Mormon 8:38, ginamit ni Mormon ang salitang marurumi. Ano ang ilang impluwensya sa mundo ngayon na maituturing na marurumi? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang kapalaluan, pornograpiya, at pagmamahal sa pera.)
Sabihin sa mga estudyante na sumulat ng isang pangungusap na nagbubuod sa kanilang natutuhan sa Mormon 8:36–41 tungkol sa ating responsibilidad na pangalagaan ang mga maralita at nangangailangan. Tumawag ng dalawa o tatlong estudyante para basahin ang kanilang pangungusap sa klase. Bagama’t iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Pananagutin tayo ng Diyos ayon sa paraan ng pakikitungo natin sa mga maralita at mga nangangailangan.
-
Ano sa palagay ninyo ang ilan sa pinakakaraniwang pangangailangan sa inyong paaralan o komunidad? Ano ang maaaring gawin ng mga kabataan ng Simbahan para makatulong sa pangangalaga sa mga tao na may ganitong mga pangangailangan? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na hindi sila inaasahang magbigay ng kanilang pera at oras sa bawat mabuting layunin o sa bawat taong humihingi ng tulong. Sa kanilang pamilya at sa Simbahan, maraming pagkakataon ang mga kabataan para matulungan ang mga nangangailangan. Bukod pa rito, maaari nilang sundin ang patnubay ng Espiritu sa paglilingkod.)
-
Sa inyong palagay, ano ang maaaring gawin ng mga kabataan sa Simbahan sa pangangalaga sa mga maralita? (Kung hindi nabanggit ng mga estudyante ang mga handog-ayuno [fast offering], maaari mong bigyang-diin na ang pagbabayad ng mga handog-ayuno sa pagbasa ng mga talata sa ilalim ng “Linggo ng Ayuno” sa Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], pahina 104.)
Pagkatapos ng talakayang ito, sabihin sa mga estudyante na isulat sa notebook o scripture study journal ang isa o dalawang bagay na gagawin nila sa pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan. Maaari nilang isulat ang mga mungkahing narinig nila sa klase o ang sarili nilang mga ideya. Sabihin sa kanila na magsulat ng isang mithiin na gagawin ang isa sa mga bagay na ito sa susunod na mga linggo. Hikayatin sila na isagawa ang kanilang mga mithiin.